Katulad ng plano ni Hazel, maaga siyang nagising at nagluto ng almusal. Ipinagluto niya si Greg. At siyempre isinabay na rin niya ang makulit na si Tantan dahil ito naman ang nagpagod sa pagbitbit ng pinamili niya.
“Ayan. Nako, ha. Don’t you guys ever let me down. Galingan niyo ng pagpapa-impress sa ampalaya ko. Pinaghirapan ko kayo,” nakangiting bulong niya sa mga pagkaing niluto niya kanina. At ngayon nga ay nasa desk na ni Greg.
“Wow ha. Effort na effort ka talaga sa pagpapa-impress mo kay Boss,” kantiyaw ni Tantan sa dalaga pagbalik nito sa desk nito galing sa opisina ng boss nila.
“Aba, siyempre naman,” nakahalukipkip pang sambit nito. Abot-tainga ang lapad ng ngiti nito na proud na proud sa iniluto niya—ang buttered shrimp at veggie salad.
“Sus! Sana lang magustuhan niya. Mukhang hindi basta-basta kakain ‘yon,” kontra pa ni Tantan sa dalaga.
“Ang nega mo. Tseh ka nga riyan. Alam mo, bumalik ka na sa desk mo. Masyado ka nang nakikialam e,” sabi niya rito at pinaikot ang binata saka itinulak pabalik sa desk nito.
“Ewan ko sa’yo. Sure ako, hindi niya magugustuhan ‘yon,” sigaw pa nito. Taas ang kilay na muling naupo si Hazel at hinintay na dumating ang boss niya.
Ilang minuto lang ay naroon na ang boss niya. Tumango ito sa mga empleyado nitong nadaanan maliban sa kaniya, “Sungit! Hmp. Ano na naman ang nagawa ko?”
Nakangusong itinuon ni Hazel ang sarili sa harap ng computer niya. Ngunit hindi niya maiwasang silipin ang reaction ni Greg sa pagkain na iniwan niya. Ngunit sumulyap lang ito sa pagkain pagkatapos ay bahagyang hinawi sa gitna. Hindi rin ito lumingon man lang sa kaniya.
“Tsk!” dismayadong nagsimulang magtrabaho si Hazel.
Ilang minuto nang magsimula siyang tumutok sa ginagawa nang silipin ni Greg ang pagkain. Hindi na napansin ng dalaga na nakatingin na pala si Greg sa kaniya. Inamoy pa nito ang pagkain at tila natakam na tinikman ito. Dahil dismayado si Hazel ay hindi na niya ito nilingon pa.
“Paki-check nga ito,” istorbo ni Tantan sa dalaga. Ngunit hindi siya ito pinansin kaya kinalabit na lamang niya ito. At pagharap nito ay pinaghahampas na naman siya sa braso.
“Lagi na lang! Huwag ko lang makuha-kuha iyang palaka mo at siguradong makakatay ko iyan. Diretso sa basurahan iyan sa akin,” gigil na sabi niya. Tawa naman nang tawa ang binata sa kalokohan na ginawa nito sa dalaga.
“Huwag naman. Mahal na mahal ko iyan. Unang kita ko pa lang sa kaniya ay alam kong malalim ang pagsasamahan namin,” nakangusong sabi nito na akala mo naman ay buhay ang palakang tinutukoy nito.
“Ang OA mo,” natawa na lang si Hazel sa binata. Hindi niya maintindihan kung bakit sobrang isip bata ng isang ito. Ngunit alam naman niyang makulit lang din talaga ito.
Napahinto si Greg sa pagsubo ng salad nang mapalingon sa desk ni Hazel. Sarap na sarap pa naman siya roon ngunit tila nawalan na siya ng gana. Tinakpan niya ito at inilayo muli sa kaniya. Pagkatapos ay nagsimula nang magtrabaho. Ngunit hindi niya maiwasang mapalingon dito.
Nqng lingunin niya ang lunchbox ay saka lang niya napansin na may note pala itong kasama. Dinampot niya iyon at binasa, “Sir, tikman mo ang luto ko, please! I love… cooking.”
Nangiti siya sa note na iyon. Tatawa siya kasi nauna pa niyang nakain nag pagkain bago masaba ang note. Ngunit napawi ang ngiti niya nang mapalingon muli kay Hazel. Naiiling na kinuyumos niya ang papel at itinapon sa basurahan.
“Nasisiraan ka na, Greg,” bulong niya sa sarili. Ewan ba niya ngunit tila ba may humahatak sa mga mata niya na tumingin sa dalaga.
“Huwag mong iparamdam sa isang tao na gusto mo siya kung hindi mo naman kayang panindigan,” matalim na tingin na halos tila malulusaw ang ipinukol niya sa dalaga. Iyan ang gusto niyang sabihin nang makita niyang muli ang dalawa na masayang nagkukulitan.
Ngunit bakit naman niya iyon sasabihin? May gusto ba siya sa dalaga? Alam niyang gusto siya ni Hazel at sa ospital pa lamang ay ramdam niya ang pag-aalala nito sa kaniya.
Nailing na lamang siya at muling tinutukan ang ginagawa. Muli ay pinaalalahanan niya ang sarili na hindi siya dapat magpadala sa ano mang pilit na ipinadarama ng puso niya sa kaniya. Hindi na siya muli pang padadala sa mga ipinapakita nito sa kaniyang pag-aalala.
Ngunit kahit na anong focus niya ay nadidistract pa rin siya sa dalawa. Tumayo siya sa kinauupuan upang tunguhin ang blinds ng glass sa may pintuan niya at ibinaba iyon upang hindi makita ang dalawa. Nang magbalik siya sa desk niya ay muli siyang nagsimulang magtrabaho.
Ngunit ang akala niya na makapagpo-focus na siya kapag hindi niya nakikita ang dalawa ngunit lalo siyang na-curious kung anong nangyayari sa kanila. Kaya naman pinindot niya nag intercom ng telepono at tinawagan si Hazel.
“Please come to my office now,” sambit niya sa kabilang linya. Nagtinginan naman sina Tantan at Hazel saka kibit-balikat na tinungo ang opisina ni Greg.
Isang katok ang ginawa niya bago siya pumasok sa loob. Abala ito sa tapat ng laptop nito at hindi man lang tumingin sa kaniya habang papasok siya kaya agad siyang lumapit dito upang alamin kung ano ang kailangan sa kaniya ng boss niya.
“Sir, do you need anything?” agad na tanong niya. Ngunit hindi siya nito pinansin. Ilang segundo rin ang itinayo ni Hazel bago ito nagsalita.
“Nevermind. Later at lunch time, I have a lunch meeting with the clients right? Come with me,” seryosong sabi nito. Ang totoo ay wala naman itong sasabihin sa kaniya. Ngunit tila inutusan ito ng sariling isip upang paghiwalayin ang dalawa sa pag-uusap at agawin ang atensiyon nito.
Wala rin itong meeting sa labas ayon sa pagkakatanda ni Hazel. Ngunit baka may sarili itong lakad na hindi nito nabanggit sa kaniya. Kaya naman tumango na lamang siya.
“Okay, Sir.” Tatalikod na sana siya nang muli siyang tawagin nito.
“You don’t need to bring anything. You can go back here in the office with me.” Normally kapag may meeting sila sa labas ay hindi siya sumasabay pabalik sa office dahil may inang pinupuntahan pa ang boss niya matapos ang meeting sa client.
Nagtataka man ay hinayaan na lamang niya at hinintay itong matapos sa ginagawa para puntahan nila ang lunch meeting nito.