“Baka maubos pasensiya niyan sa’yo, Pare. Hinay-hinay lang,” sambit ng lalaking kanina pa lagay ng lagay ng lotion sa balat niya. Daig pa ang babae sa kalinisan at kaartehan sa katawan.
“Akala ko nga e hindi na niya ako papansinin,” naiiling pang sabi ni Tantan sa kaibigan.
“Kita mo na. Kung ako nga siguro iyon e baka kahit isang taon pa ay hindi kita papansinin e. Biruin mo na pagkatao ko na ang nilait mo. Pagkatapos ay sasabihan mo pa akong tanga,” sabi ni Jo Ash.
Naroon si Tantan ngayon sa kaibigan at kababata niyang si Jo Ash Tanico. Ito ang pinagkukuwentuhan niya ng tungkol kay Hazel. Aliw na aliw naman ito sa pakikinig tuwing nagkukuwento si Tantan sa kaniya. Natatawa na lang talaga ito dahil pakiramdam niya ay gusto nito ang katrabaho ngunit panay ang tanggi nito.
Mabilis na nilagok ni Tantan ang alak na nasa baso niya. Tanaw ang lawak ng siyudad sa balkonahe ng bahay ng kaibigan. Dama ang katamtamang init ng araw at dampi ng malamig na hangin. Ang sabi ay may ikinakasal na tikbalang daw kapag ganito ang panahon. Umuulan kahit na maaraw.
“Umamin ka nga, P’re, gusto mo siya ‘no?” Humalakhak naman si Tantan sa sinabi ni Jo Ash.
“Si Hazel? Hindi a,” buong tanggi nito.
“At tigilan mo na nga iyang kaka-lotion mo. Pati ako napapahaplos sa balat ko. Parang matatanggal na ang balat mo kahahaplos,” sabi pa nitong muli na nairita na sa kahahaplos ni Jo Ash sa sariling balat.
“Inaano ka ba ng lotion ko?” Umayos ito ng upo at dumukwang sa kaniya.
“Pero alam mo, P’re? Diyan nagktuluyan ang lolo’t lola ko,” sabi nito na nakangising nakaloloko.
“Puro ka kalokohan. Hindi ko magugustuhan ‘yon! At isa pa, masaya lang talaga siyang biruin kasi siya lang ang nagre-react sa mga jokes ko. Kahit na nagre-react siya e hindi niya dinidibdib ang mga pang-aasar ko sa kaniya,” pagtatanggol pa nito sa sarili.
“At isa pa e paano niya didibdibin iyon e wala naman siyang dibdib,” malokong sabi ni Tantan. Napahalakhak naman si Jo Ash sa sinabi nito.
“Puro ka rin kalokohan e patas lang tayo. At mas lalo na ikaw. Hindi ka na talaga nagbago. Naalala ko pa ang babaeng pinaiyak mo noong high school tayo,” humahalakhak pa ring sabi ni Jo Ash.
“Oo nga, ‘no? OA naman kasi niya,” natatawang sabi ni Tantan habang ini-imagine ang kalokohan nila noong secondary years nila.
“Pero totoo ang sinabi ko tungkol sa lolo at lola ko, P’re.” Napalingon si Tantan sa kaniya at nawala ang iniisip tungkol sa nakaraan.
“Ows?” Hindi kumbinsido si Tantan sa sinabi nito.
“Totoo. Magka-work sila ni Lola noon. At huwag ka. Walang araw na hindi niya kinulit si Lola. Minsan pa nga raw ay itinatago ni lolo ang sapatos ni lola kasi naka-tsinelas lang ito sa opisina dahil sa taas ng takong ni lola,” aliw na aliw na pagkukuwento ni Jo Ash.
“And the next thing he knows? P’re, niyayaya na niya ng date si Lola.”
“Nako, malabo sa akin iyon, P’re. At isa pa bulag iyon kay Boss. Impossibleng tumingin sa akin iyong bilang isang lalaki. Pero kahit ako e hindi isang babae tingin ko sa kaniya,” sabi pa ni Tantan.
“Akala mo lang iyan. Pustahan, siguradong yayayain mo ng date si Hazel.” Natawa lang si Tantan.
“Imposible, P’re,” confident na sambit ni Tantan.
“Huwag ka magsalita ng tapos, P’re,” ngingisi-ngising sabi ni Jo Ash.
Natatawa na lang si Tantan. Alam niyang lasing na ang kababata kaya ay kung ano-ano na ang pinagsasasabi nito. Sigurado siya sa sarili niya na hindi niya type si Hazel. Type pag-trip-an siguro, oo. Wala si Hazel sa bahay nito kanina kaya wala siyang makulit. At kaya naman naisipan niya na puntahan na lang si Jo Ash.
“Siya nga pala, P’re, hindi mo ba nami-miss parents mo?” usisa ni Jo Ash nang bahagya itong tumahimik.
“Hayaan mo sila. Feeling ko naman e hindi nila ako nami-miss. At kung mami-miss man nila ako e alam naman nila kung saan ako hahanapin.” Tatango-tango lang si Jo Ash sa sinabi nito. Pakiramdam niya ay hindi pa rin maayos ang tampuhan ng mga ito.
“Kung sabagay. Pero kapag sa akin ka nila hinanap, sabihin ko patay ka na.” sabi ni Jo Ash sabay halakhak nang malakas.
“Tanga! Baka ikaw ipalibing ng mga iyon kapag nagkataon.” Madalas nilang gawing biro ang bagay na iyon. Kapag may naghahanap naman kay Jo Ash sa kaniya ay ganoon din ang sinasabi niya sa mga iyon.
“Ako pa ba? E paborito ako ng mga iyon. Baka nga mas mahal pa nila ako kaysa sa’yo. Naalala mo nang mabasa tayo ng ulan noon pag-uwi ng bahay?” Biglang natawa si Tantan. Naaalala nga niya iyon.
“Oo. Sabi nila balat kalabaw raw ako kaya hindi ako tatablan ng sakit kahit naulanan ako,” sabi ni Tantan.
Nag-apir pa ang dalawa sa naalala. Marami na silang pinagdaanan na magkasama. Marami ring sekreto na silang dalawa lang nakaaalam at never nakalabas sa ibang tao. Wala rin namang dahilan para ipagsabi sa iba.
Matapos nag kuwentuhan ay nagpaalam na si Tantan para umuwi ng bahay at si Jo Ash naman ay magpapalipas ng kalasingan sa swimming pool. Ganoon si Jo Ash kapag nalalasing. Sa halip na matulog ay magbababad sa pool.
“Salamat sa pagbisita, P’re,” sabi ni Jo Ash.
“Oo ba. Bisitahin mo rin ako minsan. Simple nga lang ang bahay ko. Hindi katulad sa bahay mo.” Agad na natawa naman ang isa.
“Sus, ikaw pa ba? Sige, sige. Dalawin kita minsan. Ipasara mo ang lugar niyo pagdating ko,” natatawang biro nito.
“Oo. Ipasasara ko para hindi ka makapasok.” Nagkatawanan pa ang dalawa bago tuluyang maghiwalay.
Nang makaalis si Tantan ay nagpalit na ng trunks si Jo Ash at agad na lumundag sa pool. Hindi maalis ang ngiti sa naiisip. Ilang langoy pa ang ginawa nito at nang mapagod ay umahon na rin ito. Si Tantan naman ay nakarating din sa bahay niya. Kulang-kulang kalahating oras din siyang nag-drive ng motor niya.
“Neighbor!” kaway ni Tantan mula sa ibaba habang nakatingala kay Hazel at papalapit sa bahay nito.
“Himala yata na wala ka buong araw?” napansin kasi ni Hazel na walang nangulit sa kaniya. Dahil kung nariyan ang binata ay yayayain na naman siya nitong mag-bisikleta.
“Bakit na-miss mo’ko?” malokong sahi nito habang nagtataas-baba na naman ang mga kilay nito. Mapalasing man o nasa katinuan ay pareho lang ang kulit nito.
“Asa ka naman. Wala lang kasing magulong today kaya naisip ko na wala ka,” hindi rin naman niya alam kung bakit nagpapaliwanag siya.
“Sige. Pahinga muna ‘ko,” paalam ni Tantan. Nagtataka man si Hazel ay hinayaan na lamang niya. Abala siya sa pagsasampay ng mga nilabhan niya. Hapon na siya nakapaglaba dahil naubos ang oras niya kanonood ng movie.
“Ang ampalaya ko kaya kumusta?” bigla na lamang niyang naisip. Na-miss na niya ito sa totoo lang dahil kahit sa opisina ay hindi niya ito nilalapitan. Wala namang transaction kaya hindi niya kailangang puntahan ito sa opisina. Pero sa Lunes ay balik na ulit sa dati. Marami itong meeting at makakasama na naman niya ito.
“Mabuti naman at makakasama na ulit kita. Huwag ka namang bitter masyado. Maraming magagandang bagay ang dapat mong ma-appreciate sa mundo,” kausap pa rin ni Hazel sa sarili. Kadalasan naman ay sarili niya lang ang kausap niya. At bibihirang may matino siyang makausap katulad ni Allen. Hindi rin kasi matinong kausap si Tantan.
Maagang-maaga pa ay gising na si Hazel kinabukasan. Kailangan niyang mamalengke para sa baon niya sa opisina. Kailangan na niyang simulan ang moves niya para naman pansinin na siya ng ampalayang amo niya. Gustong-gusto niya ito at buo na ang loob niya na paiibigin niya ito.
“Saan ka pupunta?” usisa ni Tantan sa babaeng dumaan sa hagdaan na nasa harapan ng unit niya.
“Sa palengke, sama ka?” sabi ni Hazel.
“Wow! Maganda yata ang gising mo at inalok mo ako. Seryoso ka ba? Hindi ako tatanggi,” bahagyang nakaramdam ng excitement si Tantan. O baka dahil nasobrahan sa asukal ang kape niya kaya nagka-energy siya nang sobra-sobra.
“Ay hindi. Joke ko lang iyon. Sige na. Baka tanghaliin pa ako,” sagot naman ni Hazel saka tumalikod sa binata. Ayaw niyang istorbohin nag pagkakape nito. Nakataas pa man din ang mga paa nito sa terasa nito. Papalabas na siya ng gate ng apartment nila nang may biglang umakbay sa kaniya.
“O, ang bilis mo naman. Nakabihis ka kaagad. Hindi ka pa yata naghilamos,” kantiyaw niya sa binata.
“Oy, maaga akong nagising kaya maaga akong naghilamos,” buong tanggi pa nito. Gusto talaga yatang sumama sa palengke kaya naman hindi na niya ito pinigilan.
Naglakad lang sila sa palengke dahil malapit lang naman. Mga sampung minuto mula sa bahay nila. Iyon na rin ang exercise nila sa araw na iyon. Maaga sila kaya fresh pa ang mga naabutan nilang bilihin.
“Iyan, kunin mo. Dali. Baka maunahan pa tayo,” utos ni Hazel sa binata ngunit tumanggi ito.
“Ayaw. Gumagalaw pa iyan. Baka mamaya e kagatin ako,” napanguso naman ang dalaga sa kaartehan nito.
“Sayang naman ang laki ng katawan mo. Isda lang e takot ka,” naiiling na natatawa ito. Bigla namang sumingit ang tindera sa kanila.
“Nako, Sir, bawas pogi points ka niyan sa jowa mo,” natawa naman si Tantan pero si Hazel ay umaktong nangilabot.
“Ay, Ale. Hindi ko iyan boyfriend. Wala akong boyfriend na takot sa buhay na isda,” sabi ni Hazel na todo pa ang halakhak. Nakitawa din naman ang tindera.
“Pagbilan nga po ng isang kilo niyang tamban wt nang magataan. Pakidagdagan niyo na rin ng talong at siling habang green,” turo pa ni Hazel sa siling pang-sigang.
“Hindi ako takot sa isda. Ayaw ko niyan hawakan kasi malansa,” pagdadalihan pa ni Tantan kahit na iba naman ang sinabi nitong dahilan kanina.
“Huwag ka mag-alala, naiintindihan kita,” sabi ni Hazel pero natatawa pa rin sa dahilan nito. Ito lang yata ang lalaking kilala niya na takot sa buhay na isda. Kung sabagay, iilan lang naman ang kilala niyang lalaki bukod sa tatay niya. Sina Allen, Tantan at ang ampalaya niya lang.
“Nagsasabi ako ng totoo,” sabi pang muli nito.
“Bakit? Sinabi ko bang nagsisinungaling ka? Bahala ka na nga,” natatawa pa rin sabi ni Hazel. Namili pa sila ng ilang gulay, sangkap at manok. Sinamahan na rin niya ng shrimp. Pang isang linggong baon ang pinamili niya para naman hindi siya pababalik-balik ng palengke o maabala pa ng ibang araw para mamili.
“Baka kulang pa iyan? Balak mo yatang bilhin ang buong palengke e,” sita ni Tantan. Siya kasi ang may hawak ng dalawang bayong ni Hazel na puno ng pinamili nito.
“Kulang pa nga. Pero okay na iyan dahil may tindahan naman doon sa atin para sa kulang. Huwag ka na magreklamo. Sasama-sama ka e. Kaya ikaw magbuhat niyan,” sabi pa nito sa binata. Napabuga na lang ang binata dahil doon.
“Ay teka. Ito pa pala,” turo ni Hazel sa hotdog na nakita.
“Ate, pagbilan nga ng hotdog mong pula,” napakagat si Tantan sa ibabang labi para magpigil ng tawa.
“Problema mo?” tanong niya sa binata nang makuha ang hotdog na binili.
“Ang laswa mo kasi magsalita.” Hindi na nito napigilan ang pagtawa at bumulwak ang halakhak nito.
“Anong malaswa roon? Ayan, isama mo sa bitbitin mo,” sambit niya at pabagsak na inilapag ang isang kilong hotdog sa bayong na lalong nagpabigat dito.
“Dahan-dahan naman. Ang bigat kaya,” reklamo nito. Ngingisi-ngisi naman si Hazel dito.
Lawit na ang dila ni Tantan nang makarating sila sa apartment. Ayaw pa kasi nitong sumakay at mas gusto nitong maglakad kahit na nag-alok na si Hazel. Siya rin tuloy ang nabigatan.
“Salamat! Sa uulitin!” bagsak ang balikat na pabagsak na naupo si Tantan sa sofa ni Hazel.
“Meryenda ka muna,” pagkasabi ng dalaga ay natungo ito sa kusina at nagtimpla ng juice at gumawa ng sandwich. Habang nagpapalaman ay nangingit siya sa naiisip.
“Huwag ka mag-aalala ampalaya ko. Hindi kita gagayumahin. Luto ko pa lang, maiinlab ka na,” bulong niya sa sarili. At inihatid ang juice kay Tantan.