MULA SA binabasang business book ay bumaba ang tingin ni Riri sa isang five hundred peso bill at apat na one hundred peso bill at ilang mga barya sa mesa niya. Pagkatapos, umangat ang tingin niya kina Disc at Valeen (commonly referred to as 'Tisay' by her friends, ayon sa "research" niya).
"Para sa'n 'yan?" tanong ni Riri.
"Hulog namin," mataray na tanong ni Valeen. "Huhulugan ka namin araw-araw hanggang makumpleto namin ang sixty thousand pesos na hinihingi mo."
Sinara ni Riri ang binabasang libro. "Alam niyo bang kulang pa 'yan para magpa-full tank gas ako?"
"Alam namin," sagot naman ni Disc. "Pero pasensiya ka na, hindi kami rich kid gaya mo."
Tumaas ang kilay ni Riri sa pagiging sarkastiko ni Disc. Ang mga ito na ang may atraso sa kanya, ang mga ito pa ang may ganang magalit. Mukhang wala ngang kinatatakutan ang grupong ito. "'Yan ba ang paraan niyo ng pakikipag-areglo sa'kin?"
Maaga pang pumasok si Riri ng araw na 'yon dahil inaasahan niyang si Stranger mismo ang lalapit sa kanya para makipag-areglo at hindi ang mga kaibigan nito.
Aminin man niya o hindi, nakuha talaga ng smoker na 'yon ang atensiyon niya. Ewan din ba niya sa sarili niya kung bakit pumapayaga siyang maging ganito ka-curious sa lalaking dapat ay kinaiinisan niya.
Siguro 'yon ay dahil sa ngayon lang siya nakakilala ng taong hindi tinatablan ng special ability niya. Nakakapanibago.
"Auntie Riri, makipag-areglo ka na," bulong naman ni Ryder na nakaupo sa tabi niya. "May kasalanan din naman ako sa nangyari. Gaya ng sinabi mo, kung hindi ako pumayag sa gusto nila, hindi mangyayari ang lahat ng ito."
Binigyan ni Riri ng nagbabantang tingin si Ryder. Pero natigilan din siya nang mapansin niyang namumula ang buong mukha nito habang panaka-nakang nagnanakaw ng tingin kay Valeen. "Hey, do you like that girl?"
Nanlaki ang mga mata ni Ryder. Binalingan muna nito si Valeen na mukhang clueless naman sa sinabi niya, saka siya binigyan ng masamang tingin ng pamangkin niya. Pabulong pa rin ang sagot nito, pero may gigil. "I-I don't. What the hell are you saying, Auntie?"
Nakaramdam si Riri ng mahinang boltahe sa buong katawan niya. Napasimangot siya. "Liar."
"Yo."
Marahas na nilingon ni Riri ang nagsalita. Aminin man niya sa sarili o hindi, parang nag-vibrate ang puso niya nang sumalubong sa kanya si Stranger. Gaya ng unang beses niya itong makita, puting-puti at unat na unat pa rin ang uniporme nito. Pero gaya din no'ng una, may nakaipit na namang stick ng sigarilyo sa kanan nitong tainga.
Marahang tinapik ni Stranger ang balikat nina Disc at Valeen bago nito ipinatong ang mga kamay nito sa mesa ni Riri at yumuko para magpantay ang eye level nila. "Mag-usap tayo, Tita Riri Herrera."
Mabuti na lang at napigilan ni Riri ang mapapikit. Minty ang hininga ni Stranger. Mukhang hindi pa ito naninigarilyo para sa araw na 'yon dahil hindi pa ito amoy usok. Mabilis din 'yong nawala sa isip niya nang humila ng silya ang lalaki at umupo sa harap niya.
Bigla naman siyang nakaramdam ng pagka-conscious. Bakit naman kasi ang intense tumingin ni Stranger?
Focus, Riri. Focus!
Tumikhim si Riri at pinilit makipagtitigan kay Stranger kahit na hindi siya mapakali. "Ano ang gusto mong pag-usapan?"
"Hindi namin kayang bayaran agad-agad ang hinihingi mong halaga," deretsang sagot ni Stranger. "Pero huhulug-hulugan ka namin. Habang ginagawa namin 'yon, magtatrabaho ako para sa'yo. Huwag mo nang idamay ang barkada ko. Ako na lang ang alipinin mo tutal ako naman ang pinaka may silbi sa'ming tatlo."
"Stranger!" sabay na apela naman nina Disc at Valeen.
Itinaas lang ni Stranger ang mga kamay nito nang hindi nililingon sina Disc at Valeen, pero tumahimik agad ang dalawa. Nanatiling nakatitig kay Riri ang lalaki. "That's my proposal. Do you accept it or what?"
Napataas ang kilay ni Riri. Ngayon lang niya narinig mag-English si Stranger at bumagay 'yon ng husto sa binata. Nabasa naman niya na simula elementary ay sa private Catholic school ito nag-aral kaya hindi na siya nagulat. "Gusto ko ang proposal mo. Pero may isa pa kong request bago ako tuluyang makipag-areglo sa'yo."
Tumaas ang kilay ni Stranger habang binibigyan siya ng nagdududang tingin. "At ano naman 'yon?"
Nakagat ni Riri ang ibabang labi nang makaramdam siya ng kaba. Ang totoo niyan, buong gabi niya inisip ang "request" na 'yon. Alam niyang ridiculous ang ideyang nabuo niya. Malaki rin ang posibilidad na pagtawanan o di kaya ay tawagin siyang weirdo ni Stranger. Pero hindi niya mapigilan ang sarili niya sa curiosity na nararamdaman niya sa binata...
"Auntie Riri?" untag sa kanya ni Ryder nang marahil ay mapansin nitong natigilan siya.
Humugot ng malalim na hininga si Riri. Magsasalita na sana siya... nang biglang itaas ni Stranger ang isang kamay na parang pinipigilan siyang magsalita.
"Wait up," sabi ni Stranger, saka dinukot ang phone nito sa bulsa ng pantalon nito. Kumunot ang noo nito. "Sandali, Tita. Mukhang urgent 'to."
Tumango lang si Riri, kahit naiirita siya sa paulit-ulit na pagtawag sa kanya ni Stranger ng "Tita." Mukha kasing urgent nga ang tawag na sinagot nito kaya pinalagpas na lang niya muna.
"Bakit po, Lola?" parang nag-aalangan pa na sabi ni Stranger, saka ito biglang napatayo. "Ha? Sige, sige. Papunta na ko d'yan."
"Ano'ng nangyari, hubby?" nag-aalalang tanong naman ni Valeen.
Sinulyapan ni Stranger si Disc bago ito sumagot. "'Yong tatay mo, Disc, nanggugulo raw sa eatery namin. Pupuntahan ko lang muna si Lola."
Napamura si Disc. "Sasama ako."
"Ako rin!" sabi ni Valeen, saka kumapit sa braso ni Stranger.
Nakaramdam ng pagpa-panic si Riri nang makita niyang patakbo nang lumalabas si Stranger. Ayaw pa niya itong mawala sa paningin niya dahil hindi pa na-sa-satisfy ang curiosity niya. "Sandali, Stranger!"
Huminto sa pagtakbo si Stranger, saka pumihit paharap sa kanya. Nakakunot lang ang noo nito habang binibigyan siya ng nagtatanong na tingin. Gano'n din sina Disc at Valeen na nasa likuran nito. Ramdam din niyang nakatitig sa kanya si Ryder.
Tumayo lang si Riri ng kalmado, hindi inaalis ang tingin kay Stranger. "Puwede tayong magpahatid sa driver ko para mas mabilis kang makarating sa lola mo."
***
"ALAM MO, Riri. Medyo lapitin ka rin ng disgrasya, 'no?"
Napasimangot si Riri dahil sa sinabi ni Kuya M. "I can't help it, you know."
Ramdam ni Riri kanina ang urgency sa boses ni Stranger kaya in-offer niya ang driver at sasakyan niya. Siyempre, sumama rin siya. Inutusan niya si Ryder na maiwan na lang sa school para ito ang mag-excuse sa kanila sa mga teacher nila.
Kaya nandito siya ngayon sa isang carenderia sa maliit na barangay na 'yon kung saan may dalawang maton ang sinisigaw-sigawan ang isang matandang babae nang dumating sila.
Nang makita ni Stranger ang nangyayari, agad itong pumagitna. Pumuwesto ito sa harap ng matanda (na tinawag nitong Lola Sinang) at hinarap ang dalawang maton.
Kahit na teenager lang si Stranger kumpara do'n sa dalawang siga na malalaki talaga ang mga katawan at puno pa ng mga tattoo, hindi naman mukhang alangan ang binata dahil matangkad din ito at malaki ang bulto kumpara sa mga kaeskuwela nila. Mukhang batak ito sa exercise. Kung hindi man, sa trabaho siguro. Nabanggit sa kanya ni Ryder na huminto noon sa pag-aaral ang lalaki para magtrabaho.
"Mang Cristobal, bakit mo ba sinisigawan ang lola ko?" galit na tanong ni Stranger sa matandang lalaki na may tattoo ng malaking agila sa braso.
"Bastos kang bata ka ha!" angil naman ni 'Mang Cristobal' na akmang susugurin si Stranger pero pinigilan ito ni Disc.
"Tatay, tama na!" awat ni Disc.
Nagulat si Riri. Kung gano'n, tatay pala ni Disc ang matandang nanggugulo.
"Huwag ka ngang makialam, bata!" sabi naman ng kasama ni Mang Cristobal, saka sinuntok sa likod si Disc na biglang napaluhod sa kalsada
"Disc!" nag-aalalang sigaw naman ni Valeen, saka tinulungang tumayo si Disc.
Nakagat naman si Riri ang ibabang labi. Kung tama siya, kapatid yata ni Disc 'yong isang lalaki dahil magkamukha ang dalawa. Hindi niya maintindihan kung bakit gano'n kagulo ang magkakapamilya na 'yon.
"Riri, umalis na tayo rito," seryosong sabi naman ni Kuya M. "Nahatid mo na ang mga kaibigan mo. Delikado na ang sitwasyon."
Ayaw pa sanang umalis ni Riri, pero kilala niya ang nagbabantang tingin na ibinibigay ni Kuya M. Kapag hindi niya ito sinunod, siguradong isusumbong na talaga siya nito sa daddy niya. Hindi nagtanong ang ama niya nang isauli niya sa bahay nila ang kotse niya para ipapintura 'yon, saka siya nanghiram ng ibang kotse. Alam naman kasi ng daddy niya na magsasabi siya kapag malaki na ang problema kaya hindi siya nito pinapakialamanan hangga't hindi siya humihingi ng tulong dito.
Pero kung magsasalita si Kuya M at nalaman ng daddy niya na na-bully siya sa unang araw pa lang niya sa bago niyang school, malaking problema 'yon.
Wala na siyang nagawa kundi ang sumuko. Inaalalayan siya ni Kuya M sa pagpasok sa backseat nang marinig niyang magsalita si Stranger. Natigilan siya para humarap sa binata. Nakita niyang nagpipigil ito ng galit alang-alang na rin siguro kay Disc.
"Ano ba kasi ang nangyari, Mang Cristobal?" kunot-noong tanong ni Stranger.
Dinuro ni Mang Cristobal si Lola Sinang. "'Yang lola mo kasi, sinisingil pa kami eh nagbayad na nga kami sa kinain namin. Limang daang pisong buo pa nga ang binayad namin!"
"Dapat nga suklian pa niya kami," segunda naman ng kapatid ni Disc na narinig niyang tinawag na Kaloy kanina.
Napaderetso ng tayo si Riri at napangiwi. Ramdam na ramdam niya ang pagsisinungaling nina Mang Cristobal at Kaloy. Pakiramdam niya, para siyang tinamaan ng kidlat. Ibig sabihin lang no'n, masama ang intensiyon sa pagsisinungaling na 'yon.
Isa din 'yon sa katangian ng abilidad niya. Kapag sobrang lakas ng kasinungalingan, nararamdaman niya kahit hindi siya ang direktang kausap ng taong nagsisinungaling. Kaya niyang kontrolin 'yon. Kapag hindi siya interesado sa ibang tao, hindi niya na-ba-black out niya ang mga ito mula sa pandama niya.
Pero dahil concerned siya sa nangyayari ngayon, hindi niya mapigilang i-invest ang sarili niya sa usapan na 'yon. Dama tuloy ng senses niya ang bawat kasinungalingan ng mag-ama.
Nakita niyang kinuha ni Stranger ang lata na marahil ay naglalaman ng pera, saka binigyan ng masamang tingin si Mang Cristobal. "Eh wala namang limang daan dito. Kung nagbayad talaga kayo ng gano'n kalaking halaga, bakit puro barya lang ang nandito?"
"Aba malay ko! 'Yon na nga lang ang pera namin ngayon, winala niyo pa!" pabalang na sagot ni Mang Cristobal na nagpapiksi kay Riri. Nagsisinungaling na naman ang matanda! "Baka naisahan siya no'ng dayo na kasabay naming nagbayad kanina."
"Saka kapitbahay niyo kami. At Istre, tropa mo kapatid ko," sumbat naman ni Kaloy. "Kami pa ba ang paghihinalaan niyo? Parang nakakasama naman yata ng loob 'yon."
Naikuyom ni Riri ang mga kamay. Napakasinungaling ng mag-amang 'to! Kahit wala siyang special ability, halata namang nanggugulang lang ang mga ito!
"Pabayaan mo na, apo," sabi naman ni Lola Sinang kay Stranger. "Tama sina Cristobal. May mga taga-ibang barangay nga ang kumain dito at mukha silang kahina-hinala. Baka nga sila ang nanggoyo sa'kin. Alam mo naman ang lola mo, matanda na..."
Napapiksi muli si Riri. Kahit si Lola Sinang, nagsisinungaling. Pero mahina lang ang boltahe ng kuryenteng nararamdaman niya. Siguro, nagsisinungaling lang ang matanda para matapos na ang gulo. Pero hindi siya matatahimik gayong may alam siya. "Stranger!"
Napaungol sa reklamo si Kuya M na sinabihan siyang "brat."
Lumingon naman si Stranger sa kanya, nakakunot ang noo. "Ano?"
"Nagsisinungaling sina Mang Cristobal," pagsusumbong ni Riri kahit pinipigilan siya ni Kuya M. "Hindi talaga sila nag-abot ng pera sa lola mo."
Tumaas ang kilay ni Strange. "Pa'no mo naman nasabi 'yan?"
"Basta. Why don't you check their pockets na lang?"
"Sino ka bang pakialamera ka?" singhal sa kanya ni Mang Cristobal.
Mabilis namang tumayo sa harap niya si Kuya M na halatang pinoprotektahan siya.
Natawa si Kaloy. "'Tay, may bodyguard, o. 'Yan yata 'yong babaeng nagbantang magdedemanda kapag hindi nabayaran nila Disc ang atraso ng mga ito sa kanya."
"Pumasok ka na sa kotse, Riri," medyo pautos na sabi ni Kuya M.
"Huwag niyo kaming libangin," angil naman ni Stranger na kumuha sa atensiyon nina Mang Cristobal at Kaloy. "Para matapos na 'to, bakit hindi niyo ipakita ang mga bulsa niyo? Kung talagang hindi kayo nagbayad, nand'yan pa 'yong five hundred dahil, Mang Cristobal, ikaw na mismo ang nagsabi kanina na 'yon lang ang perang dala niyo ngayon."
Namutla bigla si Mang Cristobal, halatang na-corner na dahil sa sarili nitong kapabayaan.
Tumaas yata ang tensiyon at naramdaman 'yon ng lahat, lalo na si Riri na tumatanggap ng masamang tingin mula kina Mang Cristobal at Kaloy. Mukhang hindi lang siya ang naging alerto dahil nakita pa niya si Valeen na marahang hinila si Lola Sinang papasok sa eatery na para bang may inaasahan itong susunod na masamang mangyayari.
"Alam mo, pakialamera ka, eh," galit na sabi ni Kaloy habang pasugod kay Riri.
Mabilis naman itong sinalubong ni Kuya M ng suntok.
Makakahinga na sana ng maluwag si Riri dahil alam niyang kayang-kaya ni Kuya M ang Kaloy na 'yon, pero nagulat siya nang makita ang ginawa ni Mang Cristobal– binuhat nito ang kahoy na silya at hinampas iyon sa likod ni Kuya M.
"Kuya M!" sigaw ni Riri. Susugod sana siya kahit na nakita niyang pinigilan na ni Disc si Kaloy, pero may kung sinong humapit sa baywang niya. Nang lingunin niya kung sino 'yon, nagulat pa siya nang makita si Stranger. Sa kabila ng kaguluhang nangyayari, nagawa pa rin niyang ma-conscious at mag-init ang mga pisngi nang ma-realize niyang nakapalupot ang braso nito sa baywang niya. "Stranger..."
Bumuga ng hangin si Stranger at kinabig siya palayo sa kaguluhan. "Dito ka lang sa tabi ko para safe ka."
Okay. Wala sa lugar, pero lumundag ang puso ni Riri. "A-anong sinasabi mo d'yan?"
Tinaasan siya ni Stranger ng kilay. "'Di ba sinabi ko sa'yong alipin mo na ko simula ngayon? Ginagawa ko lang ang trabaho ko– ang protektahan ang amo ko."
At habang may nagbubugbugan sa paligid nina Riri at Stranger, hayun. May rumble din yata sa dibdib niya sa sobrang lakas at bilis ng t***k ng puso niya dahil sa mga sinabi ng "alipin" niya habang intense kung makatingin.
Grabe siya.
***
NAKONSENSIYA si Riri sa nangyari kay Kuya M.
Pagkatapos magkagulo, dumating ang mga tanod. Pero sa kasamaang palad, nakatakas ng mabilis sina Mang Cristobal at Kaloy. Himbis na problemahin pa niya 'yon, sinugod na lang nila si Kuya M na namamalipit sa sakit habang nakahawak sa balikat nito.
Nagulat siya nang mag-alok si Stranger na ito ang magmamaneho. In-assure siya nito na marunong itong mag-drive at may lisensiya rin. Dahil emergency 'yon, hindi na siya nagtanong pa at pumayag na siya.
Pagkatapos ng ilang oras nila Riri sa ospital, nakalabas din naman agad si Kuya M. Kaya lang, may cast na ito sa braso. Iyon kasi ang napuruhan nang ihambalos dito ni Kaloy ang kahoy na silya. Aabutin pa raw ng dalawang linggo bago 'yon gumaling, sabi ng doktor.
Himbis na umuwi agad sa bahay, bumalik muna sila sa karenderia dahil nag-aalala si Stranger sa lola nito. Pagdating nila do'n, sarado na ang eatery. Pero wala namang masamang nangyari dahil nakabantay naman sina Disc at Valeen do'n.
Bilang pasasalamat daw, pinaghanda sila ni Lola Sinang ng lunch. Hindi na sila tumanggi ni Kuya M dahil bukod sa ayaw nilang masayang ang effort ng matanda, gutom na rin sila.
Kahit pa'no, nakahinga ng maluwag si Riri habang pinapanood si Kuya M na masiglang kumakain habang sinusubuan ni Lola Sinang. Parang mag-lola talaga ang dalawa.
Nag-sorry siya kay Kuya M kanina. Kasalanan naman kasi niya kung bakit ito nasaktan. Kung hindi naging matigas ang ulo niya at umalis agad sila, hindi sana ito mapapaaway para maprotektahan siya. Pero tinawanan lang nito 'yon at sinabing bukod sa ginawa lang nito ang trabaho nito, parang kapatid na rin daw ang turing nito sa kanya.
"Yo."
Nawala ang atensiyon ni Riri kay Kuya M nang umupo sa katapat niyang silya si Stranger. Nakita niya sa likuran ng lalaki si Valeen na mukhang makikisalo rin sa kanila ng mesa, pero hinila ni Disc ang babae papunta sa mesa nina Kuya M at Lola Sinang.
"Tita."
Tinapunan ni Riri ng masamang tingin si Stranger na nakangisi na dahil siguro sa reaksyon niya. "Pamangkin ba kita?"
"Sungit nito," natatawang sabi ni Stranger habang iiling-iling. Pagkatapos, dumako ang tingin nito sa plato niya. Paubos na ang kanin at menudo niya. "Kinain mo talaga."
Kumunot ang noo ni Riri. "Bakit naman hindi ko kakainin ang inihain sa'king pagkain ng lola mo?"
Nagkibit-balikat si Stranger. "Rich kid ka, eh. Alam mo na. Karamihan sa tulad mo, hindi kumakain sa mga karenderia."
"Masarap ang luto ng lola mo," katwiran naman ni Riri. "Saka itinuro sa'kin ng mga magulang ko na kainin kung ano ang nakahain."
"Your parents raised you right, huh?"
"Huwag mo kong i-stereotype," nakaismir na sabi ni Riri, saka ipinagpatuloy ang pagkain. Pero mabilis din siyang nailang dahil napansin niyang nakatitig sa kanya si Stranger. Napilitan tuloy siyang huminto. "May gusto ka bang sabihin?"
Tumango naman si Stranger. "Mabait ka pala 'no?"
Nag-init ang mga pisngi ni Riri. Kukunin sana niya ang baso ng tubigsa gilid ng plato niya para uminom. Pero sa pagkagulat niya, hinawakan ni Stranger ang pupulsuhan niya. Tinangka niyang bawiin ang kamay niya, pero mas humigpit lang ang pagkakahawak nito sa kanya.
Ngumisi si Stranger, pagkatapos ay nilagay nito sa kamay niya ang isang bottled water. "Hindi mineral ang tubig namin dito kaya ibinili na lang kita."
Mas lalo yatang uminit ang pakiramdam ni Riri. "H-hindi naman kailangan..."
"Kailangan," giit naman ni Stranger, saka binitawan ang pupulsuhan niya. "Baka idemanda mo kami kapag sumakit ang tiyan mo. Tiwala ako sa luto ng lola ko dahil alam kong malinis lahat ng ginagamit niyang ingredients at pangluto. Pero wala akong tiwala sa tubig-gripo, kaya 'yan na lang inumin mo."
Tumango na lang si Riri. "S-salamat." Napansin niyang titig na titig pa rin sa kanya si Stranger. Hindi niya alam kung nag-a-assume lang ba siya o ano. "May gusto ka pa bang sabihin?"
Mabilis na tumango si Stranger. "You know, you're strange."
Kumunot ang noo ni Riri. "Why do you say so?"
Matagal bago muling sumagot si Stranger. Nakakunot na rin ang noo nito. "It seems like you can tell when people are lying. Kanina, parang siguradong-sigurado ka na ginugulangan lang kami nina Mang Cristobal."
Napatanga si Riri. Nagulat talaga siya sa mga sinabi ni Stranger. Nalaman ba nito ang tungkol sa "special ability" niya dahil lang sa pag-obserba sa kanya? Kung tutuusin, tatlong araw pa lang silang magkakilala!
He's sharp, huh?
Mabuti na lang at mabilis din siyang nakabawi. May nangyari ng gano'n sa kanya dati kaya alam na niya kung paano i-ha-handle ang gano'ng sitwasyon.
"Malakas lang talaga ang intuition ko sa mga gano'n," paiwas na sagot ni Riri. "Isa pa, anyone can tell that they're lying." Hininaan niya ang boses niya para hindi marinig ni Disc ang sunod niyang sasabihin. "Saka mukha silang kriminal talaga."
Ngumisi si Stranger na nauwi sa mahinang pagtawa. "May point ka."
Napahawak si Riri sa dibdib niya dahil sa pagtawa ni Stranger. Intense na nga itong tumingin, ang cute pa nitong tumawa. Grabe talaga siya. "May sasabihin ka pa ba?"
Tumango uli si Stranger, pagkatapos ay naging seryoso ito. "I'm sorry, Riri Herrera. Sorry na ginawa kong canvas ang kotse mo."
Nagulat si Riri. Hindi niya inaasahan na mag-so-sorry si Stranger kaya wala siyang nasabi.
"Mali kami nang magalit kami sa'yo, kahit na alam naming kami rin naman ang may kasalanan sa nangyari," pagpapatuloy ni Stranger. "Ako ang sinusunod nina Disc at Valeen. Pero himbis na sawayin ko sila, ako pa ang nanguna sa pagpinta sa kotse mo. Mainit kasi ang ulo ko no'n kaya napag-trip-an ko ang sasakyan mo. Alam ko rin na hindi sapat ang sorry ko para mabayaran 'yong damage ng luxury car mo. But you deserve an apology."
Nakagat ni Riri ang ibabang labi. Masyado na siyang nakadepende sa "special ability" niya kaya ngayong nakatagpo siya ng isang taong hindi tinatablan ng kakayahan niya, hindi niya alam kung ano ang dapat niyang gawin.
Maniniwala ba siyang sincere si Stranger sa paghingi nito ng tawad? Pero marami na siyang nakilala na magaling umarte na kahit mga emosyon, napepeke. Kaya ba niyang pagkatiwalaan ang isang tao na ilang araw pa lang naman niyang nakikilala?
Saka maraming dahilan si Stranger para magsinungaling. Puwedeng nagpapakabait lang ito sa kanya para siguro hindi na niya ito singilin sa atraso nito sa kanya. Naguluhan tuloy siya...
How do normal people tell if a person is lying or not? How do I trust this guy? Handa na ba kong magtiwala uli sa ibang tao?
Bumakas ang pagkadismaya sa mukha ni Stranger. "Alam kong mahirap paniwalaan ang pag-so-sorry ko." Dumukwang ito sa mesa at hinarap sa kanya ang kanan nitong pisngi. "Nasaktan kita ng araw na 'yon, physically. Kaya para makaganti ka, sampalin mo ko. Okay lang kahit lakasan mo. Pinagsisisihan ko naman na 'yong mga nagawa ko sa'yo."
Nabigla si Riri sa proposal na 'yon ni Stranger. Sa kabilang banda naman, natuwa rin siya. Hindi niya alam kung magaling lang itong umarte o sincere ito, pero hindi niya 'yon malalaman kung magtatago siya gaya ng ginawa niya no'ng isang taon.
"Sigurado ka bang okay lang na sampalin kita?" paniniguro ni Riri.
Tumango naman si Stranger, saka ito pumikit. "Do it. I won't get mad, promise."
Napatitig si Riri sa mukha ni Stranger. Ang kinis ng mokong. Parang walang pores. Pero bukod do'n, may isang bagay din na gumulo na naman sa isip niya.
Ito ang lalaking hindi ko kayang sabihin kung nagsisinungaling o hindi. He's my weakness. I'm vulnerable against him. Pero... pero may malakas na puwersang nagtutulak sa'kin para magtiwala sa taong ito. It's definitely not my special ability. Hindi ko alam kung ano 'yon. Dapat ko bang sundin 'yon?
Humugot ng malalim na hininga si Riri. Inamba niya ang kamay niya para sampalin si Stranger habang nagdedesisyon sa gagawin niya.
Should I trust this person or not?
Pumikit din si Riri. Nakapagdesisyon na. Himbis na sampalin si Stranger, marahang nilapat lang niya sa pisngi nito ang kamay niya.
Marami na kong experience na nagtulak sa'kin para hindi pagkatiwalaan ang mga tao sa paligid ko. Pero nakakapagod din ang magduda, kahit pa nasasabi ko kung nagsisinungaling o hindi ang mga taong kausap ko. Kahit isang beses pa, gusto ko uling magtiwala sa taong hindi ko dapat pagkatiwalaan. Kung bakit, hindi ko rin alam. Hindi ko pa alam sa ngayon.
"Riri?"
Unti-unting nagmulat ng mga mata si Riri. Hindi na siya nagulat nang sumalubong sa kanya ang guwapong mukha ni Stranger. Nakapagdesisyon na siyang pagkatiwalaan ang taong 'to. Kailangan niya 'yong panindigan.
"You're forgiven," sabi ni Riri, saka marahang tinampal-tampal ang pisngi ni Stranger. "Pero alipin pa rin kita, okay?"
Ngumiti si Stranger. 'Yong totoong ngiti na parang natuwa ito sa sinabi niya. "Walang problema... amo," sabi nito, sabay kindat.
Nabigla si Riri. Ang cute pala ng mga lalaking kumikindat. Hindi tuloy niya sinasadyang mapalakas ang tampal sa pisngi ni Stranger. "Grabe ka!"