"NANINIWALA na ba kayo sa'kin?" nag-aalangang tanong ni Gia sa mga kaibigan niyang kasalo niya sa mahabang mesa sa dining area. Kaharap niya sina Maj (na nasa kanan niya), Wendy (na nasa kaliwa niya) at Aron (na nasa kanan naman ni Maj) na pare-parehong nakatingin sa kanya. Hindi gaya kanina na parang natatakot ang mga ito sa kanya, puno na ngayon ng guilt at pagkapahiya ang mukha ng mga kaibigan. "Na ako nga 'yong Gia from 2007?"
"I'm so sorry, Gia," hiyang-hiya na sabi ni Maj at hinawakan pa ang kamay niya. Parang maiiyak na ito habang nakatingin sa kanya na para bang miss na miss siya nito. That made her wonder about what kind of a person 'adult Gia' was but she pushed that thought aside for now. "Hindi naman sa nag-doubt ako na ikaw 'yan. Mahirap lang talaga i-absorb ang kakaibang pangyayari na 'to. Para akong na-shock no'ng makita kita sa ganyang "version" kaya hindi na ko nakapagsalita o nakapag-react."
"I agree with Maj," dagdag ni Aron sa boses na puno rin ng guilt. "I was a Science major in college but I couldn't wrap my head in what's happening. Hindi ko maisip kung pa'no naging possible na mapunta ang 2007 version mo dito." Ngumisi ito at kahit may stubble na ito na dahilan kung bakit mukhang adult na adult na, nakikita pa rin niya ang boyish charm nito. "I'm sorry kung nag-doubt ako. But I decided to forget about logic, Science, and all the stuff in my head that says this isn't possible. Nandito ka na at iyon naman ang mas mahalaga." Dumukwang ito para ipatong ang kamay sa kamay ni Maj na nakahawak sa kanya. "Masaya akong makita ka uli, Gia 2007 version."
Bumungisngis siya at nagpalipat-lipat ng tingin kina Maj at Aron. Gusto sana niyang itanong kung kumusta na ang dalawa pero mukha namang wala siyang dapat ipag-alala. Magkatabi at magkahawak ang mga kamay ng mga ito at gusto niyang isipin na iyon na ang sagot sa tanong niya. "Salamat, Maj at Aron. And apology accepted. Kahit naman ako, hindi ko rin alam kung pa'no ipapaliwanag ang nangyaring 'to." Saglit siyang natigilan. "Hindi pa ba nakakapag-imbento ng time machine ngayong 2017? Hindi kaya involved sa kung anong science experiment ang adult version ko?"
"That's impossible, Gia," seryosong sabi naman ni Wendy dahilan para sabay-sabay silang mapatingin dito. Kahit na malinaw at malakas na ang boses nito, nahimigan pa rin niya ang pag-aalinlangan do'n. Maging ang mukha nito na blangko kanina, nagkaro'n na ng kaunting "crack" nang may dumaang takot sa mga mata nito. "Your "adult version" is–"
"A vocalist," pagtatapos ni Vincent para kay Wendy habang naglalakad papasok ng kusina, kasabay si Jeremy. Lumabas ang dalawang lalaki kanina para raw pag-usapan ang arrangement niya. "You're a vocalist of an indie rock band kaya imposibleng maging part ka ng kung anong science experiment, Gia. Plus, wala pang naiimbentong time machine sa time na 'to."
Kumunot ang noo ni Wendy habang nakatingin kay Vincent pero hindi naman nagsalita ang babae.
"Na-mention nga 'yan ni Jeremy sa'kin na vocalist na ko ngayon," excited na sabi naman ni Gia habang nakatingala rin kay Vincent. "Gusto kong malaman ang tungkol sa banda ko, Vincent. Saka gusto ko ring marinig ang mga songs na tinutugtog namin."
Ngumiti si Vincent at tumango, saka nito pinatong ang kamay sa ibabaw ng ulo niya. "I'll tell you about it when you're settled. For now, lilipat ka muna ng titirhan, Gia."
Kumunot ang noo niya sa pagtataka. "Bakit ako lilipat? Okay naman ako dito sa bahay ni Jeremy."
Sumimangot si Vincent. "Hindi ako komportable na grown-up man ang kasama mo ngayon, Gia." Nilingon nito si Jeremy na tinaasan ito ng kilay. "No offense, man. Alam mo namang bata pa ang 2007 version niya kaya hindi magandang tingnan na kayong dalawa ang magkasama sa iisang bubong."
Kinagat niya ang lower lip para pigilang mapatili sa kilig. Mukhang hanggang ngayon, pinagseselosan pa rin ni Vincent si Jeremy. Siguro, good friends pa rin talaga ang adult version niya kay Jeremy kaya nagkakaganito ang lalaki ngayon.
"None taken," pasensiyosong sabi naman ni Jeremy na parati naman yatang kalmado. Pagkatapos, nilingon siya nito. "Gia, you can take the clothes I bought for you."
Tumango siya. "Okay. Thank you, Jeremy." Tiningnan naman niya si Vincent na inalis na ang kamay sa ibabaw ng ulo niya para mamulsa. "Puwede kaya akong mag-stay sa bagong bahay ng family ko? Para ma-surprise ko sila pag-uwi nila."
Dumaan ang lungkot sa mga mata ni Vince. "That's not a good idea, Gia. Hintayin na lang muna natin ang pag-uwi nila, 'tapos kakausapin ko sila bago kita dalhin sa kanila. May edad na ang parents mo kaya baka makasama kung bibiglain mo sila."
Nalaglag ang mga balikat niya sa pagkadismaya dahil may pakiramdam siya na ayaw ni Vincent na ipakita siya sa pamilya niya. Pero wala naman siyang maisip na dahilan para gawin nito 'yon kaya inalis niya muna 'yon sa isipan niya, saka niya binago ang usapan. "Okay. Saan ako mag-i-stay?"
Sasagot yata si Vincent pero naunahan ito ng iba.
"You'll be staying at my place," deklara ni Wendy. Nakahalukipkip ito at seryoso na ngayon. Kung anuman 'yong pag-aalinlangan na nakita niya sa mukha nito kanina, nawala na. Sa lahat ng mga kaibigan niya, sa babae siya naiilang at hindi niya alam kung bakit. "Is that okay with you, Gia?"
"I'm not okay with it," kontra ni Maj, saka siya tiningnan. "Gia, you can stay at my place."
"You live with other people that might recognize her, Maj," kontra din ni Wendy. "I live alone so she's safer with me."
Nilingon ni Maj si Wendy para bigyan ng masamang tingin.
Nagpalipat-lipat ng tingin si Gia kina Maj at Wendy. Aminin man niya o hindi, nalulungkot at nadidismaya siya sa nangyayari. "Uhm... bakit kayo nag-aaway?"
Para namang biglang natauhan sina Maj at Wendy na biglang nag-iwasan ng tingin.
"They're not fighting," nakangiting pag-a-assure naman sa kanya ni Aron na inakbayan si Maj na parang kinakalma ang babae. "They're just having a friendly banter."
Kumunot ang noo niya dahil himbis na 'friendly,' hostility ang nararamdaman niya kina Maj at Wendy at hindi siya mapakali sa thought na iyon. Pero bago pa siya makapagsalita, naghikab na siya at tinakpan ng mga kamay ang bibig. Pagkatapos, kinusot niya ng mga kamay ang mga mata niya. "Sorry. Parati kasi akong pagod ngayon kaya mabilis akong antukin."
"You should rest," sabay na sabi nina Vincent at Jeremy sa parehong gentle na boses.
Sabay ding umangat ang kamay ng dalawang lalaki para hawakan ang ulo niya. Pero sabay ding huminto ang mga ito nang ma-realize ang nangyayari. Pagkatapos, nilingon ng mga ito ang isa't isa. Blangko ang mga mukha nina Vincent at Jeremy pero may pakiramdam siya na nag-uusap ang mga ito gamit ang mga mata. At nakaangat pa rin sa ere ang kamay ng mga ito.
"Ang weird niyo," komento ni Gia habang nagpapalipat-lipat ng tingin kina Vincent at Jeremy. Hinawakan niya pareho ang kamay ng mga lalaki at ginamit ang mga iyon para hilahin ang sarili sa pagtayo. Mabilis namang kumilos ang mga ito para alalayan siya. Napansin niyang si Vincent ang unang bumitiw sa kamay niya. Hindi niya alam kung bakit nasaktan siya sa maliit na gesture na iyon pero ayaw niyang sirain ang gabing iyon kaya hindi na lang niya pinansin.
Tumikhim naman si Jeremy at binitawan na rin ang kamay niya bago nito binago ang usapan. "Gia, pack your things and leave with your friends."
"Dadalawin mo naman ako, 'di ba?" paniniguro niya. Si Jeremy ang una niyang nakita sa 'timeline' na iyon kaya siguro na-attach agad siya sa lalaki.
Tumango ito. "Sure."
Ngumiti si Gia at tumango, saka siya humarap kina Wendy, Maj, at Aron na nakatayo na rin sa harap niya. Binuka niya ang mga kamay niya. "Uy, group hug naman tayo."
Natawa si Maj at ito ang unang sumugod ng yakap sa kanya. Narinig din niya ang mahinang pagngisi ni Aron bago yumakap sa kanya– sa kanila ni Maj.
Tiningnan niya si Wendy na napansin niyang naglalakad palabas ng kusina pero natigilan ito at tumingin sa direksyon niya. Si Vincent naman, marahang tinulak ang babae palapit sa kanya. Hindi niya alam kung bakit pero parang napilitan lang si Wendy nang lumapit at makiyakap sa group hug na iyon. Mukhang may malaki talagang problema sa pagitan nina Wendy at Maj na napansin niyang umiwas sa yakap ni Wendy. Ano kaya ang nangyari sa dalawang iyon?
'Wag kang mag-overthink, saway niya sa sarili. I-enjoy mo lang ang moment na 'to.
"Feels like home." Pumikit si Gia at nakangiting ninamnam ang yakap ng mga kaibigan niya. "Sobrang na-miss ko kayong lahat."