7 Years later…..
“Grabe Melchora! Isa ka sa mga nominado bilang best actres!” Ang masayang sigaw ni Nets sa kaibigang si Monique. Madalas niya itong tinatawag sa tunay nitong pangalan sa tuwing nasosobrahan siya sa saya.
“Tigilan mo nga ang kaka-Melchora mo Nenita Palacio!” ang ganting tugon naman ng kaibigan kaya naman hindi niya maiwasang panglakihan ito ng mata. “Sige ka luluwa iyang mga mata mo kapag hindi mo yan tinigilan.” ang bantang pananakot pa niya sa kaibigan. “Pigilan mo kasi ang sarili mo sa kakatawag sakin sa tunay kong pangalan kung ayaw mong gantihan kita.” dagdag pa niya na tatawa-tawa habang binubuksan ang TV.
Si Nets naman ay napabuntong hininga na lamang at nagsabi, “Sobrang tuwa ko lang naman kasi. Isipin mo, ito na ang pang-apat na taon na nanominate ka at tatlong taong sunud-sunod na ikaw ang nananalo. Sa tingin mo, ikaw pa rin kaya ang mananalo ngayong taon?”
“Sana, pero OK lang naman kung hindi. Paulit-ulit na din naman kasi ang mga sinasabi ko sa mga speeches ko, nakakahiya na din.” ang tugon niya kasabay ng pagtawa nilang magkaibigan. Simula ng una niyang tanggapin ang role para sa second lead ng isang teleserye ay naging sunud-sunod na ang mga projects niya. Sabi ng kaibigan ay sobrang effective daw niya sa papel ng isang mapang-akit na babae at bagay na bagay daw sa kanya. Dahil sa mga role na ginagampanan niya at sa pisikal na mga katangian ay hindi naiwasan ng mga tao na isipin na maaaring ganon din siya sa tunay na buhay.
Para kay Monique ay balewala lang iyon sa kanya. Wala siyang pakialam sa mga sinasabi nila at hinahayaan niya na mag-isip ang kung sino man na makakita sa kanya na may kasamang iba’t-ibang lalaki. Naniniwala siya na hindi niya kailangan magpaliwanag sa kanila kaya laging “no comment” ang sagot niya sa kanyang mga interviews.
“Pero alam mo, kahit sobrang nega ng mga balitang lumalabas tungkol sayo, hindi ka nila mapabagsak. Sobrang mahal na mahal ka parin ng mga fans mo at talagang pinagtatanggol ka pa nila.” ang namamanghang komento ni Nets.
“Dahil yan sa animalistic appeal ko,” ang arogante niyang tugon na balewala lang din sa kanyang kaibigan. Alam at kilala niya ito kaya hindi siya apektado ng paraan ng pagsasalita nito. Kahit na sinasabi sa mga balita na isa siyang primadonna at akala mo kung sino kung umasta, kagaya niya ay hindi apektado ang mga fans sa mga ito. Sa dami ng mga project na nakapila kay Monique ay nasisiguro niya na magtatagal pa ang kasikatan nito.
Masaya silang nagkukwentuhan tungkol sa mga lalaking nakakapareha niya sa telebisyon at pelikula ng maalala ni Nets ang nangyari noong 18th birthday niya. “Monique, si Drix parin ba?” Napatigil ang dalaga at may alanganing ngiting lumabas sa kanyang mga labi.
“Bakit mo naman natanong yan?” ang pabalewala na lang niya na tanong din.
“May mga nali-link sayo pero wala isa man sa kanila ang talagang nakarelasyon mo. Si Drix pa rin ba ang nasa puso mo?” pag-uulit niya. Huminga ng malalim si Monique at malungkot na ngumiti. Hindi na nag-usisa pa ang kaibigan dahil alam na niya ang sagot sa kanyang tanong at nalungkot siya para dito. Natatandaan niya na nung high school sila ay sinabi nito na gusto niya ang binata simula palang nung 8 years old ito. Naisip niya ngayon na kaya hinahayaan niya ang mga balita tungkol sa kanya na may mga kasamang iba’t ibang lalaki ay upang maipakita sa binata na hindi na siya apektado dito.
“May babaeng laging kasama si Drix sa lahat ng mga lakad niya at bali-balita na siya na ang babaeng papakasalan nito, sigurado ka ba na magiging OK ka lang kapag nangyari yun?” hindi pa rin niya maiwasang itanong.
“Mas maganda nga kung ganon, at least, mas may dahilan na ako para tuluyan na siyang makalimutan, di ba?” Alam ni Monique na masasaktan siya dahil sa haba ng panahon ay alam niyang ito parin ang mahal niya samantalang masaya na ito sa piling ng iba. Hindi naman naging sila. Ang inakala niya na mutual understanding nila nung 15 years old siya ay isa lang palang kasinungalingan pero hindi pa rin niya maiwasang masaktan sa tuwing nakikita niya sa telebisyon at balita na kasama niya ang babaeng yon, na nagngangalang Roxanne. Naisip niya na mahalaga ito sa kanya dahil kung hindi, hindi niya ito isasama sa kahit na anong business gatherings na pinupuntahan niya.
Noong una ay hindi siya apektado sa mga babaeng nasa paligid niya dahil iba-iba naman ang mga ito. Pero ng palaging si Roxanne ang madalas na nasa tabi niya ay tuluyan na siyang kinabahan at natakot hanggang sa sandaling iyon.
“Nangako ako sa sarili ko na hindi ko na siya iisipin o paglalaanan ng panahon at damdamin, kaya lang hindi ko mapigilan ang sarili ko na maging ganun pa rin. Pakiramdam ko ang tanga-tanga ko dahil kahit anong pagsisikap ko na kalimutan siya ay hindi ko pa rin magawa.” Ang naluluhang sabi niya.
“Huwag kang mag-alala at matatagpuan mo din ang lalaking talagang nararapat sa iyo. Wala tayong magagawa sa nararamdaman mo, pero may pagkakataon ka pa para tumingin at humanap ng iba kaya sana subukan mo. Ayaw kong makita kang nasasaktan.” Ang sagot ng kaibigan na ikinangiti ni Monique.
“Salamat, you really are my best friend.”
“Alam mong lagi lang akong nasa tabi mo,”
“Pero advice kolang din sayo, kahit na doktor ang kuya Mel ko, huwag ka ding umasa na mag seryoso ang damuhong yon. Alalahanin mo, magkaibigan sila ng damuho ding Drix na yon.” ang pagbabanta niya sa kaibigan na alam niyang head over heels din sa kuya niya.
"Monique, iba ang kuya mo sa Drix na yon no. Unang una hindi niya ako pinangakuan. Pangalawa, walang babaeng aali-aligid sa kanya." Ang tugon naman ni Nets na ikinaikot ng mata ng kaibigan. "Hanggang kailan mo ba balak na mag-stay dito sa ospital? Hindi naman sa minamadali kita dahil alam mo naman na pabor sa akin ito dahil madalas kong makita ang kuya mo, kaya lang alam mo naman ang mga fans mo. Ang gusto ay lagi silang updated sa mga pangyayari sa buhay mo."
"Hayaan mo munang makapagpahinga ako dahil pagkatapos nito ay sasabak na naman ako sa araw araw na trabaho." Ang sagot naman ni Monique.
"Huwag mo naman kasi panayan ang pagtanggap sa ma project. Hindi naman kayo naghihirap pero daig mo pa ang may binubuhay na isang dosenang anak sa dami ng projects." Komento ng kaibigan at sasagot pa sana si Monique pero biglang bumukas ang pinto ng hospital room niya at pumasok ang kanyang kuya Mel kasama ang taong ayaw niyang makita.
"How are you sis?" Ang bati nito at pagtingin niya sa kaibigan ay kita niyang tahimik na itong naupo sa couch.
"Eto maganda pa rin," ang buhay na buhay na tugon ni Monique nang bumaling siya ulit ng tingin sa kuya niya mula kay Nets. Napansin din niya ng bigyan ng kapatid ng isang makahulugang tingin ang kaibigan na ikinataas ng kanyang kilay. "Why are you here?" Ang tanong niya upang makuha ulit ang atensyon ng kuya niya.
"Masama bang bisitahin ka dito?" Ang sagot na patanong naman nito matapos na ibalik ang atensyon sa kanya.
"Hindi naman, yan ay kung ako talaga ang pakay mo." Ang sabi naman niya at binigyan ang kuya ng may pagbabantang tingin.
"Mom wanted to make sure that you are OK." Sabi ni Mel.
"Alright, I'll call her. For now, you can leave."
"Kuya mo ako pero kung paalisin mo ako ay para akong ibang tao ah. Sabihin mo, may pupunta ba dito para bisitahin ka? Alam mong kailangan kong makilala ang lahat ng lalaki na nais makalapit sayo." Sabi naman ni Mel. "O baka naman itong si Drix na hindi mo pinapansin ang talagang pinapaalis mo." Dagdag pa nito na tila nanunudyo. Pero sadyang napakagaling na actress ni Monique dahil hindi makikita sa kanyang mukha na apektado siya ng presensya ng lalaking iniiwasan niyang makita.
"Seriously, Kuya?" Ang sabi pa niya na naging dahilan ng pagkunot ng noo ni Drix na tahimik lang na nakikinig sa usapan ng magkapatid. Ayaw niya sanang makita ang babae pero dahil nayaya na siya ng bestfriend ay wala na din siyang nagawa. Ayaw niyang isipin din nito na apektado pa siya sa dalaga.
Sasagot pa sana si Mel ng biglang may kumatok ulit sa pinto at natuon ang kanilang atensyon sa lalaking kakapasok lang. "Ryan!" Ang nagulat na sabi ni Monique na ikinangisi naman ng lalaking bagong dating.
"Hi, M." Sabi nito at balak pa sanang bumeso sa dalaga pagkalapit nito sa kanya, kaya lang ay napigilan ito ni Mel.
"Isang hakbang mo pa ay sisiguraduhin kong mapuputol yang paa mo." Ang banta pa nito.
"Kuya!" Ang nasabi ni Monique. Tapos ay humarap kay Ryan. "Anong ginagawa mo dito? Paano kung may makakita sayo?" Ang sunud sunod na tanong niya sa bisita.
"Paano mo akong nakilala eh balot na balot ako?" Ang hindi mapigilang tanong naman nito.
"I know you from the inside out. I can recognize you even from afar and in disguise." Sagot naman ng dalaga na ikinatuwa bi Ryan at ikinayamot naman ni Mel samantalang tahimik lang si Drix.
Dahil sa lumalabas na mga balita patungkol sa dalaga ay hindi na siya nagtaka kung may bisita man itong mga lalaki. Ang kinaiinis niya ay kung bakit parang apektado siya gayong kinalimutan na niya ito.