2nd Lie

4735 Words
NAKAKUNOT ang noo ni Riri habang nagbabasa ng sales report sa isa sa mga main branch ng toy store nila. Nagpapatakbo ng isang malaking toy company ang pamilya nila. Sa kasalukuyan, ang Ate Ria niya ang presidente niyon. Siya naman, simula pagkabata ay sinasama-sama na ng Ate Ria niya sa mga factory at store ng kompanya nila. Balang-araw daw kasi ay isa rin siya sa mga magpapatakbo niyon kaya sinasanay na agad siya nito sa responsibilidad na sasaluhin niya kapag nasa tamang edad na siya. Dapat ay si Ate Rita ang magiging presidente ng kompanya dahil ito ang panganay sa kanilang magkakapatid, pero matagal na nitong isinuko ang karapatan nitong mamuno dahil wala itong interes sa corporate world. Kaya sa kanya nag-focus ang mga magulang at ang Ate Ria niya para matulungan niya ito pagtuntong niya sa tamang edad. Iyon din ang dahilan ng daddy niya kung bakit pinag-aral nito sa Amerika si Rara at kung bakit gusto nitong ilipat ng school si Ryder. Gusto ng ama niya na makatulong niya ang mga pamangkin niya sa pagpapatakbo ng family business nila. Sila raw kasi ang "future" ng kompanya. 'Yon din ang dahilan kung bakit kahit seventeen pa lang siya ay tumutulong na siya sa pagpapatakbo ng main branch ng toy store nila. "... class dismissed." Umangat ang tingin ni Riri sa harap ng classroom. Palabas na ang teacher nila at nakatingin sa kanya ang mga kaklase niya. Aaminin niyang hindi siya nakinig sa klase. Nag-take notes naman siya kanina, pero nang na-realize niyang napag-aralan na nila 'yon sa dati niyang school, huminto na siya at nagbasa na lang ng sales report. Kahit huminto siya ng isang taon, fresh pa rin lahat 'yon sa isip niya. Nagpaalam naman siya sa teacher kanina na kung puwede ay magtrabaho muna siya dahil advance naman ang na-take ng lessons sa previous school niya. Pumayag naman ito. Binalingan niya si Ryder na katabi niya. "Break time na ba?" Tumango si Ryder. "Oo, Auntie. Kaya iligpit mo na 'yang laptop mo." "Oh. Okay," sagot naman Riri, saka binalik sa bag ang laptop niya. Pagkatapos, si Ryder ang nagbitbit niyon. Habang naglalakad sila sa pasilyo, tinext na niya si Kuya M. Tinanong tuloy siya ng pamangkin niya kung nasaan ang tito nito. "Eh kasi bantayan niya tayo, nakisuyo ako kay Kuya M na ibili ako ng mga kulang kong school supplies do'n sa nadaanan nating bookstore. Kesa naman mainip siya sa pagbabantay sa'tin. Wala namang masamang mangyayari sa'tin dito, saka wala namang may alam na anak at apo tayo ng isang senador." "Buti pumayag si Tito M," sabi ni Ryder na tito si Kuya M dahil kapatid ito ng daddy nito. "Eh alam mo naman 'yon, mahigpit magbantay." "Sanay na si Kuya M sa'kin. Alam naman niyang ayokong nakabantay siya sa'kin oras-oras. Kabisado niya ko kaya siya lang ang nagtagal bilang bodyguard ko," katwiran ni Riri, saka binulsa ang phone niya. "Pabalik na raw siya. Hintayin na lang daw natin siya sa car space." "Hindi niya ginamit ang kotse mo?" Umiling si Riri. "Masikip daw kasi ang parking sa tapat ng bookstore, saka baka raw mapag-trip-an ang kotse ko ng mga street children do'n, kaya iniwan na lang ni Kuya M dito sa school. Anyway, nakapag-bonding na ba kayo ng tito mo?" "Hindi pa masyado. Nakapag-kuwentuhan kami, pero umuwi rin agad si Tito sa bahay niya dito sa Bulacan, eh. Do'n lang naman siya nakatira sa kabilang barangay." Tumango si Riri. Hometown 'yon nina Kuya M kaya nga natuwa ito nang malaman do'n siya mag-ta-transfer. 'Yon din ang dahilan kung bakit ang arrangement na napagkasunduan ay uuwi sa gabi si Kuya M at pupunta na lang sa umaga para ihatid siya sa school. "'Di bale, wala naman akong pupuntahan sa weekend kaya puwede kayong makapag-bonding ni Kuya M." "Thank you, Auntie. Anyway, saan ba tayo pupunta at kailangan pa tayong ipag-drive ni Tito M?" "May nakita akong fast food kanina, do'n na lang tayo mag-lunch. My treat." Nagtaka naman si Riri nang habang naglalakad sila palapit sa car space ay napansin niyang ang daming estudyante na nakakalat do'n na parang may tinitingnan at pinagbubulungan. Kinutuban siya ng masama nang maalala niyang sa parteng iyon naka-park ang kotse niya. "Ano kayang nangyaya– Auntie!" sigaw ni Ryder nang biglang tumakbo si Riri. Hindi naman nagpapigil si Riri. Hinawi niya ang mga estudyanteng nakaharang sa daan niya. At gano'n na lang ang pagkagulat niya sa sumalubong sa kanya. "Auntie, bakit ka naman biglang tumakbo?" reklamo ni Ryder nang umagapay ito sa kanya. Tumayo ito sa tabi niya. Bigla rin itong natigilan nang makita ang dahilan ng pagka-shock niya. "Hala! Sinong gumawa niyan?" Nanghina si Riri. Ang hood ng BMW niya, may pinta ng malaki at berdeng-berde na cactus! Mukhang spray paint ang ginamit sa pagguhit niyon. Bagong-bago pa naman ang kotse niya na regalo sa kanya ng mga magulang niya nang mag-decide siyang mag-aral muli pagkatapos ng isang taon niyang pagkukulong sa bahay. "Auntie..." Nakabawi agad si Riri nang mahimigan ang pag-aalala sa boses ni Ryder. Hindi siya sanay na pinag-aalala ang pamangkin niya. Ikinuyom niya ang mga kamay para kalmahin ang sarili niya. Tumingin siya sa paligid. Nakahinga siya ng maluwag nang makitang may CCTV camera naman palang naka-install sa area na 'yon. Binalingan niya ang pamangkin niya. "Dalhin mo ko sa head security ng school na 'to. Kailangan kong makita sa CCTV camera kung sino ang may gawa ng kababuyan na 'yan sa kotse ko." Dumaan ang takot sa mga mata ni Ryder. "Eh Auntie... hindi kasi gumaganda ang CCTV camera sa area na 'to..." "What?!" "Hala, pa'no na 'yan? Pa'no na malalaman ng mahal na prinsesa kung sino ang nag-drawing ng cactus sa mamahalin niyang sasakyan?" Marahas na nilingon ni Riri ang nagsalita. Sumalubong sa kanya ang isang matangkad na lalaki. Kapansin-pansin ito dahil bukod sa stick ng sigarilyo na nakaipit sa tainga nito, ito lang din yata ang nakita niyang gano'n kaputi at kaunat ang polo maliban kay Ryder. At aaminin niya, mahirap hindi pansinin na guwapo ito kahit nakakaasar ang ngisi nito. Sa likuran ng matangkad na lalaki ay si Disc. May isang magandang babaeng mukhang foreigner din ang parang koala na nakakapit sa braso ng binatang may stick ng sigariliyo. "Stranger..." tila nagulat na sambit naman ni Ryder. Tumaas ang kilay ni Riri. Naalala niya ang pangalan ng group chat nina Ryder: "Mga Utos Ni Lord Stranger." Kung gano'n, ito ang "leader" ng mga sanggano sa school na 'yon? Tumawa si Disc at ang magandang babae. Tawang nang-aasar. Halata namang ang grupong ito ang bumaboy sa kotse niya. Madali lang para sa kanya malaman ang totoo. Humalukipkip si Riri at binigyan ng malamig na tiingin si Stranger. "Ikaw ba ang nag-vandalize ng kotse ko?" "Teka, iisipin ko," nakangising sabi naman ni Stranger na nagpanggap pang nag-iisip, pagkatapos ay umiling ito. "Hindi. Hindi ako ang nag-vandalize ng sasakyan mo, mahal na prinsesa. Hindi ko panghahangasang gawin 'yon sa aming kamahalan." Nanlaki ang mga mata ni Riri. Wala siyang naramdaman sa sagot ng lalaking 'to kahit alam naman niyang nagsisinungaling ito! Pa'no nangyari 'yon? Kailangan niyang kumalma. Baka naman na-i-stress lang siya kaya hindi gumagana ang espesyal niyang abilidad. "Ikaw ba ang nag-vandalize ng kotse ko?" Kumunot ang noo ni Stranger. Pagkatapos ay nakapamulsa itong lumapit sa kanya. Huminto lang ito nang isang hakbang na lang ang layo nito sa kanya. Dahil tuloy sa paglapit nito sa kanya, naamoy niya ang usok mula rito. Usok na pamilyar sa kanya dahil heavy smoker din ang daddy niya noon at ang Ate Ria niya. Ayaw na ayaw niya ang amoy ng sigarilyo. Pero somehow, humahalo ang cologne ng lalaki sa amoy nito. Ewan ba niya, pero ang sarap singhot-singhutin ng pinaghalo-halong pabango, natural scent, usok, at tila mint sa hininga ng binata nang nagsalita uli ito. Umayos ka nga, Riri! Hindi na tuloy gumagana 'yang ability mo dahil d'yan sa mga iniisip mo! "Sinabi ko nang hindi ako ang bumaboy d'yan sa kotse mo. May ebidensiya ka ba?" tanong ni Stranger sa intimidating na paraan. Nakagat ni Riri ang ibabang labi dahil sa frustration. Paanong wala siyang naramdamang kuryente nang sagutin ng lalaking 'to ang tanong niya? Sigurado siyang nagsisinungaling ito, kaya bakit wala siyang maramdaman? Well, except na lang sa nagustuhan niya ang minty nitong hininga kahit amoy usok din ito. Grr talaga! "Ikaw ba ang nag-vandalize sa kotse ko?" Bumuga ng hangin ang lalaki at namaywang habang binibigyan siya ng iritadong tingin. "Makulit ka ba talaga o nagpapa-cute ka lang sa'kin? Paulit-ulit ka na, eh. Sinabi na ngang hindi ako ang gumawa no'n." Wala pa ring naramdaman si Riri. Hindi pa pumalya ang abilidad niya at hindi 'yon papalya lalo na sa mayabang na lalaking smoker na 'to! Wala na siyang ibang choice. Kahit pinagbawalan na siya ng mga magulang at mga kapatid niya, ginamit pa rin niya ang isa pang espesyal niyang kakayahan. Hinawakan niya ang kamay ng lalaki na halatang nagulat sa ginawa niya. "Ikaw ba ang nag-vandalize sa kotse ko?" pag-uulit ni Riri sa tanong niya. Tumaas ang kilay ng lalaki. "Hindi. Ako. Ang. Nag-vandalize. Ng. Kotse. Mo. Klaro na?" Lalong nainis si Riri. Bukod sa wala siyang naramdaman, hindi rin niya nabasa ang isipan ng buwisit na lalaking 'to. Naguluhan siya. Ngayon lang siya nakatagpo ng taong hindi tinatablan ng abilidad niya. And why did this guy still smell good even if it was clear that he was a smoker? Naputol ang pagmumuni-muni niya nang yumuko ang lalaki para magpantay ang eye level nila. Nailang siya kasi ang intense tumingin ng mokong! "Miss. Bibitawan mo ba ko, o kakasuhan na kita ng s****l harassment?" Ah, there goes his minty breath again! Internally, tumili na si Riri sa sobrang frustration. Bakit hindi tumatalab ang abilidad niya sa mayabang, nakakainis, at buwisit na lalaking 'to? Just who is this person? "Ang sabi ko, bitawan mo ko!" sigaw ng lalaki, saka marahas na binawi ang kamay nito mula sa pagkakahawak niya. Dahil hindi napaghandaan ni Riri ang ginawa ni Stranger, nawalan siya ng balanse. Muntik na siyang masubsob sa kalsada. Mabuti na lang, naitukod niya ang mga kamay niya. Napangiwi siya nang gumasgas din ang mga tuhod niya. "Auntie!" "Riri!" Mabilis ang sumunod na mga nangyari. Tinulungan si Riri ni Ryder na tumayo, samantalang sinugod naman ni Kuya M si Stranger. The next thing she knew, nagsisigawan na ang mga estudyante sa paligid... ... at nakasubsob na ang nagpupumiglas na si Stranger sa hood ng sasakyan niya habang hawak ni Kuya M ang mga braso nito sa likuran nito. Sinubukan nina Disc at ng babaeng kasama nito na tulungan si Stranger, pero hinarangan ni Ryder ang mga ito. "Huwag ka nang manlaban, bata," banta ni Kuya M kay Stranger. "Hindi mo alam kung sino ang sinaktan mo. Alam mo bang puwede na kitang ipadampot sa ginawa mo?!" "Kuya M, no," pigil naman ni Riri dito. "May gusto pa kong patunayan. Let go of him." "Sigurado ka, Riri? Kapag nalaman 'to ng Daddy mo–" "I can handle this," sansala ni Riri dito. "Hindi na kailangang malaman ni Daddy ang nangyaring 'to, okay? Hindi naman ako nasaktan masyado." "Ikaw ang bahala," halatang napipilitan lang na sabi ni Kuya M, saka pinakawalan si Stranger. Pero tumayo naman ito sa harap niya na parang pinoprotektahan siya. "Anong gusto mong gawin ko sa taong 'yan?" Ngumisi si Stranger habang nakahawak sa leeg nito at nakatingin ng masama kay Kuya M. "Anong gagawin mo sa'kin? Eh kung upakan kaya kita!" Tinangka ni Stranger na sumugod pero pinigilan ito ni Disc. Sasalubong din sana si Kuya M, pero pinigilan naman ito ni Ryder. Napabuntong-hininga na lang si Riri. Kailangan ng matapos ng kaguluhan na 'yon. Lumingon siya sa mga estudyanteng nasa paligid. Digital age na, kaya imposibleng wala ni isa sa mga ito ang naging "witness" sa ginawa ng grupo ni Stranger. "May nakakita ba sa inyo kung sino ang nag-pinta sa kotse ko?" "Meron ba?" segunda naman ni Stranger na halatang tinatakot ang mga kaeskuwela nila. Nagbulungan ang mga estudyante, pero wala ni isa ang sumagot sa kanya. Mukhang kilalang siga ang smoker na 'to sa school na 'yon kaya takot dito ang mga schoolmate nila! Kinuha ni Riri mula sa sling bag niya ang wallet niya. Pagkatapos, naglabas siya ng cash at iwinagayway niya 'yon. "Magbibigay ako ng five thousand pesos sa kung sinuman ang may pictures o videos na magtuturo sa'kin kung sino ang nag-vandalize ng kotse ko." Parang biglang mga bubuyog na nagkumpulan kay Riri ang mga estudyante. Mabuti na lang at humarang sina Kuya M at Ryder para hindi siya makuyog. Ang dalawa niyang "bantay" ang nag-check ng mga phones na ipinapakita sa kanya. "Heto, Riri," sabi ni Kuya M mayamaya, saka inabot sa kanya ang isang phone kung saan may video na nagpe-play. "Malinaw na malinaw." Kinuha ni Riri ang phone. Napangiti siya nang makita sa video ang pagmumukha ni Stranger, Disc, at ng magandang babae na dino-drawing-an ang kotse niya gamit ang spray paint. "Kanino ang phone na 'to?" Nagtaas ng kamay ang isang maliit at matabang babae. Ngiting-ngiti pa ito. "Akin 'yan! Puwede kong i-bluetooth sa'yo ang video." "Sorry, pero hindi nakiki-bluetooth sa ibang brand ang phone ko," sagot naman ni Riri. "Bibilhin ko na lang 'tong phone mo para maitago ko ang evidence." Hindi kilala ang brand na hawak niya kaya inestima niya ang presyo niyon. "Okay na ba ang five thousand pesos para dito?" Nanlaki ang mga mata ng babae. "Sobrang okay! Sobra pa nga, eh!" Tumango lang si Riri, saka niya inabot ang ten thousand pesos sa babae. "Thank you for your cooperation." Tumili ang babae at nagpasalamat sa kanya. Pagkatapos, naglakad na ito palayo. Ito naman ang kinuyog ng mga kaeskuwela nila na "nagpapalibre" sa dalaga na para bang nanalo ito sa isang game show. Nawala na ang karamihan sa "audience" nila. Ang naiwan na lang ay sina Stranger, Disc, at ang magandang babae na pare-parehong masama ang tingin kina Riri. Hmp! Sila pa ngayon ang may ganang magalit! Marahang tinapik ni Riri si Kuya M sa balikat para tumabi ito. Pagkatapos, nakahalukipkip na nakipagtitigan siya kay Stranger. "Pa'no ba 'yan. May evidence na ko. Para sa five thousand pesos lang, nawala ang takot sa'yo ng mga schoolmate natin." Ngumisi lang si Stranger, pero hindi na nakasagot. Hindi rin ito kakikitaan ng takot. Ma-pride pa rin ang mokong kahit talong-talo na. "Anyway, kung ako sa inyo, uuwi na ko sa bahay," pagpapatuloy ni Riri. Siya naman ang nakangisi ngayon. "Pakihanda na ang kape para sa pagbisita sa inyo ng family lawyer namin." *** UMIINOM ng tsa si Riri habang nakaharap sa laptop niya. Hindi na sales report ang binabasa niya ng mga sandaling 'yon. Ewan din ba niya sa sarili niya kung bakit in-i-stalk niya ang social media accounts ni "Stranger Agustin." Pero wala rin naman siyang napala dahil wala naman halos laman na posts ang f*******: nito. Puro pictures lang na naka-tag dito. Si "Valeen Ramirez," 'yong babaeng Tisay. Pero mukha namang walang "something" sa dalawa. In fairness kay Stranger, mukha itong model sa mga candid shots nito. Himbis na ma-turn off siya dahil sa halos lahat ng pictures nito ay naninigarilyo ito, naging "cool" pa ang tingin niya rito. May espesyal sa lalaking ito na hindi niya matukoy. "Auntie, bakit in-i-stalk mo si Stranger? Na-love at first sight ka ba sa kanya?" Tiningnan lang ni Riri si Ryder na umupo sa tabi niya at nakisilip sa laptop niya. "Bakit 'Stranger' ang pangalan niya? Ang weird, ha?" Nagkibit-balikat si Ryder. "Hindi naman palakuwento si Stranger, eh. He's a private person, you know." Tumaas ang kilay ni Riri. Dumako ang tingin niya sa isang stolen shot ni Stranger kung saan naka-side view ito habang nagbubuga ng usok ng sigarilyo mula sa bibig nito. Malayo ang tingin nito, pa-mysterious ang aura. Pero hindi niya 'yon aaminin. "More like a heavy smoker." Natawa lang si Ryder, pero bigla rin itong naging seryoso. "Auntie Riri, talaga bang pinapunta mo si Attorney Fortunato sa pamilya nina Strange?" Tumango si Riri. "Hinatid na ni Kuya M si Attorney Fortunato papunta sa bahay ng mga kaibigan mo. Bakit?" Bumuntong-hininga si Ryder. "Auntie, semi-private nga siguro ang St. John, pero hindi lahat ng estudyante do'n ay mayaman. Sakto lang ang pamumuhay ng mga tao dito sa'min. Hindi kaya ng pamilya nina Strange, Valeen, at Disc bayaran ang sixty thousand pesos na hinihingi mo para makipag-settle sa kanila.May politiko lang na sumusuporta sa pag-aaral nila kaya nakakapasok sila sa isang semi-private school." "Kung hindi pala nila kayang magbayad ng gano'n, eh di sana hindi sila nagpinta sa luxury car ng ibang tao," katwiran naman ni Riri. "Saka hindi ko naman sinasamantala ang sitwasyon. May arbitrator na nag-compute kung magka'no inabot ang damage sa brand new car ko na wala pang isang buwan sa'kin. Plus, it's a luxury car." "Pero kayang-kaya mo nang sagutin ang paint job ng kotse mo." "Ryder, kotse ko ang na-damage. Tita mo ko. Pagkatapos, kinakampihan mo pa rin ang mga kaibigan mo na obviously ay mali sa sitwasyon na 'to?" "But you used to tell me to always be the better person," giit naman ni Ryder. "Practice what you preach, Auntie. Ikaw ang mas mature at mas nakakaangat, so be the better person. Apology na lang ang hingin mo sa kanila." Binigyan ni Riri ng kakaibang tingin si Ryder. Pagkatapos, pinisil niya ang pisngi nito na ikinareklamo nito. "Tama nga si Ate Rita. Binata ka na nga at nagrerebelde." Lumayo sa kanya si Ryder. "Isipin mo rin si Lolo, Auntie. Kapag lumaki ang issue na 'to, malalaman ng lahat na konektado tayo sa isang senador ng Pilipinas. Hindi na magiging private ang buhay natin." "You can't change my mind, Ryder," pirming sagot ni Riri. "Hindi magbabago ang isip ko tungkol sa hinihingi kong settlement para hindi ko ituloy ang pagdedemanda ko sa kanila hangga't hindi lumalapit sa'kin si Stranger at siya mismo ang makikipag-ayos sa'kin." Kumunot ang noo ni Ryder. "Bakit, Auntie? Bakit ganyan ka ka-interesado kay Stranger? Don't tell me, na-love at first sight ka nga sa kanya?" "Hindi tumatalab sa kanya ang special ability ko." "What?" hindi makapaniwalang tanong ni Ryder. Sumandal si Riri sa kinauupuan at humalukipkip. Bumalik na naman ang frustration niya. "You heard it right, Ryder. Hindi ko naramdaman kanina kung nagsisinungaling ba siya o hindi. Mas lalong hindi ko nabasa ang isip ko. Para akong na-blangko sa kanya. Wala akong na-feel, narinig, o nakita. He's like a blank paper. It's so... strange." "Pero... pa'no naman nangyari 'yon? Ngayon lang yata may taong hindi tinablan ng abilidad mo." "Kaya nga naiinis ako," frustrated na sabi ni Riri. "Pagdating ni Ate Rita, itatanong ko sa kanya kung may na-meet na siyang hindi tinatablan ng special ability niya." Gaya ni Riri, may special ability din si Ate Rita. May kakayahan itong magpagaang ng kalooban ng mga taong hinahawakan nito. Kaya rin nitong alisin ang sakit ng ulo, o pananakit ng katawan ng mga taong minamasahe nito. Pero hindi nito kayang manggamot ng malalalang sakit. "Nakakainggit talaga ang mga babae sa family natin," mayamaya ang reklamo ni Ryder. "Lahat kayo, may special gift. Samantalang kaming mga lalaki, normal lang." Parang movie na nag-flash sa isipan ni Riri ang masamang nangyari sa kanya no'ng isang taon, pero mabilis din niya 'yong itinulak sa likod na bahagi ng utak niya. Umiling-iling siya sa sinabi ni Ryder. "Kung kaya ko lang maging normal, matagal ko nang sinuko ang special ability ko na 'to." "Bakit naman?" "Hindi ko rin alam," Sumandal si Riri sa kinauupuan at nag-de kuwatro habang malayo ang tingin. "Maybe I just want to trust people again." *** "ARAY! Aray! Aray!" reklamo ni Stranger na tumatakbo paikot ng pahabang mesa habang iniiwasan ang sandok na hawak ng Lola Sinang niya na pinanghahampas nito sa kanya. "Lola! Tama na po!" "Anong tama na?!" galit na galit na sigaw ni Lola Sinang at nadali na naman ng sandok nito ang likod niya. "Saan sa tingin mo tayo pupulot ng sixty thousand pesos na ipambabayad natin do'n sa tiyahin ng kaklase mo?! Ano ba kasi ang pumasok d'yan sa isip mo para gawin 'yon?! At bakit nandito ka pa?! Dapat humihingi ka na ng tawad do'n sa nagawan mo ng atraso!" "Lola!" saway ni Stranger dito, saka hinarap ang lola niya. Pareho na silang hinihingal dahil kanina pa sila naghahabulan sa munti nilang kusina. "Ayokong mag-sorry sa brat na 'yon!" Binato ng lola niya ang sandok sa kanya. Mabuti na lang at naiwasan niya. Para sa isang sixty year old na matanda, malakas pa ang lola niya. "Kung ayaw mong humingi ng tawad sa kanya, paano ka makikipag-areglo? May sixty thousand pesos ba kayong magkakaibigan?" Ginulo ni Stranger ang buhok niya sa labis na frustration. "Ako nang bahala do'n, 'La! Huwag niyo na kong pakialamanan! Na-i-stress lang kayo niyan, eh." Humila ng silya ang lola niya at umupo ro'n. Sapo-sapo nito ang noo nito. "Disi otso anyos ka na kaya puwede ka nang makulong, apo. Kahit sabihin nating puwede tayong mag-piyansa, saan tayo kukuha ng pera? Hindi pa nga tayo nakakabawi do'n sa inutang ko para makapagbukas ng eatery. At saka hindi maganda kapag nagka-record ka ng pagkakakulong. Baka mahirapan kang maghanap ng magandang trabaho pag-graduate mo. Maapektuhan nito ang kinabukasan mo. 'Yon ang mas pinag-aalala ko." Naawa naman si Stranger. Alam naman niyang pasaway siyang apo. Pero ngayon lang siya nagdala ng ganitong kalaking gulo sa abuela niya. Hihingi sana siya ng sorry, pero nag-angat ito ng tingin sa kanya at sinabi ang isang bagay na mabilis nagpainit ng ulo niya. "Humingi kaya tayo ng tulong sa mommy mo?" "Huwag na huwag niyong tatawagan si Mommy, 'La," mariing sabi ni Stranger, nakakuyom na ang mga kamay. "Kaya ko na ang sarili ko." Tumakbo na si Stranger bago pa man din makapagsalita uli ang lola niya. Kailangan niyang lumabas para makasagap ng hangin dahil kung hindi, baka mamatay siya sa sama ng loob. Matagal na siyang pinabayaan ng mommy niya. Seven years old pa lang siya nang magpakasal ito sa isang mayamang businessman na may stepson na sing edad niya. Pero himbis na isama siya sa maganda nitong buhay, iniwan siya ng ina niya sa lola niya. No'ng una ay okay naman dahil madalas pa rin siyang bisitahin ng mommy niya kahit malamig ang trato nito sa kanya. Hindi naman niya inisipan ng masama 'yon dahil buong akala niya, sadyang hindi lang showy ang mommy niya. Saka naintindihan niya nang nawala ito nang magbuntis ito sa anak nito sa asawa nito. Pero nang mag-aral na siya, dumalang na ang pagbisita sa kanya ng ina niya. Nagpapadala na lang ng pera ang ina niya para suportahan siya. 'Yon ang dahilan kung bakit hanggang junior high sa isang Catholic school pa siya pumapasok. Pero habang tumatagal, hindi na nagpapakita sa kanya ang mommy niya. Minsan lang nito pinakilala sa kanya ang half-sister niya Kahit maayos ang pamumuhay nila ng lola niya dahil sa perang ipinapadala nito, nakaramdam siya ng pangungulila.Kaya isang araw, nagdesisyon siyang bisitahin ang mommy niya. Kilala naman siya ng asawa at stepson ng ina niya. Akala niya, magiging maayos ang tagpong 'yon. Kaya nagulat siya nang sabihin nang mommy niya na huwag na uli siyang magpapakita rito kahit kailan. Ng araw din na 'yon, nalaman niya kung bakit kahit kailan ay hindi siya minahal ng sarili niyang ina. Anak pala siya ng rapist ng mommy niya. Nagalit siya sa sarili niya. Pero dahil hindi niya alam ang gagawin, sinubukan niyang magmakaawa sa ina niya. Kaya lang, tuluyan na siya nitong iniwan. Sila ng lola niya. Lumipat ng tirahan ang pamilya nito at kahit kailan, hindi na uli sila kinamusta. Tumigil din ang mommy niya sa pagpapadala ng pera sa kanila ng lola niya kaya naghirap sila. Napilitan siyang huminto sa pag-aaral ng dalawang taon at naghanap siya ng trabaho. Pero dahil menor de edad lang siya no'n, hindi kalaki ang kinikita niya sa mga "raket" niya gaya ng pagtulong sa construction, pagiging kargador sa palengke, waiter sa isang beerhouse (na ilegal naman kaya nakapasok siya kahit menor de edad lang siya), at nitong nakaraang summer lang (pagtuntong niya ng disi-otso anyos), naging family driver pa siya ng kaibigan niya sa private school kung saan siya nag-aaral dati. Tinulungan siya ng kaibigan niyang 'yon kumuha ng driver's license. Alam kasi nito ang sitwasyon niya kaya gano'n ito kabait sa kanya. Pero sa kasamaang palad, nag-migrate na sa ibang bansa ang pamilya nito kaya nawalan siya ng magandang raket. Pero sa dalawang taon naman na pagtatrabaho niya, kahit paano ay nakapag-ipon silang mag-lola. Dagdag ang perang nautang ng abuela niya, nagtayo sila ng maliit na eatery na malakas naman kaya nakakabawi na sila ngayon. Nakabalik na rin siya sa pag-aaral. Lumipat siya sa mas murang school. Gusto nga sana niyang sa public school na lang para hindi mahirapan ang lola niya, pero nalaman niya na sa St. John College nagtuturo ang "halimaw" na 'yon. "Hubby!" Naputol ang pagmumuni-muni ni Stranger nang marinig ang boses ni Valeen. Nakita niya ito kasama si Disc sa park ng munti nilang barangay. Magkikita naman talaga silang tatlo. Balak sana niyang magpaalam sa lola niya, pero dahil sa sinabi nito, nawala na naman siya sa sarili at nag-walk out tuloy. "Yo," bati sa kanya ni Disc na naka-squat sa ibabaw ng concrete bench at naninigarilyo paglapit niya rito. "Balita?" Kumunot ang noo ni Stranger nang mapansin ang pasa sa gilid ng labi ni Disc. "Anong ka-s**t-an nangyari sa mukha mo?" Ngumisi ng mapait si Disc. "Eh di 'yong dati pa rin. Para namang hindi ka pa sanay." Kumapit si Valeen sa braso ni Stranger at "bumulong." "Binugbog siya ng tatay niya no'ng nalaman ni Mang Cristobal na may abogadong nagpunta sa lugar natin para singilin tayo ng malaking halaga para sa atraso natin." Binato ni Disc si Valeen ng pinitas nitong dahon sa gilid nito. "Ang daldal mo talaga, Tisay!" Napabuntong-hininga na lang si Stranger. Magkakapit-bahay sila nina Valeen at Disc kaya nang dumating ang Attorney Fortunato na 'yon sa bahay nila ng lola niya, sinamahan na rin siya ng dalawa sa pakikipag-usap sa abogado. Nang mag-beastmode ang lola niya pag-alis ng abogado, sinabihan niya sina Disc at Valeen na umuwi muna at sabihin sa kanya-kanyang mga magulang ng mga ito ang nangyari. Nagkasundo naman silang magkita-kita sa park na 'yon para makabuo ng plano. Pinatong ni Valeen ang baba nito sa balikat niya. Dahil may lahing 'Kano, matangkad din ang babae. "Hubby, ano'ng gagawin natin? Saan tayo kukuha ng sixty thousand pesos?" Napabuga ng hangin si Stranger. Wala namang kaso sa kanya kung siya lang ang mapapahamak, pero ibang usapan na kapag madadamay sina Disc at Valeen. Kababata niya ang dalawa pero hindi naman sila malapit na magkakaibigan noon. Gaya niya, out of school din ang mga ito dati. Si Valeen, anak ng "mamasan" sa beerhouse na pinagtatrabahuan niya dati. Tulad niya, naging waiter din si Disc no'n. Simula no'n, lagi na silang magkakasamang tatlo. Nang magdesisyon si Stranger bumalik sa pag-aaral, sumama rin sa kanya sina Valeen at Disc. Lumapit si "Mama Amora" (screen name ng ina ni Valeen sa beerhouse) sa regular customer nito na isang councilor. Ang politiko na 'yon ang nagbigay sa kanilang tatlo ng half-scholarship. Nagpapadala ito ng pera sa kanila sa tuwing enrollment. Ayaw sana niyang tanggapin, pero nang makita niya ang tuwa sa mukha ng lola niya dahil sa "magandang balita" na 'yon, hindi na siya tumanggi. Front lang naman talaga ang "scholarship" na 'yon. Kahit mababa ang grades nila, hindi 'yon mawawala. Pero ewan ba niya kay Disc kung bakit gustung-gusto nito na makakuha ng mataas na marka. Heto tuloy, napahamak sila nang magpagawa ito ng kodigo kay Ryder nang walang permiso mula sa kanya. "Kasalanan ko 'to," seryosong sabi ni Disc mayamaya na parang nababasa ang iniisip ni Stranger. "Kung hindi ko inutusan si Ryder na gumawa ng kodigo para sa'kin, hindi kayo madadamay. Nasali lang naman kayo dahil kasama kayo sa group chat. Sorry, ha?" "Nakinabang din naman ako sa kodigo na 'yon, eh," sabi naman ni Valeen. "Saka hindi kita pinigilan. Kaya may kasalanan din ako. Sorry." Ginulo ni Stranger ang buhok niya habang bumubuga ng hangin. "Walang mangyayari kahit magsisihan pa tayo. Wala na tayong choice kundi ang harapin 'to." "May plano ka ba, hubby?" "Babayaran ko ang Riri Herrera na 'yon," sagot ni Stranger. Ilang beses binanggit ng abogado ang pangalang 'yon kaya hindi niya makakalimutan. "Sa kahit anong paraan."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD