DECEMBER 15, 2017 (7:23PM)
"BAKIT wala pa sila?" naka-pout na tanong ni Gia habang nakasalampak sa sahig at nakaharap sa coffee table habang kumakain ng "shake-shake-shake" fries na nasa paperbag. "Malapit na kong mapanis sa kakahintay. Hindi ba sila naniwala na napunta ako sa future?"
No'ng iwan siya sa bahay ni Jeremy kaninang hapon, hindi naman siya nainip dahil na-enjoy niya ng sobra ang video recording ng tatlong solo concerts ni Vincent. Hindi siya pamilyar sa mga kanta nito dahil original songs yata ang mga 'yon pero natutuwa siyang makita at marinig ang malaking improvement sa boses ng singer. At marunong na rin itong sumayaw!
Nakikisigaw nga rin siya sa audience sa tuwing ngumingiti at tumatawa si Vincent. 'Yong Vincent na kilala niya, napakabihirang ngumiti at tumawa. Pero ngayon, mukhang madalas itong good mood.
Sana ang adult version ko ang reason kung bakit masaya siya.
"Well, it's Friday and they have work to do," katwiran ni Jeremy habang sinasalinan ng iced tea ang baso niya na nakapatong sa coffee table. Hindi kasi ito pumapayag na painumin siya ng softdrinks. "Biglaan ang pag-absent nila sa trabaho ngayong araw para i-meet ako. Baka meron silang work na kinailangan munang balikan bago sila dumeretso dito."
"Mas mahalaga ba ang trabaho kesa puntahan ang kaibigan mo na hindi mo nakita ng matagal?" nagtatakang tanong naman niya. "I mean, madalas nga siguro nilang makasama ang adult version ko pero ngayon lang uli nila makikita ang teenaged version ko kaya dapat excited sila."
Nag-lotus position ang lalaki sa harap niya bago sumagot. "Gia, it's hard to make plans with your friends when you're an adult. Madalas kasi, magkakaiba na ang schedule niyo lalo na kung magkakaiba kayo ng trabaho o kompanyang pinapasukan. The older you become, the busier you get."
"Gano'n ba talaga kahirap makipagkita sa mga kaibigan mo kapag adult ka na?" malungkot na tanong niya.
"Oo," sagot nito nang walang kurap-kurap na para bang normal na dito na hindi makita ang mga kaibigan sa sobra nitong pagka-busy. "That's why we're grateful to social media. Kahit hindi kayo nagkikita-kita parati, ma-a-update ka pa rin sa buhay nila kung madalas naman silang mag-post sa f*******:, Twitter, i********: or any social media platform. You can reach out to them easily."
Tumango-tango siya dahil naipaliwanag naman na sa kanya ng lalaki ang mga app na binanggit nito. Proud siya sa sarili niya dahil mabilis siyang nakaka-adapt sa modern world. "Okay. Kaya ba ni-la-"like" mo ang mga f*******: post ng friends mo? 'Yon ba ang way mo ng "pag-reach out" sa kanila?"
"Nag-scroll ka na naman sa newsfeed ko?" nakataas ang kilay na tanong nito habang umiiling-iling. "I should have logged out of my account before I gave you my phone."
Natahimik lang siya at pinagpatuloy ang pagkain ng fries.
"Bakit natahimik ka?" nag-aalalang tanong naman ng lalaki mayamaya. "Pagod ka na ba? Gusto mo na bang magpahinga?"
Umiling si Gia. "Hindi ko lang kasi ma-imagine ang sarili ko na sa social media lang nakikita o nakakausap ang mga kaibigan ko. I mean, kung nag-post sila ng good news tungkol sa success nila, gugustuhin ko sigurong puntahan sila ng personal para yakapin at i-celebrate ang milestone na 'yon kasama sila. Gugustuhin kong marinig mula sa kanila ang magandang balita para makita 'yong pag-shine ng mga mata nila at marinig ang tuwa sa boses nila kesa basahin lang 'yong post nila. Kung malungkot naman sila o heartbroken o miserable, mas gugustuhin ko rin siguro na puntahan sila para yakapin o dalhan ng Selecta ice cream kesa i-press 'yong sad emoticon. I mean, mas nakaka-comfort ba sa panahon ngayon ang emoticon reactions?" Pinatong niya ang kamay sa kanyang dibdib. "Jeremy, dinadaan din ba ng adult version ko sa pagpindot ng reaction buttons ang pag-"reach out" ko sa mga kaibigan ko? Is my adult version too busy to see my friends when they need me?"
Tinitigan siya ni Jeremy na puno ng simpatya ang mga mata. Hindi niya alam niya kung pa'no niya nasabi pero mukhang nag-iisip ito ng malalim. Mahirap ba para rito ang sagutin ang tanong niya?
Tumunog ang doorbell.
Mabilis na nilingon niya ang double doors ng malaking bahay. "Jeremy, baka sila na 'yan!"
"Ako na ang magbubukas ng pinto," sabi ng lalaki, saka ito tumayo at bago pa siya makapagsalita, naglakad na ito papunta sa pintuan.
Tumayo naman siya at tumakbo sa kusina. Habang naghuhugas siya ng mga kamay, narinig niyang bumukas at sumara na ang pinto. Kasunod niyon, narinig din niya ang malakas na boses ng mga kaibigan niya habang naglalakad ang mga ito base sa naririnig niyang mga footstep.
Nandito na talaga sila!
Bigla siyang kinabahan at na-excite– dalawang emosyon na nagpasikip sa dibdib niya.
"Where is this "Gia" you're talking about?"
Kasasara lang ni Gia ng gripo nang marinig ang malakas at halatang iritadong boses na 'yon. Si Wendy nga ba ang nagsalita?
"Calm down, Wendy. We just got here, okay?"
Aron?
"Jeremy, nasa'n na nga ba si Gia? I want to see her."
"Maj!" masayang bulalas ni Gia nang mabosesan ang kaibigan. Pinunas na lang niya sa suot niyang maong shorts ang mga kamay niya, saka siya nagmamadaling lumabas ng kusina. Pero nasa doorframe pa lang siya, natigilan na siya sa sumalubong sa kanya.
Mukha na talagang adult at professional ang mga kaibigan niya. Nakatayo lang naman ang mga ito habang nasa harapan ni Jeremy na sinasabing nasa kusina lang siya. Pero mas natuon ang atensiyon niya sa physical appearance ng mga ito.
They all looked smart and gorgeous.
Hindi niya napigilang tumingin pababa sa suot niyang damit. Naka-knitted long-sleeved shirt at maong shorts siya, at may suot din siyang lumang medyas na pinahiram ni Jeremy sa kanya dahil nilalamig siya. Lalo siyang magmumukhang bata kapag dumikit sa mga kaibigan niya ngayon.
Napatingin siya kina Wendy at Maj na parehong wavy ang mahabang buhok na may kulay, at pareho ring naka-full makeup. Napansin niyang medyo tumaba si Maj kesa sa naaalala niya pero nadala pa rin nito ang sarili sa suot na loose floral blouse at pantalon na laslas sa bandang tuhod.
Napahawak siya sa nakatirintas niyang twin pigtails. Goma nga ang pinantali niya sa buhok dahil wala namang San-rio sa bahay na 'yon. Ni hindi nga rin siya nakapag-powder o cologne. Nakakahiya sa mga kaibigan niya na amoy na amoy niya ang mga pabango mula sa kinatatayuan niya.
"Hey, Gia," malakas na pagtawag sa kanya ni Jeremy nang makita siya dahilan para mapahinto sa pagsasalita ang mga kaibigan niya. "Bakit nakatayo ka lang d'yan?"
Napatayo ng deretso si Gia nang sabay-sabay tumingin sa kanya sina Wendy, Maj, at Aron. Iba-iba ang naging reaksyon ng mga kaibigan niya.
Nanlaki ang mga mata ni Aron sa gulat at napamura pa nga ito.
Si Maj, naitakip ang mga kamay sa bibig nang mapasinghap ng malakas.
Napaatras naman si Wendy na parang natakot nang makita siya.
Bakit parang nakakita sila ng multo?
Ngumiti si Gia kahit nanginginig ang corners ng mga labi niya. Ewan ba niya kung bakit nakakaramdam siya ng pagkailang sa mga kaibigan. Parang strangers ang kaharap niya at ayaw niya ng ganitong feeling. "Hi. Ako 'to, si Gia Tolentino– teenager version."
"s**t," pagmumura uli ni Aron habang kinukusot ang mga mata. "Is this for real?"
"This can't be," halatang hindi makapaniwalang komento ni Wendy. Na-pa-paranoid lang ba siya o parang may galit talaga sa boses nito? "Pa'no naman mapupunta dito ang teenaged Gia? She may look like Gia when she was younger but that doesn't mean she's real. That girl must be a fraud!"
Understatement kung sasabihin niyang nasaktan siya sa bintang ni Wendy. "Hindi ako fraud," kaila niya sa mahinang boses. Ayaw man niya, bigla siyang napanghinaan ng loob dahil sa takot at disbelief na nakikita niya sa mukha ng mga kaibigan. Hindi niya in-e-expect na ganito ang magiging reaksyon ng mga ito kaya wala mang permiso, naramdaman niya ang pagpatak ng mga luha niya.
"Oh, Gia," puno ng simpatya na sabi naman ni Jeremy at sinubukan nitong lumapit sa kanya pero pigilan niya ito sa paglalakad.
"I'm fine, Jeremy," nakangiting pigil niya rito habang pinupunasan ng mga kamay ang mga luha. "'Wag kang mag-alala sa'kin." Tumingin siya sa mga kaibigan niya na hindi pa rin nawawala ang takot at disbelief sa mukha. "Hindi ko lang in-expect na ganito ang sasalubong sa'kin. But I can't blame you. Nakakagulat naman talaga na makita ang teenage version ko sa time na 'to. Kahit ako sa sarili ko, hindi makapaniwala no'ng nagising ako at nandito na. Takot na takot ako at hindi ko alam ang gagawin kasi no'ng puntahan ko 'yong bahay namin, iba na ang hitsura no'n at wala na rin ang pamilya ko. Kung hindi ako nakita ni Jeremy, baka kung ano na ang nangyari sa'kin." Niyakap niya ang sarili dahil nanlamig ang katawan niya. Hindi dahil sa panahon o sa centralized aircon ng bahay. 'Yon ang klase ng panlalamig na nararamdaman kapag binabalot ng matinding takot ang isang tao. "Sinusubukan kong maka-adapt agad lalo na sa modern technology dito kasi ang sabi ni Jeremy, social media na raw ang pinakamadaling paraan para mag-reach out sa ibang tao. Kaya nga pinag-aaralan ko ang paggamit ng smartphone at laptop. To be honest, natatakot pa rin ako sa mundong 'to pero nagpapakatatag ako para hindi ako mag-breakdown. Alam niyo kung ano ang iniisip ko para kumalma ako? Kayo at ang pamilya ko. Nagiging kampante ako kasi alam kong nandito din kayo sa time na 'to. So please don't look at me like you're all afraid of me. Like I'm not supposed to be here."
Ayaw man niya, nagtuloy-tuloy na ang paghikbi niya hanggang nangibabaw na ang malakas na pag-iyak niya na kabaligtaran ng katahimikan ang mga kaibigan.
Pa'no nga ba kasi siya napunta sa future?
Pinilit ni Gia ang sarili para alalahanin ang mga nangyari sa kanya pagkatapos ng Christmas party ng 3-1. Medyo malabo pero gaya no'ng una niyang recollection, parang hinatid siya ni Vincent sa bahay. Lagi naman siya nitong hinahatid pauwi kaya hindi 'yon nakakapagtaka.
Pero anong nangyari pagkatapos akong ihatid ni Vincent pauwi?
Kumirot ang sentido niya kaya napahawak siya sa ulo niya na para na namang minamartilyo at binibiyak. Yumuko siya at mariing pumikit habang pinipigilang mapasigaw sa sakit.
"Gia?" nag-aalalang bulalas ni Jeremy. "What's happeni–"
"Gia!"
Vincent?
Nagmulat ng mga mata si Gia at nakita niya si Vincent na hinawi ang mga kaibigan niya para makalapit sa kanya. Sigurado siyang si Vincent ang lalaki kahit mas tumangkad at lumaki ang katawan nito kumpara sa naaalala niya. Hindi rin maitatago ng suot nitong black cap ang guwapong mukh na parati niyang tinititigan noon.
Nandito na si Vincent at tumatakbo ito palapit sa kanya na para bang hindi ito makapaghintay na mapuntahan siya. Habang pinapanood ang lalaki, parang biglang bumagal ang takbo ng mundo at isa-isang bumalik sa isipan niya ang ilang makukulay na alaala.
Ang acacia tree... ang singsing... at ang unang yakap ng lalaki sa kanya bilang boyfriend niya.
Lahat ng 'yon, nangyari no'ng gabi ng Christmas 3-1 sa ilalim ng paborito niyang night sky.
"Vincent," nakangiting sabi ni Gia at sinalubong niya ang lalaki. Pero nakakatatlong hakbang pa lang yata siya, nasa harap na niya ito at hawak ang mga balikat niya habang nakatingala siya rito. Nakatingin ito pababa sa kanya at puno ng gulat ang mukha nito. Pero 'yong gulat na may kahalong saya at sana, hindi siya nagkakamali sa nakikita niyang longing sa mga mata nito. "May naaalala na ko bukod sa Christmas party ng 3-1," masaya at excited niyang pagbabalita. Hindi na rin niya napigilang kumapit sa baywang ng lalaki na nagiging emosyonal na habang nakatitig sa mukha niya. "Nasa ilalim tayo ng acacia tree sa bakuran namin no'ng bigyan mo ko ng couple ring at sagutin kita. Boyfriend na kita at girlfriend mo na ko. Official couple na tayo no'ng gabing 'yon!"
"You remember..." masayang bulong ni Vincent pero nabasag ang boses nito dahil siguro sa pagiging emosyonal. At nang ngumiti ito kasabay ng pag-angat ng mga kamay sa mukha niya, pumatak na ang mga luha nito. Pero sa kabila ng tahimik na pag-iyak ng lalaki, halata pa rin ang kasiyahan sa mukha. "Gia... you're really Gia, right?"
Tumango at napahikbi si Gia. Hindi niya napigilang maiyak na naman dahil sa pag-iyak ni Vincent. "Naniniwala ka ba talagang ako nga si Gia sa past?"
"Bakit naman hindi?" tanong nito habang pinupunasan ng mga daliri ang mga luha sa mga pisngi niya kahit ito mismo, hindi naman mapigilan ang sariling pag-iyak. "Kahit ano pa ang age mo kapag humarap ka sa'kin, makikilala at makikilala pa rin kita."
Lalong lumakas ang hikbi niya sa pagka-touch. "Talaga?"
Ngumiti ang lalaki kahit tuloy-tuloy pa rin ang pagpatak ng mga luha nito. "'Yong mga mata mo na parating nakangiti kahit nasasaktan ka na, 'yong masigla mong boses na parating tinatago ang sakit na nararamdaman mo para lang hindi mag-alala ang ibang tao, 'yong maturity ng pag-iisip mo na parating inuuna ang kapakanan ng pamilya at mga kaibigan mo... hindi 'yon magagaya ng kahit sino. I know because I have never met a person as amazing as you are for the past ten years, Gia. There could only be one you in this world whether it's 2007 or 2017." Dinikit nito ang noo sa noo niya, saka ito mariing pumikit. "Welcome home, Gia. I've missed you so much."
Pumikit at tumango si Gia, saka niya hinawakan ang mga kamay ni Vincent na nakapatong sa magkabilang-pisngi niya. Umiiyak pa rin siya pero sa pagkakataong 'yon, nakangiti na siya. "I've missed you, too, Vincent."