“Hazel! Hazel!” Pakiramdam ng dalaga ay lumindol ang paligid mula sa pagkakahimbing niya. Halos araw-araw ay late na siyang umuuwi pagkatapos ay maagang pumapasok. Kaya naman hindi niya maiwasang makaidlip sa breaktime niya.
“Ay bangaw!” hiyaw ni Hazel nang makita ang laruang palaka sa harapan ng mukha niya mismo na ngayon ay nasa sahig na. Agad naman itong dinampot ng binata. Mukha naman kasi itong tunay at slimy pa ang hitsura.
Hindi pa nagkasya sa pagpapalindol ang lalaking hindi niya alam kung noong ipinanganak ba ito ay sinalo ang lahat ng kakulitan sa mundo, at nanakot pa ng palaka.
“Grabe ka naman makabangaw. Sa guwapo kong ito? Mukha ba akong bangaw?” hihimas-himas pa sa baba na sabi ni Tantan.
“Bakit ka ba kasi nanggugulat? Tsaka kadiri iyang laruan na dala mo!” salubong ang kilay na sagot naman ni Hazel na nakatutup pa sa dibdib. Kung may sakit lamang siya sa puso ay tiyak na inatake na siya. Wala nang ginawa ang lalaking ito kung hindi ay sirain ang araw niya.
“Ang cute kaya nito. E ikaw ba? Bakit ka kasi natutulog sa table mo?” Napapakamot na lang ang dalaga sa ulo niya. Alam niyang walang patutunguhan ang magpaliwanag at makipagsagutan sa abnormal na lalaking ito. Ngunit hindi naman siya tinantanan nito.
“Oi, huwag mo’ko tulugan. Nag-uusap pa tayo,” muling yugyog ni Tantan sa dalaga. Kahit na nagulat ito ay nagawa pa rin nitong matulog muli nang dahil sa sobrang antok.
“Ano ba? Hindi mo ba ako titigilan?” seryoso at salubong ang kilay na sabi ni Hazel sa binata. Napatigil naman ito. Alam niyang pikon na si Hazel ngunit hindi rin niya alam sa sarili niya kumg bakit sayang-saya siya kapag inaasar niya ang dalaga.
“Hindi. Pero sige tulog ka muna. Mamaya na lang ulit kita guguluhin.” Umikot ang mga mata ni Hazel nang nanakbo ito papunta sa desk nito. Halos katapat lang naman ng desk niya ito ngunit malayo rin nang kaunti. Nagtaas-baba pa ito ng mga kilay bago tuluyang harapin ang trabaho nito.
“Kainis! Tsk!” pakiramdam niya ay hilong-hilo pa siya sa antok dahil sa pagkaputol ng idlip niya kanina. Pero no choice siya dahil tapos na ang breaktime.
“Yes, Mr. Laxamana?” agad na sagot niya nang tumawag ito sa linya niya.
“Come to my office. Now,” seryoso at mariing sambit ng boss niya sa kabilang linya.
“Y—,” bago pa man siya makasagot ay binabaan na siya ng telepono ni Greg kaya naman napalingon siya sa glass na siwang ng pinto nito.
“Tsk. Nagsasalita pa nga. Bastos mo, ampalaya ko,” nakaismid na sambit ni Hazel. Katulad nang mga nakalipas na pag-stay niya sa kumpaniyang iyon simula nang matanggap siya rito sa trabaho ay ganoon pa rin ang ekspresyon ng mukha nito.
Kung hindi blangko ay seryoso. Minsan naman ay tila napakalalim ng iniisip nito. O hindi kaya ay abala ito sa trabaho. Muli niya itong sinulyapan bago tumayo at pumasok sa opisina nito. Isang katok lang at agad na pumasok na siya sa loob.
“Yes, Sir?” mabilis na tanong niya. Wala siya sa mood na tanungin pa ng how can I help you, Sir ang binata.
“Let me know kung hindi mo kaya ang trabaho rito. You can resign anytime. I will approve it immediately,” hindi man lang tumitingin na sabi nito.
“Sir?” nalilitong patanong na sambit ni Hazel.
“Saan naman galing iyon? Ako? Magre-resign? Bakit?” sunod-sunod na tanong niya sa sarili. Alam naman niyang nakapapagod maging boss si Greg. Pero hindi pa naman dumating sa punto na gusto niyang umalis na sa trabaho.
“Didn’t you hear me?” Mukhang walang balak na magpaliwanag si Greg o sagutin ang mga tanong sa isip ni Hazel. Ngunit hindi naman basta-basta oo na lang ang isasagot ng dalaga.
“I’m not so sure what you meant about that, Mr. Laxamana. But as far as my job is concern, I have no plans of resigning nor leaving my job. I know I’m doing well,” paliwanag niya kahit na hindi niya alam ang ibig sabihin.
“Well then, I don’t want to see anyone sleeping at their desk, nor creating a commotion at the workplace,” sabi nito. Napaisip naman si Hazel. Kung ang ibig ba nitong sabihin ay ang pagtulog niya sa desk niya sa oras ng break at ang pangungulit ni Tantan.
“I understand, Sir. Anything else that you need, Sir?” Hindi na siya nagdahilan pa. May point naman ito na hindi dapat matulog sa desk kahit break man o hindi.
“You may leave,” kasing lamig ng yelo na sambit nito. Matapos magpaalam ay muling bumalik si Hazel sa desk niya. Tinapos ang mga trabaho niya para sa araw na iyon.
“Napaka-ampalaya talaga ni Sir. Siya naman may kasalanan kung bakit ako inaantok,” kausap ni Hazel sa sarili.
“Una, marami siyang pinagagawa at lagi akong overtime. Pangalawa ay maaga niya akong pinapapasok. At pangatlo, lagi akong pagod sa gabi. Pagod ako sa kaiisip ko sa kaniya,” nakangusong sambit pa ni Hazel na nakapangalumbaba habang nakatingin sa boss niya sa may glass sa pinto.
Halos masubsob ang siko niya nang tumingin ito sa kaniya sa kalagitnaan ng pag-iisip niya rito. Alanganin siyang ngumiti rito. Umiwas naman agad ito ng tingin at ibinaling sa monitor ng laptop nito ang mga mata. “Aray… Nako naman kasi itong si Sir. May pagsulyap. Nakaramdam yata na iniisip ko siya.”
“Oi, ang laway mo. Tumutulo na.” At heto na naman si Tantan na ayaw siyang tantanan.
“Heto tissue, o,” sabi pa muli nito at pinahiran ang gilid ng labi ni Hazel kahit na wala naman talaga siyang laway.
“Tse! Dahil sa’yo nasermonan ako ni amp—ni Sir.” Muntik na niyang mabanggit ang tawag niya sa boss niya. Mabuti at nabago pa niya.
“Bakit ka naman nasermonan. Ano na naman ang palpak mo sa trabaho. Hindi mo ako gayahin. Guwapo na, expert pa. Saan ka pa?” Napangiwi si Hazel sa kayabangan ng binata.
“May bagyo siguro. Ang lakas ng hangin e,” sabi ng dalaga.
“Wala namang hangin, a?” napahalakhak si Hazel dahil sa sinabi ng binata.
“Sayang. Guwapo at expert ka nga sabi mo. Pero slow ka naman. Diyan ka na nga,” natatawa pa ring saad ni Hazel sabay dampot ng laptop niya. May naka-schedule na meeting si Greg kaya naman pupuntahan niya ito ngayon ulit para i-remind sa meeting.
Eksaktong pagpasok niya ay matalim ang tingin nito sa kaniya.