KANINA pang walang tigil sa kaiiyak si Loisa Alday simula nang dumating ito dito sa SCIU Headquarters. Napahawak na si Lizette sa ulo. Nakaupo siya sa tapat nito ngayon sa loob ng interogation room.
“Puwede bang tumigil ka muna sa pag-iyak, Miss Alday?” tanong niya.
Mas lalong lumakas ang pag-iyak ng babae. “Wala akong ginawang masama,” sabi nito. “Ayaw kong makulong. Huwag niyo akong ikulong.”
“Hindi makakatulong ang pag-iyak mo sa sitwasyon mo ngayon,” mahinahong sabi ni Lizette. “Kung ayaw mong makulong, tumahan ka at sagutin ang mga tanong namin.”
Pinilit naman ni Alday na pigilan ang pag-iyak. Pinunasan nito ang mga luha, suminghot-singhot.
Napailing si Lizette. Binuksan niya ang folder na nasa harap, inilabas doon ang picture ni Marcelo Duenas. “Boyfriend mo siya, tama ba? Si Marcelo Duenas, isang teacher sa Bonifacio Private School sa Manila. Hindi mo gustong makulong pero bakit ka tumakbo at nagtago pagkatapos mamatay ng boyfriend mo?”
“Na-Natakot ako,” humihikbing sagot nito. Ibinaba nito ang tingin sa picture ni Duenas. “Nagpunta ako noong... noong umagang `yon sa bahay ni Marcelo dahil may kailangan ako pero... pero nakita ko ang mga pulis doon. Maraming mga tao ang nakikiusyoso. Nagtanong ako... at... at nalaman ko na... na pinatay si Marcelo. Kaya... Kaya nagtago agad ako dahil... dahil natakot ako na baka... baka madamay din ako.”
“Natakot? Bakit ka matatakot? May ginawa ba kayong dalawa ni Marcelo na magiging rason para may pumatay sa inyo?”
“Wala akong ginawa,” sagot ni Louisa, napaiyak na naman. “Na-Nakikinig lang ako sa mga kuwento ni Marcelo. Wala akong ginagawang masama.”
“Nalaman namin na marami kang hinihingi kay Marcelo at ibinibigay naman niya,” sabi ni Lizette. “He’s known for spoiling you. Paano kami makakasiguro na hindi mo siya gagawan ng masama kapag hindi niya na ibinigay ang gusto mo?”
Nanlaki ang mga mata ni Alday. “Hindi ko siya gagawan ng masama!” sigaw na nito. “Malaking kawalan sa akin si Marcelo ngayon. Siya lang ang nagbibigay ng mga bagay na hinihingi ko. Mahal ko siya.”
“Then you know all the things he was doing,” aniya, nakatitig na sa babae. Nakita ni Lizette ang paglulumikot ng mga mata ni Alday.
“The bribery,” narinig nilang wika ng boses ni Joshua mula sa speaker. Nasa kabilang side ito ng interogation room, nanonood sa two-way mirror. “Alam mo na tumatanggap ng bribes ang boyfriend mo mula sa mga magulang ng kanyang estudyante, tama? Para mapataas ang grades ng mga anak nila.”
Pinagsiklop ni Alday ang mga kamay, nanginginig na iyon. Pero nanatili itong tahimik, parang hindi alam kung ano ang gagawin.
“Ikaw ba ang nag-encourage sa kanya na gawin iyon?” dugtong pa ni Joshua. “Dahil kulang ang suweldo niya bilang teacher para sa mga luho mo.”
“Hindi!” sigaw na ni Alday. Napahagulhol na naman ito ng iyak. Why was this woman kept on crying? Sa pagkakaalam ni Lizette ay thirty-one years old na ito. Medyo mas matanda nga lang ang itsura dahil sa dami ng kolorete sa mukha. “Siya ang may gustong gawin `yon. Kinuwento niya lang sa akin noon.” Naiinis na ginulo ng babae ang buhok nito. “Ayaw ko na dito. Ayoko na.”
“Tell us everything he told you, Miss Alday,” mariing utos ni Lizette. “Para matanggal ang suspetsa sa `yo. Kung wala kang kinalaman sa mga ginawa niya, sabihin mo ang lahat. Wala na rin namang silbi ang manahimik.”
Ilang sandaling pinilit ni Alday na kalmahin ang sarili, hilam na sa luha ang mukha nito. “Na-Nakuwento niya noon na tumatanggap siya ng suhol sa mga magulang ng estudyante niya,” anito.
“Para lutuin ang mataas na grado ng mga anak nila?”
“Noon, oo.” Tumingin sa kanya si Alday. “Pero... pero iba ang rason na ikinuwento niya ngayon.”
Kumunot ang noo ni Lizette, hinintay na magpatuloy ang babae. Ibang rason? Ano?
“Kailangan niya raw gawing valedictorian iyon isa niyang estudyante sa graduation,” pagpapatuloy ni Alday. “Kahit hindi naman iyon ang karapat-dapat.”
Natigilan si Lizette. Marcelo Duenas was going to meddle with the honor students list? How could he do that?
“Hindi... hindi ko na alam kung ano’ng nangyari,” sabi pa ni Alday. “Wala naman talaga akong pakialam sa mga ginagawa niya. Pero... pero napansin ko noong nakaraang mga linggo na parang may problema siya. Hindi ko alam kung ano na ang nangyari. Hanggang sa... hanggang sa... namatay na nga siya.” Napaiyak na naman ito.
“Kilala mo ba kung sino ang nanunuhol sa kanya?”
Umiling si Alday.
Sumulyap si Lizette sa two-way mirror. Wala siyang narinig na tanong mula sa mga nandoon. Hinarap niya si Alday. “Nasaan ka noong Martes bandang alas-onse ng gabi?” tanong niya. Kailangan pa rin nilang masigurado ang alibi nito.
“Kasama ko sa bar ang mga kaibigan ko noong gabi na `yon,” sagot ni Alday. “Bandang alas-nueve. Hindi ko na alam kung anong oras ako nakauwi.”
Tumango-tango siya. “Dito ka muna sa custody ng SCIU hangga’t hindi nave-verify ang alibi mo. Nagtago ka pa rin kaya hindi mawawala ang suspetsa sa `yo.”
Umiyak na naman si Alday. Hindi niya na ito pinansin at lumabas na ng interogation room. Nakita niya sa labas, naghihintay, sina Seth at Joshua.
Umiling-iling si Joshua. “What a crybaby,” usal nito. “Sigurado ako na nagsasabi siya ng totoo. Hindi rin siya ang pumatay kay Duenas. Masyado siyang dependent kay Duenas kaya imposibleng gawan niya ito ng masama. And that woman immature emotionally. She couldn’t have done a very clean crime with that personality.”
“Posible na ang tinutukoy niyang nanuhol kay Duenas para gawing valedictorian ang anak niya ay si Rizza Mendoza,” sabi naman ni Seth. “Siya lang ang nakausap ni Duenas suspiciously.”
“Iyon din ang naisip ko,” Lizette seconded.
Napaisip si Joshua. “But Rizza Mendoza couldn’t possibly be our killer,” anito. “Kailangan niya si Duenas. Magkakampi sila. There is another party, I’m sure. Isang naapakan dahil sa conspiracy na ito.”
Tumango-tango si Lizette. “The one who’s supposed to be the valedictorian,” aniya. “Sinabi ni Alday na hindi naman karapat-dapat ang anak noong nanunuhol kay Duenas. Someone deserves the honor. Kung alam ng party na `yon ang nagaganap na suhulan, that can be a strong motive to kill Duenas.”
“Kailangan nating pag-aralan ang listahan ng mga estudyante ni Duenas,” sabi ni Seth.
Binuksan ni Joshua ang hawak nitong folder. “Binasa ko ang files ni Rizza Mendoza. Isa lang ang anak niya. Babae. Sofia Mendoza ang pangalan.”
Lumapit si Lizette dito at sinilip ang folder. Nandoon ang picture ng anak ni Rizza Mendoza. Kumunot ang noo niya. She knew that young girl. Ito ang dalagita na nakasilip noon sa kanila sa classroom ng mga ito. “I know her.” Tiningnan niya si Seth. “Nakatingin siya sa atin noong nagpunta tayo sa classroom ni Duenas. Pakiramdam ko ay may gusto siyang sabihin.”
“Then you should go talk to her,” sabi ni Joshua. “Kanina pang nadala ni Kevin dito si Rizza Mendoza pero hindi siya nagsasalita hangga’t wala ang lawyer niya. Seeing her a while ago, I don’t think she will talk. Mataas ang pride niya. Hindi niya ipapahiya ang sarili sa harap ng kahit kanino.”
Tumango si Lizette. Ang pag-asa na lang nila ay ang anak ni Mendoza. Sana ay magsalita ito. Kung alam ni Sofia Mendoza ang ginagawa ng ina nito, sana ay makaramdam ito ng guilt at magsabi ng totoo.