Sa pagtawid niya sa portal, nag-iba ang paligid nito. Ang noon na malawak na clearing ay napalitan ng matataas na damuhan. May mga punong lumaki sa magkabilang gilid ng portal. At ang daan na tinahak niya kanina ay nawala. Sa mga mata ng ordinaryo, hindi na mahahanap pang muli ang pinakapusod ng kagubatan kung nasaan ang portal. Tanging mga nilalang na naninirahan na lamang sa Tribal ang makakakita ng portal, tulad lang ni Gio na ngayon ay nasa himpapawid habang tinitingnan ang portal.
Napailing siya. Mangyayari lamang na mag-iiba ang portal sa panahon na dalawang inapo ang tatawid sa portal. At nang tumawid si Alkan, nangyari na ang propesiya ukol sa portal. Hindi na ito kailanman makikita pa ng ordinaryong mga tao. Walang pagdadalawang-isip siyang sumulong tungo sa portal.
SAMANTALA, natuod sa kinatatayuan si Alkan pagtapak niya sa portal. Dinala kasi siya nito sa isang madilim na lugar. Walang tao pero ramdam niya ang mga matang nakatitig sa kaniya.
Nanindig ang balahibo niya sa batok. Hindi na siya nag-aksaya ng oras. Mabilis siyang humakbang paabante.
Isa iyong malawak at madilim na lugar. May kabahayan sa hindi kalayuan pero walang ilaw sa mga iyon. Para bang napunta siya sa panahon na wala pang kuryente. Nangunot ang noo niya at nilibot ang tingin sa paligid.
Hindi niya alam kung saang parte ng Tribal siya dinala ng portal dahil ang naalala niya nang huli siyang dumalaw sa Tribal ay maliwanag ito at kumikinang sa mga diyamante. Hindi ganitong parang napag-iwanan na ng panahon.
"Binata," tawag ng kung sino sa likuran niya.
Paglingon niya sa likod ay may nakita siyang isang lalaki, ilang taon ang tanda sa kaniya. Suot nito ang isang balabal na gawa sa manipis na metal. May hawak itong bolo at may bigote na makapal.
"Sino ka?" tanong nito sa kaniya. Kunot-noo siya nitong tiningnan mula ulo hanggang paa. "Bago ka ba rito?" dagdag nitong tanong.
Napalunok si Alkan at napatango. "Anong l-lugar 'to?"
Ilang segundo siya nitong tinitigan bago ngumisi. "Anong alyansa mo, binata?"
"Alyansa?"
"Oo, alyansa." Humawak ito sa bigote at pinaglaruan iyon. "Malinis kang tingnan at mabango. Mukhang hindi ka kabilang sa tribo ko kaya alam kong hindi ka tagarito. Wala namang problema kung hindi ka tagarito, kaya lang..." Naningkit ang mga mata nito at tiningnan ang leeg niya. "Dapat na-alyado ka ng Black Wing Tribe. Kung ka-alyado ka ng White Wing Tribe, naku binata." Ngumisi ito nang abot sa tainga. "Babalatan kita ng buhay!"
Nahigit ni Alkan ang hininga nang marinig ang deklarasyon nito. May nakapaskil na ngiti pero hindi isang ngiti sa mga labi nito, at alam niyang seryoso ito sa sinabi nito. Talagang babalatan siya nito ng buhay kung ka-alyado siya ng White Wing Tribe.
Ibig bang sabihin, nasa teritoryo siya ng Black Wing Tribe?
Hindi niya alam kung matatawa o maluluha sa sitwasyon niya. Hindi naman niya kasi inasahang itatapon siya ng portal sa teritoryo ng kalaban niya. Bigla, nakaramdam siya ng paghihinayang. Bakit bigla-bigla siyang sumusugod sa kampo ng kalaban?
"Ano? Hindi makasagot?" Tumaas ang kilay ng lalaki. "Ka-alyado ka yata ng White Wing Tribe."
Mabilis naman siyang umiling pero walang salitang lumabas sa bibig niya. Hindi niya kasi masasabing ka-alyado niya ang tribo ni Gio, pero ang tribo nito ang nagpakilala sa kaniya sa Tribal.
Nangunot ang noo ng lalaki at tiningnan na naman siya mula ulo hanggang paa. Lumihis ang tingin nito sa likuran niya at nawala ang kunot ng noo nito. "Di bale, basta hindi ka ka-alyado ng White Wing Tribe, pwede kang tuwira dito. Kung wala kang matirhan, punta ka sa sentro ng bayan na 'to. May makikita kang malaking pabrika. Hanapin mo ang nagngangalang Tayon. Ipapasok kita ng trabaho roon."
Saka ito tumalikod at humakbang palayo. Ilang segundo siyang hindi makakilos sa tensyon at nang mawala ang lalaki sa paningin niya ay doon lang siya nakahinga nang maluwag. Kanina, may tiningnan ito sa likuran niya. At dahil doon ay inalok siya nito ng trabaho. Lumingon siya sa likuran at muntikan na siyang mapaupo sa gulat.
Lumabas pala kanina ang anino mula sa katawan niya at nag-anyong tao. Tumayo ito sa likuran niya at nakipagtitigan sa lalaki. May mukha ang anino. Hindi niya mawari kung nakita na niya ang mukhang iyon o hindi. May suot itong itim na diyaket at itim na pantalon. Sa isang tingin, para itong normal na tao. Kung hindi lang sa mga mata nitong puro itim.
Tumingin ang anino sa kaniya at hindi na niya nakayanan ang takot. Napaupo siya sa tigang at maalikabok na lupa habang nakaawang ang bibig at nakatingala sa anino.
Ngumisi ito sa kaniya. "Natatakot ka ba?"
Nanlambot ang kalamnan niya at nangatal ang mga ngipin. Anong... paanong naging tao ang aninong palaging nakasunod sa kaniya sa nakalipas na apat na taon?
Bumaba ang tingin ng anino sa sariling kamay at mas lumawak ang ngiti sa mga labi nito. "Kaysarap bumalik sa lupang sinilangan. Hindi ba, Alkan?"
"S-Sino ka?" tanong niya. Kinuyom niya ang kamao para maibsan ang panlalamig ng kalamnan niya.
"Hindi mo ba ako kilala?" Marahang natawa ang anino. "Ilang taon tayong naging magkaibigan. Hindi mo ba nakilala ang kaibigan mo na si Estong?"
"E-Estong?" Nanlaki ang mga mata niya. "Imposible," bulong niya habang pinagmasdan ang mukha ng anino.
At habang pinagmamasdan niya ito ay nanlaki ang mga mata niya nang may mapagtanto. Iyon nga ang mukha ni Estong!
Napatayo siya bigla at pinandilatan ng mata ang anino. "Estong? Ikaw ba 'yan?"
Humalakhak ang anino. "Hindi ako si Estong. Tumira lang ako sa katawan niya ng ilang taon."
Humakbang ang anino palayo. Napakurap si Alkan. Naguluhan siya sa sinabi nito at nang makita niyang palayo na ito nang palayo, tumakbo siya pahabol dito.
Sa lugar na hindi niya alam kung saan, mas mabuti nang sumunod siya sa aninong kasama niya sa nakalipas na mga taon. Kahit na wala siyang tiwala rito, mas mabuti nang may kasama siyang kilala niya kaysa sa mangapa siya sa lugar na bago sa kaniya.
"Estong!" tawag niya. Hiningal siya bigla. Hindi niya naman kasi alam na mabilis palang maglakad ang anino.
Tumigil ang anino at lumingon sa kaniya. Nakakunot ang noo nito. "Bilisan mo!" inis nitong sambit.
Napanganga naman siya sa sinabi nito. Bakit parang pinapagalitan siya nito?
Hindi na siya nag-usisa at binilisan ang paghakbang. Sabay silang naglakad tungo sa kung saan. Paminsan-minsan ay tumitingin siya sa gawi ni Estong. Nag-iba na ang awra nito. May dala na itong misteryosong awra na pamilyar sa kaniya. Awra iyon ng anino na nakasunod sa kaniya sa apat na taon.
Hindi na siya nakapagtimpi. Umikhim siya at nagtanong, "Paanong... uh, anong nangyari? Bakit naging anino ka?"
Ilang segundo itong hindi sumagot. Nang malampasan nila ang kabahayan at naabot ang isang malawak na damuhan ay doon lang sumagot si Estong.
"Nagpahula si Nena noon sa isang mangkukulam. Ayon sa mangkukulam, magkakaanak sila ng asawa nito. Ang hindi alam ni Nena ay dalawa ang anak na sinilang niya. Ang isa ay liwanag habang ang isa ay kadiliman. Ang Estong na lumaki sa piling ni Nena ay ang liwanag. Habang ang kadiliman ay nanatili sa loob ni Estong."
Napaisip si Alkan sa sinabi nito. "Ibig bang sabihin, nasa loob ka ni Estong noon pa man?"
Tumango ito. "Nang makilala ni Nena si Surikong, binigay ng huli kay Nena ang isang salamin. Ang salamin na iyon ay ang unang hakbang para makawala ako sa katawan ni Estong. Minsan ay ako ang gumagamit sa katawan ni Estong at hindi iyon alam ng tunay na Estong." Ngumiti ito nang pagkalaki-laki.
Nanginig ang kalamnan niya sa klase ng ngiti nito pero pinilit niya ang sariling kumalma. "Ikaw ba ang may gawa nang... nang may napatay si Estong?"
Kumurap ang anino saka natawa. "Oo, ako 'yon. Hindi alam ng mga taong nakapaligid. Kahit si Estong ay hindi alam kung bakit bigla-bigla siyang nawalan ng kontrol sa oras na iyon. Nang magpunta siya sa kagubatan ay nakita ni Estong si Surikong. Doon ay kinulong ni Surikong ang tunay na Estong at pinakawalan ako sa katawan ng lalaking iyon. Nakakuha ako ng katawan gamit ang kapangyarihan ni Surikong at doon din ay bumalik ako sa bahay ni Nena at nagpakilalang Ambong."
"Ambong..." Nanlaki ang mga mata ni Alkan. "Ikaw si Ambong?!"
Ngumisi lang si Ambong. "Noong una ay naniwala si Nena pero nawalan ng bisa ang panlilinlang ko sa kaniya dahil kay Rowena." Naningkit ang mga mata ni Ambong. "Ang magandang babaeng 'yon... hinding-hindi ko malilimutan ang babaeng sumira sa mga plano ko. Nakakuha sila ng tulong mula sa Diyos at wala akong laban sa kapangyarihan Niya." Napabuga ito ng hangin. "Pero di bale, umalis na sina Nena at Rowena sa San Roque. Hindi ko na makikita pa ang dalawang 'yon. At nagagalak akong tinungo mo ang Tribal. Ito ang tunay na tahanan ko." Humalakhak si Ambong.
Natahimik si Alkan at inisip ang sinabi nito. Tulong mula sa Diyos? Iyon ba ang dahilan kung bakit may apoy na pumapalibot kina Aling Nena at Rowena noon?
"Wag kang mag-isip ng kung ano-ano riyan," saway ni Ambong. "Hindi ka katulad nilang normal na tao. Kaya 'wag ka nang mangarap pa dahil palagi lang ako sa katawan mo."
Nagsalubong ang mga kilay niya. "Bakit ako?"
"Dahil 'yon kay Surikong." Ngumisi si Ambong. "Naalala mo ba nang minsan kayong bumisita sa tindahan ni Surikong? Kayo nina Yalke at Estong? Binigyan kayo ng inkantasyon ni Surikong, isang permiso na maari akong tumira sa mga katawan niyo nang hindi nito namamalayan. Noong una ay si Yalke ang pinili ko, pero hindi ko nagustuhan ang katawan niya. Kaya lumipat ako sa katawan mo matapos matagpuan ang bangkay ni Estong sa kagubatan."
"Surikong... Anong relasyon mo sa mahekirong iyon?"
"Kabilang siya sa tribo ng mangkukulam. Lahat ng nagpapahula at bumibili sa kaniya, may kapalit lahat ng iyon. Minsan katawan tulad ni Nena, pero madalas kaluluwa tulad ng asawa ni Nena at ni Estong."
Nahinto sa paghakbang si Alkan at maang na napatingin kay Ambong. "Anong sabi mo?"
Natawa si Ambong nang makita ang mukha niya. "Katawan. Simula nang nagpahula sila sa isang manghuhula, may kontrata na si Nena kay Surikong. Mula sa katawan ni Nena isisilang ang anak ni Surikong, at mula sa kaluluwa ng asawa ni Nena ay mabubuo ang kaluluwa ng anak ni Surikong. At gamit ang kaluluwa ni Estong, makakawala sa pagkakakulong ang anak ni Surikong."
"At ikaw ang anak ni Surikong..."
Tumango si Ambong at ngumisi. Nangunot ang noo niya. "Sino ba si Surikong? Bakit... bakit?"
"Surikong?" May isang emosyong dumaan sa maiitim na mga mata ni Ambong. "Siya ang hari ng mga mangkukulam."