Relentlessly I
Hilo kong tinungo ang ilog habang napapalunok. Hindi ako makatingin kay Seatiel dahil pakiramdam ko, kapag tumingin ako sa kaniya at mahuli niya ang mga mata ko ay mababasa niya ang nasa isip ko.
Huli ko na nga naalala na hindi pala ako marunong lumangoy pero nanatili pa rin ako sa ilog at doon na lang sa mababaw nagtampisaw. Ngumuso ako lalo pa’t ramdam pa rin ang tingin ni Seatiel.
“Ang dalawang ito nagsosolo!” Si Lara noong umingay na ulit nang bumalik sila.
Walang sumagot sa amin ni Seatiel pero kitang-kita ko ang pagnguso ni Margaret.
“Tara, uminom na tayo,” yaya nila Marcus at inalalayan ang girls na umakyat sa batuhan. Inakbayan niya si Margaret na panay ang siko sa kaniya.
Gusto nitong lumapit kay Seatiel ngunit kinukulit ni Marcus.
“Tara, Lauren!” yaya nila Reign.
Tumango ako at tumayo na rin para makabalik na roon.
“Uy, dahan-dahan!” ani Marcus na mabilis nahawakan ang aking braso bago pa ako madulas sa batuhan!
Napatingin ako kay Seatiel, nakasimangot siya kay Marcus at kunot ang noo.
“Salamat,” nahihiya kong sinabi dahil medyo masakit pa ang paa.
Dumiretso na rin kami roon at nang nakalapit, nakatingin si Seatiel. Tumuon ang kaniyang atensyon sa aking panga at nagulat din ako noong nagtanong siya agad.
“Masakit pa ang paa mo?” he asked with concern.
“K-Kaunti na lang.”
“Your hand?” tanong niyang ang tingin ay nalipat sa palad ko. Inangat ko ‘yon para tingnan. Napangiwi ako sa sugat ko. “Huwag ka nang uminom. Uuwi na tayo pagkatapos, gamutin natin ‘yang kamay mo,” saad niya.
Pakiramdam ko, walang gagawin si Seatiel na ikapapahamak ko. Siguro iyon ang dahilan kaya ang bilis kong nagtiwala sa kaniya.
Nakarating na kami roon sa damuhan. Kumuha ako ng pagkain at naupo sa tabi. Pare-parehas kaming mga basa. Ang tatlong babae ay mga naka-bikini shorts at bralette, parang nagmistula na ring ganoon ang aking suot lalo pa sa manipis kong dress na kitang-kita na ang panloob, talagang panty at bra pa.
Panay tuloy ang hila ko sa dress palayo sa balat ko para hindi ito dumikit ngunit bumabalik din dahil sa pagkabasa.
Napansin ko ang pagtayo ni Seatiel para kumuha ng wine. May nakasabit na tuwalya sa kaniyang balikat. Nasa bandang side nina Margaret ang wine kaya kailangan niya pang tumayo dahil nakaharang ang basket. Pwede niya namang iutos iyon na iabot sa kaniya pero mas pinili niya pa ring tumayo.
Nang dumaan siya sa harap ko, hinulog niya ang tuwalya sa akin. Hindi ko alam kung sinasadya niya bang sa ulo ko ‘yon ilagay kaya natakpan ang mukha ko!
Halos mapanguso ako. Kinuha ko na lang ito at pinatong sa magkabilang balikat saka niyakap ang sarili.
Hindi ko nagawa ang sinabi ni Seatiel na huwag na akong uminom dahil panay ang alok sa akin nina Margaret. Tinanggap ko ang dalawa, pero hindi sila tumigil. Hindi na siya umimik pero nakatingin pa rin!
Narinig ko siya isang beses na sinabing tigilan na nila Margaret ang pagbibigay ng tagay pero tumawa lang ang mga ito na may mga tama na rin.
Nang tuluyan nang dumilim ang buong paligid ay saka na kami tumigil at nagkayayaan na umuwi. Sumusuka pa si Margaret sa sobrang dami niyang nainom at inaalalayan siya ni Marcus.
“Ayos ka pa, darling?” tumatawang tanong ng lalaki. Panay ang reklamo nina Margaret sa mga nainom at sakit ng ulo.
“Lahat talaga, darling mo, ‘no?” biglang pagsasalita ng kung sino dahilan para matigilan kaming lahat lalo pa sa lamig ng boses nito.
Mukhang alam nila kung sino ang nagmamay-ari niyon kaya napalingon sila. Huli akong tumingin at nakita si Tamsiah na naka-uniform pa ng puti na pinatungan ng cardigan at may dalang bag.
Namumula ang mga mata niyang mukhang kagagaling sa pag-iyak at may inis sa ekspresyon. Mariin ang tingin at sunod-sunod ang inis na paghinga. Her hair is in a ponytail.
Hindi pa weekend. Sa pagkakaalam ko ay weekend siya bumabalik dito dahil naroon siya sa bayan kapag weekdays.
“Tams...” gulat na tawag ni Marcus na hindi inaasahan ang babae. Nawalan ng emosyon ang mukha ni Marcus. Medyo nagulat pa ako nang maging seryoso ang lalaki na bihira ko lang makita.
Natahimik sina Margaret. Kitang-kita ko ang pag-irap nito sa biglaang pagdating ni Tamsiah.
“Anong ginagawa mo rito?” tanong ni Marcus na nilapitan ito ngunit nilagpasan lang siya ni Tamsiah para lumapit kay Seatiel.
“Hindi mo ako masundo sa bayan dahil ito pala ang ginagawa n’yo?” inis niyang tanong kay Seatiel.
Tumingin pa muna sila Margaret. Halatang napipilitan sila nang hilahin sila nina Grayson para umuwi na.
“b***h!” dinig ko pang bulong ni Margaret. Hindi ko alam kung narinig iyon ni Tamsiah o sadyang wala siyang pakialam kaya hindi niya iyon pinansin.
Bumuntonghininga si Seatiel.
“What are you doing here?” kalmado niyang tanong ngunit tinulak siya ni Tamsiah sa dibdib.
“Tara na,” pamimilit nina Grayson sa mga babae dahil ayaw pa sanang umalis ng mga ito. Tuluyan nilang nahatak ang mga kasama namin palayo. Nagmamadali silang umalis. Tanging sina Seatiel, Marcus, ako, at ang galit na si Tamsiah ang naiwan.
Hindi ko malaman kung saan ako susunod, kung kanino ako sasama!
Namumula ang sulok ng mga mata ni Tamsiah, may nagbabadyang mga luha. Pati ang ilong at leeg niya’y namumula rin.
“Nakainom ka?” salubong ang kilay na tanong ni Seatiel sabay hawak sa pulsuhan nito para hindi siya itulak palayo.
“Damn you, Seatiel! I hate you!” galit na sigaw ni Tamsiah.
I don’t know what they’re talking about. Hindi ko alam kung anong meron. Hinawakan siya ni Seatiel para pakalmahin ngunit tuluyan itong umiyak habang pinaghahampas siya.
“Naghihintay ako samantalang nagpapakasaya ka kasama sila! Wala lang ba talaga ako sa ‘yo?! Bakit, Seatiel?! I stayed for you! I was here first!”
Patuloy siya sa mga sinasabi, nawalan na ng kontrol sa nararamdaman. Hindi na yata iyon tungkol sa hindi pagsundo sa kaniya ni Seatiel sa bayan kundi sa mas malalim na dahilan.
“Tara na, Lauren,” mababang sabi ni Marcus habang mariin ang tingin kina Tamsiah at Seatiel. Mabigat ang paghinga niya at kahit bakas ng pagiging palabiro niya’y hindi ko mahanap sa mga sandaling ‘yon.
“Umuwi na tayo. Lasing ka.” Si Seatiel.
“Lauren,” tawag ni Marcus. Hindi ko magawang tumingin sa kaniya ngunit humakbang ang mga paa ko paatras para sumama sa kaniya.
Pahagis na binaba ni Tamsiah ang bag niya. Nahulog iyon sa damuhan. Lumapit siya kay Seatiel at sa nanginginig na mga kamay ay isa-isang inalis ang mga butones ng kaniyang cardigan.
“Ano ba ang gusto mo sa kanila? Ito ba?! Kaya ko rin ‘to, ‘Tiel!” Umiiyak siya.
Namigat ang dibdib ko. Hindi ko alam kung bakit. Sunod-sunod akong napapalunok habang pinapanood sila sa tabi ng ilog na iyon habang unti-unti kaming umaalis ni Marcus.
“Tara na, Lauren!” Tumaas na ang boses ni Marcus. Mabibigat ang kaniyang paghinga at kuyom na kuyom ang mga kamay.
I bit my lip. Sumagap ako sa hangin para punuin ang dibdib ko nang makahinga nang maayos.
What is this, Isla? A-Ano itong nararamdaman mo?
Mabilis at tuloy-tuloy akong hinila ni Marcus palayo sa lugar na ‘yon. Dumaan pa kami sa ibang daan para lang agad makaalis. Sobrang dilim na ng paligid. Mataas na rin ang bilog at maliwanag na buwan.
Tulala ako habang tinatahak namin ni Marcus ang masukal na mga puno. I hate trees. I hate the forest and the moonlight. Kahit ang tunog ng bawat pag-apak namin ni Marcus sa mga tuyong dahon ay ayaw ko. Pero sa mga sandaling ito, tila ba wala akong utak para isipin ang mga nangyari nang gabing ‘yon, tila naiwan iyon sa tabing ilog kung nasaan sina Seatiel at Tamsiah.
Lasing sila parehas. Nakainom si Seatiel at lalo naman ang babae.
Tahimik lang din si Marcus. Parehas yata kaming nawalan ng tama. Walang nangahas magsalita sa amin. Patuloy lang kami sa paglalakad hanggang sa makarating kami sa baryo.
The neighborhood is still awake. Nag-iinuman ang ilang mga may katandaang lalaki sa isang mesa habang nagluluto sa isang gilid ang ilang mga babae. Madilim sa labas at bukod sa malamlam na ilaw ng iilang poste ay ang apoy ang nagbibigay liwanag.
Binati kami ng mga ito at nagtanong tungkol sa pagligo namin sa ilog.
“Naku naman, Marcus, pati ba naman ang bisita nina Aly?” tanong ng may katandang lalaki mula roon sa mesa kung saan sila nag-iinuman. Inabutan nila ng tagay si Marcus ngunit tinanggihan nito iyon.
“Salamat na lang, Mang Rick. Sakit na ho ng sikmura ko sa nainom namin.”
Hindi na siya pinilit ng mga ito at pinalagpas na.
Nang marating namin ang tapat ng bahay nina Ate Aly, akala ko ay aalis na si Marcus pero kumatok pa siya sa pinto. Pinagbuksan siya ni Ate Aly.
“Oh, Lauren? Nasaan si Seatiel? Umuwi na?” tanong niyang napansin agad na wala ito.
Hindi ako makasagot. Hindi ko alam ang sasabihin.
Tumango si Marcus. Halata ang pagod sa kaniya. “Nauna na po. Isinabay ko na lang itong si Lauren. Ipinahahatid...”
Lumingon ako kay Marcus. Wala siyang balak sabihin ang totoo. Paano kung sumunod dito si Seatiel?
“Hindi na raw daraan dito?”
“Baka...” Saglit na tumiim ang kaniyang panga. “Baka hindi na...”
Tumango na lang si Ate Aly. “Siguro nga. Gabi na rin. Oh, siya, salamat sa paghatid kay Lauren. Naku! Mukhang kaunti ang ininom mo, Lauren, ha? Mabuti iyan, huwag kang gumaya sa mga ito, kabata-bata, puro alak!” may tuwang saad ni Ate Aly na naiiling.
Marami akong nainom. Umiikot ang paningin ko at pakiramdam ko ay pumipintig ang ulo ko, pero wala roon ang aking isip.
Umalis na si Marcus at bago maisara ni Ate Aly ang pinto ay napatingin pa ako sa kaniya. Bumuntonghininga lamang ito at saka tumalikod na.
Naligo ako at nagbihis. Ipinagtimpla ko ng kape si Nay Issa bago ako pumanhik sa taas. Maggagantsilyo raw kasi ito buong gabi. Nakasanayan ko na iyon magmula nang narito ako sa kanila.
Humiga ako sa kama ngunit kahit anong pagod at pintig ng ulo ko sa sakit ay hindi ako makatulog. Lumalim ang gabi ngunit pabaling-baling ako sa higaan. Hindi matigil sa pag-iisip ang utak ko.
Para sumagap ng hangin ay binuksan ko ang bintana. Tumingin ako sa baba. I hated to admit it, ngunit alam kong ginamit ko lang ang hangin para may rasong buksan ang bintana kahit ang totoo ay may gusto akong tingnan.
Wala si Seatiel. Si Cruise ay nakatali pa sa katawan ng puno. Lagi itong naroon dahil iyon ang ginagamit niya kapag umaalis. Hindi niya pa nababalikan ngayon.
Malalim akong huminga at tumingala na lang sa buwan. Umihip ang hangin at nangalumbaba na lang ako.
Tumigil ka nga, Isla. Hindi iyon uuwi ngayong gabi.
Natulog na rin ako nang dinalaw ng antok. Tilaok ng mga manok ang nakapagpagising sa akin kinabukasan. Napagalaw ako sa kama. Parang pumipintig ang ulo ko sa sakit dahil sa lahat ng nainom namin kahapon.
Bumangon ako at napahawak sa ulo. Nang lingunin ko ang bintana ay mukhang kanina pa sumikat ang araw. Hindi naman ako ginigising nina Ate Aly at hinahayaan lang ako kung kailan ako bababa.
Sinisikap kong sabayan ang gising nila pero late na talaga akong nagmulat ngayong umaga at napuyat ako!
“Oh, napuyat ka yata, Lauren?” pagtatanong ni Ate Aly. Nandoon na sila sa sala at mukhang tapos na ngang mag-almusal.
“Ah, opo...” Nakaramdam ako ng hiya.
“Mag-almusal ka na riyan. Nagluto ako ng sinangag, itlog na maalat na may kamatis at sibuyas, at saka gumawa ako ng sabaw.”
Napangiti ako at tumango. “Salamat po.”
Naupo ako sa upuan. Tinulungan pa ako ni Ate Aly. Ang swerte ng mga bata at nina Tamsiah kay Ate Aly. Maalaga ito.
“Si... Seatiel po?” tanong kong pilit ginawang kaswal ang boses.
Humalakhak si Ate Aly at nilapag sa harap ko lahat ng pagkain. “Ay, hayaan mo ‘yon! Ubusin mo na iyan. May pambili ‘yon ng pagkain niya!” natatawang sabi ni Ate Aly.
Tumango na lang ako kahit hindi nakuha ang sagot na gustong marinig.
Si Tamsiah kaya? Alam kaya nina Ate Aly at Nay Issa na umuwi ito rito sa baryo kagabi? Alam kaya nilang magkasama ang dalawa?
Akala ko noong una ay magkapamilya sila. Kung hindi ko lang agad napansin na gusto ni Tamsiah si Seatiel. Sa bahay na ito, sina Tamsiah at Seatiel ang hindi kamag-anak nina Ate Aly, at si Bom na rin na inampon nila noon. Kung paanong magkakasama sila sa iisang bahay ay hindi ko na alam.
Iyan ka na naman, Isla. Ibang tao na naman ang iniisip mo!
Nagpatuloy na lang ako sa pagkain. Hindi na ako nagsalita pa tungkol sa mga nangyari kagabi. Iba na lang ang pinagkwentuhan namin ni Ate Aly.
“Maliligo ka na ba? Nasira kasi kanina itong gripo ng banyo natin. Pinatay ko muna ang linya kaya sa labas na naligo ang mga bata kanina. Doon ka na lang sa poso, ha? O kaya makibanyo ka na lang kina Margaret?” tanong ni Ate Aly.
“Ah... sa poso na lang po siguro.”
Nakakahiya makaabala kina Margaret. At isa pa, badtrip siguro iyon dahil sa nangyari kagabi.
“Oh, sige, papatulungan kita kay Marcus mag-ipon ng tubig,” sabi ni Ate Aly na ikinailing ko agad.
“Hindi na po. A-Ako na po. Nakakahiya naman, baka po masama ang pakiramdam ni Marcus.”
Umiling-iling si Ate Aly sabay lakad patungong pinto habang dala ko na ang damit na isusuot ko sana pagtapos maligo.
“Ay, hayaan mo siya! Pinili nila na maglasing. Halika, maghanap tayo ng mag-iipon sa iyo ng tubig!”
“Sige na, hija. Magsisipilahan pa ang mga binata diyan para ipagkuha ka ng tubig,” sabi ni Nay Issa.
Napakamot na lang ako sa ulo at sumunod kay Ate Aly na nagmartsa palabas ng bahay.
“Ate Aly, ‘wag na po kaya?” tanong kong nilunod lang ng malakas nitong boses.
“Marcus! Ipagbomba mo nga ng tubig itong si Lauren. Wala na kasi si Lucio. Nasa rancho na!”
Kakalabas pa lang ni Marcus sa bahay nila, iyon agad ang bungad ni Ate Aly. Parang kagigising lang yata nito at magulo pa ang kaniyang buhok.
“Ate Aly?” tanong ni Marcus. “Teka naman po, kakagising ko lang!” ilag nito nang hinampas ni Ate Aly ang braso.
“Dalian mo na. Sige na! Huwag mo lang hahawakan at ipapabarangay kita. Ipagbomba mo ng tubig saka tulungan mo magbuhos kasi medyo masakit pa ang palad niyan,” utos ni Ate Aly. Magsasalita pa sana kami ni Marcus pero dumating na ang isang kaibigan nitong dumaan at parang hangin siyang tinangay. “Ay, kumare! Anong bagong balita natin diyan?!”
Bigla na lang silang nawalang parang bula. Napakamot ako sa ulo.
“Ako na lang mag-isa ang maliligo. Pasensya na,” naiiling kong sabi kay Marcus.
“Uy, sandali lang! Mabigat ‘yon. ‘Di pa kasi napapalitan. Luma na, eh,” sabi niya at sinundan ako.
Narating namin ‘yong sinasabi nilang poso. Nilapag ko ang damit ko sa gilid na sana pala ay hindi ko muna dinala. Hindi rin naman ako makakapagbihis dito. Nilapitan ko agad ang hand water pump at sinubukan. Agad namang may lumabas na tubig.
Mabigat pero kaya naman pala! Akala ko naman sobrang bigat.
“See? Kaya ko na, Marcus,” sabi ko at tinapat ang balde roon sa labasan ng tubig.
“Hindi. Ako na. Para namang ‘di kaibigan ‘to,” tawa niya at pinaalis ako sa handle. “Ako na nga riyan! Sige, maligo ka na diyan. Ako bahala sa ‘yo! Gusto mo pumikit pa ako.”
Iyon nga ang ginawa niya. Binomba ang tubig nang nakapikit.
“Buksan mo nga ‘yang mga mata mo. Parang ewan,” natatawang sabi ko lalo pa’t mukha siyang baliw.
Natawa rin siya. Nagbuhos na lang ako ng tubig. Medyo makapal ang suot kong damit ngayon kaya ayos lang kahit may mga dumadaan at napapansin kami. Hindi ko na inabala iyon.
“Naku, Lauren, ‘di ganiyan. Sayang ang tubig! Magagalit sa ‘yo ang diwata ng balon sa ginagawa mo.”
Napangiwi si Marcus dahil kada buhos ko ng tubig gamit ang kaliwang kamay ay medyo tumatapon ‘yon.
Hindi ako kaliwete. At ganito talaga dahil medyo mahina pa ang kamay ko para bumuhat. Kinontian ko na lang ang sinasalok na tubig pero may comment na naman si Marcus!
“Sige, aabutan tayo ng dilim sa konti mong magbuhos,” kontra niya na naman.
Nagsabon ako. Sandali siyang tumigil dahil puno na ang balde. Wala nang pumapansin sa amin. Siguro sanay na sanay na sila sa mga gawain nitong si Marcus na parating may kasama.
Tumukod siya sa poso bago nagsalita.
“Nakakapagtaka ka, Lauren, ‘yang mga natamo mong sugat noong nanakawan ka. Parang malala...”
Napatingin ako sa kaniya at bakas sa kaniya ang pagtataka. Naging ilag ako sa pagsagot.
“Tungkol nga pala sa kotse mo. Tumawag ako sa kabilang bayan tungkol sa naiwang kotse sa sinasabi mong road. Nahanap daw ‘yong kotse madaling araw na. Kinuha ng tow truck. Hindi naman nadala sa syudad dahil within two days ay may kumuha na raw. Na-contact daw ang number mo at may sumagot... ano kayang nangyari?” napapaisip na tanong ni Marcus.
Napaisip din ako habang nagbubuhos. May kumuha sa kotse ko?
“Siguro binalikan ng mga nagnakaw sa ‘yo. Tinanggap ang tawag gamit ang cellphone mo. Alam mo naman, lahat ng transakyon, nababayaran ng pera,” naiiling na dagdag nito.
Posible nga at kung may tumatawag sa phone ko, malamang sila ang nakakasagot kung nasa kanila ito at baka nakahingi na rin ng ransom.
“Huwag mo nang isipin ‘yon. Pagaling ka muna. Ligtas ka naman dito,” sabi ni Marcus at nagpatuloy sa pag-iipon ng tubig dahil magbabanlaw na ako. “Ayos din itong si Ate Aly. Hindi naman kita asawa, ako pinagbobomba ng panligo mo,” natatawang sabi niya.
“Kailangan ba asawa para pagbombahan ng tubig?” natatawa kong tanong. “Sige na, ako na... patapos na rin ako. Salamat, Marcus.”
Humalakhak siya sa sinabi ko pero sumunod din. Hinayaan niya na ako. Puno ang balde nang iwan niya para hindi ko na raw kailanganin pang lagyan ulit.
Nang umalis si Marcus ay naiwan akong mag-isa at hindi pa ako tapos, nagkaroon na ng ingay sa paligid. Mukhang may mga dumating dahil lumabas ang ilang kapitbahay para sumalubong.
Napatingin ako ngunit nakaharang sila kaya hindi ko agad nakita.
“Mayor!” Ang mga ale na natutuwa at nagtipon-tipon.
“Nabisita po kayo rito?! Tuloy po!” Puno ng galak ang pagtanggap nila sa mga ito. Sino ba ang dumating? Parang sobrang importanteng tao! Kunsabagay, mayor daw...
Pinagkibit-balikat ko na lang ‘yon at nagtuloy sa pagtutuyo sa buhok at sa ilang parte ng katawan. I didn’t take my clothes off. Sa kwarto na ako magbibihis dahil hindi naman pwede rito.
Naunang lumakad ang tuwang-tuwang mga kapitbahay nina Ate Aly na inimbitahan ang dumating at bahagya pang naiwan sa likod ang dalawa sa bagong dating.
“You better not bring shame to my name,” dinig kong mariing sabi ng may katandaang lalaki roon sa katabi niyang seryoso rin.
The man next to him is probably in his mid-20’s. Nakasuot ng formal jeans at long-sleeved shirt na pumoprotekta mula sa araw. Maayos ang buhok nito at malinis ang gupit. Fair skin. Isang tingin pa lang, halatang anak-mayaman at malalaman agad ang katayuan sa buhay.
Nilagpasan siya ng matandang lalaki at ngumiti agad sa mga tao. Sumunod ang dalawa pang kasama rin nila.
Naiwan ang lalaki na salubong ang mga kilay. Nilabas nito ang kamay na nasa bulsa at saka napakamot sa sentido, napapangiwi.
Sabay kaming natigilan nang bigla siyang mapatingin sa gawi ko. Hindi ko namalayang nakikimasid ako sa nangyari at nakatingin ako sa kanila!
Medyo nagsalubong ang mga kilay ko nang may sumilay na ngiti sa labi nito sabay kindat sa ‘kin. Sumunod din siya sa mga kasama kalaunan.
Napalingon ako sa paligid at sa likod ko. Wala namang ibang tao rito kundi ako lang!
Hindi ko na ‘yon pinansin. Pagtapos ay tumayo na ako at madaling bumalik kina Ate Aly. Tiningala ko ang bintana roon sa kwarto kung saan ako umuukopa nang madaanan sa tapat ng bahay nang mapansing nakabukas ang bintana nito.
Sa pagkakatanda ko ay sinara ko iyon! Lagi ‘yong nakasara unless mayroon akong titingnan sa baba. Hindi naman din pumapasok doon sina Ate Aly.
Napailing-iling ako nang maisip na siguro ay binuksan ng dalawang bata kaso naalala ko nasa school nga pala sina Bom at Cindy!
Nagiging makakalimutin na yata ako!
Pagpasok ko sa sala ay nakita ko si Nay Issa sa kaniyang paboritong upuan sa sulok kung saan ito laging naggagantsilyo. Mukhang nakatulugan nito ang ginagawa dahil medyo humihilik pa ito. Bukas ang TV pero wala si Ate Aly. Kasama pa rin yata ang kumare niya.
Tumuloy na ako sa taas. Sinadya kong pigaan ang dress ko sa laylayan para hindi ito tumulo sa sahig.
Sinusuklay ko ang buhok at hawak ang pamalit na damit. Ang lamig! Nakakapresko sa katawan ang tubig matapos lahat ng ininom namin kagabi.
Tinulak ko ang pinto at humakbang papasok sa kwarto. Malaking nakabukas ang bintana. Binuksan ko ba talaga ‘yon?
Napakagat ako sa labi at malalim na huminga. Hindi ko na muna ‘yon pinansin at sa halip ay nilapag ko ang hawak na mga damit sa mesa at inipon ang buhok para ipitin sa claw clip. Umangat ‘yon mula sa batok ko.
Kinuha ko ang bra sa mga nakahandang damit at tinanggal ang isang strap ng dress nang may maamoy akong tila usok sa paligid.
Napalingon ako sa buong kwarto. Imposibleng makaabot pa rito ang usok kung may naninigarilyo sa labas dahil mataas ang bintana!
Nang magawi ang tingin ko sa pinto ay ganoon na lang ang gulat ko nang makita si Seatiel na nakasandal sa tabi ng pintuan! He’s leaning against the wall and smoking. Nakasuksok ang kamay niya sa isang bulsa at ang isa ay may hawak na sigarilyo habang nakatingin sa akin!
Kanina pa ba siya diyan?! A-Anong ginagawa niya rito?
Hindi naman siya nagtutungo rito!
“S-Seatiel?” gulat kong tanong at nanlaki ang mga mata.
“Maliligo ka na lang, kung kani-kanino pa tumitingin ‘yang mga mata mo,” inip na saad niya habang matamang nakatingin sa akin.