Sinamaan niya ng tingin si Gio bago nagmartsa papunta sa kusina. Kumatok siya sa nakasarang pinto. Ilang minuto pa bago iyon nabuksan at tumambad sa kaniya ang seryosong mukha ni Valeria.
Napakurap siya at natuod sa kinatatayuan. Bago pa man siya makapagsalita ay lumapit si Valeria at walang salitang yumakap sa kaniya. Ramdam niya ang panginginig ng katawan nito.
Nangunot ang noo niya at hinawakan ito sa magkabilang balikat. "Anong problema?" tanong niya.
Tumingala si Valeria sa kaniya nang nakakunot ang noo. "Nasa kusina..." bulong nito bago ito nahimatay.
Agad niyang sinalo ang lupaypay na katawan ng babae at tiim-bagang na binuhat ito tungo sa sala. Maingat niyang inihiga sa sofa si Valeria saka sinenyasan si Gio na sumunod sa kaniya sa kusina.
Nagkibit-balikat ang sawikin. Sa katunayan, hindi napansin ni Gio ang presensya nito kanina. Ang napansin lang niya ay ang malabong presensya nito sa kuwarto sa itaas, sinyales na nakaalis na ito. Kaya bakit napunta ito sa kusina nang hindi niya namamalayan?
Humakbang papasok sa kusina si Alkan. Nakasunod sa kaniya si Gio na naniningkit ang mga mata. Hindi na siya nag-usisa pa kung bakit tila yata may inis na may kasamang kuryosidad sa mga mata ng sawikin. Nilibot niya ang tingin sa loob.
Pero wala siyang makitang itim na sawikin. Ang napansin lang niya ay ang mga itim na balahibo sa may mesa. At nagkukumpulan ang mga iyon na tila ba pinagbuklod ng kung sino.
"Tumakas na. Hindi ko na mahuli ang presensiya niya," sabi ni Gio. Hinawakan nito ang baba at pinaningkitan ng mata ang mga balahibo. "Sigurado akong mataas na uri ang bumisita sa babae mo."
Kahit na sa gitna ng inis ay nakuha pa nitong magbiro sa kaniya. Umismid si Alkan. "Anong kailangan niya kay Valeria?"
"Katawan?" Sinamaan niya ng tingin ang sawikin. Natawa naman ito at nagkibit-balikat. "Bakit hindi mo tanungin si Valeria?"
Bumuntong-hinga siya. "May paraan ba para maiwasan ang uri mong maglabas-masok sa bahay ko?"
Ngumisi si Gio. "Sa tingin ko... wala."
"Hindi ako nakipagbiruan sa yo."
Nagkibit-balikat na naman ang sawikin at pinilig ang ulo sa kaliwa. "Wala sa ngayon. 'Wag kang mag-alala. Kung masama ang balak niya kay Valeria, hindi mo na siya makikitang natutulog sa sofa," sabi nito.
Pero hindi iyon nakatulong sa pag-alala niya. May kutob siyang hindi lang pagbisita ang pakay nito sa babae. May motibo ang itim na sawikin at iyon ang gusto niyang malaman. Kaya naman nakiusap siya kay Gio na baka pwede siyang magdala ng kasamahan upang maging bantay kay Valeria.
Nakita naman niya kung paano dumilim ang ekspresyon ni Gio. "Mali ka yata ng iniisip. Hindi kami gwardiya," marahas nitong saway sa kaniya saka humalukipkip.
Ngumiwi si Alkan. Wala naman siyang sinabing gano'n. Pero kahit na gano'n, hindi niya napilit si Gio na makiusap sa pinuno nito. Ang rason ay dahil walang importanteng papel na gagampanan si Valeria pagdating sa White Wing Tribe. At ayon sa batas ng White Wing Tribe, hindi sila pwedeng maging bantay ng mortal hangga't walang pahintulot mula sa pinuno ng mga ito.
Kaya naman wala siyang nagawa kung hindi bantayan mismo si Valeria. Nitong mga nakaraang araw ay palagi na niyang sinasama si Valeria sa bayan para sa preparasyon ng negosyo niya. Kahit na ayaw ng babae na magpunta sa sentro ay wala itong magagawa kung hindi magpatianod kay Alkan. Hindi malaman ni Valeria kung bakit biglang naging istrikto si Alkan sa kaniya.
Samantala, panay ang panakaw-nakaw ng tingin ni Alkan sa babae. Simula nang magising ito nang gabing nakasamuha nito ang itim na sawikin, wala na itong sinabi kung hindi ang tanong nito sa babae. Tinanong ng sawikin kung anong pangalan ni Valeria at ilang personal na tanong gaya ng kung may anak ba raw ito o wala.
Simula sa araw na iyon, hindi na nagpakita ang itim na sawikin kay Valeria. Kahit na alerto pa rin si Alkan sa kung anumang hindi inaasahang pangyayari, nakahinga na rin siya nang maluwag. Mukhang hindi na magpapakita ang sawikin kay Valeria. Baka totoo ang hinuha niyang bumisita lang ang sawikin para magtanong sa babae. Pero kahit na gano'n, pinilit niya pa rin itong sumama sa kaniya tungo sa sentro at munisipyo.
"Bukas na ang opening. Excited ka ba?" tanong ni Valeria.
Kasalukuyan silang nakaupo sa may patio. Palubog na ang araw sa mga oras na iyon, at kapwa tinatanaw ang kulay kahel na kalangitan. May munting ngiting naglalaro sa mga labi ni Valeria habang nanatili ang tingin ni Alkan sa tanawin sa malayo.
"May party bukas ng gabi. Gaganapin sa bahay ng Mayor," aniya.
Napalis ang ngiti sa mga labi ni Valeria at napalitan ng hindi maipintang eskpresyon. "Ayaw ko talaga ang magpunta sa mga party na 'yan," reklamo nito.
Marahang napangiti't napatawa si Alkan. Sinulyapan niya ang babae na nakaupo sa gilid niya. "Kailangan kang dumalo. Hindi ba magandang oportunidad iyon? Ang mayor na mismo ang lumapit at nag-imbinta sa atin. Sa tingin ko ay may kinalaman si Manuel," aniya sa mababang boses.
Simula nang maging investor si Manuel sa negosyong itatayo niya, sunod-sunod na ang magagandang oportunidad na natatanggap niya. Mabilis ang proseso para sa business permit at lahat ng kailangang ipagawa ay tapos na sa loob lamang ng tatlong linggo. Di yata ay may swerteng nakadikit kay Manuel.
Kumunot ang noo niya habang inaalala ang interaksyon niya sa lalaki sa nakalipas na mga araw. Wala namang kakaiba. Hindi niya pa rin mapatunayan na may literal na kapangyarihan ang lalaki dahil masyado itong masikreto. At sa tuwing nagkukwento na siya ukol sa Tribal, tatawa lamang ito at sasabihing imahinasyon lang niya ang lugar na iyon.
Bumuga siya ng hangin at tumingin kay Valeria. "May binili na akong damit para sa 'yo. Dadalo lang tayo ng ilang minuto, saka uuwi na rin."
"Talaga?" Napangiti nang malapad si Valeria."Gusto ko iyan! Hindi ko na kailangang makipag-plastic sa ibang tao."
Ilang minuto pa ang lumipas bago tuluyang lumubog ang araw. Doon lang naisip ng dalawa na pumasok na sa bahay. Marami nang lamok ang pagala-gala sa labas tuwing takip-silim.
"Nga pala Alkan," biglang sambit ni Valeria sa kaniya. Huminto siya at lumingon sa babae. May kakaibang tingin ito sa mga mata bago nagsalita. "Sino 'yong palagi mong kausap? Napapansin kong palagi mong kinakausap ang hangin. May nakikita ka bang hindi ko nakikita?"
Napapitlag siya sa tanong nito.