Pagkaalis ni Martin ng bahay sinabi ko sa sarili ko na kakalimutan ko na ang lahat. Magsisimula uli ako sa dati. At si Mommy? Hindi na mahalaga kung siya man o hindi ang nagsilang sa akin. Kung malalaman niyang alam ko na, mahihirapan lang ang kalooban niya at baka gustuhin niya pang umalis sa tabi naming ni Dad. Ano naman ang sasabihin ko kay Dad kapag nagising na siya? Siguradong magi-guilty rin ang tatay ko kapag nangyari. Bumaba ako sa kusina at gaya ng nakasanayan nandun na si Mommy, nakahanda na siya ng mesa. May pini-prepare din siyang mga baon na nilalagay niya sa isang maliit na bag. “Good morning, Mom.” Bumeso ako sa kanya. Binati niya rin ako. Tinanong ko kung para saan ang mga nilalagay niya sa baon? Dadalhin niya raw sa hospital at ibibigay sa mga nurses at doctor ni dad.

