Kabanata 26: Pagdakip

1331 Words
Hilaw lang siyang ngumiti kay Valeria at sinubukang umiwas sa tanong nito. "Bukas na ang party. Handa ka na ba?" tanong niya. Kumurap si Valeria saka nagbaba ng tingin. Pinaglaruan nito ang manggas ng suot nitong long sleeve. "Wala naman akong choice," bulong nito. Napahinga siya nang malalim. Mabuti na lang at hindi na nag-usisa pa si Valeria. Hindi niya kasi matiyansa kung anong magiging reaksyon nito kung malaman nitong binabantayan ito ng isang sawikin. Naalala pa niya kung paano ito manigas sa kinatatayuan nang una niyang makita ang kababalaghan sa kalangitan, at ang panginginig nito nang makita ang itim na sawikin sa kuwarto nito. "Ihahanda ko lang ang kakailangan. Tawagin mo ako 'pag may kailangan ka," aniya saka umakyat sa hagdanan. Hindi niya nakita kung paano tumingin sa gawi niya si Valeria. May emosyong dumaan sa mga mata ng babae bago ito nagbaba ng tingin at nagpunta sa kusina. Napahinto sa paghakbang si Valeria nang makita niya sa sulok ng kusina ang itim na sawiking unang nagpakita sa kuwarto niya. Kumibot ang mga labi niya at umiwas ng tingin. "Ano na namang kailangan mo?" tanong niya sa mababang boses. Lingid sa kaalaman ni Alkan, hindi talaga umalis ang sawikin sa bahay. Nanatili ito sa loob at hindi ito umalis sa tabi niya. Palagi niya itong nakikita sa nakalipas na mga araw. Noong una ay natatakot pa siya, pero sa kalaunan ay nasanay na siyang makita ang sawikin saan man siya magpunta. Ngumisi ang sawikin at naningkit ang mga mata nito habang nakatingin sa kaniya. "Alam mo bang may dalawang sawikin sa bahay na 'to maliban sa akin?" tanong nito kay Valeria. Napahinto siya sa pag-abante at bahagyang tiningnan ang sawikin. "Wag mo akong lokohin." Nagkibit-balikat ito. "Akala ko ba gusto mong malaman kung bakit parang baliw ang lalaki mo?" Mas lalong lumapad ang ngisi nito sa mga labi at humalukipkip. Sumandal ito sa pader. "Sa katunayan, binabantayan ka ng isang sawikin pero dahil mas lamang ako sa kapangyarihan kaya hindi niya ako nakikita. 'Wag kang tumitig sa akin at baka malaman ng sawikin na nababaliw ka na rin tulad ng lalaking 'yon." Natawa ito nang bahagya. Mas lalong naningkit ang mga mata ni Valeria saka iniwas ang tingin. Mabilis niyang inihanda ang tanghalian at pinilit niya ang sariling 'wag lumingon sa kinatatayuan ng sawikin. Kung talagang tama ang sinabi nitong may kalahi itong nagbabantay sa kaniya, isa lang ang ibig sabihin no'n. May koneksyon si Alkan sa mga puting sawikin. Kinuwento na sa kaniya ng itim na sawikin ang tungkol sa Tribal, at kahit hindi pa siya tuluyang naniniwala, pero ang kakayahan at kapangyarihan nitong nakita mismo ng dalawa niyang mga mata ay hindi maipaliwanag ng siyensa. Siguro ay hindi masamang maniwala, kahit pa hindi makapagtitiwalaan ang mukha ng lalaking sawikin. Kaya ayaw niyang malaman ni Alkan na hindi talaga nawala ang itim na sawikin. Alam niyang mag-aalala lang ito at sisisihin ang sarili. Sinabi pa naman ng sawikin na hindi ito aalis sa tabi niya hangga't hindi nito nakukuha ang gusto. Pero hindi naman nito gustong sabihin kung anong pakay nito sa kaniya. Sunod lang ito nang sunod, at madalas ay hindi nito pinakakaelaman ang buhay niya. Kaya nagdesisyon siyang hayaan itong sumunod sa kaniya. Kinabukasan ay naghanda na si Valeria para sa pagdiriwang. Alas kuwarto na ng hapon nang umalis sila ng bahay. Nakasunod pa rin sa kaniya ang itim na sawikin. Samantala, hindi malaman ni Alkan kung bakit kanina pa mabilis ang t***k ng puso niya. May masama siyang nararamdaman sa pagpunta niya sa mansiyon ng Mayor. Para bang may malaking mangyayari? Napabuntong-hinga siya. Sumulyap siya sa babaeng nakaupo sa passenger seat saka ngumiti. "You're beautiful," puri niya. Marahan lang ngumiti si Valeria at tumingin sa labas ng bintana. Hindi nagtagal ay huminto ang kotse sa entranda ng mansiyon. Naunang umibis ng kotse si Alkan at pinagbuksan niya ng pinto si Valeria. Isang ngiti ang binigay nito sa kaniya bago ito humawak sa braso niya. Sabay silang pumasok. Maingay na musika ang sumalubong sa kanila at ilang segundo siyang natuod sa kinatatayuan sa rami ng taong dumalo sa pagdiriwang. Pero ang hindi niya inasahan ay makita ang ilang pamilyar na mukha ng mga kaklase niya noon. Napakurap si Alkan. Bigla niyang naalala si Yalke, isa sa mga kaibigan niya noon. Kumusta na kaya ang lalaking 'yon? "Alkan?" pukaw ni Valeria sa kaniya. Bumalik siya sa realidad saka inakay ang babae tungo sa kinatatayuan ng mayor. May kausap itong grupo ng mga taong sa tingin niya ay may kaya sa buhay. "Mayor," tawag niya. Umikot ang mayor at humarap sa kanila. "Nandito na kayo," sabi nito at ngumiti. Tumitig ito kay Valeria nang ilang segundo bago tumango sa babae. "Ikinagagalak kong makilala ka, Miss Valeria. Isa ngang tunay na babaeng may kagandahan ang asawa mo, Alkan." Bumaling ang mayor sa kaniya. Isang tango at ngiti lang ang sinukli niya sa papuri ng mayor. Hindi niya alam pero may kung anong mali siyang nararamdam sa lugar na 'yon. Para bang sobrang bigat ng paligid kahit pa malakas nag tugtog ng musika. Inaya siya ng mayor upang maipakilala sa ilang maipluwensiyang pamilya sa San Roque, habang nagpaalam naman si Valeria na mauupo na lang sa sulok at maghihintay sa kaniya. Hindi na siya nagprotesta dahil alam niyang ayaw ni Valeria sa gano'ng pagtitipon. Ilang minutong pagpapakilala ay nauwi sa ilang oras. Hindi na namalayan ni Alkan ang oras at naalala lang niya si Valeria nang nag-ayaan na ang lahat para kumain ng hapunan. Nagpaalam siya sa mayor at mabilis na tinungo ang puwesto ni Valeria kanina. Pero hindi niya ito nakita. Lingid sa kaalaman ni Alkan ay nagpunta si Valeria sa labas ng mansiyon, doon sa hardin. Wala naman siyang plano noong una na magpunta sa labas at iwana ng lalaki sa loob, kaso may isang sawikin na pilit siyang pinalalabas ng mansiyon. Ayaw daw nito ang maingay kaya pinuwersa siya nitong lumabas. Hindi naman siya makapagtimpi sa kakulitan ng sawikin kaya humakbang siya palabas. Ilang minuto siyang naglakad sa hardin bago naupo sa isang stone bench na malapit lang sa fountain. Nasa sulok na iyon ng hardin kaya walang tao sa paligid. "Maganda rito, hindi ba?" tanong ng sawikin at naupo sa gilid niya. Sinulyapan niya ito saka umismid. "Babalik ako mamaya," aniya. Ilang minuto siyang naupo roon. Madilim sa parteng iyon dahil kanina pa lumubog ang araw sa silangan. Tanging ilaw lang mula sa mansiyon at bilog na buwan lang ang nagbibigay liwanag sa paligid. Nilibot niya ang tingin. "Sabi mong may sawikin na sumusunod sa akin. Bakit ikaw lang ang nakikita ko?" tanong niya. Ilang segundo itong tahimik bago sumagot. "Dahil hindi mo pa tuluyang nabuksan ang mga mata mo." "Bakit si Alkan...?" Isang malisosyong ngiti ang kumuwala sa mga labi nito. "Ilang taon nang nabuksan ang mga mata niya." Naningkit ang mga mata nito na parang may inaalala. "Nabuksan ang mga mata niya nang minsan silang nagpunta sa tindahan ni Surikong." Surikong? Bakit parang pamilyar yata ang pangalang 'yon? Kahit naguguluhan ay hindi na siya nag-usisa tungkol doon at nagtanong nalang ukol sa puting sawikin. "Nandito ba siya?" Ang sawiking may koneksyon kay Alkan ang tinatanong niya. Natawa ang itim na sawikin. "Hindi ka niya mahahanap dahil inalis ko ang presensya mo rito." Tumingin siya ulit sa sawikin na may pagtataka. "Presensya? Anong ibig mong sabihin?" "Alam niyang nagpunta ka rito sa hardin, pero hindi niya mahahanap kung anong eksaktong lokasyon mo." Ilang segundo pa bago niya makuha ang punto nito. Nanlaki ang mga mata ni Valeria at napatayo. "Anong p-plano mo?" Tumitig sa kaniya ang itim na sawikin. Ngumiti ito nang abot sa tainga. "Gusto mo bang pumunta sa Tribal?" Umawang ang mga labi ni Valeria sa gulat. Bago pa man siya makapagsalita ulit ay pinulupot na ng sawikin ang braso nito sa baywang niya at lumipad sa kalangitan, tangan siya sa mga bisig nito. Dalawang itim na pakpak lang ang naiwan ng itim na sawikin sa himpapawid. Dahan-dahan ang mga iyong nahulog sa lupa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD