ILANG minuto na ang nakalilipas simula ng matapos kaming kumain, ngunit nanatili pa rin itong tahimik.
Bigla tuloy akong hindi mapakali sa kinauupuan ko. Nag-aalala rin ako sa kaibigan ko na nasa labas. Baka nababagot na ito at iwanan na lang ako basta.
"May nobyo ka na ba, Alisha?"
"Wala po donya," maagap na sagot ko.
Hangga't maaari, isang tanong isang sagot lang ang gagawin ko. Iyon daw kasi ang key para maiwasan ang maraming pagtatanong ng mga nag-i-interview.
"So, may kapatid kang nag-aaral?"
"Opo, donya."
Tumango-tango ito.
"Mahirap lang ang pamumuhay niyo."
"Opo." Sabay yuko. Nahirapan akong lumunok.
Ayoko namang isipin na inaapakan nito ang klase ng pamumuhay na mayroon ang pamilya ko.
Napaangat ako ng tingin ng ibaba nito ang folder. Bigla tuloy akong kinabahan.
"You're hired."
"Po?" Nanlalaki ang mga mata ko.
Ganoon lang iyon? Walang ibang itinanong? Hired kaagad ako?
Hindi ko maitago ang saya sa mukha ko habang nakatitig sa matanda.
Tumango-tango ang matanda.
"Pero hindi ka sa mismong company, magtatrabaho."
Ang ngiting nakapaskil sa labi ko, unti-unting naglaho. Napalitan ng pagtataka.
"Saan po--"
"Magiging Personal Assistant ka ng apo ko. Ang CEO ng Moris Shawn Company."
Parang tinadyakan ng pagkalakas-lakas ang dibdib ko ng mga oras na iyon.
Ako, magiging Personal Assistant ng CEO?
Sunod-sunod akong napalunok.
Kakayanin ko bang maging Personal Assistant? Sa isang CEO pa?!
Ano nga ba ang obligasyon ng ganoong klasing trabaho? Nakabuntot kaya palagi sa apo nito?
Para naman tuloy ako niyan, asong bubuntot-buntot sa amo!
Naging hilaw ang pagngiti ko sa matanda.
"Ano po bang gagawin ko kung sakali bilang isang Personal Assistant, donya?" magalang at mahinahon kong tanong.
Ngumiti ito sa akin.
"Simple lang hija. Kahit saan siya pumunta, lagi ka niyang kasama. Sasabihin mo lang sa akin kung anong mga pinaggagawa ng apo ko."
Akmang magsasalita ako ng unahan ako nito.
"At sa bahay ka namin mismo titira."
Namilog ang mga mata ko.
"Po?"
Napangiti na naman ang matanda.
"Ikaw ang maghahanda ng kakailanganin niya sa araw-araw. Sa lahat ng lakad niya, kailangang kasama ka. At irereport mo sa akin ang mga kalukuhang pinaggagawa ng apo ko."
Bigla akong natahimik.
Ibig sabihin barumbado ang apo nitong CEO?
"Mali ang iniisip mo."
Biglang namula ang mukha ko. Nabasa nito ang nasa isip ko?
"Hindi masamang binata ang apo ko. Medyo may pagkababaero nga lang. At iyon ang kailangan mong bantayan."
Biglang nanayo ang balahibo sa braso ko.
Binata? At isang babaero?
Paano kung ako naman ang pagtripan ng apo nito?
Nagtaka ako ng bigla itong mapangiti. Ngiti na may kahulugan.
"Don't worry, hindi ka niya pakikialaman."
Napalunok ako.
"P-paano po kayo nakakasiguro, donya?" kagat-labing tanong ko.
Kinapalan ko na ang mukha ko.
Kahit naman hindi ako mayamang tao, may ipagmamalaki naman ang itsura at pangangatawan ko.
At kung babaero nga naman ang apo nito, wala itong sasantuhin!
"Dahil itatago mo ang totoong mukha mo."
Kumunot ang noo ko. Hindi ko 'ata ito maintindihan.
"Kailangan mong itago ang gandang 'yan. Kailangan mong gayahin ang itsura ng mukha mo rito sa litrato."
Lihim akong napangiwi.
Hindi ako makapagsalita.
"Two Hundred Fifty Thousand a month ang makukuha mong salary kung tatanggapin mo ang alok ko, hija."
Napaawang ang labi ko. 'Di makapaniwala!
Sobrang laki no'n!
"A-ang laki naman po--"
"Madadagdagan pa 'yan kung magiging maayos ang trabaho mo sa apo ko, hija. Ang Kailangan mo lang gawin ay ang bantayan siya. I-report sa akin ang mga pinaggagawa niya at asikasuhin ang isusuot niya sa araw-araw. Iyon lang ang gagawin mo hija. Gagawin ko pang kalahating milyon, kung makikita kong ginagawa mo ng maayos ang trabaho mo."
Sunod-sunod akong napalunok.
Kalahating milyon? Masusuportahan ko na ng maayos ang pamilya ko nito!
Pero kakayanin ko bang maging Personal Assistant ng apo nitong babaero?
Baka araw pa lang ang nalalagi ko rito, sumuko na ako?
"Bibigyan kita ng tatlong araw para makapagdesisyon."
TULALA akong lumabas ng restaurant.
Tatlong araw?
Isang mabigat na buntong hininga ang pinakawalan ko.
"Hoy!"
"Ay peste--" Bigla kong natutop ang bibig ko.
Tinaliman ko ng mga mata ang kaibigan na pangiti-ngiti.
"Anong nangyari at bigla kang naging zombie?"
Nakagat ko ang ibabang labi habang problemado ang mukha.
"Sa bahay ko na sasabihin."
BIGLA ako nitong pinaupo pagkarating ng boarding house.
"So, magkuwento ka na. Anong nangyari? Pasado ka ba?" excited na tanong nito.
Isang mahabang buntong hininga ang pinakawalan ko bago sinimulang sabihin dito ang lahat-lahat.
Nanlalaki naman ang mga mata nito pagkatapos kong magsalita. At ang lukarit, nagawa pa talagang tumili dahil sa kilig!
"OMG! Magiging Personal Assistant ka ng isang CEO? Bes naman! Ikaw na ang pinaka-masuwerte sa lahat ng empleyado ng Moris Shawn Company. Biruin mo, ang maging Personal Assistant ng binatang CEO? I'm sure, ang daming nangangarap no'n!" kilig na kilig na sambit nito sa 'kin.
Nangingislap pa ang mga mata nito!
Bigla kong naiikot ang mga mata ko.
"Hindi mo ba narinig ang sinabi ko? Babaero siya at iyon--"
"Hindi mo rin ba naiintindihan ang sinabi ng lola niya? Itatago mo ang totoong ganda mo. Kaya wala kang dapat ikatakot na baka pagsamantalahan ka ng apo niya."
Biglang kumibot ang labi ko. Lukot pa rin ang mukha ko. Hindi ko pa rin talaga magawang magdesisyon.
Iniisip ko kasi kung kakayanin ko bang maging Personal Assistant nito? Tapos sa kanila pa titira?
Magiging komportable naman kaya ako no'n?
Nang hawakan nito ang magkabilaang balikat ko. This time, seryoso na ang mukha nito.
"Hindi mo ba naiisip kung gaano kalaki ang inaalok niya sa iyong sahod? Masusuportahan muna ng maayos ang mga magulang at kapatid mo, bes. Ang sahod na makukuha mo, ilang buwan ko pa iyon paghihirapan. Pero sa iyo? Isang buwan lang. At ang gagawin mo lang naman ay ang bantayan ang apo niya. Saan ka pa makakakuha ng ganoon kalaking pera sa panahon ngayon? At heto pa ha? Kapag 'di mo kinaya ang ugali ng apo niya, umalis ka pagkakuha mo sa unang sahod. Sobrang laki na no'n at tiyak na bago maubos iyon may nakuha ka ng ibang trabaho. Isipin mo muna iyong sitwasyon mo ngayon. Halos wala ka ng pera. Mas gugustuhin mo bang umuwing bigo sa probinsya? Lalong mamomroblema ang inay at itay mo niyan sa sitwasyon niyo."
Bigla akong napalunok.
Tama nga naman ito. Lalo lang kaming mahihirapan kung uuwi ako. At hindi ko pa masusuportahan ng maayos ang kapatid kong nag-aaral.
Hindi ko naman 'ata nanaisin na huminto ito.
"Magdesisyon ka na, bes. Ikaw din nasa huli ang pagsisisi. Hindi mo alam maraming nakapila. Hindi lang ikaw."
Umupo ito sa tabi ko.
"Masuwerte ka nga at ikaw ang napili ng matanda."
Nakagat ko ng mariin ang ibabang labi ko.
"Anong gagawin ko? Sa kanila kasi ako patitirahin."
Biglang umikot ang mga mata nito.
"Minsan talaga hindi mo ginagamit ang utak mo e, ano bes?"
Bigla ko itong tinaliman ng tingin. Ngunit tinaasan lang ako nito ng kilay.
"May Personal Assistant bang nakahiwalay? And besides, magpasalamat ka nga at doon ka patitirahin. Libre ka na ng tirahan, libre ka pa sa pagkain. Napaka-suwerte mo nga e!" palatak nito.
Totoo naman. Bukod sa malaki ang pasahod na inaalok nito sa akin, libre pa ang tirahan ko sa kanila pati na ang kakainin ko.
"Oh my.." pabulong na sambit ko.
"What?" kunot noong baleng nito sa akin.
Tumitig naman ako sa kaibigan.
"Hindi ko pala naitanong kung alam na ba ng apo niya na hinahanapan niya ito ng Personal Assistant?!"
Sandali itong natahimik.
"I think, naman alam na ng apo niya. 'Di ba nga sa kompanya ka mismo nag-apply? Baka nga, siya pa ang nakakita ng mga resume ninyo. At saka hindi ka naman niya kakausapin kung hindi pumayag ang apo niya. O baka nga kahit ayaw ng binatang CEO, wala rin itong magagawa sa desisyon ng lola niya. Babaero siya e. 'Yan mapala niya. May dalawang mga mata na tuloy ang laging susubaybay sa kaniya."
Kinilig na naman ang bruha.
"Sana ako na lang ang nasa sitwasyon mo, bes. 'Agad-agad papayag ako e!" Sabay tili nito.
Napabuga ako ng hangin.
Nagulat ako ng itulak ako nito ng may kalakasan.
"Pumayag ka na! Malay mo, ma-inlove sa'yo ang CEO ng Moris Shawn Company, hindi ba?"
Kahit alam kong nagbibiro ito, hindi ko pa rin napigilang pamulahan ng mukha!
Kahit 'ata pumuti pa ang uwak, hinding-hindi mangyayari ang sinasabi nito?
Isang bilyonaryo? Magkakagusto sa isang hampas lupang kagaya ko? At saka magpapanggap nga ako 'di ba?
Itatago ko lang naman ang totoong mukha ko kung sakaling pumayag ako sa gusto ng matanda.
"Wait.." Nangisngislap ang mga mata nito. "Nakita mo na ba ang mukha ng CEO ng Moris Shawn Company?"
Bigla akong tumayo.
"Hindi pa. At wala akong pakialam sa itsura niya. Trabaho ang hanap ko."
Nang sundutin ba naman ako sa tagiliran.
"Ayeeh! Baka matulala ka at tumulo ang laway mo kapag nakita mong mala-adonis pala sa kaguwapuhan!" Panunukso nito.
"Asa ka!"
Tumawa naman ito ng malakas.