Kabanata 14

1985 Words
HIS LOVE, HIS OBSESSION Keehana “Ate!” “Ay!” Literal na nanlaki ang mga mata ko nang lumikha ng ingay ang pagkabasag ng relo sa malamig na tiles. Magkasalubong ang mga kilay na nilingon ko si Tania na siyang gumulat sa akin, na naging dahilan ng pagka-igtad ko at pagkabitiw sa hawak. “Tania, ano ka ba naman! Lintek ka!” taranta at nahihintakutan kong bulalas at agad na dinampot ang nasirang gamit. Halos manlumo ako nang makitang basag na nga ang ilang parte niyon. Tiyak na patay ako nito kay Al. Sinamaan ko ng tingin ang kapatid ko na natigilan din at hindi maka-imik sa tabi. Mabilis kong isinara ang drawer at pinto ng closet bago ito harapin habang hawak ang nasirang relo. “S-Sorry, Ate.” Wala sa wisyong kinamot ko ang ulo ko at napangiwi. “Lagot tayo nito kay Al. Wala pa naman akong pambayad, Tania. Haist! Sa susunod ay huwag ka kasing ganiyan. Naku po,” nanghihina kong sambit at naupo sa kama. Ni hindi ko alam kung saan ko itatago o ilalagay ang relo na nasira kaya hinawakan ko na lamang muna. Nakangusong umupo sa tabi ko ang babae. “Sorry talaga, Ate. Ipaaalam ko lang sana kasi sa iyo na pauwi na raw si Kuya Al. Tumawag siya kanina sa telepono sa sala,” anito na siyang nagpakabog lalo sa dibdib ko. P-Pauwi na siya? Mabilis akong tumayo at naghanap ng maaaring pagtaguan ko ng nasirang relo. Tiyak na magagalit iyon. Baka gawin niya pa akong katulong dito para lamang mabayaran ang halaga niyon. Mariin kong naipikit ang mga mata matapos ilagay sa ilalim ng kama—sa tabi ng bedside table—ang relo. Hindi iyon pansinin doon kaya iniwan ko muna roon pansamantala. Matapos niyon ay pinigil ko ang mga luha habang nagsusuklay ng buhok sa harapan ng malaking salamin. Papaano ko kaya iyon sasabihin sa kaniya? Ngayon ay nagsisisi na ako na pinakialaman ko pa ang gamit niya. Patay ako nito mamaya. Napaigtad na lamang ako nang bigla na lang bumukas ang pinto. Agad kong naibaba ang mga kamay at napaharap kay Al na natigilan nang mapagmasdan ako. Bahagyang nandilim ang mukha nito at marahang isinara ang pinto na hindi inaalis ang tingin sa akin. “Good evening...” Ang boses nito na kay lalim, nagbibigay ng kakaibang takot sa akin lalo pa ngayon na nakagawa ako ng bagay na alam kong hindi niya magugustuhan. Napayuko na lamang ako at mariing kinagat ang ibabang labi. “M-Magandang gabi rin,” tugon ko rito nang tumapat ito sa akin. Nakasabit pa sa balikat nito ang itim na jacket. Muli akong napalunok dahil sa bigat ng mga titig nito. “Bakit mukhang tensiyonado ka, hmm? Calm down, Keehana. Hindi ako nangangain.” Bahagya pa itong natawa ngunit agad ding sumeryoso. Para bang nahigit ko ang hininga nang buksan nito ang closet at kumuha roon ng pamalit na damit. Medyo nakahinga lamang ako nang maluwag nang muli nitong isara ang pinto niyon at hinarap ako. Walang pasabi nitong inalis ang sumbrero at naghubad ng pang-itaas ng damit. Napanganga na lamang ako at nagkusang umiwas ng tingin. Grabe naman ito. Tila ba gusto pang ibalandra sa akin ang maganda niyang katawan. Nang isunod nito ang suot na pantalon ay napatakip na ako ng mga mata. Narinig ko pa ang pagtawa nito nang mahina. “Useless lang iyan, Keehana. Makikita mo rin naman ang katawan ko sa susunod.” Hindi ko pinansin ang sinabi nito. Pagkatapos nitong magbihis ay muli na naman ako nitong hinarap nang seryoso. Muli na naman akong napayuko. Iniisip ko tuloy kung aamin ba ako o hindi, natatakot kasi ako na magalit siya sa akin ngayon. “You look bothered, Keehana sweetheart. May problema ba? Just tell me para makakain na tayo ngayon.” Tila ako nilagnat nang hapitin nito ang ulo ko upang halikan ako sa ulo. Akala ko pa ay bibitiwan na ako nito, ngunit laking gulat ko nang bumaba ang mukha nito sa bandang leeg ko at sininghot ang amoy ko roon. Mabilis ko itong naitulak at agad na umiwas. A-Ano ba sa tingin niya ang ginagawa niya? Narinig ko ang mahinang paghalakhak nito. “Where is it?” “H-Ha?” gulat kong tanong sa sinabi nito. Napangiti ito at hinaplos ang pisngi ko na hindi ko nagawang iwasan. “’Yong relo ko. Nais kong makita,” anito na ikinamilog ng mga mata ko. Sunod ko na lamang na naramdaman ay ang sunod-sunod na pagluha ko. P-Paano niya agad nalaman? Sa takot na mapagalitan nito ay napayuko na lamang ako at hindi naka-imik. Nang mapansin nito ang ginawa ko ay tumahimik din ito na ikinakaba ko. “S-Sorry, Al. H-Hindi ko sinasadya. Sorry talaga!” Wala itong naging imik. Nang subukan kong tingalain ay naabutan ko itong madilim ang tingin sa akin. Agad na umangat ang sulok ng labi nito nang makita ang mga luha ko at pangangatal ng mga labi. “Nasaan na ang relo? Akin na bago pa kita parusahan.” May naglalarong kakaibang ngisi sa mga labi nito nang sabihin iyon. Sa pagkataranta ay agad ko iyong dinukot mula sa ilalim. Pagtayo ko ay halos manigas ako nang tumama ang likod ko sa matigas nitong dibdib. Nahigit ko pa ang hininga nang kuhanin niya sa kamay ko ang hawak kong relo mula sa likod. “Do you know how much it costs, woman?” naninindak na bulong nito. Hirap akong napalunok at lalong dinaga ang dibdib. Marahan akong umiling dito kahit na nakatalikod sa kaniya. “H-Hindi po. Sorry...” “Then I need to remind you that I do not accept any apology from you. You need to pay this, woman.” Halos atakihin ako sa puso sa huli nitong sinabi. Mabilis ko itong nilingon kaya nahuli ko ang pagngisi nito. Umalpas ang isang hikbi mula sa mga labi ko at agad na humawak sa braso nito at marahas na umiling. “Al, w-wala akong pambayad. Sorry talaga, hindi ko na uulitin!” Halos gusto kong sabunutan at saktan ang sarili ko dahil sa pagiging pakialamera ko kanina. Ngayon ay napasok na naman ako ng problema. “Ask me what I need from you right now, Keehana,” anito pa na ikinatigil kong muli. Saglit pa iyong prinoseso ng isip ko, bago bumitiw sa braso nito nang marahan. Tumigil ako sa pag-iyak at nanatiling nakatingala rito. “Ano—Ano’ng gusto mo?” Doon lalong lumawak ang mga ngisi nito kaya dumagdag iyon sa pagkabahala ko. “Halikan mo ako sa labi, Keehana. I need your lips right now,” diretsahang sambit nito na halos ikatigil ng mundo ko. A-Ano? Halik na naman ang nais niya? Ilang segundo akong napatitig dito, bago makaramdam ng pangingilabot. Umiwas ako ng tingin at hindi naka-imik. Sa ginawa kong iyon ay unti-unting nawala ang mga mapaglarong ngisi sa labi nito. “Ayaw mo akong halikan, hmm?” seryosong tanong nito na naninindak na naman. Pinigil kong umatras at umiling dito. “Hindi naman sa ganoon...” “Kung ganoon, bakit ka lumalayo sa akin? If you don’t want to kiss me then it’s fine also. Mananatili ka rito ng ilang buwan bilang katulong ko para mabayaran ang rel—” “S-Sige na nga,” pikit-mata kong pagsuko rito, dahilan upang muling lumitaw ang mga kakaibang ngiti sa labi nito. Halik lang naman iyon, wala namang mawawala sa akin... Kabado akong huminga nang malalim, bago lumapit dito. Hindi naalis ang kakaibang ngiti nito sa labi kahit na noong tumingkayad ako at inilapat ang mga labi ko sa kaniya. Nabigla na lamang ako nang maging marahas ang mga labi nito. Sa isang iglap ay naitulak niya ako pahiga sa kama at kinubabawan habang hindi tinatantanan ang mga labi ko. Isang singhap ang kumawala sa bibig ko at itinulak ito sa dibdib, ngunit tinawanan lamang ako nito at kinuha ang dalawang braso ko upang ipayakap sa leeg niya. Tumagal iyon ng ilang segundo. Ni hindi ko alam ang gagawin kaya hinayaan ko ang sarili rito. Ilang sandali pa nang pakawalan nito ang namamaga kong mga labi. Ramdam ko ang pagkabasa ng palibot ng bibig ko dahil sa rahas at pagkagigil nito roon. Nasalubong ko ang tuwang-tuwang mukha nito. May kakaiba pang kislap ang mga mata nito na ipinagtaka ko kahit na tila nilalagnat ako sa ginawa nito. Mayamaya ay muli na namang bumaba ang mukha nito upang angkinin ulit ang mga labi ko. Hindi na ako nakapalag sa panghihina. Hindi ko alam ngunit talagang pinanggigigilan ako nito. Ramdam ko iyon sa bawat galaw ng mga labi niyang mapang-akin at mapanghanap. Nang bitiwan na ako nito ay hinaplos nito ang leeg ko at ngumisi. “Damn. You’re so cute, Keehana...” HALOS hindi ko malunok ang kinakain habang nakayuko. Manginig-nginig pa ang mga kamay ko habang sumusubo ng pagkain sa harapan ni Al. Alam naman nitong kanina pa ako naaasiwa at nahihiya sa kaniya, ngunit patuloy pa rin siya sa ginagawa niyang lantarang paninitig. Marahan kong kinuha ang isang baso ng tubig at sumimsim doon, iwas na iwas pa rin ang tingin sa lalaki. Nahihiya ako para sa sarili dahil sa ginawa namin. Dapat ay magalit ako rito dahil inisahan niya na naman ako, kagabi at kanina. Ngunit hindi ko maintindihan ang sarili ko kung bakit hindi ko iyon magawa-gawa. Ako pa ang nahihiya rito. Ako pa ang natatakot at nangingilabot. Lihim kong kinurot ang sarili bago ipagpatuloy ang kinakain. “Pagkatapos nito, magsipilyo ka na at dumeretso sa kuwarto, Keehana. Mag-uusap tayo,” ma-awtoridad na anito na muntik ko nang ikalundag. Sunod-sunod akong tumango at lumunok. Sa gilid ng mga mata ko ay nakita ko pa ang pasimpleng pagtitig sa akin nang matiim ng matandang kasambahay ni Al. Nakatayo lamang ito sa gilid habang hinihintay kaming matapos. Kaya nang matapos kumain ay nagpahinga kami saglit bago maglinis ng mga ngipin. Nagpaiwan pa saglit ang lalaki sa sala na may kausap sa telepono kaya nauna na ako sa taas. Nanlalamig ang buo kong katawan nang sumiksik sa balkonahe ng kuwarto. Hindi ko alintana ang kalamigan ng gabi dahil sa pagkatuliro ng isip ko. Papaano kung kainin na naman niya ang mga labi ko mamaya? Nangingilabot at kinakabahan pa naman ako masiyado sa mga ginagawa niya. Hindi ako nakakapalag dahil sa lakas niya. Mula sa puwesto ay dumungaw ako sa ibaba na binabantayan ng mga guwardiya niya. Napabuga na lamang ako ng hininga at mahinang tinampal ang pisngi. Nang maulinigan ko ang pagbukas ng pinto ng kuwarto ay agad akong umalis sa balkonahe at hinarap ito na hinanap agad ako pagkapasok ng kuwarto. Hindi ko alam kung ano ang iniisip niya ngayon dahil sa kaseryosohan ng mukha niya. Sana lamang ay hindi tungkol kanina. “Sit here,” mariing utos nito at sinulyapan ang espasyo sa tabi niya. Kahit nahihiya ay tinabihan ko siya at agad na kinagat ang ibabang labi. Hindi ko na nagawang umimik pa at hinintay na lamang itong magsalita. Ni wala rin akong imik nang i-unat nito ang braso sa kinasasandalan kong sofa. “Nagustuhan mo ba rito, hmm?” Saglit ko itong nilingon at hilaw na tumawa. “O-Oo, e. Maganda kasi,” tugon ko na totoo naman. Marahan itong tumango habang hindi inaalis sa mukha ko ang tingin. “Nais mo pa bang bumalik sa inyo? Sa bahay ninyo, I mean,” tikhim nito at pasimpleng inangat ang sulok ng labi. Alanganin akong tumango dahil sa inaasta nito ngayon. Tila may kakaiba sa paraan ng pagngiti nito sa akin. “Oo, Al. Hindi namin iyon maaaring ipagpalit sa bahay mo.” Sinubukan kong magbiro ngunit ako lang ang natawa sa sinabi kong iyon. Nag-iwas na lamang ako ng tingin dito at pasimpleng hinawi ang buhok. “Babalik kayo roon bukas? How about those guys? Oras na magsampa tayo ng kaso laban sa kanila ay tiyak na babalikan ka ng mga iyon,” paninindak nito na ikinakaba ko naman.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD