Episode 7

1048 Words
Wala namang nagbago kay nanay. Ganun pa rin siya kaliksi kumilos na para bang walang nangyari na muntik na siyang ma-stroke. “Nay, huwag niyo na muna pong pwersahin ang sarili niyo. Baka po mapaano na naman po kayo,” saway ko kay nanay na nag-uumpisa na namang maghiwa ng mga rekado para sa kanyang paninda. “Cherry, huwag mo akong alalahanin. Ang alalahanin mo ay kung paano mo aalagaan ang apo ko sa loob ng tiyan mo.” Ang sagot ni nanay na magaan namang kumikilos na tulad pa rin ng dati. “Kailangan na kumayod dahil wala naman tayong ibang aasahan anak. Alam ko ang pakiramdam na walang aasahan kaya ayokong maramdaman mo ang ganung pakiramdam. Ayokong iluluwal mo ang anak mo na walang-wala kang madukot sa bulsa mo para pambili man lang ng kahit isang pirasong biskwit para malamnan ang kumakalam mong sikmura.” Dagdag pa ni Nanay na tinatantiya na ang lasa ng sauce ng kanyang special palabok. Ang ginawa ko ay kinuha ko na ang mga kalamansi at sinimulan ng hiwain sa gitna para kapag may bumuli ng palabok at pansit ay pipigain na lang ang maasim ngunit manamis-namis na lasa ng kalamansi. Alam ko ang naging buhay ni nanay noong pinanganak niya ako dahil ng wala naman siyang mga kamag-anak dito sa lugar namin. Hindi na rin niya kasi nakita pa ang tatay ko na basta na lang siya iniwan sa inuupahan nilang bahay noong magkasama silang dalawa. Kung saan-saan daw naghapan ng trabaho si nanay ay nakikitulog na lang din sa kung saan na hindi siya mahahamugan o kaya ay mauulanan. Mabuti na nga lang daw at may naaawa sa kanya at tinatanggap pa rin siya sa trabaho kahit buntis siya. Nagtatatrabaho ng maayos ang nanay ko at tinitiyak niyang natutumbasan niya ang kabutihan na pinapakita sa kanya. Pero dahil nga lumalaki na ako sa kanyang tiyan ay hindi niya na magampanan ng maayos ang trabaho niya kaya nagpasya siyang tumigil na at baka may mangyari pa raw sa kanya at maapektuhan ako. Nakakita lang daw si nanay ng lumang kariton ng mga panahon na pinagbubuntis niya ako at doon na lang niya pinagpasiyahan na manuluyan pansamantala dahil wala naman siyang sapat na pera para umupa ng bahay. Hanggang sa pinanganak nga ako ni nanay ay doon pa rin kami nakatira a lumang kariton na inayos niya na lamang. Nilagyan ng mga tabing para hindi kami makita ng mga taong nasa labas. At gamit nga ang konting ipon sa trabaho ay naisipan ni nanay na subukan niyang magtinda-tinda sa kariton pa rin na yon. Mga kung ano lang daw ang tinda niya. Mga konting lagang mais, saging saba, nilagang mani. Konting sitsirya at mga candies. At kahit ayaw niya sana ay nagtinda siya ng yosi dahil iyon daw ang malakas kumita. Dahil tabi ng daan at daanan talaga ng mga tao kaya unti-unting lumago ang tindahan ng nanay ko. Mula sa pakonti-konti ay nadagdagan daw ng nadagdagan hanggang sa nakaipon na siya n sapat na pera. Mura pa lang daw ang mga lupa noong araw kaya nabili niya ang kinatitirikan ng bahay namin ngayon. At sa pasisikap niya pa rin kaya unti-unti niyang napagawa. Nasuportahan niya mga pangangailangan ko kahit siya lang mag-isa. Pero kahit ganun ay hindi ipinagkait sa akin ni nanay na malaman ko kung sino ang tatay ko. Sinabi niya naman sa akin ang pangalan at ang lugar kung saan ko posibleng makita ang tatay ko. Tanda ko pa nga nang magpakilala ako sa tatay ko ng puntahan ko siya sa bahay nila. Akala ko yayakapin niya ako maiiyak siya dahil sa wakas ay nagkita na kami pero hindi naman pala. Para lamang akong nagpakilala sa hangin dahil wala man akong nakitang pagkasabik sa mukha, mga mata o kilos ng tatay ko. Wala siyang pakialam at amor sa akin kahit ako ang panganay niyang anak. Panganay pero siyang anak niya sa labas. Hindi nga niya ako tinawag na anak. Hindi niya ako pinakilala sa bago niyang pamilya kahit man lang sa mga anak niya na mga kapatid ko. Pag-uwi ko nang bahay ng mga panahong iyon ay naabutan ko si nanay na naghihintay sa pag-uwi ko. Sinalubong niya ako ng yakap sabay niyaya na akong kumain. Simula noon, hindi na ako nagpunta pa sa tatay ko. Salamat at nakilala ko siya at nagkita na kami pero hanggang doon na lang siguro ang lahat para sa amin. Dahil ang totoo, si nanay ay sapat na para sa akin. “Nay, bakit po napakatatag niyo?” tanong ko. Tinakpan na muna ni nanay ang kanyang niluluto. “Dahil kailangan anak. Kung hindi ako naging matatag ay baka hindi kita pinanganak. Baka buntis pa lang ako sayo ay bumigay na ako.” Ang tugon ni nanay. “Kaya ikaw, Cherry, lagi kang maging matatag hindi na lang para sa sarili mo kung hindi para anak mo. Huwag kang masyadong mabait para hindi ka nila tapak-tapakan na lang.” Ang payo ng nanay ko. Mula sa kanyang likod ay niyakap ko si Nanay habang siya ay abala sa pagbabalot ng lumpiyang sariwa. “Nay, pangako po. Magiging matatag at matapang ako para sa anak ko tulad ng ginawa niyo,” wika ko. “Sorry po, nay. Sorry dahil masyado akong nagtiwala at nagmahal. Sorry po na inulit ko ang naging pagkakamali niyo. Sorry po.” Ang paghingi ko na naman ng sorry. “Cherry, nagmahak ka lang din anak. Ang kaso nga lang ay tulad ko ay nagmahal ka ng maling lalaki. Pero gaya ko, babangon ka, anak. Gaya ko magiging matapang kang harapin ang hamon ng buhay.” Lalo kong hinigpitan ang yakap ko kay nanay. Kapag yakap ko siya pakiramdam ko ang lakas-lakas ko. “Paano na lang ako nay kung wala ka?” untag ko. “Abay! Kayanin mo! Hindi habang-buhay na nasa tabi mo ako, Cherry. Kaya nga dapat na matutuhan mo na ang negosyo na pinambuhay ko sayo. Tandaan mo na ang buhay ay mahiwaga kaya dapat ay lagi kang handa sa kung anong hatid nitong sorpresa.” Pahayag pa ng nanay ko. Napakahiwaga naman talaga ng buhay. Tulad ng nangyari sa akin ngayon. Wala sa hinagap ko na tulad ng nanay ko ay iiwan na lang din ako na parang basura ng tatay ng pinagbubuntis ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD