“MY WIFE is already in your headquarters,” sabi sa kanila ni Mr. Gerry Mendoza nang bumisita sila ni Kevin sa residence nito nang gabing iyon. “Ano pa’ng kailangan ninyo sa amin?”
Nalaman nina Lizette na kababalik lang ng lalaki galing sa States. “Puwede po ba naming makausap ang anak ninyo?” tanong niya.
“Ang anak ko?” Hindi makapaniwalang tanong ng lalaki. “Huwag ninyong sabihin na pati si Sofia ay madadamay sa lahat ng ito?”
“No, we just want to ask her some questions about their class,” sagot ni Lizette. “Sandali lang naman ito.”
Bumuntong-hininga si Mr. Mendoza. Ilang sandali itong nag-alangan bago sila inalok na maupo muna. “Tatawagin ko lang siya. Pero gusto kong ipaalam sa inyo na wala kaming alam sa mga nangyayari. Hindi ko alam kung ano ang ginawa ni Rizza o kung saan siya nasangkot. Pero gagawin namin ang lahat para maayos ito at hindi na lumala. I don’t want a bad image, I’m a respected businessman.”
Hindi na sila sumagot at naupo na lang. Pagkaalis ng lalaki ay tiningnan niya si Kevin. “Will Joshua be okay?” naisip niyang itanong. Hindi pa rin nawawala ang pag-aalala niya.
“He’ll be okay,” sagot ni Kevin. “Ginawa niya lang naman iyon dahil hindi niya na naman napigilan ang galit niya.”
Napabuntong-hininga si Lizette. Joshua should really learn how to control his temper. Hindi puwedeng basta na lang ito mambugbog ng kahit sino. Paano kung naging mas malala ang naging kinahinatnan ni Jason Cortes? Kahit na isa itong suspect, hindi pa rin tama sa rules nila bilang mga pulis na mambugbog. Makakasama iyon para kay Joshua.
Napatingin sila sa unahan nang makita ang pagbalik ni Gerry Mendoza, kasabay na nito ang isang dalagita na nakasuot ng pajamas. Halatang nagulat ito pagkakita sa kanila. Lizette was right. Ito nga ang dalagita na nakasilip sa kanila ni Seth noon.
Hinintay nilang makaupo ang mga ito sa katapat na couch bago nagpakilala. “Sofia, right?” panimula niya. “Alam mo naman siguro na nasa custody ng SCIU ang mama mo. Sad to say, she’s one of the suspects in our list. Sa pagkamatay ng teacher ninyong si Marcelo Duenas.”
Nag-iwas ng tingin si Sofia, may bumahid ng takot sa mukha nito. The young girl knew something.
“May alam ka ba sa relationship ng mama mo at ni Mr. Duenas?” tanong pa ni Lizette. “May mga pinag-uusapan ba sila na nababanggit sa `yo?”
“Wa-wala akong alam,” nanghihinang sagot ni Sofia, parang maiiyak na. “Walang... walang ginawa si Mama.”
“May nalaman kaming impormasyon tungkol kay Marcelo Duenas,” sabi naman ni Kevin, seryoso. “Tumatanggap siya ng suhol sa isang magulang para maging valedictorian ang kanyang anak. At base sa email exchange nila ng mama mo, mukhang may bribery nga na nagaganap. Are you expecting to be a valedictorian this year, Sofia?”
Nanlaki ang mga mata ni Sofia. Ibinuka nito ang bibig pero hindi naman makapagsalita.
“What is the meaning of this?” naguguluhan nang tanong ni Mr. Mendoza. “Bribery? For the valedictorian spot? Paano kayo nakakasiguro na ang asawa ko nga ang involved diyan?”
Hindi na sila nakapagsalita nang umiyak si Sofia. Tumingin ito sa ama. “Nag-Nag-aaral ako nang mabuti, Papa,” sabi nito. “Para maging mataas ang grades ko.”
Tinapik-tapik ni Mr. Mendoza ang likod ng anak. “I know.” Tumingin ito sa kanila. “Kung nandito lang kayo para bigyan pa ng kahihiyan ang pamilya ko, puwede na kayong umalis. Ang kailangan ninyo ay ang asawa ko. Sumunod siya sa warrant. Sa kanya kayo makipag-usap at sa lawyer namin. We won’t say anymore. Leave.”
Sinulyapan ni Lizette si Kevin na tumango-tango. Nagpaalam na ito at tumayo. Nakasunod lang siya sa binata.
“They want to remain silent until proven guilty,” sabi ni Lizette pagkarating sa kotse. “Siguradong sinabihan na rin ni Rizza Mendoza ang anak niya na huwag magsasalita. Kailangan pa natin ng ibang ebidensiya.”
“Baka mas makatutulong kung babalik tayo sa school na pinagtatrabahuhan ni Duenas,” sabi ni Kevin. “Kung hindi magsasalita si Sofia Mendoza, posible na may malaman tayo sa mga kaklase niya.”
That was a good idea. “I’ll do it first thing tomorrow.”
“Sa ngayon, kailangan nating subukan pa ring kausapin si Rizza Mendoza sa headquarters,” ani Kevin.
“I’ll go with you.”
Ngumiti ang lalaki. “Gabi na, puwede ka na ring umuwi at magpahinga. May mga aasikasuhin pa akong reports kaya baka sa HQ na ako magpalipas ng gabi.”
“The more reason para samahan kita,” nakangiting pilit pa ni Lizette. “Wala rin naman akong gagawin sa bahay. I want to help as much as I can.”
Nagkibit-balikat na lang si Kevin at hindi na tumutol. Pagkarating nila sa headquarters ay agad nilang pinuntahan si Rizza Mendoza para interogahin ito. Her lawyer was already present. Pero katulad din ng dati, naging matigas ang babae. Paulit-ulit nitong iginigiit na wala itong alam sa emails na nakita nila. At wala rin daw itong rason para manuhol dahil mahusay naman daw sa school ang anak nito.
Pasado alas-nuebe na ng gabi nang lumabas si Lizette para bumili ng kape sa coffee shop. Si Kevin ay iniwan niya muna sa opisina nila, marami pa itong sinusulat na reports. Being the team leader was really a hard thing. Kaya ginagawa niya ang lahat para matulungan ito.
Pabalik na si Lizette sa opisina nila nang maisipang dumaan sa prison cells ng SCIU. Tiningnan niya ang kinaroroonan ni Jason Cortes. Nalaman niya kanina na dumating na ang lawyer ng lalaki. Hindi lang alam ni Lizette kung ano ang mangyayari sa kaso nito.
“Senior Inspector,” bati sa kanya ni Jason, nakaupo ito sa sahig, nakasandal sa dingding. “Para sa akin ba ang kape na `yan?” Ngumisi pa ito.
Lizette gritted her teeth. She didn’t want to look at the face of this pervert. “Mukhang at home ka na dito, ah?” sarkastikong tanong niya.
“Makakalabas din ako dito,” sabi pa nito. “Nagkakamali kayo ng iniisip. Gusto rin ng estudyante kong iyon ang ginagawa namin.”
Humigpit ang pagkakahawak ni Lizette sa dalawang cups ng coffee na dala. Kung puwede niya lang isaboy iyon sa lalaki. But she wouldn’t. Hindi siya katulad ni Joshua na mabilis maubusan ng pasensiya. Well, except when she was talking with that man. Sa lalaking iyon lang naman nawawala ang composure niya.
“Nakausap na pala ng ibang kasamahan ko ang mama mo,” sabi pa niya. Kanina ay na-report na rin ni Monica ang naging kinalabasan ng pakikipag-usap ng mga ito kay Isabel Cortes, at ang rason kung bakit ang mga ito pumunta kay Jason. “Your mother told us something interesting. May babae raw ang papa mo.”
Nakita niya ang pagkatigil ni Jason, nag-iwas na ito ng tingin. “Really?” anito. “That bastard.”
“Sinabi rin niya na alam mo ang tungkol doon.”
“No.” Naiiling na napatawa si Jason. “Hindi ko alam `yon. Ngayon lang. Pero may hinala lang ako noon dahil madalas siyang ginagabi ng uwi. Well, it doesn’t matter. Patay na siya. Hindi na niya masasaktan si Mama.” Ibinalik nito ang tingin sa kanya. “Kaya tigilan niyo na rin si Mama. Huwag niyo nang ipaalala sa kanya ang nakaraan.”
Ngumiti lang si Lizette pero hindi na sumagot. Naglakad na siya palayo. Napansin niya na ang ina lang nito ang nakakapagpababa sa defenses ni Jason Cortes. Joshua was right. The man was too attached with his mother.
Pagkabalik niya sa opisina ay nilapitan niya si Kevin, ipinatong sa table nito ang hawak na coffee. “Sorry, natagalan. Kinausap ko si Cortes sa selda niya.”
Tumingin sa kanya si Kevin. “What did he say?”
Ikinuwento ni Lizette dito ang naging pag-uusap nila ni Jason. “I think he’s lying,” aniya. “Alam niya na may babae ang kanyang papa. Nakakapagduda talaga siya.”
“Huwag lang nating alisin ang suspetsa sa kanya,” ani Kevin. “Babagsak din ang depensa niya.”
Hindi na naman nagsalita pa si Lizette at tinulungan na ang binata sa mga ginagawa nito. It took them more than two hours to finish everything.
“Uuwi ka pa ba?” tanong niya sa binata. “Mukhang pagod ka na, ah?” Nakaupo na lang sila ngayon sa sahig, nakasandal sa dingding. Nakikita ni Lizette sa mukha ni Kevin ang pagod.
“Mamaya siguro. Magpapahinga lang ako sandali. Ikaw ba?”
“Magpapahinga lang din ako.”
Ilang sandaling katahimikan ang bumalot sa paligid. The agency was quiet. Kakaunti na lang ang agents na naroroon—ang mga katulad na lang nila na nag-overtime sa trabaho.
Biglang nakaramdam ng awkwardness si Lizette kaya nag-isip ng puwedeng pag-usapan. “Wala ka na ring family, right?” tanong niya. “How about relatives?”
“Wala na rin,” sagot nito.
“I remember sa profile info mo na nawawala ang Papa mo,” aniya. “Sinusubukan mo pa rin ba siyang mahanap?”
“It’s more than fifteen years. Sinubukan ko siyang hanapin nang ilang beses pero wala talaga.” Bumuntong-hininga ang lalaki.
“What happened?”
“Basta isang araw, bigla na lang siyang nawala. I was twenty at that time, I think. Bago pa lang ako sa Army. Hindi ko alam kung ano ang nangyari sa kanya. Kung buhay pa ba siya. O baka ayaw niya lang talagang magpahanap.”
“Bakit naman? Hindi ba kayo close?”
“We’re close. Really close. Pero noong namatay si Mama, biglang parang lumayo na rin sa amin si Papa. Mahal na mahal niya si Mama kaya sobra siyang nalungkot.”
Nakikita ni Lizette ang kalungkutan sa mukha ng binata. “Ano’ng nangyari sa Mama mo?”
“She died in a robbery-homicide in our house back then,” sagot nito. “Lahat kami ay wala noon sa bahay. Siya lang ang naiwan. Sinisi ni Papa ang sarili niya dahil doon.”
“I’m sorry.” Biglang nakaramdam ng kalungkutan si Lizette. Ngayon lang niya nalaman ang tungkol doon.
“It’s okay.” Ngumiti si Kevin. “It’s the past. Wala ring mangyayari kung patuloy na mabubuhay doon. You know that.”
Tumango siya. “How about your brother? He died, too? Mas matanda ba siya sa `yo?”
“Oo, si Kuya Donald.” Ilang sandaling natahimik si Kevin. “He was... a leader of a terrorist group back then. Hindi ko alam kung bakit naligaw siya ng landas. Marami silang napatay noon dahil sa pakikipaglaban nila sa gobyerno. And I... I was in the Army at that time. Kasama ako sa mga raids ng hideout ng iba’t ibang terrorist groups. My brother died in one of our raids. Hindi ko alam na leader siya noon. Hindi ko na napigilan ang lahat.”
Napayuko si Lizette. Nararamdaman niya ang sakit ng binata. She knew it was hard for him to talk about that past. Being involved in his own brother’s death was a painful memory.
“Wala ka bang planong bumuo ng sariling pamilya?” naisip niyang itanong para pagaanin ang usapan. “You’re old enough now. Thirty-five? Turning thirty-six?”
Tumawa naman na si Kevin. “Wala pa sa isip ko ngayon. Baka balang-araw.” Tumingin ito sa kanya. “Ikaw? Wala ka pang plano?”
Mabilis siyang umiling. “Wala pa rin. I’m enjoying this life. Being alone is not so bad at all. Masaya ako sa trabaho ko, sa mga kaibigan ko, sa team natin.”
Hindi na naman niya narinig ang pagsasalita ni Kevin. Nang tingnan uli ito ni Lizette ay nakitang nakapikit na. She should stop talking now. Pagpapahingahin niya na muna ang binata.
Ilang sandali niyang pinakatitigan si Kevin. He was very handsome. He was a good man too, and respectable. Ito talaga ang ideal man niya. This man reached her high standards for a male partner. Kung mamimili siya ng lalaking nanaising makasama, si Kevin iyon. That was her mind talking.
Ipinikit niya ang mga mata at isinandal ang ulo sa pader. Magpapahinga rin lang siya sandali bago umuwi.