BIGLANG napapitlag si Alisha ng may bumusina sa kaniya.
Napaawang pa ang kaniyang mga labi ng makita kung gaano nangingislap ang sasakyan!
Mukhang bagong-bago? Ang haba-haba din?
Hanggang sa lumabas ang driver noon. Napaatras pa siya ng lumapit ito sa kaniya.
"Ikaw po ba si Alisha Perez?"
"Ah ako nga po!" maagap na wika ko sabay ngiti sa matanda.
Hindi naman ito sobrang tanda. Siguro nasa mahigit 40's ito.
"Ako iyong magsusundo sa iyo." Bahagya itong ngumiti. "Tara na ho." Kinuha pa nito ang may kalakihang bag sa kamay ko.
"Salamat po."
Pasimple pa akong umikot upang makita ang plate number ng sasakyan. Iyon kasi ang isa sa palatandaang ibinigay sa akin ni Donya Elizabeth ng tawagan ako nito.
Nakahinga ako ng maluwag ng tumugma ang plate number na binigay nito sa akin. Lihim pa akong namamangha pagkapasok sa loob ng sasakyan.
Sobrang lamig at ang bango-bango din! Ang lambot din ng upuan at sobrang lawak sa loob!
"Ako nga pala si Rodolfo. Matagal na akong naninilbihan sa mansion ng mga Moriss."
Bigla akong napatango habang may ngiti sa labi. Halatang mabait ito.
"Ikinagagalak ko po kayong makilala Mang Rodolfo. Ako nga rin po pala si Alisha Perez. Ang magiging Personal Assistant ni--"
Napalunok ako ng maalalang hindi ko pala naitanong sa donya kung anong pangalan ng apo nito!
Bigla akong napapikit. Sarap batukan ng ulo ko! Kung bakit sa dinami-rami ng makakalimutan, iyong pangalan pa ng magiging amo ko!
"Si Sir Tristan." Ito na ang sumagot. Nakangiti pa ito ng bahagya akong sulyapan sa rearview mirror na nasa tapat nito.
Nahihiya akong napatango.
"Nakalimutan ko po pala kasing itanong 'yon kay donya," ngiwing sagot ko na ikinatawa nito.
Bahagya pa itong umiling.
"Mukhang kinakabahan ka 'ata noong nagkausap kayo ni Donya Elizabeth?"
"Sobra po!" Pag-amin ko.
Sumeryoso naman ang mukha nito.
"Mabait ang pamilya nila, hija. Wala kang dapat ipangamba. Basta gawin mo lang ng maayos ang trabaho mo, wala kang magiging problema. Siya nga ang nagpaaral sa mga anak ko."
Namilog naman ang mga mata ko.
"Talaga po? Ang bait naman ni Donya Elizabeth!" nakangiting bigkas ko.
Tumango-tango ito.
Nang bigla kong maalala ang magiging amo ko.
"E, iyong apo niya po?" alanganing tanong ko.
Pansin ko ang bahagyang pagngiti nito. Para pa ngang may kahulugan ang paraan ng ngiti nitong ibinato sa akin.
"Si Sir Tristan? Mabait siyang bata. Wala akong masasabi sa kaniya. Isa lang ang ingatan mo sa batang iyon at napaka-babaero no'n. Lalo na't maganda ka pa namang dalaga."
Namula ang magkabilaang pisngi ko sa papuri nito sa akin.
"Salamat po sa papuri. Pero 'wag po kayong mag-alala. Hindi naman po niya makikita ang mukhang ito."
Napakunot noo ang matanda. Nagtatanong ang mga mata nito.
Hanggang sa sabihin ko rito ang pinag-usapan namin ni Donya Elizabeth.
Nang bigla na lang itong mapahalakhak. Pati ako nahawa sa tawa nito. Ramdam kong magaan kaagad ang loob ko sa matanda.
Palibhasa, hindi ito nalalayo sa edad ng tatay ko.
Napailing-iling pa ito habang may ngiti sa labi.
"Ano kayang magiging reaksyon ni Sir Tristan niyan? Sanay pa naman iyong laging magaganda ang nasa paligid nito."
Hindi ako nakakibo.
"Pero tama lang ang desisyon ni Donya Elizabeth hija. Mahirap na at baka pati ikaw maisama sa mga babaeng pinaglalaruan niya." Napailing ito.
Akmang magsasalita ako ng maunahan ako nito.
"Pero mas maganda sana kung makita niya ang gandang 'yan, malay mo ikaw pala ang makabihag sa mapaglarong puso ni Sir Tristan!" Biglang panunukso nito sa akin.
Biglang namula ang buong mukha.
"Naku po, malabong mangyari 'yan Mang Rodolfo. Sa isang katulad kong mahirap lang--"
"Kapag ang puso ang tumibok hija, hindi mahalaga sa kaniya kung anong katayuan mo sa buhay," seryosong pagpuputol nito sa sasabihin ko pa sana.
Bigla akong napalunok.
"Katulad ng anak ko. Pinalad na magkaroon ng asawang mayaman."
Mangha akong napatitig sa matanda. Posible pala talaga iyon?!
"Nanatili lang ako rito dahil malaki ang utang na loob ko sa pamilyang Moriss. Kaya walang imposible kung magustuhan ka ng isang Tristan Moriss Shawn!" muling panunukso nito sa 'kin.
Umiling pa rin ako.
"Hindi ko po naisip ang bagay na 'yan Mang Rodolfo. Tanging naiisip ko ngayon ay ang pamilya ko sa probinsya. Kailangan ko silang maiahon sa kahirapan. Kaya nga po pumayag ako sa kondisyon ni Donya Elizabeth kahit alam kong babaero ang apo niya."
Tumango-tango naman ito.
"Naiintindihan ko hija. Naisip ko lang ang bagay na 'yon at naalala ko sa'yo ang anak ko."
Isang ngiti na lang ang isinagot ko sa matanda.
ORAS din ang lumipas.
Hanggang sa namamanghang nanlalaki ang mga mata ko ng pagbuksan si Mang Rodolfo ng malaking gate!
Para akong nasa palasyo!
Lalo akong namangha ng makapasok sa loob. Ang gaganda ng mga hardin! Ilang minuto pa ang tinahak ng sasakyan bago ko nakita ang pagkalaki-laking palasyo!
Mukhang palasyo sa ganda at laki?! Para itong nakatayo sa pinakagitna at tanaw na tanaw sa ibaba.
"Nandito na tayo, hija."
Bumaba ako ng sasakyan.
"Alam mo bang wala rito si Sir Tristan ngayon?" tanong nito sa akin.
"Ah opo. Nabanggit sa akin ni Donya Elizabeth."
Ngumiti na naman ito sa akin.
"Kaya pala."
Nagtatanong ko itong tinitigan. Nginuso nito ang mukha ko.
Bigla naman akong natawa sabay hawak sa sariling mukha.
"Opo. Ngayon lang 'to Mang Rodolfo. Kapag nandiyan na si Sir Tristan, isang pangit na dalaga na ang masisilayan niyo lagi."
Napapailing-iling ito ngunit may ngiti sa labi.
"Ilang taon mo kaya maitatago ang ganda mong 'yan? Hindi dapat 'yan itinatago."
Bigla akong napabitaw ng buntong hininga.
"Hindi ko rin po alam."
Hindi na ito nakasagot pa at nasa bungad na kami ng malaki at malawak na pintuan.
"Pasok ka na. Tiyak kong hinihintay ka na sa living area ni Donya Elizabeth."
Kinuha ko ang may kalakihang bag sa kamay nito.
"Salamat po ulit, Mang Rodolfo."
Tumango ito at saka tumalikod na.
Bigla akong nakaramdam ng kaba sa dibdib. Halos ayokong i-apak ang mga paa ko sa nangingintab na tiles!
Kagat labi akong humakbang ng mabagal. Pakiramdam ko kasi madudulas ako e!
Para akong tanga na kandabale-bale ang leeg sa kakaikot sa buong paligid. Hanggang sa bigla akong mapatili sa pagkagulat.
Isang tikhim ang narinig ko.
At ganoon na lang ang pagkagulat ko at nasa kalagitnaan na pala ako ng malawak na sala! At parang reynang nakaupo si Donya Elizabeth sa single sofa.
Pati mga upuan dito, mukhang upuan ng mga opisyal na nasa kaharian!
"M-magandang umaga po, Donya Elizabeth," sabay yuko. Lihim pa akong napapikit.
Sa kakaikot ng paningin ko kanina, hindi ko namalayang nakarating na pala ako sa malawak na salang ito.
"Good morning, hija. Have a seat."
Kimi akong napasunod dito. Halos ayaw lumapat ng puwetan ko.
"Feel at home."
Bigla akong napaangat ng tingin. Muli kong nasilayan ang genuine smile nito. Mukhang nagsasabi nga ng totoo si Mang Rodolfo.
"Ngayong dito ka na titira, alisin mo ang pagka-ilang mo. Baka mamaya niyan, mangayat ka rito at pati sa pagkain, mahiya ka rin."
Napalunok ako.
"Ipapakilala kita sa mga kasambahay."
Marahan akong tumango. Para akong robot na hindi makakilos ng maayos!
Lalong nanlaki ang mga mata ko kung gaano karami ang kawaksi sa palasyong iyon?! Halos hindi ko mabilang-bilang!
Nakahilera ang mga ito habang pawang nakayuko.
"Ipapakilala ko lang sainyo si Alisha Perez. Ang magiging Personal Assistant ng apo ko. Sa nakikita niyo, iyan ang totoong mukha niya. Maganda na sexy pa!" Papuri nito na 'di ko inaasahan!
Namula ang mukha ko lalo na ng sabay-sabay silang tumingin sa akin.
"Ikinagagalak ka naming makilala, Ma'am Alisha!" Sabay-sabay ng mga ito.
Bigla akong napailing.
"Naku, h'wag niyo na po akong tawaging Ma'am Alisha. Pare-pareho lang po tayong--"
Napahinto ako ng tumikhim si Donya Elizabeth.
"Isang Linggo niyo lang makikita ang gandang 'yan. Dahil pag-uwi ng apo ko, bigla siyang magta-transform."
Muntik na akong maubo sa salitang magta-transform. Pansin kong nagkatinginan ang kapwa kasambahay.
Mukhang hindi nila naiintindihan ang sinabi ni donya. Baka isipin pa ng mga ito, isa akong aswang!
Pasimple kong tinakpan ang bibig ko ng muntik na akong matawa.
"Hindi lingid sainyo na babaerong tao ang apo ko. Kaya ang kasunduan namin ni Alisha, itatago niya ang totoong itsura niya sa pamamagitan ng make-up. Papangitin lang naman niya ang sariling mukha. Pati paraan ng pag-aayos niya babaguhin niya. Kaya h'wag na kayong magtataka kung bigla na lang kayong makakitang pangit dito sa loob ng mansion."
Pansin kong nagsipigil silang matawa. Pati nga ako biglang natawa ng mahina. Pinigilan ko lang at seryoso pa rin si Donya Elizabeth.
Sa nakikita ko rito, mabait ito pero striktong tao?
"Kaya ko ito sinasabi sainyong lahat, dahil ayokong kahit isa man sainyo, ay madulas sa aking apo. Huwag na huwag niyong pag-uusapan ang tungkol kay Alisha. Naiintindihan niyo ba?"
Bigla akong napalunok ng bahagya nitong tinigasan ang boses at nilakasan.
"Opo, Donya Elizabeth. Masusunod po!"
Mangha akong napatitig sa mga ito. Sabay-sabay ba namang nagsalita at talagang pareho-pareho ng isinagot?
Huwag sabihing pati pagsagot sa donya, kailangan pa nilang pag-aralan?
Nawala ako sa pag-iisip ng ako naman ang harapin nito. Isa-isa nitong ipinakilala sa akin ang bawat kawaksi nito.
Doon ko nalamang iba't iba ang gawain ng bawat isa sa kanila. Doon ko rin nasagot ang tanong sa isipan ko kung bakit iba ang uniform ng nasa gitna ng karamihan.
Iyon pala ang mayordoma ng mansion.