Leslie Alegria Pov.
Ipinaalam nga ni akhiro sa kanyang ina na babalik pa ako ng mansyon bukas. Hindi naman humadlang doon ang senyora bagkus natuwa pa ito ng malaman niyang babalik ako.
Hindi ko na rin naibalik pa ang pera kay akhiro dahil tinatakot niya ako. Atsaka pa, inutusan niya akong bumili ng makakain namin bukas upang dalhin nga sa burol.
Hindi naman na ako makatanggi sa nais ni akhiro. Marami pa namang araw upang mapaghandaan ko ang pag-aaral ko, magkakaroon naman siguro ng solusyon para makabili ako ng mga school supplies.
"Nag-umpisa ka na bang magtrabaho?" umiling ako sa tanong ni glenda. Narito na siya ngayon sa bahay matapos ko'ng makauwi makalipas ng kalahating oras. Alas tres na yata ng hapon dahil sobrang init na ng araw, naglilinis din ako dahil may mga ilang trabaho akong hindi natapos kanina.
"Baka hindi pa sa ngayon, hindi rin naman magiging diretso ang trabaho ko sa hacienda dahil na rin nga nag-aaral ako." tumango si glenda, nakaupo siya sa sala habang pinapalitan ko ng punda ang mga unan nila inang at amang.
Balak ko kasing maglaba bukas bago ako umalis, marami na rin kasing maruming damit at nais ni inang na maglaba ako ng kumot bukas.
"Maiintindihan naman siguro ng senyora iyon, mukha namang mabait siya eh." tumango ako. Sang-ayon ako sa sinabi niyang iyon dahil totoong mabait nga ang senyora.
"Akala ko ay masungit siya 'nung una, nagkamali ako. Mabait siya, mahinahon lamang ito kung magsalita." ngumuso si glenda habang nakikinig sakin.
"Nais ko rin makilala ang senyora, sana magkaroon ako ng pagkakataong makaharap siya."
Ngumiti ako. "Darating din iyon, glenda. Tingnan mo ako, suntok sa buwan talaga ang makapag-aral ako pero ano. Matutupad na iyon."
"Kung sa bagay, natutuwa talaga ako. Deserve mo iyan, mabuti kang tao. Masipag na anak at ate, darating din ang araw na luluhod din sayo iyang madrasta mo." natawa ako dahil sa sinabi niyang iyon, kumikibot pa ang labi nito dahil tila naiirita kay inang helen.
"Hindi ko naman hinihiling iyon, glenda. Ang gusto ko lang ay matanggap nila ako, mahalin din nila ako na parang tunay na anak. Iyon ang gusto ko."
Umismid siya. "Hindi naman iyon ang gusto nila, leslie. Hindi anak ang turing nila sayo dahil ang totoo, isa ka lang alipin para sa kanila."
Hindi ako nakapag-bigay tugon sa sinabing iyon ni glenda. Alam ko naman ang trato nila sakin, ngunit pinagsasawalang bahala ko lamang iyon dahil sila na lang rin ang pamilya ko.
Kaya ko naman magtiis para kay amang. Wala na rin naman akong magagawa dahil narito na ako sa sitwasyong ito.
"Huwag mo akong kalimutan balitaan sa lunes, ah? Baka mauna ka pang pumasok sakin." nangiti ako sabay iling.
"Kailangan ko rin ng tulong mo, baka maligaw lang ako sa campus."
"Sus, hindi 'yan. Makakabisado mo rin iyan kahit isang araw lang."
Tumango-tango ako, marami pa kaming napag-usapan ukol sa pamamalakad ng San Nicolas University. Sa lugar kasi namin, iyon na ang pinakamalaking unibersidad na pagmamay-ari din ng mga Del Vega. Sinaunang university pa iyon kaya't sikat at ninanais ng pasukan ng mga kabataan.
Isa na ako doon na minsa'y hindi pa nabigyan ng pagkakataong makapasok sa unibersidad. Private school kasi iyon, nag-aral lamang ako noon sa public dahil hindi rin naman kayang mag-aral sa magandang paaralang iyon.
"Napa-aga po ang uwi niyo, amang?" alas kwatro pa lamang ng dumating na si amang. Kadalasan kasi ay gabi na siya umuuwi dahil na rin sa pamamasada nito.
Nasa sala siya at nakaupo kung saan halatang pagod ito mula biyahe.
"Masakit ang ulo ko, baka hindi ko na kayang magbiyahe hangga mamayang gabi pa." pinag-timpla ko siya ng kape na ngayo'y inilapag ko na sa harapan nito. Naupo din ako sa bakanteng upuan habang pinagmamasdan si amang.
"Baka po dahil iyan sa sobrang init kanina, uminom na po kayo ng gamot." tumango si amang, nakangiti.
"Nakainom na ako kanina, salamat."
Nakatitig lamang ako kay amang habang sumisimsim na siya sa kanyang kape. Nais ko sanang ibalita sa kanya ang buong nangyari ngayon, ngunit baka hindi niya iyon kayang pakinggan lahat dahil sa p*******t ng ulo niya.
"Kumusta naman ang pag-aasikaso mo sa pag-aaral mo?" hindi ko inaasahan na itatanong iyon ni amang. Ngumiti ako bago tuluyang sumagot sa tanong nito.
"Ayos lang naman po, maaari na akong pumasok sa lunes."
Tumango rin si amang. Halata naman na natutuwa ito dahil sa sinabi ko. "Pasensya na kung hindi kita mapag-aral noon, alam mo naman. Marami tayong binabayarang utang na naiwan pa ng nanay mo, atsaka. Nag-aaral din si kassandra, siya kasi ang unang nakakuha ng scholarship kaya't kailangan ko siyang suportahan." bukod tanging pagtango lang ang iginawad ko kay amang.
Alam ko naman na may utang si nanay ngunit hindi naman na iyon para sa sarili niya. Nagkasakit kasi si amang noon kaya hindi siya makapasada, kumuha ng pera si nanay noon sa ilang kaibigan niya para lamang maibili ng gamot si amang at magkaroon kami ng gastos para sa pang-araw-araw.
Ngunit mas lalo lang silang naging malabo noon, napapadalas na lamang ang pag-aaway nila dahil na rin nagseselos si amang sa mga pinagkukuhanan niya ng pera.
Iniisip kasi ni amang na baka binebenta ni nanay ang sarili niya kaya nagkakaroon kami ng pang-gastos noon. Ngunit alam ko naman na hindi totoo iyon dahil mabuting tao si nanay.
"Kung may nais ka, sabihin mo lang sakin leslie.." tumango ako kay amang. Gusto ko sanang sabihin na kailangan kong bumili ng school supplies ngunit nahihiya ako.
Iyong mga naipon ko sanang pera ay iyon ang gagawin kong pang-gastos. Ang kaso lang, nawala lamang iyon ng isang iglap.
"May mga gagamitin ka na ba para sa pag-aaral mo?" umiling ako.
"Wala pa po, amang. Ngunit ako na po ang bahala doon, ang hihingin ko lamang sana po ang pagbili ng uniporme." mabilis na tumango si amang sa sinabi kong iyon. Magagawan ko naman siguro ng paraan ang mga gagamitin ko. Kung pwede lang mag-advance na agad kay senyora ay kakapalan ko na ang aking mukha.
Iyong uniform ko lamang talaga ang aking iniisip dahil tiyak na may kamahalan iyon at hindi ko kakayanin. Ngunit sa ngayon, aalamin ko muna kung magkanong halaga ang gagastusin para sa uniform na bibilhin ko.
ALAS SAIS ng gabi nang dumating sila inang helen at kassandra. Nagtaka na nga sila kung bakit maaga ng namamahinga si amang sa kanyang silid. Nasabi ko sa kanila na masakit ang ulo ni amang kung kaya't doon lamang siya pinuntahan ni inang sa silid.
Si kassandra naman ay naiwan sa sala habang may hinahanap sa kanyang bag. May kinuha itong makapal na libro at isang notebook na ngayo'y agaran niyang nilahad sakin.
"Paki-gawa nga itong assignment ko, leslie." nangunot ang noo ko sa sinabi niyang iyon. Hindi naman na bago sa akin ang utos na ito ni kassandra, mula pa noong highschool kami. Madalas na niya akong utusan na gawin ang assignment niya dahil na rin halos magkapareho lamang kami ng baitang.
Ngunit ngayon na nasa kurso siya ng nursing. Hindi ko na yata kayang alamin pa ang kanilang tinatalakay.
"Hindi ko alam ang tungkol sa bagay na iyan, kassandra. Baka magkamali lang ako." natawa siya sa sinabi kong iyon.
"Hindi ba't matalino ka? Gawin mo na 'to. Summarize lang siya, hindi ko naman sinabing talakayin mo ang kurso ko."
"Hindi ko nais magkamali sa aralin mo, kassandra."
"Simpleng bagay lang naman iyon, ah? Nakatupi na dito ang pag 3 hangga 6, ayusin mo lang ang pagkaka-summarize at ipaliwanag mo ang topic na mababasa sa huling yugto ng page 6."
Hindi na lamang ako umangal pang muli dahil baka humaba lang lalo ang pagtatalo namin at marinig pa kami ni inang. Masyado pa naman malakas ang boses ni kassandra kaya ako na ang nagbaba ng pride ko.
Habang ginagawa nga ang takdang aralin ni kassandra. Nasa kwarto ako at doon binabasa ng mabuti ang nasa libro, ayoko naman magkamali dito dahil tiyak na ako rin ang sisisihin niya sa oras na mangyari iyon.
Kumakain na rin sila ng hapunan na naihanda ko kanina. Samantalang ako ay hindi pa kumain dahil marami din naman akong inasikaso. Alas otso na yata ng matapos ko iyon, halos dalawang oras kong ginawa iyon bago ako lumabas upang ibigay sana iyon kay kassandra. Ngunit wala na sila sa sala, tahimik na rin sa kusina at mukhang nasa kanya-kanya na silang silid.
Inilapag ko na lamang sa gilid ng mesa ang libro ni kassandra. Doon na rin ako nakakuha ng pagkakataong kumain at linisin ang kusina.
NANG GABING iyon ay hindi rin naman ako agad nakatulog. Marami din akong iniisip at isa na doon ang pagpunta namin sa burol. Nais ko na sanang mamalengke ng maaga upang makapagluto na lamang ako. Ang kaso lang, kailangan ko pang maglaba para lamang mawala ang maruruming nasa gilid ng banyo.
Iniisip ko nga rin kung anong oras ako makakarating ng mansyon gayong ang dami kong gagawin kinabukasan.
Hindi man ako maagang nakatulog ng gabing iyon, nagising pa rin ako ng alas kwatro para lamang mag-saing. Alas singko rin kasi umaalis si amang dahil maaga ang pila ng jeep. Marami na rin pumapasok ng ganoong oras kaya maaga siya kung lumilisan.
"Maayos na po ba ang pakiramdam ninyo?" tumango si amang sa tanong ko, simpleng almusal lamang ang nailuto ko na ngayo'y kinakain na niya. Nagising na rin naman si inang kung saan inutusan ako nitong ipagtimpla siya ng kape.
Gaya lamang ng sabi ko, sanay na ako sa ganitong senaryo. Ginawa ko nga ang utos niya bago ayusin ang labahin na isasalang ko na.
"Ang aga mong maglalaba ngayon, ah. Mukhang may lakad ka." mula sa gilid ng banyo, iyon ang binatong katanungan sa akin ni inang na halatang may halong pagdududa pa.
Hindi naman kasi ako matatapos agad kung hindi ko pa iyon uumpisahan. Lalo na at kinukusot ko lamang ang mga damit kaya't matatagalan talaga ako.
"May ini-uutos po kasi ang senyora." iyon na lamang ang siyang sinabi ko dahil ayoko ng banggitin pa ang pangalan ni akhiro dahil nasa kusina na rin naman si kassandra. Baka tawagin na naman niya akong ambisyosa kahit totoo namang nakakasama ko si akhiro.
"Tsk, siguraduhin mo lang na may magandang maidudulot iyang pinag-gagawa mo leslie!"
Hindi na lamang ako nagbigay tugon pa sa sinabing iyon ni inang. Tumango na lamang ako habang nilalagyan ng powder ang malaking batya na nasa harapan ko.
Iyon naman kasi talaga ang tingin nila sa akin. Lagi na lang nilang iniisip na walang kwenta ang mga ginagawa ko.
Hindi ko alam kung kailan ko mararamdaman ang kanilang pagsuporta sa mga ginagawa ko.
Panay lamang kasi pangungutya ang natatanggap ko sa kanila.
Kahit na ginagawa ko naman ang lahat.
***********
To be continued.....