First Encounter
“Mama, alis na po ako. Hinihintay na ako ni Ella,” paalam ko kay Mama.
Alas-singko pa lamang ng madaling-araw, gising na gising na ang diwa ko. Naghahanda na ako ng mga lulutuin. Pagsapit ng alas-siyete ng umaga, nagsisimula na akong magluto ng mga ulam na ibebenta ko tuwing umaga. Sa City Hall ang punterya ko, kasi marami na akong suki roon.
Panganay ako sa apat na magkakapatid. Sa hirap ng buhay, sa edad kong labing-walo, natuto na akong magbanat ng buto para makatulong kay Mama at Papa.
Plain housewife lamang si Mama, at construction worker naman ang Papa ko. Kung minsan, hindi pa sapat ang kinikita ni Papa para sa panggastos namin sa bahay.
“Sige, anak. Mag-iingat ka, ha,” bilin niya sa akin.
“Salamat po, Mama.”
Nagmamadali akong lumabas ng bahay bitbit ang basket na may laman ng mga niluto ko. Kailangan magsipag sa pagtitinda dahil nag-iipon na rin ako para sa susunod na pasukan—pang-enroll ko sa kolehiyo.
“Ang tagal mo naman, beshy! Alam mo namang Monday, kaya ma-traffic ngayon,” reklamo ng mahadora kong best friend.
Nakalimutan ko pala na araw ng Lunes ngayon. Medyo may kalayuan pa naman ang City Hall, at kailangan pa naming sumakay ng jeep.
“Ito na nga, eh! Pasensiya na. Alam mo naman, naligo pa ako. Hindi naman p’wede maglako ako nang hindi naliligo,” lambing ko sa kanya.
Si Ella, bata pa lang kami, siya na ang lagi kong kasama—kalaro, kakampi, at tagapagtanggol.
“Hay nako! Haba ng paliwanag mo. Sinasabi ko lang naman na ma-traffic ngayon,” natatawang tugon niya habang kinukuha ang isa sa mga basket ng ulam.
Mahirap man ang buhay, masasabi kong thankful pa rin ako dahil napapaligiran ako ng mga taong nagmamahal sa akin. Katulad ni Gabriel—na gustong tawagin ay Ella. Kahit mas brusko pa ito kaysa sa tatay niya, natatawa na lang ako kapag sinasabi niyang masusuka siya kapag tinatawag sa tunay niyang pangalan.
At siyempre, sina Mama Linda at Papa Mario ko—puno ng pagmamahal ang pamilya namin.
Isa’t kalahating oras pa bago kami nakarating sa City Hall. Kanina pang alas-otso ang pasok ng mga empleyado kaya nagtitiis kaming maghintay sa labas. Sakto ‘pag tanghali, sa akin na sila bumibili.
May ilan na nagpapahatid pa sa loob ng ulam.
“Lindsay, Inday! Pabili ako. Nandiyan ba ‘yung paborito kong ginataang langka?” tanong ng isa sa mga suki ko.
“Siyempre naman po, Ate Flor. Malilimutan ba kita? Heto po ang paborito mong ginataang langka,” magiliw kong tugon.
“Ay, salamat naman. Inday, ang sarap talaga ng mga ulam mo,” puri niya sa akin na ikinangiti ko na lang.
“Ay aba! Ang best friend ko ang nagluto n’yan,” sabat ni Ella. Bahagya ko siyang siniko dahil nahihiya ako.
“Totoo? Aba, puwede ka nang mag-asawa, Inday,” malakas ang tinig nitong sabi.
“Ahem! Ano’ng pinagkakaguluhan ninyo rito? At ano’ng sinasabi ninyong puwede nang mag-asawa?”
Baritonong boses. Para bang DJ sa radyo na ang sarap pakinggan ng tinig.
“Si Mayor!” ani ng isa.
“Magandang tanghali, Mayor. Bumili lang po kami ng ulam,” saad ni Ate Flor.
Nagtitilian ang mga babae—pati na ang mga nagfe-feeling babae—rito sa labas ng City Hall. Para silang mga kiti-kiting pinutulan ng buntot.
Napaangat ako ng tingin sa lalaking nagsalita.
Oh, s**t na malagkit.
Tila may mga dagang nag-uunahan sa pagtakbo sa dibdib ko. Biglang bumilis ang t***k ng puso ko lalo nang magtagpo ang aming mga mata.
Nakatuon ang tingin niya sa akin. Ako agad ang nagbawi ng tingin—hindi ko kinaya ang mga titig niya. Para akong kakainin ng buhay.
“M-magandang tanghali po, Mayor,” kabado kong bati.
“Mayor, magandang tanghali!” maarteng sabi ni Ella na halos magtatatalon sa kilig.
“Besh, ang guwapo ni Mayor,” bulong niya sa akin. Siniko ko siya para manahimik.
“Next time, huwag kayo rito sa daan magbenta. Nakakaabala kayo sa mga tao,” malamig niyang sabi.
Pakiramdam ko, pulang-pula ang mukha ko. Nang-init ang sulok ng aking mga mata. Wala naman kaming ginagawang masama. Nasa tabi lang naman kami, hindi sagabal.
“Pasensiya na po, Mayor,” paumanhin ni Ate Flor.
Dinala niya kami sa may sulok, ngunit hindi pa man kami nakakalayo ay nagsalita ulit si Mayor.
“Sa susunod, huwag kayong magturo ng asal na hindi kaaya-aya sa mga bata,” dagdag pa niya.
“Pasensiya na po, Mayor Vi. Hindi na po mauulit,” sabi ni Ate Flor.
Nang-init ang bunbunan ko nang tawagin niya akong bata. For his information, hindi na ako bata—dalaga na ako.
Gusto ko siyang kutusan. Wala akong pakialam kung Mayor pa siya.
“Beshy, ang guwapo ni Mayor Vi, ‘no?” kinikilig na tanong ni Ella.
Pati ang ibang babae, ang lagkit ng tingin sa papalayong Mayor. May kasama pang kagat-labi. Ang landi lang.
“Tsssk! Saang banda, friend? Kayo lang yata ang nagkakaguwapuhan,” mataray kong sagot, kahit sa totoo lang—sobrang guwapo nga talaga ng lalaking ‘yon.
“Naku, kunwari ka pa! Kita ko rin ang mga tingin mong ganyan. Hoy! Alam ko ring crush mo ang guwapong Mayor natin. At hindi lang basta guwapo—mabait pa at walang kinikilingan. Kaya nga binansagan siyang Youngest and Fearless Mayor. O, ‘di ba? Bongga!” pagmamalaki ng malandi kong kaibigan.
Kunti na lang, kukutusan ko na ‘to.
“Naku, wapakels ako! Kung anuman ang bansag sa kanya, basta ang mahalaga sa’kin—maubos na itong paninda natin. Medyo matumal yata ngayon.“Asan na ba ang iba? Hindi ba sila manananghalian?” nag-aalalang sambit ko habang pinagmamasdan ang iilang taong dumadaan sa harap ng tindahan naming lutong ulam. Kailangan maubos ang paninda namin ngayong tanghali, kundi'y baka malugi na naman ako. Sa hirap ng buhay ngayon, bawat pisong tubo ay mahalaga.
“Pasok na lang kaya tayo sa loob, beshy. Baka busy pa sila Ate Malou at Lenet,” suhestiyon ko kay Ella na kanina pa din nagmamasid.
“Eh beshy… hindi kaya pagagalitan na tayo ng tuluyan ni Mayor Vi kapag nakita tayong naglalakad-lakad kung saan-saan?” bulong niya sa akin, halatang kinakabahan.
Napabuntong-hininga ako. “Sige, ako na lang ang papasok. Hintayin mo ako rito.”
Kaagad akong tumalikod at tumungo sa entrance ng munisipyo. Ngunit ilang hakbang pa lamang, para bang may humila sa mga paa ko pabalik. Napahinto ako. Bigla na lang sumikdo nang mabilis ang aking dibdib, tila ba may paparating na hindi ko inaasahan.
At ayun nga.
Nang tumingala ako, bumungad ang presensyang matagal ko nang iniiwasan—si Mayor Vi. Muli na namang nagtagpo ang aming mga mata. Ang lalim ng kanyang titig. Parang binabasa niya ang buong pagkatao ko. Tila kinukuwestiyon ng kanyang mga mata kung may karapatan ba akong muling humarap sa kanya.
Napayuko ako.
Pakiramdam ko'y hubo't hubad ako sa harap niya—hindi sa katawan, kundi sa damdamin. Kinilatis niya ako mula ulo hanggang paa. Pakiramdam ko’y tinimbang niya ako at ako'y kulang.
“Follow me in my office,” malamig ngunit mariing sambit niya. Baritonong boses na dati’y bumubulong ng matamis sa aking pandinig, ngayon ay parang awtoridad na handang maghatol.