Naalimpungatan si Alkan dahil sa malamig na bagay na dumadampi sa balat niya. Napabalikwas siya ng bangon at mabilis na tinulak ang taong nakaupo sa gilid ng kama niya.
Isang impit na hiyaw ang kumuwala sa mga labi ni Valeria bago ito nahulog sa sahig. Napakurap si Alkan saka pa lang niya napagtanto ang nangyari.
"Pasensya na!" aniya saka mabilis na tinulungang tumayo si Valeria.
Nakangusong hinagod ng babae ang nasaktang pang-upo saka natatawang bumaling kay Alkan. "Para kang timang."
Nahinto naman sa pag-alo si Alkan dahil sa sinabi ng babae. Taka niya itong tiningnan. "Ayos ka lang ba?" maingat niyang tanong.
Tumango si Valeria saka hilaw na natawa. "Hindi ko alam na medyo sensitive ka pala." Bumaba ang tingin nito sa braso niya. "Pansin kong namumula ang balat mo. Nang hawakan ko, naramdaman kong mainit. Akala ko ay nilagnat ka kaya tatawagin ko sana ang manager ng apartment. Pero tinawag mo ako at inutusan mo akong pahiran ng malamig na panyo ang namumula mong balat. Kaya humingi lang ako ng ice saka panyo sa dumaang tauhan ng apartment."
Habang sinasabi nito ang mga katagang 'yon ay bumalik ang isip ni Alkan sa nangyari kanina bago pa siya mahimatay sa init. Sigurado siyang nilayuan ng anino si Valeria na tipong ayaw ng mga itong dumikit sa babae. Nakapagtataka. Ngayon lang siya nakakilala ng taong nilalayuan ng anino kahit pa walang liwanag o apoy na pumapalibot dito. Anong meron kay Valeria?
"Alkan," tawag ng babae sa kaniya.
Bumalik siya sa realidad saka hilaw na ngumiti sa babae. "Inutusan kita?" tanong niya saka napaikhim. "Parang wala naman akong natandaang inutusan kita," sabi pa niya.
Bumuntong-hinga si Valeria. "Nagdeliryo ka yata. Nang bumagsak ka sa sahig kanina, ilang segundo pagkatapos no'n ay tumayo ka. Pulang-pula na ang balat mo. Bigla kang nagpunta sa kama at nahiga. Tatawag na sana ako ng tulong pero 'yon na ang oras na inutusan mo ako."
Mas lalo lang lumalim ang kunot sa noo ni Alkan. Kaya pala nagising lang siya sa kama kahit na bumagsak siya sa sahig kanina. Parang hindi naman kaya ni Valeria na buhatin siyang mag-isa tungo sa kama dahil sobrang liit nitong babae. Hanggang dibdib lang. Pero ang mas nakapanlumo sa kaniya ay wala siyang maalalang naglakad at nahiga siya sa kama. Anong nangyayari sa kaniya?
Siya ba ang gumawa no'n at nalimutan lang niya dahil nagdeliryo siya o may ibang gumagamit sa katawan niya gaya ng anino?
Napalunok siya sa kilabot habang inaalalang posibleng may sumapi sa kaniya kanina. Pero mabilis niyang inalis ang ideyang 'yon sa isipan lalo pa't kakaiba ang titig ni Valeria sa kaniya. Nanunuri. Pinag-aaralan siya sa ilalim ng titig.
"Don't stare," aniya sa mababang boses. Magkasalubong pa ang dalawang kilay sa inis.
Naningkit ang mga mata ni Valeria. "May tinatago ka ba?" tanong nito.
"Anong pinagsasabi mo riyan?" Umikhim siya. "Maghanda ka na. Ihahatid kita pabalik sa apartment mo."
"Dinala mo ako rito at ginawang katulong, saka mo ako ihahatid na wala man lang pasalamat?" Umismid ang babae at humalukipkip. "Walang utang na loob," bulong nito na narinig niya.
Nangunot naman ang noo niya sa sinabi nito at akmang hahawakan ang braso nito pero mabilis na naupo sa kama si Valeria at tumingala sa kaniya. "Gutom na ako. Pwede bang makikain dito?"
Minasahe ni Alkan ang sentido niya dahil sa pakiusap ni Valeria. "Bahala ka," aniya saka nagpunta sa banyo para maligo.
Akala niya ay nasa labas na ang babae kaya kompiyansa siyang lumabas ng banyo na tuwalya lang ang nakasabit sa baywang. Napatalon lang siya sa gulat nang may biglang sumigaw sa likuran niya habang naghahanap siya ng masusuot sa kabinet. Napalingon siya sa sumigaw.
"Magbihis ka nga!" sigaw ni Valeria saka tinakpan ang mukha gamit ang dalawang palad.
Napangisi naman si Alkan sa inasta nito at maya-maya pa'y umismid. "Lumabas ka na. Magbibihis ako," walang gana niyang saad saka kumuha ng isang polo shirt sa kabinet sabay sara niyon.
Ngumuso si Valeria saka walang imik na lumabas ng kuwarto. Mabilis naman siyang nagbihis at pinasadahan ng kamay ang buhok habang nakatingin sa nag-iisang salamin sa kuwarto. Kunot ang noo niya.
Bumuga siya ng hangin at nagpasyang lumabas ng kuwarto. Nakita niya sa labas si Valeria na matiyagang naghihintay sa kaniya. Nang makita siya nito ay bigla itong natulala. Bumalik lang ito sa huwisto nang marahan niyang tinapik ang balikat nito habang nakakunot ang noo. "Let's go," aniya at nauna na tungo sa hagdan pababa sa unang palapag. Tahimik na sumunod si Valeria sa kaniya.
Nauna siyang umupo sa upuan saka tinawag ang waiter. Umupo sa tapat niya si Valeria. Nasa mesa ang tingin nito at pansin niyang hindi ito makatingin sa kaniya habang hinihinitay nila ang inorder nilang pagkain.
"May problema ba?" tanong niya.
Umiling ito pero hindi pa rin tumitingin sa kaniya. Hindi na niya inisip ang kakaiba nitong ginagawa at inaliw ang sarili sa pagtanaw sa labas. Isang glass wall partisan lang ang naghihiwalay sa labas at loob ng kainan. Kita niya mula sa kinauupuan ang mga ilaw na sinabit sa bawat puno sa gilid ng kalsada, kaya maliwanag sa parteng 'yon.
May ilang babaeng naglalakad sa gilid ng kalsada at masayang nagkukwentuhan. Humalukipkip si Alkan saka aliw na pinagmasdan ang mga babaeng nakasuot ng isang long-sleeve full length dress na hapit sa maliit na baywang. Bagay na bagay sa isang babae. Disente at elegante tingnan.
Bigla ay may naramdaman siyang kirot sa paa niya. Napatingin siya sa harap at nahuli niya si Valeria na nakatitig nang husto sa kaniya. Nangunot ang noo niya. "May problema ba?" tanong niya.
Hindi na ito nakasagot dahil dumating na ang inorder nilang pagkain. Tahimik silang kumain pero panaka-naka niyang sinusulyapan si Valeria. Hindi na ito tumtingin sa gawi niya. Ano kayang ibig sabihin ng titig nito sa kaniya? Saka bakit nito tinapakan ang paa niya sa ilalim? Kahit na hindi nito aminin ay alam niyang tinapakan ni Valeria ang paa niya. Wala lang siyang ganang magtanong dahil alam niyang mauuwi lang naman sa argumento. At mas gusto lang niyang kumain kaysa makipagdebate sa babaeng kakilala lang niya.
Pero nahinto siya sa pagsubo nang mapansin niyang wala ang aninong sunod nang sunod sa kaniya. Napaangat siya ng tingin at nagpalinga-linga. Walang anino. Nasa'n na ang mga iyon?
"Alkan?" tawag ni Valeria.
Bumalik ang tingin niya sa babae na takang nakatingin sa kaniya. Umikhim siya at sinenyasan itong magpatuloy sa pagkain. Pero nanatili itong nakatitig sa kaniya.
Nagsalubong ang dalawa niyang kilay. "Don't mind me."
Pero binaba ni Valeria ang kutsara't tinidor saka pinagsiklop ang mga daliri sa harap niya. Tumitig ito diretso sa mga mata niya.
"Alkan... bakit maraming aninong nakapaligid sa 'yo?" tanong ni Valeria.
Nabitawan niya ang kutsara at tinidor dahil sa gulat. Pero hindi pa siya nakasagot sa tanong nito ay may lumapit sa kanilang isang babae. Nakataas ang kilay nito habang papalapit at tinitingnan si Valeria. Huminto ito sa tapat ng mesa nila at umikhim. Ngiti itong bumaling sa kaniya. "Sir, kasama niyo po ba itong babae?"
Napatingin siya sa bagong dating saka napatango. "May problema?" tanong niya.
Napalis ang ngiti sa mga labi ng babae saka umikhim na naman. "Kasi, Sir, bawal po rito ang mahirap. Para lamang sa mayayaman ang El Salvador."
Humarap siya sa babae. "Kumakain pa kami rito."
"Pero, Sir..." Sumulyap saglit ang babae kay Valeria saka ngumiwi bago ngiting binalik sa kaniya ang tingin. "Protocol po namin dito --"
"Kung hindi mo kami pakakainin ay aalis kami rito," aniya at tumayo.
Hilaw na ngumiti ang babae saka nagtawag ng isang security guard. Muli itong bumaling sa kaniya. "Iri-refund nalang po namin ang binayad niyo rito --"
Pero tinaas niya ang kamay para patahimikin ang babae saka hinila si Valeria paalis sa lugar na 'yon. Ramdam pa niya ang panginginig ni Valeria. Nangunot ang noo niya. Hindi naman ito 'yong tipong nanginginig dahil lang pinaalis sa lugar.
Lumabas sila ng Lakandiwa Apartment at sabay silang naglakad sa ilalim ng mga punong nagliliwanag sa dilim. Sinulyapan niya si Valeria. Nakatungo ito kaya umikhim siya. "Tungkol pala sa sinabi mo kanina..." Saka siya huminto sa paghakbang kaya napahinto rin ito.
Nag-angat ng tingin sa kaniya si Valeria pero mabilis din itong pumikit at umiwas ng tingin. Mas lalo siyang napantastikuhan sa ginawa nito. "Anong problema? Kung galit ka dahil pinaalis tayo, maghanap nalang tayo ng mas disenteng kainan."
"H-Hindi..." Umiling ito saka huminga nang malalim. Lakas-loob itong muling nag-angat ng tingin sa kaniya. "M-Maraming aninong nakapaligid s-sa 'yo. Nakakatakot sila. Nangangain ng... ng balat." Paulit-ulit itong huminga nang malalim at kita niya kung paano namuo ang luha sa gilid ng mata nito.
Hinawakan niya ang magkabilang-balikat ni Valeria. "Look at me," mariin niyang utos.
Luhaang nag-angat ng tingin sa kaniya si Valeria. Hindi mapirmi ang mga mata nito kaya naman sinapo niya ang magkabilang pisngi nito at tiningnan ito diretso sa mata. Nagkatitigan sila.
"Nasa'n ang aninong nakikita mo?" tanong niya.
Lumunok si Valeria at kinagat ang ibabang labi. Pumikit ito nang mariin. "Sa h-harap ko. Nasa harapan ko ang a-anino. Nakatitig siya sa a-akin. At nakangiti." Sukat noon ay napahagulgol ito.
Nabitawan niya ang babae at napaatras. Doon lang niya napagtantong nakangiti siya kay Valeria.