Keehana
“Aalis na kami bago ko pa masapok ang ungas na ’yan,” iritadong wika ni Al at hinila agad ako paalis doon.
Tuloy ay kumaway na lamang ako sa mag-asawa at nagpasalamat bago nagpaubaya sa lalaki.
“Tingnan mo, Al. Tinuruan ako ni Ate Thy gumawa ng panali sa buhok,” pagbibida ko sa mga gawa na nakahilera sa pulso ko kahit pa madilim ang paligid.
Hindi ito umimik at pinapasok lamang ako sa loob ng sasakyan na nakaparada lamang sa tapat ng shop. Nang buhayin nito ang makina at ilaw ay marahan nitong hinuli ang pulso ko at pinasadahan ng tingin ang kanina’y ibinibida ko.
Doon ito napangiti bago ako balingan na maaliwalas na ang mukha. “Well, you did a great job today, sweetheart. Magaganda ang mga gawa mo. Puwede mo itong ibenta kung nais mo. Bibilhan kita ng mga kagamitan, then I’ll do the marketing,” sambit nito na siyang nagpatanga sa akin.
“Hala ka! Seryoso?” maang kong naibulalas, saka bumaba ang tingin sa scrunchies na nasa pulso ko. Puwede ko nga ito ibenta, dodoble ang kita ko at mas makakaipon ako. Tama, tama.
Ngumiti lalo ang lalaki habang nakamasid sa mukha ko. Natigilan lang ako at napatingin dito nang pasimple nitong ilapit ang mukha sa akin.
“Just tell me what you need, sweetheart. Kung ano ang ikaliligaya mo, ibibigay ko, hmm?”
Nagtama ang mga tingin namin. Daglian akong tumango rito nang bahagyang dumiin ang pagkakahawak nito sa baywang ko, tila ba pinapasagot ako.
Lumamlam ang mga mata nito, bago ko naramdaman ang mariing paglapat ng mga labi nito sa akin. Wala akong naging pagtutol nang ialay rito ang mga labi.
Ramdam ko ang pag-iinit ng katawan ko nang marinig ang mga tunog ng naglalabang mga labi namin. Tila ba binabaliw ako ng tunog na iyon, pati na ng init ng bibig at basang mga labi nito.
Kusa naman itong bumitiw nang makuha na ang nais mula sa akin. Isang kakaibang ngisi ang lumitaw sa mga labi nito bago ikabit ang seatbelt ko.
Bago ito magmaneho ay dumali pa ito ng halik sa likod ng palad ko na ikinainit lalo ng mukha ko.
Sa biyahe ay nakatulog ako. Nagising na lamang ako nang maramdaman ang sarili na buhat-buhat ni Al. Dagliang napaigtad ang katawan ko bago silipin ang mukha ni Al na seryoso lamang.
Tuloy ay napalunok ako bago ako nito ibaba sa kama ng kuwarto niya. Ito pa ang nag-alis ng heels ko kaya nahiya na naman ako rito.
Pansin ko pa ang pasimpleng pagtitig nito sa mga paa kong nakalambitin sa gilid ng kama at hinaplos iyon, saka ako binalingan ng tingin.
“You are so damn gorgeous, Keehana. Damn gorgeous. Tell me, how can I resist you? How can I control myself when you are just in front of me, looking at me like that, hmm? Damn, woman, you are slowly killing my sanity. Damn it . . .”
Ingles na naman. Napanguso ako nang hindi ko nagawang sundan ang mga sinabi nito. Ang tanging naintindihan ko lang nang sigurado ay ang gorgeous. Ang mga sumunod ay malabo na dahil halos pabulong na lamang niya iyon.
Para itong nafu-frustrate habang nandidilim ang mukha na nakatingin sa akin.
Bahagya pa akong nabahala habang nakatingala sa lalaki, hindi alam ang gagawin.
Hirap akong lumunok, at kahit na naiilang ay hindi ko magawang iwasan ito ng tingin. “A-Ano’ng . . . Ano ang nangyayari sa iyo, Al? M-May problema ba?”
Wala itong naging tugon sa sinabi ko, at sa halip ay yumuko lamang at kinorner ako sa pamamagitan ng pagharang ng mga kamay sa magkabilang gilid ko.
Lihim akong suminghap at nakaramdam ng pagkailang.
“Huwag na huwag kang maniniwala sa mga sinasabi ng Steve na iyon, hmm? Huwag mong intindihin ang matandang iyon,” anito na titig na titig sa mga mata ko.
Matanda? “Talaga palang matanda na si Sir Steve. E, si Ate? Ilang taon na siya?”
“She’s two years younger than me, sweetheart,” bulong nito sa tainga ko. Tila ba nanayo ang lahat ng mga balahibo ko sa katawan dahil sa ginawa nito. “You know what, Keehana? Men are like wine. The older, the better. While ladies, you reap them while they are still young—just like you. Dapat ka nang anihin.”
“H-Ha?” usal ko habang nabo-bobo sa mga sinabi nito. Ni wala ako halos maintindihan. Anong anihin? Ano ’yon, bunga ng halaman o puno? Bakit naman ako aanihin?
Ngumiti ito nang kakaiba nang mapansin ang kaguluhan sa ekspresiyon ko. Matapos niyon ay naramdaman ko na lamang ang marahang paghaplos nito sa pisngi’t leeg ko. “I really love to corrupt your mind like this, Keehana. You wanna know what’s running through my mind right now?” aniya ngunit hindi ko na nagawa pang sumagot. Natulala na lamang ako sa mukha nito na sobrang lapit sa akin. “That is you . . . tied and naked, lying on this bed while I f**k you so hard and you can’t do anything but moan my name in pleasure.”
Namilog ang mga mata ko sa narinig. Hindi man ako fluent sa Ingles ay naintindihan ko naman ang sinabi nito!
Daglian ko itong itinulak bago magdere-deretso sa banyo, bitbit ang saplot na pamalit ko sana.
Taas-baba ang aking dibdib habang tulala sa salaming nasa harap. Hindi maawat ang pananayo ng mga balahibo ko at panlalamig ng katawan habang paulit-ulit na umaalingawngaw sa isip ko ang sinabi nito.
Ano ba ang nangyayari kay Al? Parang . . . Parang nakakatakot na naman siya.
Halos magkalahating oras ako sa loob ng banyong iyon, saka ko lamang naisipang lumabas. Tahimik na kuwarto ang sumalubong sa akin paglabas ko, ni walang bakas ni Al.
Isang hingang maluwag ang kumawala sa akin bago ko napagpasiyahan na lumabas ng kuwartong iyon para kumain. Sa kusina ko na naabutan ang mga bata at si Al na nag-uusap-usap habang may inihahanda ang lalaki sa island counter.
Nagtago ako sa gilid ng entrada ng kusina, tila ba umurong ang mga paa ko sa tangkang pagpasok. Sinilip ko ang mga ito na nagtawanan.
“Dito na po ba kami titira, Kuya Al?”
“Yes, Tania. Temporarily, dito tayo maninirahan. May nabili akong magandang lupa sa Zambales kahapon, nais kong doon na lang tayo kung sakaling pumayag ang ate ninyo. Balak kong gawin iyong farm para kumita tayo since two months na lang ay aalis na ako sa trabaho ko.”
Awtomatiko akong natigilan at napatayo nang tuwid. Zambales? Napakalayo niyon! Ano naman ang gagawin namin doon?
Napatakip ako ng bibig. Dinagundong ang puso ko nang napakalakas habang iniisip na para kaming mag-asawa ni Al na magkasama sa bahay, at magkasama ring lilipat.
“Hindi ata papayag si Ate, Kuya. Nandito kasi ang Mama namin at ang pag-aaral, at isa pa, hindi naman kayo mag-asawa. Sampid lang kami rito, e.”
Sa narinig ay natampal ko ang noo nang walang ingay. Pero tama si Tania. Hindi naman ako papayag na umalis sa lugar na ito lalo’t naririto ang nanay ko.
Pansin ko ang biglaang pagtigil ni Al sa pagsasandok ng kanin. Tumalim ang tingin nito sa kanin na inaasikaso bago mag-angat ng tingin sa kapatid ko at ngumiti.
“Don’t say that, hindi kayo sampid dito, hmm? At tungkol naman doon sa pag-aaral ninyo, you can transfer there. Aasikasuhin ko iyon once na pumayag ang ate ninyo sa paglipat. Pero habang wala pa, doon muna kayo mag-aral sa pinag-enroll-an ninyo.”
“Okay po . . .”
Pigil-hiningang umiwas ako ng tingin doon.
Doon ko lang din napansin na wala roon si Owen. Tiyak na masama ang loob niyon kay Al.
Napailing-iling ako bago iyon hanapin. Baka nagugutom na iyon o kung ano pa man.
Sa sala ng bahay ay naabutan ko ang paslit na lalaki. Nakasimangot ang mukha nito habang tutok ang mga mata sa pinapanood na movie. Tila pa napansin agad nito ang presensiya ko dahil napaigtad ito at nilingon ako.
“Owen,” tawag ko sa pangalan nito bago maupo sa tabi nito. Hindi ito umimik na para bang nagtatampo sa akin, tuloy ay napahinga ako nang malalim. “Uy, nagtatampo ka sa akin?” Kinalabit ko ito na ikinatingin naman nito sa akin.
“Sabi mo aalis na tayo rito, Ate. Bakit sabi ng lalaking iyon na mananatili tayo rito? Ayoko sa lalaking iyon! Aagawin ka lang niya sa amin!” palatak nito na talagang galit kay Al.
Ngumiti ako rito nang masuyo at tinangka itong higitin upang yakapin, ngunit hindi ako nito hinayaan.
“Owen naman, bakit mo ba nasasabi na aagawain niya ako sa inyo? Hindi naman ganoon iyon,” kalmado kong kausap sa bata na kaunti na lamang ay tutulo na ang mga luha. Halatang kanina pa itong umaga nagpipigil ng nararamdaman. Masama rin ang tingin nito sa akin.
“Malamang, magiging mag-asawa na kayo. Ano ba kapag naging mag-asawa ang dalawang tao? Hindi ba’t magsasama sila at bubukod ng tirahan, bubuo ng mga anak? E, kami? Paano kami nina Ate Tania, Nadine, at Melanie? Iiwan mo na kami!” maktol nito kaya tila ba sinabugan ako ng ugat sa ulo.
“H-Huy, a-ano’ng pinagsasasabi mo?” maang kong bulalas habang namimilog ang mga mata. Magiging mag-asawa? Sino? Kami ni Al? Tila ako nangilabot sa ideyang iyo. “Sino’ng may sabi sa iyo na mag-aasawa agad ako? Hindi pa, uy! Wala pa nga akong natitipuhan. Isa pa, hindi ko nga kayo mabigyan ng magandang buhay, maisipan pa kaya na mag-asawa agad. Sa hirap ng buhay ngayon, ni hindi sumagi sa isip ko ang mag-asawa agad. Kaya kumalma ka na dahil hindi ko naman kayo iiwan.”
Dagliang natigilan ang bata, pagkaraa’y napalunok habang iniisip kung nagsasabi ba ako ng totoo. Mayamaya ay ngumuso ito at inalis ang luha. “Pero bakit sabi ni—”
“Ha?” tanong ko nang matigilan ito. Maging ako man ay natigilan nang lingunin ko ang likuran dahil doon nakatarak ang tingin ni Owen.
Muntik na akong mahulog mula sa kinauupuan nang masumpungan ko si Al na walang emosiyon ang mukha. Hindi rin nakaligtas sa paningin ko ang pasimpleng paggalaw ng panga nito habang nakatayo sa ’di kalayuan.
K-Kanina pa ba siya riyan?
Tila ako pinanuyuan ng lalamunan nang tumalikod ito na nakakuyom ang isang kamay.
“Dinner’s ready,” matipid na turan nito na nahimigan ko ng kalamigan.
Nagkatinginan kami ng paslit, bago sumunod sa lalaki nang walang imik.
Parang galit ito nang pagsandukan ako ng pagkain. Hindi rin makatingin sa mga mata ko na gaya noong mga una.
Galit . . . Galit ba siya sa akin? Ngunit bakit? Wala naman akong nagawang—saka ko lamang naalala na iniwan ko nga pala ito kanina sa kuwarto nang walang pasabi. Itinulak ko siya at pinagtaguan. Iyon ba ang ikinagagalit niya? M-Masiyado bang naging bastos ang nagawa ko kanina?
Napayuko ako habang hirap na hirap sa pagnguya ng kinakain. Para bang may nakabara sa lalamunan ko.
Napailing-iling ako at sa huli ay nawalan ng ganang kumain. Halos kalahati pa lamang ang nakokonsumo ko, nakakahiya naman kay Al na libre na nga kaming pinapalamon tapos sasayangin ko pa.
“Huwag mong pilitin ang sarili mo kung ayaw mo nang kumain. I will eat that.”
Napaigtad ako sa nagsalita sa tabi. Maang kong tiningnan si Al na hanggang ngayon ay madilim pa rin ang mukha.
Hindi na ako naka-imik nang kuhanin nito ang plato ko at kinain ang natirang pagkain ko, ni walang pandidiri.
Pinagmasdan ko na lamang ito, bago mapagpasiyahan na ligpitin ang pinagkainan ng mga bata. Ako na ang naghugas niyon habang hinihintay na matapos ang lalaki.
Hindi rin naman nagtagal bago nito ilagay sa sink ang pinagkainan. Kusa akong gumilid upang bigyan ito ng espasiyo para makapaghugas ng mga kamay.
“Clean yourself up after that. I will wait you in our room,” mariing aniya bago ako iwanan doon.
Marahas akong bumuga ng hininga at agad na tinapos ang ginagawa. Siniguro kong malinis na ang kusina kahit pa may mga katulong si Al sa bahay niya. Matapos ay pinatay ko ang ilaw roon bago umakyat sa kuwarto upang maglinis ng katawan.
Naabutan ko roon ang lalaki na may kinakalikot sa laptop nito habang nagpupunas ng basang buhok na tila ba kaliligo lamang.
Mabilisan lamang ang ginawa kong pagligo kahit pa nais kong enjoy-in ang bathtub doon. Sa susunod na lang siguro.
Isang hanggang tuhod na puting plain dress ang isinuot ko na pantulog. Ginamit ko lamang din ang blower na naroon upang tuyuin ang buhok ko. Hindi naman ganoon kahirap intindihin ang guide sa paggamit niyon. Halata pang bago.
Nang matapos sa pagpapatuyo ay marahan kong sinuklay-suklay ang buhok na nangingintab. Maalon-alon na iyon at mababakasan pa ang ilang hibla ng tunay kong kulay ng buhok. Bata pa lamang ako ay katulad na sa mga banyaga ang buhok ko, blonde. Unti-unti ring nangitim sa paglaki ko. Namana ko pa sa ama ang ilang katangian ko na pangbanyaga. At ayoko sa katotohanang iyon. Hindi ko pinangarap na makuha ang mga katangian niya dahil gago siya. Nagawa niya kami ni Mama na pabayaan at abandunahin.
Nagbaba ako ng tingin sa lababong kaharap at bumuntong hininga.
Paglabas ko ng banyo ay wala akong naabutang Al sa kama. Sinilip ko pa ito sa balkonahe at doon ay natagpuang nagmamasid sa kawalan.
Natigilan ako sa lapad ng likod nito. Tanging boxer lamang ang suot nito pang-ibaba, halata ko tuloy ang malaking pang-upo nito. Bumalik ang tingin ko sa mabatong katawan nito. Pati ang mga hita at paa nito ay naglalakihan. ’Yong tipo ng tao na hindi ko kayang palagan.
“Come here, Keehana.”
Napaigtad ako sa sinabi nito. Naramdaman niya ang presensiya ko? Hindi naman ako gumagawa ng ingay.
Walang imik na tinungo ko ang tabi nito at bahagyang nag-tiptoe upang ipatong ang mga siko sa railings. Nilingon naman ako nito at nagbaba ng tingin sa mga paa ko, saka napangiti nang tipid.
“Kiss me. Galit ako ngayon.”
“Ha?” Napatanga ako rito. Ngunit sa huli ay inabot na lamang ang mga labi nito upang pagbigyan. Doon ay napangisi ito at dinilaan ang sariling mga labi.
“Alas ocho pa lang. Do you want to watch a movie? May mga nabili akong bala riyan na puro horror at action movies. Kung wala kang maibigan doon, may mga downloaded movies naman ako sa laptop,” aniya makaraan na ikinatingin ko sa kaniya. “And by the way, nag-text si Thy at nakalimutan daw nating iuwi ang bigay niya na guidelines para sa pananahi. Bukas na lang natin kuhanin.”
Awtomatikong nagliwanag ang mukha ko sa narinig at napangiti. “Sige! Nais kong manood ng . . .” Ano nga ba ang tawag doon? Napakamot ako ng ulo. “’Yong guwapo ang bidang lalaki na zombie, o ’di kaya ay ’yong mga bampira at werewolves na guwapo at nagkakatuluyan sila ng bidang babae. Ganoon ang gusto ko,” excited kong sambit at agad na umalis doon. Tinungo ko ang malaking flat screen TV niya sa loob ng kuwarto at tumabi roon upang hintayin ito na buksan iyon.
Natawa lamang ito habang napapailing. “Hindi ko alam kung saan mo pinagkukuha ’yang mga naiisip mo dahil hindi ko alam kung saan hahagilapin ang mga ganiyang movie. I am into action movies, Keehana. At kailan pa nagkaroon ng guwapong zombie at mga halimaw? Ang totoong hitsura ng mga iyan ay pangit.”
“Kaya nga movie, e,” paglalaban ko sa huling sinabi nito. “Malamang ay ginagawa nilang magaganda ang hitsura ng mga bida para mas tangkilikin ang movie nila. Kung hindi kaaya-aya ang hitsura ng mga bida, tingin mo magkakaroon ang karamihan ng interes na manood at kikiligin?”
Napangiti ito nang malawak sa sinabi ko, tila ba natutuwa. Binuhay rin naman nito ang malaking TV na ngingiti-ngiti.
“Hindi ako lalaban, sweetheart.”
Hindi ko pinansin ang sinabi nito dahil sa ini-imagine kong bampira na nakakakilig ang mga kilos. Totoo kaya sila? At kung totoo man, tiyak na malayo ang palabas sa reyalidad.
“Kilig na kilig ka sa mga iyon. Bakit, hindi ba ako guwapo sa paningin mo? I am not an extraordinary creature and I will never be, hindi mo naman kailangan niyon. Tao ang nababagay sa iyo, hindi literal na halimaw o kung ano pa man.”
Tila naglahong bigla ang mga ulap sa itaas ng ulo ko at napanguso sa lalaki.
“Lakas mo naman manira ng imahinasiyon ko,” simangot kong turan at pabagsak na naupo sa kanto ng kama.
May hinugot itong bala at sandaling sinuri, bago ako lingunin. “Eto na lang. Zombie naman ito, hindi nga lang romance. More on action ito,” aniya at ipinakita sa akin ang hawak.
Tumango na lamang ako dahil wala naman akong magagawa. Matapos nitong isalang ang bala ay p-in-ause nito muna ang movie. Sinundan ko ito ng tingin nang lumabas ito nang walang imik, at pagbalik ay may dala nang dalawang bote ng alak.
Napasinghap ako sa pagkagulat at natigilan. Tiningala ko ang lalaki na naupo sa tabi ko habang ang mga bote ay nasa paanan namin. Ni hindi man lang ito nagtira ng espasiyo sa pagitan namin.
“Bakit ka iinom?” marahang tanong ko rito na agad na binuksan ang isang bote.
“Gusto mo ba akong sabayan? Pahinga ko bukas kaya okay lang uminom ngayon,” alok nito ngunit alanganin akong umiling habang nakatingin dito.
“Ayoko, baka mamaya ay maglumpasay ako sa sahig. Hindi ako nainom,” malumanay na sambit ko bago ibalik sa TV ang tingin. May pinindot ito sa remote kaya nag-play na ang palabas, tuloy ay umayos ako ng upo at bahagyang umusog palayo rito.
Ngunit sumimple pa rin ang lalaki na umusog padikit sa akin kaya hinayaan ko na lamang.
Sa gilid ng mga mata ko ay kita ko kung paano ito magsalin ng inumin. “Baka maihi ka sa kalagitnaan ng panonood, ha. Kung takot ka, you can ask me for a tight hug. I am more than willing, you know,” daldal nito na agad kong inungusan.
“Ikaw nga dapat ang inaalala rito. Baka magsuka ka mamaya o magwala. Hindi pa naman kita kayang awatin, laking tao mo ba naman.” Saglit ko itong nilingon at bumaba ang tingin sa iniinom nito. Langhap na langhap ko ang amoy niyon na para bang mamahaling alak.
Dinig ko ang mahinang pagtawa nito at pasimpleng paghapit sa baywang ko. “Mataas ang alcohol tolerance ko, sweetheart. Hindi ko gawain ang magsuka o magwala kapag nakakainom.”
Tinanguan ko ito. “O, sige. Huwag ka lang iinom nang sobra. Masama na iyon.”
Ngumisi ito at inisang lagok ang inumin. “Noted, wife.”
Inismiran ko ito bago ibaling muli sa pinanonood ang atensiyon. Naabutan ko ang paunang eksena na nagtatakbuhan ang mga zombie, hinahabol ang mga bida na may bitbit na mga armas at pamalo.
“Hala! Nakagat ’yong babaeng kasama nila!” bulalas ko sa pagkabigla. Infected na iyon, tiyak na papatayin na rin iyon ano mang oras.
Umalingawngaw ang halakhak ng lalaki sa tabi ko na ikinatingin ko rito.
“Relax. Here, drink this, Keehana.”
Tumingin ako sa inaalok nito na isang boteng hindi niya pa nabubuksan. Iba iyon sa iniinom niya ngayon. “Hindi nga ako nainom . . .”
“Hindi naman ito matapang. Masarap ang wine, pampa-relax habang nanonood ka.”
Pampa-relax? Ganoon ba iyon?
Hindi nakaligtas sa paningin ko ang paglabas ng kakaibang ngiti sa mga labi nito.
“Sigurado ka? Hindi ba ito nakalalasing?”
Naroon pa rin ang kakaibang ngiti sa labi nito nang tumango. “Nakalalasing iyan kapag naparami ang inom mo. One glass is enough for you, sweetheart. May alcohol content iyan. Here.” Nag-abot ito ng babasaging baso na agad ko namang tinanggap kahit na nag-aalangan pa ring uminom . . .