Ilang minuto lang ang inilagi nila sa ilog ng San Roque. Wala naman kasing magandang tanawin doon at masama ang kutob niya sa tahimik na ilog. Masyado iyong payapa, parang hindi normal na ilog.
"Kung may kailangan kayo ng asawa mo, hanapin mo lang ako sa mansiyon," alok ni Manuel sa kaniya.
Pasimple siyang bumaling sa lalaki na kasalukuyang minamaneho ang kotse. Bumibiyahe na sila pabalik sa Sitio kung nasaan ang bahay ni Alkan.
Bahagya siyang tumango saka naningkit ang mga mata, bago binaling ang tingin sa labas ng bintana. "Truth is... I want to build a business in town center," aniya.
Ilang segundong natahimik si Manuel bago ito tumango. "Anong negosyo ang itatayo mo?"
"Food court. Maraming mahilig kumain dito sa bayan. Saka mas praktikal ang gano'n."
"Mabuti ngang negosyo iyan. Iilan lang ang food court dito sa bayan dahil iilan lang ang gustong magtayo ng negosyo. Mas marami ang gustong magtrabaho."
Iyon nga ang napansin niya sa bawat probinsiya. Marami ang ayaw magtayo ng negosyo dahil bukod sa hindi maalam pagdating sa bagay na 'yon, marami ang lumaki sa mindset na magtrabaho para makaahon sa buhay.
Pero kung siya ang tatanungin, dapat nang ibahin ang mindset ng mga tao. Dahil ang tanging makakapag-angat lang sa buhay ay ang pagnenegosyo kung saan labas-masok ang pera. Siguradong may financial freedom, ika nga ng ilan. Hindi iyong isang kahig, isang tuka na buhay.
"Kung gusto mo, pwede akong maging investor ng negosyo mo para malaya kang magtayo sa sentro," alok bigla ni Manuel.
Napakurap si Alkan at napalunok. Ang totoo ay gusto niyang alokin bilang business partner si Manuel, pero hindi niya aakalaing ito na mismo ang nag-alok.
Bahagya siyang ngumiti. "Kung ayos lang sa 'yo."
"Ayos na ayos." Ngumiti si Manuel.
Tumango siya. "Ihahatid ko ang business plan sa susunod na araw."
Tinaas ni Manuel ang kamay at natatawang umiling. "Kahit hindi na, tiwala ako sa kakayahan mo."
Napailing na lang si Alkan habang may munting naglalaro sa mga labi. Plano na niyang magpuyat mamayang gabi para tapusin ang naumpisahan na niyang business plan sa utak.
"Gusto mo bang maglibot muna sa plaza?" tanong ni Manuel.
Napatingin na naman ulit si Alkan sa labas ng bintana. Binabaybay na ng kotse ang daan sa sentro at kita pa niya ang mga taong naglalakad sa gilid ng daan. Maliit lang ang kalsada at medyo may kalakihan ang pick-up ni Manuel kaya naman sumikip ang kalsada. Umiwas naman ang mga tao sa papadaang kotse. May ilan na palihim kung umismid pero hindi iyon nakatakas sa paningin ni Alkan.
"May naisip na akong puwesto pero kailangan kong tingnan ulit," aniya.
"Sige. Sasamahan na kita para malaman ko kung saan ka magtatayo ng negosyo."
Huminto ang kotse sa gilid kung saan walang masyadong tao at walang nagtitinda sa malapit. Sabay nilang nilakbay ang daan tungo sa pwesto kung saan plano niyang itayo ang negosyo.
Naisip niyang maganda iyong puwesto dahil maraming taong dumadaan sa parteng iyon. Isa pa, malapit lang sa isang apartment house. Iyong apartment house ay 'yong pinagtirhan ni Valeria noon.
"Maganda," tipid na sambit ni Manuel habang pinagmamasdan ang puwesto.
Isa iyong bahay-bahayan na gawa sa kawayan at nipa. Malapit lang 'yon sa nagtitinda ng rosas na katabi lang ng apartment house. Kita pa niya ang panaka-nakang sulyap ng ale na minsan siyang pinagalitan.
"Pero kailangan mong ipagawa ang buong bahay. Palakihin ang pinto at mga bintana."
Tumango siya sa sinabi ni Manuel. "Nitong nakaraang araw, nabili ko na ang bahay-bahayan mula sa may-ari. Kailangan ko nalang ipa-giba at ayusin ang disenyo."
"Kailangan mo ng tulong?"
Umiling si Alkan at bahagyang ngumiti kay Manuel. "May pondo na ako para diyan. Kailangan ko nalang ng business permit mula sa Mayor. Kukuha ako 'pag tapos nang pagdisenyo ng lugar."
"Mabuti." Biglang humalakhak si Manuel. "Sinabi ko nang may alam ka sa pagnenegosyo. Tingnan mo, hindi ako nagkamali sa pagpili sa 'yo."
Isang tipid na ngiti lang ang sagot niya sa sinabi ni Manuel. Hindi naman siya ignorante pagdating sa pagnenegosyo dahil may family business sila rito sa San Roque noong naninirahan pa sila sa bayan. Binenta lang ang maliit na negosyo nang lumuwas sila sa lungsod. Isa pa, may negosyo ang pamilya niya sa lungsod kaya kompiyansa siya sa abilidad niya pagdating sa pagnenegosyo.
Matapos tingnan ang lugar ay kinontak na ni Alkan ang foreman na nakausap niya kahapon sa telepono. Binigay na niya ang hudyat para umisahan ang pagri-renovate sa bahay-bahayan. Saka siya nagpaalam kay Manuel na uuna na siyang umuwi dahil malapit nang lumubog ang araw.
"Hah! Baka magalit si Misis!" biro ni Manuel saka natatawang naglakad tungo sa kotse. "Iba talaga 'pag may asawa."
Umiling na lang si Alkan saka tahimik na sumunod sa kotse. Hinatid siya nito tungo sa bahay. Takip-silim na sa mga oras na 'yon kaya nakabukas na nag headlight ng kotse. Nang huminto ang kotse, nakita niyang nakabukas na ang lahat ng ilaw sa bahay.
Nagpaalam na siya kay Manuel bago umibis mula sa kotse. Pinigilan siya ni Manuel. "Ipapahatid ko ang kotse mo bukas."
Sumang-ayon lang siya sa sinabi nito at humakbang na tungo sa gate. Kita niya si Valeria na nakatayo sa entrada ng pinto, naghihintay sa kaniya.
Ngumiti siya sa babae pero napalis iyon nang makitang nakakunot ang noo ng babae. "May problema?" tanong niya at huminto sa tapat nito.
Nagtaas ng tingin si Valeria sa kaniya. Ilang minuto itong tumitig sa kaniya bago dahan-dahang umiling.
Kumunot ang noo ni Alkan. "Alam kong may problema. Sabihin mo na," aniya.
Lumunok si Valeria at sinenyasan siyang pumasok sa loob. Kunot-noo siyang sumunod sa babae.
Huminto ito pagdating sa sala at mabilis na humarap sa kaniya. Lumapit ito sa kaniya at may binulong, "May tao sa kuwarto ko."
Nahigit ni Alkan ang hininga at mabilis na napatingin sa itaas ng hagdanan. Nagtagis ang bagang niya at mabilis na hinila si Valeria tungo sa kusina. Sinara niya ang pinto na nagdudugtong sa kusina at sala saka humarap sa babae.
"Sino?" tanong niya, magkalapat ang mga ngipin habang naniningkit ang mga mata.
Mukha namang natakot si Valeria sa ekspresyon niya kaya mabilis itong umatras. Bumuga siya ng hangin at pinalambot ang ekspresyon sa mukha. "Kilala mo ba?" tanong niya.
Huminga nang malalim si Valeria saka umiling. "Nandiyan na siya pagpasok ko sa kuwarto."
"Anong hitsura?"
Kumurap si Valeria at kumunot ang noo. "Hindi ko masyadong nakita ang mukha. Nakatayo siya malapit sa bintana ng kuwarto ko. Nakatalikod siya kaya hindi ko nakita ang mukha pero... may napansin akong mga itim na balahibo sa kama ko." Mas lalong naningkit ang mga mata ni Valeria habang inaalala ang nakita nito kanina.
Hindi niya napansin ang paninigas ni Alkan sa kinatatayuan. Itim na balahibo? Kung hindi siya nagkakamali, isang Sawikin ang nandoon sa kuwarto ni Valeria!
Naging isang linya ang mga labi niya at mabilis siyang nagdesisyon. "Dito ka muna," aniya. "I-lock mo itong pinto at 'wag mong buksan hangga't hindi ako ang kumakatok."
Nanlaki ang mga mata ni Valeria. "Pero paano kung masamang tao 'yong --"
"Wag kang mag-alala." Lumambot ang ekspresyon niya habang pinagmamasdan ang nag-aalalang ekspresyon nito. Inabot niya ang balikat nito at hinila palapit sa kanya. Niyakap niya si Valeria at hinagkan ito sa noo. "Hintayin mo ako," aniya saka kumalas mula sa yakap.
Mabilis siyang lumabas ng pinto at siya na mismo ang nag-lock ng pinto bago niya iyon sinara. Humakbang siya pabalik sa sala at nilibot ang tingin sa paligid. Hindi siya binigo nito.
"Mukhang may nakapasok sa bahay mo," sabi ni Gio. Nakasandal ito sa malapit sa pintuan. Nakabuka ang puting pakpak sa likod.
"Kinuwento ni Valeria. At sa tingin ko ay kabilang ang taong 'yon sa Black Wing Tribe," aniya, magkasalubong ang dalawang kilay.
Umismid si Gio. "Ano na namang ginawa mo at bakit nandito 'yan?"
"Wala akong ginawa," depensa niya sa sarili. "Bigla-bigla na lang pumasok dito sa bahay at nagpakita pa kay Valeria. Mabuti na lang at wala siyang ginawang masama sa gf ko at malilintikan 'yan sa 'kin."
Naningkit ang mga mata ni Gio. Naglakbay ang paningin nito mula sa itaas ng hagdanan tungo sa pintong nakasara, kung saan nagtatago si Valeria.
"Wala na," biglang sabi ni Gio.
Tumaas naman ang kilay niya sa sinabi nito. Rumolyo ang mga mata ng sawikin at pinagkrus ang mga braso sa dibdib. "Kanina pa umalis. Hindi mo ba tiningnan muna kung nakaalis na ba 'yong sawikin bago ka magreklamo sa harap ko?"
Natahimik si Alkan saka kunot-noong napatingin sa itaas ng hagdanan. Wala siyang marinig na kahit anong kilos sa itaas. Talaga bang umalis na ang sawikin?
"Aalis lang ang sawikin kung nakuha na nito ang pakay nito. Wala bang sinabi sa 'yo ang babae mo?" tanong bigla ni Gio.
Bumalik ang tingin niya sa sawikin. "Anong ibig mong sabihin?"
"Ano pa ba? Kung hindi ikaw ang pinunta ng sawikin, malamang na babae mo ang pakay niya. Wala na bang sinabi sa 'yo ang babae mo?"
Napaisip bigla si Alkan, saka naningkit ang mga mata nang may maalala. "May nakita siyang mga itim na balahibo sa kama."
"Itim na balahibo?" Tumaas ang kilay ni Gio at napaisip. "Kung nakita niya ang itim na balahibo sa kama, ibig lang sabihin niyan..."
Pumantig ang tainga ni Alkan sa sinabi ni Gio at matiim siyang tumitig sa sawikin. "Anong ibig sabihin niyan?"
Tumitig sa kaniya si Gio bago nito hinawakan ang baba at tumingin sa labas ng bukas na pintuan.
"Ibig sabihin lang niyan ay... naikama ng sawikin ang babae mo." Tumingin si Gio sa kaniya at ngumisi. "Naunahan ka yata ng sawikin."
Dumilim ang ekspresyon ni Alkan.