“Sino namang t@ng*ng babae ang payag maging isang dakilang panakip-butas?”
“Oo na! Ako na yan!” sagot ko sabay taas pa ng dalawa kong kamay kahit ang tanong ay nanggaling sa madaldal na dj sa paborito kong FM radio station.
“Tanggap ko naman ang katotohanan pero bakit kailangan niyong pang paulit-ulit na isampal sa aking mukha na isa akong t@ng@ na payag maging panakip-butas!” asik ko habang naglilinis ako ng bahay namin.
Hindi ako pinasama ni nanay na magtinda dahil mainit daw at baka mapaano pa ako.
Dito na lang muna raw ako sa bahay at gumawa ng mga magaan na gawain para hindi ako mainip.
At habang naglilinis nga ay nagpatugtog ako ng radyo pero heto at parang sinesermunan pa ako ng radio dj na ngayon ay nagbibigay bg payo sa mga taong taken for granted daw kung tawagin.
Naalala ko na naman si Lee at ang kalagayan ko ngayon.
Iniisip ko nga kung hindi niya ba talaga ako inisip at ang batang pinagbubuntis ko na siya ang ama?
Alam niyang wala akong ibang karelasyon kahit na alam kong wala naman talaga kami.
Hindi ako pumapansin ng ibang lalaki lalo na ang mga nagtatangkang magpapansin sa akin kaya hindi ko rin matanggap kung paano ako insultuhin ng kanyang buong pamilya at isa na nga ang matalik kong kaibigan na si Jelly.
Hindi ko talaga alam kung anong nagawa ko at bakit bigla na lang nagalit sa akin si Jelly na wala naman akong natatandaan na ginawa ko para sumama ang loob niya sa akin.
Pero nasaan ka na ba Lee?
Bakit ba hindi ka man lang magparamdan sa akin kahit simpleng kamustahan lang.
“Anak mo ang dinadala ko, Lee. Anak natin to,” mahina kong bulong habang nakatanaw sa labas ng aming bahay dahil pinupunasan ko ang salamin ng aming bintana.
Naalala ko noong gabi na na binabato niya ang bintana noong gabi na hindi ko talaga siya pinapansin dahil nga gusto ko ng mag move on.
Masaya ako na nakarating na siya sa bansang korea at nakilala at nakasama ang kanyang tunay na tatay pero hindi ko maiwasan na makaramdam talaga ng galit dahil pinabayaan niya na ako at ginawang masamang babae sa paningin ng lahat.
“Hayaan mo, nak. Itataguyod ka ni Mama kahit anong mangyari. Hindi kita iiwan. Hindi ka namin iiwan ng Lola Choleng mo. Mahal na mahal la namin, nak. Pero sorry dahil ipapanganak din kita na walang kang Papa na makakagisnan. Wala kang Papa na makakasama o kaya ay mapagsusumbungan,” sabi ko sa anak kong na nasa loob ng tiyan ko.
“Sorry anak na mararanasan mo iyong mga naranasan kong lungkot dahil may kulang sa pagkatao ko. Sorry kung magtatanong ka rin ng mga naging katanungan ko habang nagkakaisip ako.”
“Bakit wala akong Tatay? Nasaan siya? Bakit hindi ko siya kasama? Ayaw niya ba sa aki?” iyan ang mga tanong ko sa sarili ko habang nagkakaisip ako at nakikita kong may tatay ang ibang mga kalaro ko at ang mga classmates ko sa school.
Bawal mainggit dahil kasalanan ang mainggit sa meron ang iba pero hindi ko pa rin maiwasan na magdamdam o magtampo na bakit wala akong tatay?
Bakit hindi kumpleto ang mga magulang ko?
Pero habang nagkakaisip na nga ako ay naiintindihan ko na kung bakit.
Alam kong darating din ang araw na magtatanong ang anak ko kung bakit hindi ko pinaglaban ang karapatan niya kay Lee na kanyang tatay pero dasal ko na tulad ko, ang anak ko na mismo ang makasagot sa katanungan na yon gaya ng ako na mismo ang nakatuklas kung bakit hindi na pinilit ni nanay na ipaglaban ang relasyon nila ng tatay ko.
Pero narito pa rin sa puso ko ang pag-asa.
Na hindi pa huli ang lahat.
Isang araw, tatawag muli si Lee sa harap bahay namin para panindigan ako at ang magiging anak namin.
Oo, umaasam pa rin ako kahit suklam na suklam na ako sa kanya.
“Cherry! Cherry!”
Nagulat pa ako sa malakas na pagtawag sa pangalan ko kasabay ng malakas na pagkalampag sa gate ng bahay namin.
“Cherry!” ulit muli ng tumatawag kaya nagmadali na akong lumabas.
Isa sa mga suki ni Nanay sa tindahan niya ang nabungaran ko.
Pero iba na ang naging pakiramdam ko ng makita ko siya at idagdag pa ang kanyang itsura.
“Bakit po, Aling Lou?” nag-aalalang tanong ko.
“Naku! Ang nanay mo sinugod namin sa ospital!
Kumalat agad ang kung anong kilabot sa buong pagkatao ko ng marinig ang kanyang sinabi.
“Cherry, dumaan lang talaga ako rito para sabihin sayo at iabot itong bag ng nanay mo,” aniya pa sa akin ngunit hindi ako makakilos.
Hindi ako makapagsalit.
Kahit yata paghinga ay nakalimutan ko na.
Pero ng hatakin niya ang kanang kamay ko ay nagpatianod na lang ako.
Alam kong bumiyahe kami pero parang wala akong naririnig sa paligid.
Hanggang sa makarating na kami sa ospital kung saan dinala si Nanay.
Hinahanap ko si nanay sa mga pasyente sa emergency ngunit itunuro kami sa isang sulok kung saan may nakahiga sa hospital bed ngunit ang nakahiga ay nakatalukbong na ng puting kumot.
May sinasabi pa ang doktor o nurse sa akin pero humakbang na ako patungo sinasabi nilang nanay ko.
“Hindi.” Mahina kong bulong at saka ko pa ipinipilig-pilig ang ulo ko.
“Condolence, Cherry,” malungkot na sabi sa akin ni Aling Lou na nasa likod ko.
“Hindi ito totoo,” sambit ko habang nasa harap na ng nakatalukbong ng kumot.
“Hindi po ito ang nanay ko. Nasaan ang nanay ko?” para na akong nababaliw na nagpalinga-linga pa sa kung saan para hanapin ang nanay.
Hindi ko matatanggap na patay na ang nanay ko.
Buhay na buhay siyang umalis kaninang umaga sa bahay para magtinda kaya bakit sasabihin ngayon na patay na siya?
“Nay, nasaan po kayo? Narito na ako,” hanap ko pa kay nanay habang humahakbang sa ibang pasyente at umasaang natatakpan lang nila ang nanay ko.
“Cherry, huminahon ka. Baka makasama sa dinadala mo.” Payo ni Aling Lou na hinawakan ako sa braso.
“Aling Lou, hindi po si nanay ang patay na yan. Hindi po siya maniwala po kayo. Kaya tulungan niyo akong hanapin ang nanay ko.” Giit ko kay Aling Lou na lumuluha habang nakatingin at nakikinig sa akin.
“Hindi po ako pwedeng iwan ng nanay ko dahil alam niyang kailangan ko pa po siya. Alam niyang mag-isa lang po ako at manganganak pa sa unang apo niya,” dagdag ko pa pero walang kibo ang kausap ko at panay lamang ang pag iyak.
“Hindi siya ang nanay ko. Hindi siya,” saad ko pa habang nagpunta muli sa gilid ng patay na nakahiga.
“Hindi po talaga siya ang nanay ko. Huwag niyo po akong biruin ng ganito dahil hindi po talaga nakakatuwa,” umiiyak ko ng sabi habang nagpapadyak pa ako sa sobrang inis.
Paano ko magiging nanay ko ang patay na ito?
Ang saya at sigla ng nanay ko kanina habang paalis pa siya.
Panay pa ang bilin niya sa akin na mag-ingat ako sa mga kilos ko at baka mapaano ang apo niya.
Kaya bakit?
Paano?
“Cherry, ganun talaga ang buhay. Hindi natin alam kung hanggang kailan na lang tayo. Alam kong masakit at sobrang sakit para sayo ang pangyayaring ito pero ito ang katotohanan. Katotohanan na wala na talaga ang nanay mo,” pahayag ni Aling Lou na niyakap ako habang umiiyak.
“Hindi po, Aling Lou. Hindi po ako iiwan ni nanay kasi sabik na sabik siya na makita ang una niyang apo. Kumpleto na nga po ang gamit ko sa panganganak dahil binili niya na pong lahat. Kaya hindi po ito totoo. Hindi po pwedeng mamatay ang nanay ko! Kaya huwag niyo pong sabihin at ipagpilitan na patay na siya dahil hindi po iyan totoo!” asik ko na.
Pinipilit nilang patayin ang nanay ko na hindi pa nga siya patay.
Buhay pa ang nanay ko.
Hindi ako naniniwala na patay na siya at hindi talaga ako maniniwala.
Hindi ako iiwan ng nanay ko kasi alam niyang wala akong ibang kasama.
Hindi ako iiwan ni nanay dahil mahal na mahal niya ako.
“Cherry, wala akong alam na sabihin para mapahinahon ka ngayon pero alam kong may dahilan ang lahat ng mga mangyayari sa buhay mo. Magpakatatag ka para na rin sa anak mo,” payo ni Aling Lou na kumuha pa ng bangko para maupuan ko.
Nakasabunot ako sa aking sariling buhok at talagang pili na pinipiga sa utak ko na hindi totoo ang nangyayari ngayon.
“Hindi ito totoo. Gumising ka na Cherry!” sabay sampal ko pa sa sarili ko.
Nang hindi pa ako nasiyahan ay sinampal ko na naman ang sarili kong pisngi at sunod-sunod pa ang ginawa ko.
“Gumising ka na, Cherry! Gising na!” sigaw ko sa sarili ko at saka itinodo pa ang pagsampal ko sa sarili ko para magising ako kung masamang panaginip talaga ito.
Hindi pwede e!
Hindi talaha pwede na mawala ang nanay ko.
Hindi pwede na mamamatay siya!
“Tama na yan, Cherry! Mahihirapan din ang nanay mo kung nasaan siya ngayon kapag nagkakaganyan ka. Sigurado ako na ayaw niya rin na iwan ka ngunit sadyang hanggang dito na lang ang buhay niya.” Sabay awat sa mga kamay ko ni Aling Lou. Niyakap ako ng mahigpit ng taong hindi ko naman kaanu-ano.
Habang umiiyak ako sa balikat ng matandang babae ay nakita kong nakatingin sa akin ang ibang mga pasyente sa emergency.
May mga lungkot sa kanilang mga mata at kahit hindi sila magsalita ay alam kong nakikiramay sila sa akin dahil na rin sa katahimikan na namamayani sa paligid.
Maging ang mga nurse at mga doktor sa paligid ay tahimik lamang na gumagawa ng kanilang mga trabaho.
“Cherry, lahat ng pinapayagan na mangyari ng ating Panginoon ay may dahilan. Kung ano ang Kanyang dahilan ay hindi natin alam at iyon ay malalaman mo sa paglipas ng mga panahon. Sa ngayon ay wala ka ng magagawa kung hindi tanggapin ang masakit na katotohanan ayaw man ng ating puso at isipan.”
Lalo akong napahagulgol sa balikat ni Aling Lou.
Maya-maya ay hinarap ko na ang patay na nakatalukbong ng puting kumot at unti-unti ko ng tinaggal ang tumatakip sa kanyang mukha upang makita na kung ang nanay ko ba talaga ang nakahiga at wala ng buhay.
Buhok pa lang ay kilala ko na kaya naman lumakas ang aking paghagulgol. At sabay yakap ko na sa kanyanng wala ng buhay na katawan ng makita ko na ang kabuuan ng kanyang mukha.
Si Nanay nga.
Si Nanay na para lang natutulog.
Si Nanay na kanina lang ay punong-puno ng saya at sigla ngunit ilan oras lang ang nakalipas at heto na siya.
“Nay, bumangon na po kayo. Marami pa po kayong ititinda. Hindi ba sabi mo bawal ang pahinga? Bawal ang tulog-tulog dahil kailangan mong kumayod para sa paglabas ng apo mo?”
“Pero bakit ganito po, nay? Bakit ngayon nakahiga ka na at-” hindi ko na matuloy-tuloy ang anuman na sasabihin ko.
“Nay, bakit naman po ang aga? Bakit ang aga niyo naman akong inulila na alam mo naman na wala na akong kasama? Bakit po, nay?” sabay yakap ko na sa nanay ko at umiiyak sa kanyang nakahimlay ng katawan.
“Ang lakas-lakas mo tapos ganito ang mangyayari, nay?” tanobg ko pa.
“Paanong nangyari na ang saya mo kanina bago ka umalis tapos ngayon narito ka na at nakahiga?” sumbat ko pa.
“Paano na po ako, nay? Paano na po kami ng apo mo ngayong wala ka na?”
“Paano na ako ngayon na wala na akong masasandalan? Paano na ako ngayon na sa buong buhay ko ikaw lang ang kakampi ko?
“Paano na po ako nay? Paano na?”
“Ang dami mo pang pangarap sa atin ng apo niyo pero bakit umalis na po kayo na hindi man lang nahintay na makita ang una niyong apo? Nay, naman!” reklamo ko pa.
Pero kahit ano pang reklamo at galit ko ay wala ng buhay ang nanay ko.
Wala na siyang kagalaw-galaw.
Wala na siya at wala na akong magagawa pa.
Maglupasay man ako, magwala man ako.
Magsisigaw man ako hanggang sa kahuli-hulihang hininga ko ay wala ng nanay na giging sa umaga para ipagluto ako ng almusal.
Wala na si nanay na siyang nag-iisang taong kakampi ko at ang nag-iisang taong mahal na mahal ako.