
Iniwan ni Mafe ang kinalakihang buhay sa isla nang pumanaw ang kaniyang Nanay Senyang. Sa edad na labing-anim ay mag-isa siyang lumuwas upang makipagsapalaran sa malaking siyudad, ang Mariposa City. Simple lang ang pangarap niya - una, ang makapaghanap ng disenteng trabaho upang matustusan ang kaniyang mga pangangailangan sa araw-araw at pangalawa, ang makita sa personal ang kaniyang crush na si Alexander James "AJ" Alcala Maguire, ang guwapong Filipino-American billionaire na palaging laman ng mga headlines sa diyaryo at balita sa TV dahil bukod sa galing nito sa larangan ng negosyo ay saksakan ito ng pagka-playboy. Si AJ ang nagsilbing inspirasyon niya noong nasa Junior High School pa siya sa isla. Araw-araw niya itong inaabangan na lumabas sa mga showbiz chismis - palagi kasi itong nali-link sa mga magagandang actress at model. Kapag pabiro siyang tinatanong ng mga kaklase niya kung para kanino siya bumabangon, isa lang ang palagi niyang sagot - "para kay AJ baby ko".Mahigit isang taon na siyang natigil sa pag-aaral nang nasa siyudad na siya. Hindi kasi kasya ang kinikita niya sa pinagtatrabahuhang karinderya kaya hindi siya nakapag-enrol sa Senior High School. Wala rin naman kasing trabahong mataas ang sahod na tatanggap sa kaniya sa kadahilanang Grade 10 lang ang kaniyang tinapos. Sa kabila nito ay nagsisikap siyang mag-ipon at nang makabalik sa pag-aaral balang araw upang kahit papaano ay magkaroon siya ng high school diploma. Naniniwala kasi siya na ang lahat ng bagay sa mundo ay kailangang pagsikapan. Hindi uso ang salitang libre para sa kaniya. Ngunit hindi niya akalain na sa araw mismo ng kaniyang eighteenth birthday ay magtatagpo ang landas nila ng mayaman at mabait na si Doña Florentina. Inalok siya nito na pag-aaralin siya at doon na titira sa mansyon kasama ng matanda. Tatanggapin kaya niya ang alok nito? O tatanggihan dahil sa pag-aalalang baka may kapalit?

