Chapter 4
LINCY
"Bakit ka ba nakabuntot sa akin?" iritable niyang tanong sa akin. Sinundan ko siya hanggang sa makauwi siya sa kanila.
Nakarating kami sa tila abandonadong bahay. Lumang-luma na ang itsura nito at marami na ring sira. Nakaramdam ako ng habag sa kalagayan niya.
"Huwag mo na akong guluhin. Kung naghahanap ka ng hustisya sa pagkamatay mo ay wala akong maitutulong sa'yo," sabi nito sa akin sabay pasok sa loob ng bahay.
Alam niya agad na 'yon ang kailangan ko? Ang galing naman niya!
Sabagay, gano'n yata talaga ang gusto ng mga kaluluwang ligaw na hindi pa matahimik at makatawid sa kabilang buhay; ang makamit ang hustisya na para sa kanila at sa kasamaang-palad ay nabibilang na ako roon.
Sinubukan ko kung tatagos rin ba ako sa mga pader ng bahay niya dahil isa na akong kaluluwang at laking gulat ko na nagawa ko nga!
Nakapasok ako sa loob nang walang kahirap-hirap at namasdan ko nang buo ang klase ng lugar na tinutuluyan ng babaeng nakakakita sa akin.
Nabagbag ang kalooban ko dahil sa itsura ng loob ng kaniyang bahay. Gaya nang itsura sa labas ay luma na rin ang mga gamit sa loob ng bahay. Mukhang mahina na rin ang pundasyon ng bahay at malapit na itong masira. Nagpalinga-linga ako ngunit wala akong nakitang palatandaan na may iba itong kasama. Mag-isa lang siyang namumuhay sa nakakatakot niyang bahay. Napaisip ako kung nasaan ba ang pamilya niya. Ulila na ba siya? Wala na ba siyang iba pang kamag-anak?
Kung nabubuhay lamang ako ay gusto ko siyang tulungan. Gusto ko siyang bigyan ng maayos na matutuluyan kahit maliit lang.
Muntik na akong mapatalon sa gulat nang may magsalita sa likuran ko. "Hindi ba't sabi ko ay umalis ka na? Ano pa ang ginagawa mo rito?" pagalit na niyang tanong sa akin.
Napahawak ako sa parteng dibdib ko at hinimas-himas ito. "Grabe ka! Bakit ka nanggugulat. Mamaya niyan atakihin ako sa puso," sabi ko sa kaniya.
"Inaatake pa pala sa puso ang mga multo. Takot ka palang ma-double dead," cold na sagot niya sa akin.
My goodness, Lincy! Nasaan na ang common sense mo. Kailan ba mag-si-sink in sa utak mo na patay ka na. Hindi ka na aatakihin at imposible kang ma-double dead.
"S-sorry. H-hindi pa kasi ako sanay na isa na akong kaluluwa. Mag-isa ka lang rito?" tanong ko sa kaniya.
"Karamihan naman sa inyo ay hindi pa tanggap na patay na sila. Kaya palaboy-laboy pa rin at nananakot ng mga buhay," sabi niya sabay kuha ng isang basong tubig. "Tumingin ka sa likuran mo," utos niya sa akin. Sinunod ko siya at lumingon sa likuran ko.
Napamulaga ako nang makita ko ang mga kaluluwang nasa loob mismo ng bahay niya! May mga duguan, putol ang kamay, walang ulo at mayroon ring maayos ang itsura. "A-anong ginagawa nila rito?" kinakabahang tanong ko. Multo na rin ako pero bakit natatakot ako sa kanila.
"Hindi sila matahimik. Naghahanap sila ng hustisya. Sila ay mga biktima ng marahas na pagpatay."
"B-bakit nandito sila?" curious kong tanong. Humanga ako sa lakas ng loob niyang manirahan dito nang mag-isa kasama ang mga kaluluwang ligaw. Siguro ay iyon rin ang dahilan kung bakit napalaki ng eyebags niya. Kung ako man ang nasa kalagayan niya ay hindi ko rin alam kung paano ako makakatulog nang maayos.
"Ewan ko. Bakit hindi sila ang tanungin mo."
"Nasaan ang pamilya mo?" sumilay ang lungkot sa mga mata niya dahil sa tanong ko. Na-offend ko yata siya sa tanong ko.
"Wala na. Matagal na silang patay."
"Wala ka bang ibang mga kamag-anak?" muli kong pagtatanong.
"Hindi ka ba nauubusan ng tanong? Ano ba ang sadya mo rito?" masungit na niyang tanong sa akin.
"Kailangan ko ng tulong mo. Nasa panganib ang mga magulang ko. Namatay ako sa aksidente kasama ang ipinagbubuntis ko dahil sa kagagawan ng asawa at best friend ko. Pinagplanuhan nila ang kamatayan ko para makuha ang kayamanan ng pamilya ko. Ngayon naman ay pinagpaplanuhan nilang patayin rin ang mga magulang ko at ayaw kong mangyari iyon. Nakikiusap ako sa'yo. Alang-alang sa kaligtasan ng buhay nila," pakikiusap ko. Alam kong hindi madali ang hinihingi ko sa kaniya dahil maaari rin siyang mapahamak pero wala na akong ibang choice. Kailangan kong gumawa ng paraan upang mapanagot silang dalawa sa ginawa nila sa akin at mailigtas sa tiyak na kamatayan ang mga magulang ko.
"Kita mo ang maraming kaluluwa na naglalagi sa bahay ko. Lahat iyan ay humihingi rin ng tulong pero wala akong tinulungan dahil wala akong maitutulong. Hindi ako pulis, imbestigador o abogado. Ayaw kong makisawsaw sa problema ng iba. Paano ako tutulong na ayusin ang problema ng iba, eh, 'yong buhay ko nga ay hindi ko maayos-ayos."
"Parang awa mo na. Bilang kapalit ay bibigyan kita ng maayos na buhay. Kayang-kaya ko 'yon. Marami akong ari-arian at pera sa bangko. Tulungan mo lang akong maipakulong ang asawa at best friend ko ay ibibigay ko ang lahat ng iyon sa kaniya. Makakaalis ka na rito at magkakaroon ng maayos na buhay," desperadang alok ko sa kaniya. Kaya kong ibigay sa hindi ko kaano-ano ang lahat ng ari-arian ko basta mailigtas ko lang ang mga magulang ko. Ano pa ba ang silbi ng yaman na iyon, eh, wala naman akong madadala kahit kusing wala akong madadala sa kabilang-buhay. Handa akong ubusin ang yaman ko maipakulong ko lang dalawang iyon. Hinding-hindi ako matatahimik hangga't malaya sila pagkatapos ng ginawa nila sa akin.
"Ayaw kong umalis rito ito na lang ang natitirang alaala sa akin ng mga magulang ko," malungkot nitong sabi sa akin. Naramdaman ko ang pait sa mga salitang binitawan niya.
"Ipaayos mo. Ako ang bahala sa pera. Basta tulungan mo lang ako," pakiusap kong muli sa kaniya.
"Hindi lang ako ang nakakakita ng mga gaya mo. Sa iba ka na lang humingi ng tulong," pagtanggi niya sa akin. Nawalan ako ng pag-asa dahil sa sinabi niya sa akin. Ngunit, naging mapilit ako. "Alam kong mabigat ang hinihingi ko sa'yo pero hindi ko naman hahayaan na mapahamak ka katulad ko. Napahamak ako dahil naniwala ako sa mga taong inakala kong mabuti. Please lang."
Nanahimik siya ng ilang segundo bago nagsalita muli. "Pag-iisipan ko. Ngayon pa lang ay nililinaw ko na sa'yo na wala akong maipangangako na kahit na ano. Basta pag-iisipan ko muna."
"Salamat. Salamat nang marami. Babalik na lang ako ulit kapag sa tingin ko ay nakapag-isip ka na," pagpapasalamat ko. Umalis na rin ako upang bigyan siya ng space para makapag-isip. Ayaw ko siyang mainis sa akin nang tuluyan dahil sa pangungulit ko. Sana ay tanggapin niya ang offer ko.
BUMALIK ako sa lamay ko. Iyak nang iyak ang ina ko habang inaalo siya ng demonyo kong asawa. Lahat talaga ng pagkukunwari ay gagawin niya sa ngalan ng pera.
Sabi noon sa akin ng mga magulang ko ay masama ang manghusga ng kapwa kaya hindi sila sang-ayon sa mga bali-balita noon na kaya ako nililigawan ni Andrew ay dahil malaki ang interes nitong makamkam ang yaman ng pamilya ko. Sana pala ay naniwala na lang kami. Ang kaso ay huli na. Naisagawa na niya ang maitim niyang plano pero gagawin ko ang lahat para hindi siya tuluyang magtagumpay. Aalisin ko ang lahat ng kinang sa katawan at pangalan niya gayundin ang lahat ng bagay na tinamasa niya ng dahil sa akin. Wala akong ititira sa kaniya kahit kusing at maging ang suot niya ay aalisin ko rin. Sisiguruhin kong ako ang magbibigay sa kaniya ng karma niya.
Dumating ang mga pulis at ang impakta kong kaibigan ang unang lumapit hindi siya ang kailangan. Napaghahalataan lamang na guilty siya. Masyado niyang binabantayan ang bawat usapan dahil natatakot siyang baka matuklasan ang kahayupan nila.
"Hello, Sir. Ano na po ang balita sa kaso ng kaibigan ko? May foul play po ba talagang nangyari? Parang hindi po ako makapaniwala na may gagawa sa kaniya nang gano'n. Napakabuti niyang tao at gayundin ang kaniyang pamilya," pangungunang tanong ni Freya sa mga pulis habang naluluha ang kaniyang mga mata. Pang-Famas award ang acting!
Sige lang. Galingan mo pa sa pag-arte. Kapag natuklasan na ang ginawa ninyo ay wala ng maniniwala pa sa'yo. Sisirain kita nang unti-unti katulad ng pagtatraydor mo sa akin.
"Tinitingnan pa po namin ang lahat ng anggulo. Malinis pong trumabaho ang gumawa nito sa kaniya. Ang sigurado lang po ay may foul play na naganap. Naghahanap pa lang po kami ng lead para mapadali po ang aming imbestigasyon."
"Ang ibig niyo bang sabihin ay wala pa rin kayong nahahanap na ebidensya na magtuturo sa kriminal na gumawa nito sa anak ko? Ibig sabihin ay malaya pa rin silang nakagagalaw? Paano kung may saktan silang muli sa pamilya ko? Paano kung ako naman ang patayin nila? Do everything you can to catch the culprit! Kahit magkano ay magbabayad ako para mapabilis ang paghahanap ninyo," desididong sabi ni Nanay sa mga pulis. Tiningnan ko ang reaksyon ni Freya na ngayon ay kinakabahan. Bahagya pang nanginig ang mga kamay nitong may hawak na baso ng wine kaya nagmadali siyang ibaba ito. Si Andrew ay hindi rin mapakali nang marinig niya ang utos ng Nanay ko sa mga pulis.
"Gagawin po namin ang lahat, Mrs. Cristobal. Sige po, mauna na po kami. Babalitaan namin agad kayo kapag may nakalap kaming impormasyon."
Bumalik muli sa nanay sa harap ng aking kabaong at hinaplos-haplos ito. "Anak, sino ang gumawa sa'yo nito? Tulungan mo naman ang Nanay para mabigyan kita ng hustisya. Hindi ako nanininiwalang nag-droga ka. Alam kong hindi mo kayang gawin ang ganoong mga bagay. Anak, hindi ko alam kung paano pa kami mamumuhay ng tatay mo. Napakaaga mo kaming iniwan. Ipinapangako ko sa'yo na gagawin namin ang lahat para pagbayarin ang gumawa nito sa'yo," pagkausap ni Nanay sa aking katawan na nakahimlay.
Huwag kang mag-alala, 'Nay. Tutulungan kitang mahanap ang hustisya para hindi niyo rin sapitin ang sinapit ko.
Hinimas ni Andrew ang likod ni Nanay. "Sana po ay hindi ko na lang siya itinaboy para umuwi nang mag-isa. Sana ay inuna ko muna ang kaligtasan niya bago ang hanap-buhay. Kasalanan ko po ang lahat. Patawarin niyo po ako," paiyak-iyak na sabi ni Andrew para biluging muli ang ulo ng Nanay. Sa tuwing naririnig ko ang mga mapagkunwari niyang mga pag-aalala ay lalo akong nagngingitngit sa galit. Napaka-kapal ng pagmumukha niya. Nakakasuka ang buong pagkatao niya.
"Huwag mong sisihin ang sarili mo sa nangyari sa asawa mo. Wala kang kasalanan. Hindi mo ginusto ang nangyari."
"Walang konsensya at halang ang kaluluwa ng gumawa nito sa kaniya. Kapag nalaman na kung sino ang may kasalanan ay baka hindi ko po mapigilan ang sarili ko at makapatay ako!" sabi nito sabay lagok sa baso ng alak na hawak niya.
Makapatay? Nagpapatawa siya. Nakapatay na siya at asawa pa niya. Kilalang-kilala ko siya. Umiinom lang siya ng ganiyan katapang na alak kapag problemado siya. Dapat lang na mag-problema siya sa krimeng ginawa niya dahil walang baho ang hindi aalingasaw.
Sumaging muli sa isipan ko ang babaeng nakakakita sa akin. Sana naman ay pumayag siya. Sana ay maawa siya sa akin. Siya na lang ang natitirang pag-asa ko. Sa ngayon ay kailangan ko munang bantayan ang aking mga magulang at mag-isip pa ng mga paraan para maging matagumpay ang mga plano ko. Kailangan kong magmadali dahil bawat oras ay mahalaga. Kailangang mapapayag ko na ang babaeng 'yon para pagbigyan ako sa pakiusap ko bago pa mailibing ang katawan ko. Nararamdaman kong may masamang gagawin sina Freya at Andrew sa mga magulang ko kapag nailibing na ako.