PROLOGUE
Awtomatikong napangiti si Fairy ng marinig niya ang pamilyar na tugtog na nagmumula sa music room ng university nila. Kipkip ang mga libro niya ay maingat siyang lumapit sa pinto ng music room at idinikit ang tenga roon. Ngumiti siya at ipinikit ang mga mata. Ngayon ay mas malinaw niyang naririnig ang tugtog. A happy musical piece was playing right now. At tulad ng mga ibang araw na lihim niyang pinakikinggan ito, hindi na naman niya napigilang ma-in love sa tumutugtog.
Nang mag-third year college si Andrei Fairy Luzano una niyang kinahumalingan ang palihim na pakikinig sa music room na iyon ng unibersidad nila. Ngayon ay 4th year na siya at graduating na. Isang guwapong lalaki ang nakita niya noong tumutugtog ng piano sa music room. Natulala siya noong una niyang makita ito. Nakapikit ito na tila ninanamnam ang bawat musikang nililikha ng piano. Doon pa lang ay naging crush niya na ito.
Kilala niya ito. Ito si Erwin Ashron Fernandez, Business Management student. Pareho silang nasa senior year, ngunit magkaiba ang kurso nila dahil Education student siya. Bukod sa pangalan at kurso nito ay alam na rin niya ang palayaw nito. Kilala ito sa tawag na Ash at hindi kaila sa lahat ang pagiging gifted nito. Ayon sa mga kaklase niyang tsismosa, bata pa lamang daw si Ash ay kaya na nitong tumugtog ng piano. Mas lalo siyang humanga rito dahil doon.
Napakislot pa siya ng tumigil na si Ash sa pagtugtog at nagsalita. “Nagustuhan mo ba, Lussy?”
Isang babae ang biglang sumulpot sa tabi ni Ashron. Tumayo naman si Ashron mula sa harap ng piano at nakangiting tiningnan ang babae.
“Oo naman, Ash. Nagustuhan ko,” sagot ng babae.
Napangiti si Fairy ng malungkot habang nakasilip pa rin sa music room. Isa pa at matinding dahilan kung bakit ayaw niyang makipagkilala kay Ash ay dahil sa babaeng kasama nito sa loob ng music room, si Lussy. Araw-araw nitong kasama ang babae sa music room at lagi na’y masaya si Ashron kapag kasama ito. She can say he was obviously in love with that Lussy girl.
Hindi rin niya personal na kakilala si Lussy pero nakikita niyang mukha itong mabait at eleganteng babae. Maraming lalaki ang naiinggit kay Ash dahil ito lamang ang malapit kay Lussy sa university nila. In short, sikat sa school si Lussy dahil sa kagandahan at pagiging matalino rin nito.
“May kailangan akong sabihin sa’yo, Lussy,” halatang uneasy na sambit ni Ash. Alam niyang dapat na siyang umalis dahil mali ang ginagawa niyang pakikinig. Pero hindi niya alam kung bakit ayaw kumilos ng mga paa niya. A part of her wants to hear what Ash has to say to Lussy. Kaya naman nanatili siyang nakasilip sa pinto at pinakinggan ang mga ito.
“Ako din Ash, may sasabihin ako. Pero sige mauna ka,” seryoso na ring sabi ni Lussy.
Nakita niyang ilang ulit na huminga ng malalim si Ash.
“I-I know that this might ruin our friendship, but I still want to take the risk. Mahal kita Lussy, higit pa sa isang kaibigan. Matagal na kitang gusto. Ah, hindi, mga bata pa lang tayo, mahal na kita,” madamdaming pagtatapat ni Ash kay Lussy.
Natutop ni Fairy ang kanyang bibig sa pagpigil na makawala ang singhap. Bakit kailangan pa niyang masaksihan ang pagtatapat ng crush niya sa mahal nito? Gusto niyang umiyak para sa pagkadurog ng puso niya. She considered Erwin Ashron as her first love and dream guy. Dapat talaga ay umalis na lamang siya at hindi na nakinig pa.
Akmang tatalikod na siya ng bigla siya ng mabunggo siya sa isang malapad na katawan. Sisigaw na sana siya ngunit mas naunang natakpan ang bibig niya ng isang malaking kamay.
“Huwag kang sumigaw, baka malaman nilang nakikinig tayo,” bulong ng nakabangga niya.
Kunot-noong tiningnan niya ito. Isang matangkad na lalaki ang nasa harap niya ngayon. At hindi lang basta nakaharap dahil sobrang lapit nito sa kanya. Nakatakip pa rin ang kanang kamay nito sa bibig niya kaya hindi siya makapagsalita.
Pinagmasdan niya ang mukha ng lalaki. Umabot lang siya sa balikat nito. Magulo ang medyo kulot nitong itim na buhok at makapal ang mga kilay. Tila inaantok din lagi ang mga mata nitong kulay abo.
Wow, his eyes are color gray. Matangos din ang ilong at makipot ang mapupulang labi. Guwapo sana ito kaso lang ay magulo ang damit nito at may hikaw na itim pa sa tainga. Ayaw na ayaw niya sa lahat ay ang mga lalaking sa hitsura pa lang ay mukha ng tamad at hindi masinop sa katawan. Mukha kasi itong rakistang napuyat sa gig kagabi.
Bakit kaya sumisilip din ito sa music room? Pilit niyang tinanggal ang kamay nito sa bibig niya. Nagpaubaya naman ito.
“Sino ka? Bakit ka sumisilip at nakikinig sa loob ng music room?,” mahina niyang kastigo sa lalaki.
Itinukod ng lalaki ang braso nito sa pinto kaya naman mas lalong nagkalapit ang katawan nila. She held her breath when her nose caught the man’s smell. Pinaghalong pabango at natural na amoy ng lalaki iyon. Aba, kahit naman pala mukha itong tamad ay mabango ito.
Inilapit ng lalaki ang bibig nito sa tainga niya at saka bumulong, “Ako dapat ang nagtatanong sa'yo niyan. Ano’ng ginagawa mo dito at nakikinig ka sa usapan nila sa loob? But know what, don't bother answering me. Makinig na lang tayo,” at umayos na ulit ito ng tayo at nakinig ng muli.
Nag-init ang kanyang pisngi. Nakakahiya nga na may nakakita sa kanya na sumisilip at nakikinig dito, babae pa naman siya. Nasa tagong bahagi kasi ng unibersidad ang music room at hindi dadaanan ng mga estudyante kaya wala talagang tao doon. Ang dahilan niyon ay para hindi maistorbo ang mga may klase sa mga instrumento.
Na-distract lang siya ng marinig nilang nagsalita muli si Ash mula sa music room.
“Lussy, narinig mo ba ako? Mahal kita. M-magsalita ka naman,” halata na sa boses ni Ash ang pangamba.
Napapikit na lang siya sa narinig niya. Gusto na talaga niyang umalis. Kaya naman dumilat siya at hinarap muli ang lalaki. Nagulat siya ng makita ang galit sa mga mata nito habang nakatutok pa rin ang tingin kina Ash at Lussy.
“Sabihin mong hindi mo siya mahal, Lussy,” mahinang sabi nito.
“G-gusto mo si Lussy?,” halos pabulong na tanong niya rito.
Cold, gray eyes meet her gaze. “Mahal ko siya,” sagot nito.
Ooh, nasambit ng isip niya. Pareho pala sila ng kalagayan ng lalaking ito. Gusto niyang matawa dahil pareho sila ng sitwasyon at pareho silang nanunubok.
“Ash.. M-makinig ka. Aalis ako. I’m going to America and continue my studies there. Pasensiya na kung hindi ko agad nasabi sa’yo. H-hindi kasi ako makahanap ng tamang tiyempo. I'm sorry I can't accept your love..,” garalgal na sagot ni Lussy.
Kumabog ang puso niya sa sinabi ni Lussy. Sinilip niyang muli ang mga ito. Umiiyak na si Lussy. Sinubukan nitong hawakan ang kamay ni Ash ngunit tinabig ng binata iyon.
“B-bakit hindi mo sinabi sa akin?,” malamig na tanong nito.
“I told you I'm going to say something important to you too. P-pero nauna ka. Ash, alam mong importante ka sa akin. I’m so sorry..”
“But not that important for you to stay with me and say you love me,” nasasaktang sabi ni Ashron.
Mas lalong bumalong ang mga luha sa mata ni Lussy.
“H-hindi mo naiintindihan, Ash. Kailangan kong umalis. Balang araw maiintindihan mo rin. I'm sorry,” nakayukong wika nito.
Galit na pinukpok ni Ash ang piano. Napasinghap siya ngunit maagap na muling tinakpan ng lalaki ang bibig niya. She looked up to him. Kita niya ang galit sa mga mata nito.
“Make me understand!,” galit na wika nito.
Tinakpan na lang ni Lussy ang mukha nito at umiyak. Hindi na nakatiis ang kasama niyang lalaki.
Marahas nitong binuksan ang pinto.
“Ano’ng ginagawa mo?,” paanas na habol niya sa lalaki. “Hoy!”
Napatingin sina Ashron at Lussy sa pinto. Halos matunaw siya sa hiya ng makitang napako ang tingin sa kanya ni Ash. Makulimlim pa rin ang mukha nito. Si Lussy naman ay nagulat.
“Mikey?,” sambit nito.
Kilala pala ito ni Lussy. Agad nilapitan ng lalaking tinawag na Mikey si Lussy at hinawakan sa braso. “Hush now, Lu. Tara na,” masuyong sabi nito sa babae. Napatitig na lang siya rito. Ang kaninang malamig nitong mga mata ay dagling nabuhayan ng makita si Lussy.
Nagprotesta si Lussy. “P-pero Mikey, nag-uusap pa kami ni Ash”-
“He would never understand, Lu, so stop it at ihahatid na kita pauwi,” pigil nito sa sinasabi ng babae. At hinarap nito si Ash. Matalim ang naging tinginan ng dalawang lalaki.
“Tanggapin mo na lang, okay?,” malamig na sabi nito at padarag na iniwan si Ash kasama ang nanahimik na si Lussy. Diretsong umalis ang mga ito na hindi siya tinitingnan.
Nang mawala ang mga ito sa paningin niya ay napatingin siyang muli kay Ash. Kinabahan siya ng makitang nakatitig ito sa kanya. Pilit siyang ngumiti kahit alam niyang ngiwi ang kinalabasan niyon. She breathe heavily and conditioned herself to explain.
“H-hi. Pasensiya na, hindi ko sinasadya iyong mga narinig ko kanina. H-huwag kang mag-alala, hindi ko ipag”-
“Sabihin mo, bakit niya kaya ito ginawa sa’kin?,” putol nito sa sinasabi niya at napaupo sa sahig ng music room.
Ilang sandaling hindi siya nakapagsalita at napamata lang dito. He was now talking to her.. Nananaginip yata siya. Nang salubungin nito ang tingin niya ay malungkot itong ngumiti.
“Tutal naman at narinig mo lahat kanina, puwede siguro kitang pagkatiwalaan?,” anito.
Doon siya napangiti. Kahit pa kinausap lamang siya nito dahil sa brokenhearted ito kay Lussy, masaya pa rin siya. Sana ay makatulong siyang pagaanin ang loob nito. Kaya naman ngumiti siya rito ng totoo. “Oo naman, Ash. Puwede mo akong pagkatiwalaan.”