Relentlessly I
“Bom, Cindy, huwag kayong makulit dito. Baka magising n’yo siya,” nananaway na tinig ng isang babae.
“Eh, mas mabuti nga po kung gano’n, ‘di ba po? Para magising na po siya.”
“Oo nga po, Ate Tams. Ilang araw na po siya diyan. ‘Di pa po siya nakakaligo.”
Mahihinang boses ang nagpagising sa ‘kin. Nanghihina ang buong katawan ko. My head’s throbbing painfully.
“Patunugin ko kaya ang mga kaldero, Ate Tams? Para po magising na po siya. Nakakaawa po kasi, ‘di pa po siya kumakain...” maliit ang boses na sabi ng isang batang lalaki.
“Binabawi niya ang lakas niya. Mukhang sobrang hirap ng pinagdaanan ng babaeng ito...” sabi ng babaeng nagsalita kanina. “Sige na, lumabas na kayo at kumain... Maaga pa ang pasok n’yo bukas.”
Napagalaw ako sa kinahihigaan. Unti-unti ay naimulat ko ang mga mata. Unang sumalubong sa akin ang katamtamang liwanag mula sa bumbilyang nasa kisame at ang ilang gamu-gamong lumilipad dito.
Napapikit ako sa matinding sakit na naramdaman ko sa kung saan-saang parte ng aking katawan. Ang ulo ko, palad, ang mga sugat sa braso, binti at mga paa. Sa sobrang sakit, tuloy-tuloy na umagos ang mga luha ko.
“Gising na siya.” Boses ng babae ang pumuno sa loob ng kwarto.
May tinawag siya. Hindi ko maituon doon ang atensyon at paningin dahil sobrang sakit ng mga sugat ko sa puntong nagsisisi akong nagising pa ako.
I want to fall asleep again, and never wake up.
I don’t want to face all these pain. Ayaw ko... ayaw kong maramdaman ang sakit.
Parang bahang biglang dumaloy sa isip ko ang lahat ng nangyari nang gabing ‘yon na nagpanginig sa aking sistema. Pinilit kong bumangon. Pinilit kong maging malakas. Tuluyan akong nagmulat ng mga mata kahit puno iyon ng mga luha.
Nasa isa akong maliit na kwartong gawa sa kahoy at kaunti ang mga kagamitan. Madilim at may lampara sa mesang nasa gilid kung saan nagmumula ang liwanag dahil hindi sapat ang liwanag mula sa bumbilya. May malaking bintanang nakabukas.
Nanginginig na pilit akong umatras sa kama. Naririnig ko ang ulan sa labas na mas nagpahina sa ‘kin.
I could hear voices in my head. Dinig ko ang buhos ng ulan gaya ng kung paano ito bumuhos nang gabing ‘yon, ang tunog ng mga dahon sa bawat paglapat ng mga paa ko habang tumatakbo palayo, ang tunog ng mga hayop sa masukal na gubat.
Napapikit ako at tinakpan ang mga tenga ko. “H-Huwag! H-Huwag... m-maawa ka sa ‘kin. Maawa kayo sa ‘kin... please, p-pakawalan n’yo ako!”
“Miss, huwag kang mag-alala... ligtas ka.”
May humahawak sa balikat ko at pilit akong pinapakalma. Napapitlag ako. Pilit akong tumayo mula sa kama at tinungo ang pinto. Napaatras ang dalawang batang naroon at takot na lumabas, nanlalaki ang mga matang nakatingin sa ‘kin.
Halos umikot ang paningin ko nang ilibot ang mga mata. Hindi ako basa. Hindi marumi ang suot ko. Walang puno... hindi ako natatamaan ng ulan. Walang... walang humahabol sa akin!
“N-Nasaan ako? S-Sino kayo?!”
Luminaw ang paningin ko at nakita ang babaeng nakatayo sa gilid ng kamang pinag-alisan ko. Isang babaeng sa tingin ko ay kaedad ko lang. Naaawa ang mga matang tumingin siya sa ‘kin.
Lumipat ang tingin ko sa dalawang bata, isang batang babae at batang lalaki. Siguro ay pito o walang taon. Hindi ko alam... hindi ko sila kilala.
Anong nangyari? Bakit nandito ako? Anong lugar ito? S-Sinong nagdala sa ‘kin dito?
“H-Hindi... ayoko rito! P-Pakawalan n’yo na ako! Uuwi na ako! Kailangan kong umuwi...” Pinawi ko ang mga luha ko pero sadyang ayaw nitong magpaawat.
Walang kumilos sa kanilang tatlo, hanggang sa may marinig akong mga boses mula sa baba ng bahay. Sa pag-iisip na nasa kamay pa rin ako ng mga humahabol sa ‘kin ay tinungo ko ang malaking bintana.
Bukas iyon at may puting kurtinang nakahawi sa magkabilang gilid. Sumandal ako rito at tiningnan sila habang puno ng luha ang mga mata ko.
May mga pumasok sa loob ng kwarto, isang may edad na babae at isang matanda. Nanlalaki ang mga mata nito habang gulat na nakatingin sa akin, standing across the room. Nakahawak ako sa frame ng malaking bintanang nasa likod ko at puno ng takot.
“Diyos ko po! Anong nangyari?” tanong ng may edad na babae.
“Gumising siya’t naghihisterikal. Tingin ko’y kailangan natin siyang dalhin sa bayan,” sabi ng babaeng naabutan ko nang magising.
“Ayos ka lang ba, hija?” nag-aalalang tanong ng matandang babae at lumapit sa ‘kin. Hindi ako gumalaw sa kinatatayuan. Naririnig ko ang ulan sa labas. I want to run away... I want to disappear. Hindi ko alam kung saan ako magiging ligtas.
Humakbang ako paatras kahit ramdam ko na ang hamba ng bintana. Mababa lang ‘yon at pwede akong mahulog anumang sandali. Napasinghap ang mga naroon at takot na napatingin ang mga bata sa direksyon ko.
“Mahuhulog ka riyan, hija! Diyos ko! Tawagin mo si Seatiel!” histerikal na sigaw ng matandang babae. “Tamsiah! Tawagin mo si Seatiel. Nasaan ba ang batang ‘yon?!”
“La, ano hong magagawa ni Seatiel para sa babaeng ‘yan?” naiiling na tanong ng babae.
“Anong nangyayari?” kalmadong tanong ng isang boses mula sa pinto kaya napatingin ang lahat doon.
Nagtama ang paningin namin ng isang lalaki, in a plain white t-shirt at isang kupas na pantalon. Magulo ang buhok nito at may patak ng mga butil ng ulan ang damit. Ang mga mata nito ay diretsong nakatingin sa ‘kin.
His eyes looked at me as if he’s expecting me to act like this.
“Ako na, Tiel,” sabi ng babae at lumapit sa ‘kin. Hinawakan ako nito sa braso at pilit inakay. Umiling-iling ako.
“Uuwi na ako. K-Kailangan ko nang umalis.”
“Huwag kang matakot, Miss. Nasa ligtas kang lugar,” tanging sabi ng babae. Iniupo nila ako sa higaan at inabutan ng tubig. Lumapit sa akin ang dalawang bata.
“Ate, okay ka lang po ba?” nag-aalalang tanong nila.
Kahit nagbubutil ang pawis sa noo at leeg at hindi maganda ang pakiramdam ay tumango lamang ako.
“Anong nangyari sa ‘yo, Miss?”
“Paano ka napadpad sa lugar na ‘to?”
“May mga humahabol po ba sa ‘yo?”
Sunod-sunod ang mga tanong nila.
“Ano ba kayo? Nakita n’yong hindi maganda ang lagay niya pero puro kayo tanong. Hayaan muna natin siyang magpahinga,” saway ng matandang babae at lumapit sa ‘kin. Puno ng pag-aalala ang mga mata niya. “Sige na, hija, magpahinga ka muna hanggang sa mabawi mo ang lakas mo. Huwag kang matakot.”
Nanatili akong nakayuko. Natatakot ako. Anong lugar ito? Nasaan ba ako? At sino ang nagdala sa akin dito?
“P-Pasensya na po,” tanging usal ko. Isa-isa silang lumabas ng kwarto hanggang sa ang babae at ‘yong lalaking nasa hamba ng pintuan ang naiwan.
“Magpahinga ka muna. Nagluluto sina Nanay para sa hapunan. Tatawagin kita. Kailangan mong kumain para bumalik ang lakas mo.”
Sinara nito ang bintana kaya bahagyang humina ang ulan at hindi na masiyadong narinig.
“Tawagin mo kami kung may problema. Nasa baba lang kami,” paalam ng babae. Mahinahon ang boses niya ngunit hindi siya ngumingiti. Nakasuot siya ng puting sa tingin ko ay uniform sa kursong nurse.
Naunang lumabas ang babae at naiwan ang lalaki sa hamba ng pintuan. Nakahilig ito roon at seryosong nakatingin sa akin, habang magkakrus ang kaniyang mga braso sa tapat ng dibdib.
Dumaan sa pinto ang babae kaya napagkumpara ko ang kanilang height. The guy’s tall, may pagkamorenong kaunti. I really can’t tell his age pero sigurado akong hindi ito mas bata sa ‘kin.
Nagtama ang paningin naming dalawa. Sa unang lapat ng tingin namin, I just wanted to take a glance, pero sa ikalawang tingin ay dahil ‘yon nabahala sa lalim ng kaniyang titig na nadatnan ko.
Napalunok ako. Naputol lang ‘yon nang tinawag siya ulit ng babae.
Hinintay siya nito bago tuluyang bumaba. Umiwas na ako ng tingin habang nakahiga sa kama. Nanghihina ang buong katawan ko sa pagod at sakit. I tried to close my eyes.
I know that man... Siya ang lalaking bumaba sa kotse noong gabing ‘yon. Siya ‘yong hinarang ko sa daan. Pagmamay-ari niya ang kotseng ‘yon.
Kung ganoon ay tinulungan niya ako...
Iniligtas niya ako?
Anong lugar ba ito?
Ni hindi ko alam kung anong petsa na ngayon at kung gaano ako katagal nasa ganitong sitwasyon.
Hindi ako makabalik sa pagtulog. I am so bothered with pain. Masakit ‘yon at mas pipiliin kong mamanhid. Kaunting galaw at nagsisikirot ang mga sugat. They’re all fresh wounds.
May benda ang palad ko. May mga band aid kung saan-saang parte ng aking katawan at ang paa ko ay may benda rin. Mukhang napilayan at kumikirot iyon tagos sa buto.
Is this my karma for running away? Kasalanan bang tumakas ako at piniling huwag magpakasal sa isang lalaking hindi ko kilala at hindi ko mahal? This is ridiculous...
Tumayo ako mula sa kama at nilibot ang paningin sa kwarto. Iisa lang ang kama sa kwartong ‘yon. Hindi rin ganoon kalaki, pero maayos naman at malinis.
Tinungo ko ang pintuan. I bit my lip to suppress my groan when I tried to open the door with my hand. Nagalaw ko ang sugat ko!
Sumilip ako rito at nakitang madilim ang daan sa labas ng pinto. May isang kwarto sa tapat nito at may isa pang hallway na patungo sa kung saan. Naroon na rin ang hagdan pababa kung saan naririnig ko ang kalansing ng mga kagamitan sa kusina. Mukhang nagluluto nga sila.
I stepped outside. Nilibot ko ang tingin sa buong palapag ng bahay. Yari sa matibay na kahoy ang buong bahay, a typical Filipino house in the province.
Tinungo ko ang hallway na nakita ko sa halip na ang hagdan. Hirap ako sa bawat paghakbang. Ramdam kong may sugat ang talampakan ko.
Kailangan kong makaalis sa lalong madaling panahon bago pa ako matunton ng mga humahabol sa akin. Babalik na lang ako sa Maynila, luluhod sa harapan ni Papa at magmamakaawa sa kaniya. Papayag na lang ako sa kung anong gusto nilang gawin ko. After all, I won’t be able to survive alive with just myself!
Mamamatay ako sa sitwasyon ko ngayon kung hindi ako babalik.
May bintana sa dulo ng pasilyo. Sumilip ako roon at nakitang umuulan nga. Hindi ganoon kalakas pero basa ang lupa. Mukhang ilang araw nang umuulan.
Sa hindi kalayuan mula sa natatanaw ng bintana ay may nakita akong maliit na kalsada.
May kataasan ang bintana ng ikalawang palapag. Naghanap ako ng hagdan pero wala. May mapaglalambitinan at hindi ko kailangang talunin ang buong taas.
Inihakbang ko ang paa kong walang balot na tela sa bintana at mahigpit na hinawak ang kabilang kamay sa hamba. I tried to support it with my other hand, pero hindi nakikisama ang sugat doon. Sinalubong agad ako ng malamig na hangin nang tuluyan kong sinilip ang langit. Hindi pa ganoon kadilim sa labas pero nakalubog na ang araw.
Nang tuluyang makahakbang sa labas ay nilingon ko ang pasilyo kung saan ako galing. Wala pa ring tao. Mukhang nasa kusina silang lahat at abala!
Umihip ang malakas na hangin at tinangay ang suot kong bestida. Napasinghap ako at pilit ‘yong binaba.
My God, I have to get out of here!
“Anong ginagawa mo?”
Napasigaw ako nang may biglang magsalita sa baba.
Napatingin ako roon at ganoon na lang ang panlalaki ng mga mata ko nang makita ang lalaki kanina! Nasa baba siya at nakasandal sa dingding, may sigarilyo sa bibig at salubong ang kilay na nakatingala sa ‘kin, nagtataka sa ginagawa ko.
Nagtama ang paningin naming dalawa. Ginapangan ako ng takot. Sa lahat ng lalaking nakatinginan ko na, he surely has the most intimidating yet playful eyes. Nakadagdag pa roon ang humaldo niyang panga at ang makapal na kilay, bumabagay sa malalalim niyang mga mata.
Magsasalita pa lang sana ako nang muli na namang humangin at nilipad ang dress ko. Nanlaki ang mga mata ko nang tumingin siya roon at nagtagal ang kaniyang mga mata.
Napasigaw ako habang pilit inaayos ang suot ko. “A-Anong ginagawa mo? H-Huwag kang tumingin!”
Sumaglit lang ang mga mata niya sa mukha ko. He smirked as if mayroong nakakatawa!
“I told you not to look! Pumikit ka!” sigaw ko sa kaniya. ‘Di ba nakakaintindi ang lalaking ‘yon?
“Hindi ako pwedeng pumikit. Baka mahulog ka at hindi kita masalo.”
“Wala akong pakialam! I-I don’t care! Huwag kang tumingin!” sigaw ko.
Nakita niya na ang hindi dapat makita!
“S-Sinabing huwag kang tumingin!”
“Alright, alright. Pipikit ako. Ayusin mo ang damit mo. Sasaluhin kita.”
Sa halip na siya ay ako pa ang napapikit dahil sa sobrang kahihiyan. “Hindi na kailangan. Kaya ko!”
“Miss—”
“Don’t open your eyes!”
“Walang magbabago. Nakita ko na...”
Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya at sa sobrang gulat ko ay tuluyan na akong napabitaw sa bintana. Halos tumalon ang puso ko palabas ng dibdib nang maramdaman ang pagkahulog ko.
Hinintay ko na lang na bumagsak ako sa lupa pero ang tanging naramdaman ko lang ay ang patak ng ulan nang malayo kaming bahagya sa silong ng bahay. Nasalo niya ako para hindi ako tuluyang masadlak sa lupang ngayon ay basa sa ulan!
I grimaced in pain. It was because I had wounds all over my body!
Nang makabawi ay agad akong nag-angat ng tingin sa kaniya. My eyes immediately stopped at the sight of his face. Natulala ako sa sobrang gulat at nang matauhan ay agad ding lumayo. Naitulak ko siya para mapabitaw sa ‘kin.
Sinubukan niya pang abutin ako para maalalayan sa pag-iisip na mawawalan ako ng balanse, pero wala roon ang atensyon ko. Tulala akong nakatingin sa kaniya habang parang nagpa-flashback sa isip ko ang nangyari just a few seconds ago!
“A-Anong nakita mo?” nauutal na tanong ko. Pinagpapawisan ako nang matindi at abot-abot ang hiya at gulat ko.
Tumingala ang lalaki sa bintana na tila ba binalikan ang nangyari, kinakagat-kagat ang sigarilyo sa mga labi. Napapikit ako at sa puntong ‘yon ay gusto ko na lang lamunin ng lupa at lumubog mula sa kinatatayuan ko.
“Anong ginagawa mo sa bintana? Tumatakas?” sa halip ay tanong nito at hindi pinansin ang sinabi ko.
Sinusubukan kong pakiramdaman ang pang-ibaba kong suot but I really can’t tell if I am wearing some slip shorts under the dress or not!
Nag-angat ito ng mga kilay at inalis ang sigarilyo sa bibig. “Sana sinabi mong gusto mong umalis, hindi iyong pinahihirapan mo pa ang sarili mo.”
Tinuro niya ang payong sa gilid.
“Diretsuhin mo ang daang ‘yan. Sa kalsada, may dumaraang tricycle. Dalawang oras mula rito ang bus. Dadalhin ka sa pier,” tuloy-tuloy na sabi niya. Did he seriously... “At wala akong nakita kung ‘yan ang inaalala mo.”
W-What? Hindi ako naniniwala! Kasasabi niya lang na nakita niya.
“Seatiel? Anong ingay iyan?” tanong ng isang boses mula sa taas.
Dumungaw ang may edad na babaeng isa sa mga nakita ko kanina noong magising ako.
Nagtama ang paningin namin at gulat itong napatingin sa ‘kin bago lumipat ang mga mata sa lalaki. Nagpapalit-palit ang tingin niya sa ‘min at hindi agad nakapagsalita.
“A-Anong ginagawa n’yo riyan? B-Bakit nandiyan ka, hija? Hindi ba...”
Hindi ako makapagsalita. Malalim akong huminga nang maramdaman ang sakit ng talampakan ko at ng kamay kong ikinapit ko kanina.
“Seatiel? Nauulanan na siya! Pumasok na kayo rito at nakahanda na ang hapunan!” wika ng babae pero wala man lang gumalaw sa amin ng lalaking tinawag niyang Seatiel. “Hija? Mauulanan ka. Lalala ang kondisyon mo at baka maimpeksyon ang mga sugat mo!” nag-aalalang dagdag nito. Pati ang matandang babae ay dumungaw na rin sa bintana at histerikal kaming tiningnan.
“Oo nga, Seatiel! Pumasok na kayo rito!”
“Pumasok na kayo, La,” sabi ng lalaki habang salubong ang mga kilay na nakatingin sa mga ito. “Ako na ang bahala.”
Matapos niyang sabihin iyon ay umalis din ang dalawang babae roon sa bintana.
“Maghapunan ka muna, then you can go wherever you want.”
Kumakalam na rin ang sikmura ko kaya hindi ako makatanggi. Ilang araw ba akong nasa ganoong sitwasyon at parang lantang gulay ang katawan ko at nanghihina ako sa gutom?
He guided me, but one step and I stopped! Wala pala akong tsinelas at basa ang lapag kaya nabasa ang sugat sa paa ko dahilan para mapahinto ako at ininda ang hapdi.
“Mahirap hilumin ang mga sugat na ito,” saad niya habang tinitingnan ang mga sugat sa binti ko. Malinis naman ang balat ko maliban sa mga sugat na ang iba ay may tapal. There are bruises, too.
Ang dali kong nasugat at nagkapasa ay dahil hindi naman ako sanay tumakbo. Ilang beses akong nagpumiglas pero kulang iyon para makatakas sa mahigpit nilang pagkakahawak, and I ended up... with these.
“Masakit bang igalaw?” tanong niyang ikinatango ko na lang. Nahagilap niya agad ang mga mata ko. There was amusement in his eyes. “Tapos nakuha mo pang bumaba sa bintana?”
My face heated. Tumayo siya nang tuwid kaya napansin ko agad ang kaniyang tangkad.
He’s tall. Really. Mukhang sanay sa mga pisikal na trabaho dahil ang ganda ng katawan.
Lumayo siya nang bahagya at hinayaan ako. Sinubukan ko namang maglakad pero lalo yatang sumakit ang katawan ko dahil sa ginawa sa bintana. Nagulat na lang ako nang binuhat niya ako.
Pumasok kami sa loob at naroon silang lahat sa sala kung saan maraming nakahaing pagkain. Hindi maganda ang pakiramdam ko pero kumakalam ang sikmura ko. Maybe I’ll get better when I eat.
“Ate, ayos ka na po ba? May masama ka po bang panaginip po kanina?” nag-aalalang tanong ng batang lalaki.
Siniko siya ng batang babaeng nasa kabilang gilid ko naman. Pilit ko silang nginingitian kahit nanunuot ang sakit sa katawan ko.
“Masakit po ba ang sugat n’yo? Gusto n’yo po tulungan ko kayong hugasan ng maligamgam na tubig? Pakukuluan namin ni Bom ang tanim na halaman ni Nanay.”
“Tama na iyan, Bom, Cindy... huwag n’yo muna siyang kulitin,” saway ng may edad na babae. Tinawag itong mama ng batang babae.
“Oo nga po pala, Ate. Ako po si Cindy... ito naman po si Bom.” Ngumiti sa akin ang batang lalaki. “Parehas po kaming eight years old.”
Ngumiti ako. “Hi, Cindy, Bom...”
“Alyanna... Aly o Ate Aly na lang,” nakangiting pakilala ng babaeng mama ni Cindy. “Ito naman ang nanay ng asawa kong namayapa na... si Nay Melissa, Nay Issa na lang.”
Sinikap kong magmano rito na hindi nagawa kanina dahil binungaran ko sila ng paghihisterikal.
Napangiti ang matanda maging si Ate Aly. ‘Yong babaeng nabungaran ko kanina nang magising ako ay patuloy lang sa pagkain niya. Nang tapikin siya ng babae ay doon lang siya nag-angat ng tingin.
Her eyes looked at me as if she’s bored. Hindi ko alam kung ganoon lang ba siya tumingin o... dahil ayaw niya sa presensya ko.
“Tamsiah,” tanging sabi niya.
Tumingin ako roon sa lalaking nasa kabilang dulo ng mesa. Akala ko sasabihin niya rin ang pangalan niya, though I already know his name. Katapat ko si Tamsiah at katabi niya ang lalaki. Hinintay kong magsalita ito pero bago pa mangyari ‘yon ay agad nang napunta sa ‘kin ang usapan.
“Anong pangalan mo?” sabay-sabay na tanong nila na mukhang kanina pa ako gustong paulanan ng mga tanong o siguro simula noong mapadpad ako rito. Hindi lang nila nagawa dahil siyempre, wala akong malay.
Hindi ko malaman kung anong isasagot. Dapat ko bang sabihin ang totoo kong pangalan o mas mabuting hindi?
“Is...” Napatigil ako. “L-Lauren... a-ako po si Lauren.”
“Taga-saan ka, Lauren?” tanong ni Ate Aly.
Nasa akin pa rin ang atensyon nilang lahat. Kahit ‘yong lalaki ay nakatingin sa akin habang kumakain at hinihintay ang mga isasagot ko.
“Galing po ako sa Manila.”
“Taga-Maynila ka?” sabay-sabay na tanong nila.
Nagtaka ako at tumango. Napatingin sa akin si Tamsiah na parang biglang naging interesadong marinig ang kwento ko.
“Ang layo ng Maynila... paano ka napadpad dito sa La Esperanza?”
“L-La Esperanza?” tanong ko.
Is that a place? Hindi ko pa naririnig ang lugar na ‘yon. Patungo ako sa kakilala ni Louisiana pero hindi ko na-encounter ang La Esperanza.
Natahimik ako. Pilit kong hinahagilap sa isip ko kung ano ang dapat kong isagot. Ayokong magsinungaling pero sa tingin ko ay hindi magandang bagay na sabihin pa sa kanila ang nangyari at kung paano ako napunta sa lugar na ‘to.
“May pinuntahan po akong kakilala dito sa probinsiya kaso ay nanakawan po ako... nawala ang mga gamit at cellphone ko.”
“Bakit marami kang sugat? At bakit wala kang malay nang dalhin ka ni Seatiel dito?” mahinahon pero seryosong tanong ni Tamsiah.
“Nakuha po ang pera ko kaya ilang gabi akong palakad-lakad hanggang sa inabutan ako ng masamang panahon. Doon ko siguro nakuha ang mga sugat...”
Mukhang naniniwala naman sila sa mga sinasabi ko. Tumatango sila na tila nag-iisip.
“Kung ganoon, naging palaboy ka pala, Ate Lauren?” inosenteng tanong ni Bom.
Ngumiti na lang ako at yumuko. I feel so stupid... ano ba ang pinagsasabi ko?
“Galing ka ba sa pier? Dahil sabi mo ay galing ka sa Maynila.”
Tumango ako at sinabi kung saang port dumaong ang barkong sinakyan ko galing Maynila.
“Anong ibig mong sabihin? Sa kabilang isla ang port na ‘yan. Paano ka mapapadpad dito sa Esperanza?” salubong ang kilay na tanong ni Tamsiah.
Hindi ko magawang sumagot. Kahit ako, iyon ang tanong, kung paano ako napadpad sa lugar na ‘to.
“Paano mo natagpuan si Lauren, Seatiel? Ang layo ng port na sinasabi niya rito,” ani Tamsiah.
Napatingin ang lahat sa lalaki. Muling nagtama ang paningin naming dalawa kaya ayon na naman ang kaba sa dibdib ko. Seryoso ang mga mata niya.
Natatakot ako sa sasabihin niya. May alam ba siya? Alam niya bang muntik na akong mapagsamantalahan?
“Sa daan pabalik dito noong galing ako sa siyudad. She was freezing to death. Puno ng sugat at putik ang damit, nawalan ng malay sa daan. Dinala ko siya kay Aling Alda sa kabilang isla bago isinama rito.”
Nakita ko ang matagal na tingin ni Tamsiah kay Seatiel, seryoso ang mga mata nito.
“Dinala mo na pala siya sa manggagamot. Sana ay hindi mo na inuwi rito sa isla. Mas magiging mabuti ang lagay niya roon.”
“Tamsiah,” saway ng matandang babae, si Nay Issa.
Napayuko na lang ako, nakaramdam ng hiya.
Napailing na lang ang babae at saka nagtuloy sa pagkain. Bumuntonghininga si Ate Aly.
“Sana medyo maayos na ang pakiramdam mo kahit papaano, Lauren. Manatili ka muna rito hangga’t hindi ka pa gumagaling, hangga’t kailan mo kailangan.”
Ngumiti na lang ako at hindi na sumagot. Hindi ko maiwasang tingnan si Tamsiah. Mukhang hindi niya gustong nandito ako.