Chapter 1
CHAPTER 1- HIS LUSTFUL KARMA
LINCY
PARANG may kung anong malakas na puwersa ang humatak sa akin. Nakaramdam ako ng hilo at sa isang iglap lamang ay napakaraming tao ang nagkakagulo at nagkukumpulan sa isang puwesto.
Madali lamang ako nakasingit sa kumpulan nila dahil walang nakakakita sa akin. Halos gumuho ang mundo ko nang makitang ang kotseng gamit ko ay durog na sa tantiya ko ay sumalpok sa concrete barrier at nawalan ng kontrol kaya bumunggo sa ibang mga sasakyan hanggang sa maantala ang biyahe sa kahabaan ng highway. Nagpalinga-linga ako upang tingnan kung may iba ring nasugatan o nasawi sa aksidente at nanlumo ako nang ilabas sa sasakyan ng mga rumesponde ang katawan kong wala ng buhay.
Hindi ako makapaniwala na pinagmamasdan ko ngayon ang duguan kong katawan. Maraming mga bagay ang bigla na lamang pumasok sa isip ko. Paano na lamang ang aking mga magulang? Ang asawa ko? Paniguradong magiging mahirap para sa kanila ang sinapit ko gaya nang kung gaano kahirap para sa akin na iproseso ito.
Napuno ng samu't-saring mga opinyon ang paligid. May mga nagsasabi na baka nag-drugs ako o lango sa alak kaya nawalan ng kontrol sa pagmamaneho na imposible namang mangyari dahil hindi ako umiinom ng alak at lalong hindi ako nagtangkang tumikim man lang ng droga.
Pinilit kong alalahanin ang huling ginawa ko bago ako masawi sa isang aksidente. Galing ako sa party ng isang kaibigan kasama ang asawa ko pero nauna akong umuwi ng mag-isa gamit ang sarili kong kotse dahil mayroon pa raw siyang importanteng tao na may kinalaman sa aming negosyo na kakausapin. Habang nasa biyahe ako ay unti-unting nanlalabo ang aking paningin dahil sa pagkahilo at nasisiguro kong hindi naman ako uminom ng kahit anong inumin na nakalalasing.
Nagpalaboy-laboy lang ako at tuliro ang pag-iisip. Ganito pala ang pakiramdam ng isang kaluluwa. Isang ligaw na kaluluwa. Kahit gustuhin kong sumigaw ng malakas ay wala ng makaririnig pa sa akin at wala na ring pupuwedeng dumamay.
Habang naglalakad at nag-iisip ng malalim ay nagdesisyon akong umuwi sa bahay namin ng asawa ko. Nag-aalala ako na baka sisihin niya ang sarili niya sa nangyari sa akin lalo pa at hinayaan niya akong umuwi ng mag-isa.
NAKARATING ako ng mansion namin at nagbigay sa akin ng matinding pagtataka ang napakaliwanag na paligid ng mansyon na tila may piging na gaganapin.
Agad akong nagdiretso sa loob at naabutan ko ang aking asawa kasama si Freya na aking matalik na kaibigan habang lumalagok ng wine.
Marahil ay may naisara silang deal na makakatulong upang mapalago ang aming negosyo at baka hindi pa nakakarating sa kanila ang nangyari sa akin. Baka mga magulang ko ang tinawagan ng mga rumesponde. Kawawa naman ang asawa ko.
Nanatili lang akong nakaupo sa isang bakanteng upuan kaharap nila kahit alam kong hindi nila ako nakikita.
Nang maubos ang wine ay nakalalasing na alak naman ang tinungga nila. Masayang-masaya silang dalawa na parang may isini-celebrate. Maya-maya pa ay naging magaslaw na ang kilos ni Freya at napaawang ang bibig ko nang kumandong ito sa asawa ko. Alam kong close sila dahil magkababata kaming tatlo pero parang sobra namang kagaslawan na ang inaasta niya ngayon.
"I'm so proud of you, Andrew." Malanding turan ni Freya sa asawa ko sabay lingkis ng mga braso nito sa leeg niya. At ang mas ikinagulat ko ay ang naging reaksyon ng asawa ko. Sa halip na itulak ito ay mahigpit niyang ikinapit ang braso niya sa bewang ni Freya.
"I told you I'll make you proud." Buong pagmamalaki niyang sagot. Akala ko ay wala ng sasakit pa sa maagang kamatayan ko pero mas masakit pala ang maging kaluluwa at madiskubre ang kataksilan ng asawa mo at matalik mong kaibigan na itinuring mo pang sariling kapatid.
Kung hindi pala ako namatay sa aksidente at bumalik bilang kaluluwa ay bulag pa rin ako sa kataksilan nilang dalawa.
"Job well done, my love. Hindi naman pala mahirap i-dispatsa ang uto-uto mong asawa." Masayang pahayag niya na parang expected niya ang kamatayan ko. Naikuyom ko ang aking palad dahil sa hindi magandang ideya na pumasok sa isip ko.
"Wala ka naman kasing bilib sa akin. Kapag sinabi kong ako ang bahala, malinis ko 'yong tatrabahuin."
Gustong-gusto ko siyang pagsusuntukin dahil sa galit ko. Pinagkatiwalaan ko siya. Minahal ng buong puso. Binigay ko ang lahat sa kaniya pero nagawa niya akong lokohin at patayin.
Hinintay ko pang marinig mismo sa bibig nila ang mga kawalanghiyaan nila sa akin.
"Sigurado ka ba na malinis ang pagkakatrabaho mo? Baka naman sumabit tayo?"
"Hindi 'yon. Imposibleng tayo ang pagdududahan nila dahil nasa party tayo at ka-meeting na investor na magpapatunay na naroon nga tayo kapag nagkaroon ng imbestigasyon."
"Mukhang matindi ang droga na ginamit mo sa inumin ni Lincy at talagang solid ang aksidente na tumapos sa boring niyang buhay. Gaano pa ba katagal bago mapalipat sa pangalan mo ang mga ari-arian niya?"
"Relax, my loves. Hindi gano'n kadali yo'n kahit legal kaming mag-asawa lalo pa at buhay pa ang mga magulang niya. Kaunting tiis pa mahal ko. Makakapagsama rin tayo ng matiwasay sa sarili nating palasyo."
"Nakakainip naman kasi. Bakit ba hindi mo na lang din tuluyan ang dalawang matandang iyon para wala ng maging sagabal sa mga plano natin."
Napatawa ako ng mapakla. Matiwasay? Pagkatapos ng krimen na pinagplanuhan nilang dalawa makakapamuhay pa sila ng matiwasay? Tama nga si Freya, isa akong uto-uto dahil nagpatuloy ako ng mga ahas sa buhay namin. Masyado akong naniwala sa pakunwari nilang kabaitan sa akin. Nanggigigil ako sa sobrang galit. Galit ako sa kanila pero mas galit ako sa sarili ko. Hindi mangyayari ang lahat ng ito kung mas naging maingat ako. Bakit nga ba hindi ko man lang nahalata na niloloko ako ni Freya at Andrew? Napakaraming beses na akong nakaramdam ng pagdududa sa closeness nila pero nangibabaw ang katangahan ko.
"Darating din tayo sa pagkakataon na iyan. Dapat tayong maging maingat para hindi makahalata ang mga matatandang iyon. Kailangan nating i-maintain ang magandang impression sa kanila. Kung kinakailangang umarte tayo na nagluluksa kasama nila ay gagawin natin. Baka nga atakihin na lang sa puso ang mga iyon at mamatay ng kusa kahit wala pa tayong ginagawa. At kapag ganoon ang nangyari, solong-solo na natin ang yaman ng pamilya nila. Magpapakalayo tayo at magsisimula ng bagong buhay."
Hindi ako sanay na maghiganti o magtanim ng galit pero hindi ko rin kayang palampasin na makapamuhay sila ng maayos pagtapos ng lahat ng kasamaan nila at lalong hindi ko hahayaan na saktan rin nila ang mga magulang ko.
Kahit isa na akong kaluluwa ay gagawin ko ang lahat para mapagbayad sila sa mga ginawa nila. Sisiguraduhin kong magbabayad sila.