KABANATA I: ANNALOU ALARCON
“Best wishes!” Sabi ko habang ako ay nakangiti nang sapilitan.
Isang kaibigan ko na naman ang nakatagpo ng kaniyang makakasama, hanggang sa kaniyang pagtanda at kamatayan. Siya may makapal na kolorete, na masayang-masaya sa kaniyang elegante na gown, habang hawak ang isang bokey. Ilang taon din siyang naghintay bago ang araw na ito.
Matapos ang ilang sandali ay dumating ang isang babae. Siya ay umupo sa aking tabi. Kaagad niyang hinawakan ang mga charts ng kaniyang pasyente. Kaming dalawa ay nasa loob ng Nurse Station I. Hanggang sa napansin niyang nakatitig ako sa hawak kong cellphone.
“Miss Anna, hindi ba’t bago lang nakilala ni Flora ang afam na iyan?” Tanong ni Doc Grace at ngumiti lamang ako.
“Doc, baka hindi talaga Pinoy ang para sa ating mga babaeng malapit nang mawala sa kalendaryo.”
“Handa ka na ba?” Nakangiti siya at hinawakan ang aking balikat. Namumula ang mga mata niya na para bang may naalala. Pinisil niya ang aking balikat. “At bakit hindi ka dumalo sa kasal nila?
Hinawakan ko ang kaniyang charts at inilagay ko sa pulling cart. Tumayo na rin siya at sabay kaming lumabas ng station.
“Hindi ka pa handang umibig.”
“Matagal na po akong naghihintay ngunit nais kong mauna muna kayo sa akin.”
“Mag-rounds na tayo.”
Itinulak ko na nga ang cart patungo sa unang pasyente ni Doc Grace.
Ako nga ay nasa hospital na pinagmamasdan kanina ang larawan sa aking social media timeline. Kasal ng aking kaibigan. Hindi ako dumalo dahil sa wala akong nahanap na mag-duty sa akin ngayon.
Isa akong registered nurse na matagal nang naghihintay ng taong para sa akin. Nabanggit nga ni Doc Grace dati na nagsisi siyang hindi siya lumandi kaagad. Sinunod niya ang kaniyang magulang na mag-aral muna. Naiintindihan ko siya. Hindi totoo na maraming pipila sa iyo kapag professional ka na. Marami ang magkakagusto ngunit matatakot silang ligawan ka. Iniisip nila na hindi ka na maabot ngunit nagkakamali sila. Ipinaparating ko lang, na kahit tambay lang ang nais akong pakasalan ay tatanggapin ko. Kung pwede lamang na babae ang manligaw kaso nakabababa.
Naghihintay naman ako ngunit nakaka-pressure na. Sa katotohanan na naiinggit ako kay Flora kaya hindi ako sumipot. Malapit na kasi ang birthday ko, magta-thirty years old na ako ngunit single pa rin.
“Good morning, Ma’am Macalande, pwede na kita ipa-discharge ngayon.” Balita ng doctor nang kami ay makarating sa Obstetric Gynecology Ward, kung saan naroon ang mga buntis at mga nanganak na pasyente. “Hintayin mo lang ang discharged instructions ng mga nurse.”
“Doc Grace, pwede po bang mag-s*x kahit isang araw pa lang ang panganganak ko?” Katanungan ng pasyente at tumingin na lamang ako sa kisame. Pinigilan ko ang aking tawa. Ang mga ibang pasyente sa loob ng kwarto ay tumawa.
“P-pwede.” Sabi ni Doc Grace na hindi naman talaga naranasan ang s*x.
“Eh hindi po ba ako mabubuntis kaagad?” Follow up question ni Patient Macalande.
“Doc, Nurse, paano po ba humawak ng sanggol?” Katanungan naman ng asawa niyang si Mr. Mautog.
Ayaw ko talagang magkaroon ng mga pasyente na sobrang bata pa. Halata na wala silang alam sa kanilang sinapit. Nagtalik lang talaga at hindi handa sa pagiging magulang. May mga pasyente rin na mas sakit pa sa ulo. Iyong mga umiinom at nagsisigarilyo, pinapahirapan nila kami sa aming trabaho.
Makalipas ang ilang sandali ay bumalik na kami ni Doc Grace sa station. Mabuti na lamang at walang toxic na patient ngayon. Ngunit kapansin-pansin sa doctor ang pag-iiba ng ugali. Iniisip na naman niya ang kaniyang pasyente at ang kaniyang sarili. Gustong-gusto na niyang magkaroon ng anak ngunit tila ba siya ay mananatiling doctor na lamang ng mga buntis.
“Doc Grace, pasensya na po pero itatanong ko lang. Kumusta na ang batang aampunin mo?” Tanong ko at tinitigan niya ako.
“Ang unfair ng buhay. Marami akong pera pero wala akong sariling pamilya. Wala silang pera pero kaya naman nilang itawid ang araw-araw. Gusto kong magkaroon ng anak at may mga babae na pinipili ang magpalaglag.”
“Sorry po!”
“No. Naiisip ko lang yung isang patient natin. Hindi ko alam kung magagalit ako. Hindi natin alam kung bakit siya naging kabit.”
Mas mahirap talaga ang sitwasyon ng aming mga pasyente. Ilang pamilya ang aming inaalagaan para sila ay gumaling. Kaya kahit gaano kahirap ang pinagdadaanan namin ay nagpapasalamat na lamang kami.
Lalaki lamang ang kulang sa akin, may mga kaibigan at pamilya naman ako. May mga tao rin na katulad ni Doc Grace na nakakaintindi sa akin. Tama naman ang desisyon ko kaysa nagkaanak ako nang maaga tapos wala akong maipakain. Kaysa maghanap ako tapos magiging kabit pala. Maari rin na maikasal ngunit sa huli ay hihiwalayan din.
Dumeretso ako sa bahay matapos ang aking duty. Iaabot ko lamang ang kaunting sahod ko sa aking mga magulang. Kinsinas kasi ngayon. Nahihiya rin akong umuwi nang walang pera. Mahirap kasing maging mayaman sa propesyon na pinili ko. Iniisip ko na lang na kahit papaano ay may hinihintay ako. Wala rin kasi akong balak na magtrabaho sa ibang bansa. Kaya pa naman na suportahan ang kapatid kong nasa kolehiyo na.
Mga ngiti ng aking ama ang siyang nadatnan ko. Niyakap niya ako. Matapos ang ilang sandali ay naputol ang kaniyang mga ngiti. Inilabas ko kasi ang pera ngunit tinitigan niya lamang.
“Nak, itabi mo na iyan. May natitira pa ako sa nakaraang sahod mo.”
“Tatay naman, kunwari ka pa at saka nag-message si Tanie na kailangan niya para sa kaniyang thesis.”
“Nabigyan ko na.”
Ano kayang nakain ng aking ama?
Nabanggit niyang gastusin ko na lang daw ang pera para sa aking sarili. Ang sabi niya pa ay mag-travel daw ako, dahil sa malapit na raw akong magkaroon ng asawa. Hindi na raw ako maaring maging maligaya nang mag-isa kapag naikasal na. Napangiti ako nang mapait dahil sa malabo pa ang kaniyang naiisip.
Gustong-gusto na kasi niyang magkaroon ng apo.
“Nay, baka ikaw tanggapin mo ito.” Alok ko ng pera sa aking ina na siyang naghahanda ng pananghalian sa kusina. Nakangiti siya at aking niyakap. Hanggang sa ibaba ko ang aking bag. “Tulungan na po kita.”
“Anak, kaya ko na ito. Magbihis ka na lang.”
Hindi na ako nagdalawang isip na tumungo sa aking kwarto. Nagtataka talaga ako sa mga kinikilos ng aking mga magulang. Hindi naman talaga sila ganito kabait. Ano kayang mayroon?
Sa pagbaba ng araw ay nasa hapag na kaming apat. Kanina pa dumating ang pagod kong kapatid. Inaasahan kong magpapatulong siya sa kaniyang requirements.
“Oh, ate! Magpakabusog ka.” Sabi ni Tanie matapos na lagyan ng pagkain ang aking plato.
“Teka, may kasalanan ka ba o may kailangan ka?” Tanong ko at nilagyan niya pa ng juice ang aking baso.
Hawak ko na ang kutsara at tinidor. Isusubo ko na ang manok at ang kanin. Napansin kong nakatingin silang tatlo.
Isinubo ko ang pagkain.
Sabay silang ngumiti habang nakatingin sa akin. Hindi ko sila maintindihan. Mamatay na ba ako?
“Ate, mamimiss kitang kaaway.”
“Nang-aasar ka ba? Hindi pa naman ako mag-a-abroad.” At tumingin siya sa kulay green namin na kalendaryo.
“Malapit ka nang mag-trenta.” At napainom ako ng tubig sa aking gulat. “Baka naman may gusto kang ipakilala kay nanay at kay tatay.”
Nagkatinginan nang nakangiti ang aming mga magulang. Ngayon ko lamang naiintindihan ang kanilang mga kabutihan. Ngunit hindi ko sila pinansin at nagpatuloy akong kumain. Kinabahan ako nang tignan ako ng tatay, at tila ba bubuka ang kaniyang mga bibig para ako ay kausapin. Muli akong sumubo ng kanin at kaagad na uminom. Ako ay tumayo at kaagad na tumakbo sa malayong banyo.
Nang makarating ako sa comfort room ay pinagmasdan ko ang aking kagandahan. Hindi naman ako panget ngunit baka wala talagang magkakagusto sa akin na lalaki. Isa pa ay hindi ako sigurado kung kakayanin ko ba na matulad sa mga pagdurusa ng aking mga kaibigan.
Nang sumapit ang bagong umaga ay kaagad akong naghanda. Muli akong pumasok sa hospital at ang kaibigan kong si Edissa ang aking kasabay. Hanggang sa dumating nang sabay ang tatlong doctor. Naging abala kami.
“Excuse me, Nurse.” Dinig ko habang nagki-carry out ako ng mga orders sa chart. Abala ako kaya tila ba wala akong naririnig. Kailangan kong unahin ang mga nasimulan ko upang hindi ako matambakan. “Miss, tignan mo naman ako.”
“Sir, ano pong sa atin?” Tanong ko habang ako ay nakatitig sa charts.
“Saan po ba ang room ni Patient Martinez?”
“Sa room 201 po, Sir.”
“Maraming Salamat.”
Napansin ko ang pag-alis ng watcher at siyang pagdating ng aking medicating nurse. Hindi ko alam kung bakit siya ay inabutan ng isang oras sa pagbibigay ng gamot. Nawala ang pukos ko sa chart nang ako ay kaniyang batukan.
“Aray naman, Edissa!”
“Ang taray naman nito. Kaya wala kang boyfriend.”
“Nagsalita ang may boyfriend.”
“Besh, nagkaroon ako ng boyfriend pero ikaw never pa kaya huwag ako.” Pang-aasar niya at umupo sa aking tabi. Nagkatitigan kaming dalawa. Ngumiti siya at muli akong hinampas sa aking balikat. Hindi ko inaasahan na siya ay magawawala sa kilig. “Annalou, ang pogi nung watcher kanina!!!”
Wala akong pakialam.
“Edissa, nandiyan ka na naman sa mga pogi na iyan. Sinasabi ko sa’yo, na kung hindi yan sila mga manloloko ay mga bakla.”
“Paano ka ba magkakaroon ng boyfriend kung hindi mo babaguhin ang mindset mo na iyan?”
Mas gugustuhin ko pa yung mga tambay.
Wala siyang alam.
Ilang sandali ay dumating ang ikatlong kasama namin na duty. Siya ay pinagpawisan sa pagtakbo patungo rito sa station. Kaagad niyang ipinaalam na nag-cardiac arrest ang patient namin sa Room 203.
Binitawan ko ang mga charts. Ibinulsa ko ang phone ng station, isang ballpen at isang papel. Nag-text na ako sa doctor ng pasyente at maging sa Rounds on Duty. Nagmadali na akong kunin ang cardiac board at ang ambubag. Mga gamot naman na Epinephrine sa emergency cart at three milliliters na syringe ang kinuha ni Edissa. Vital signs kit at iba pa ang dinala ng aming monitoring. Nagmadali kaming tumakbo.
Kailangan namin na mag-perform ng cardio-pulmonary resuscitation.
“Miss, excuse me!” Sambit ng isang lalaki at hinarang kami. Hinawakan niya ang dalawang braso ko. Nakatitig siya sa akin.
Nakakainis.
Nagmamadali ako patungo sa Room 203 tapos para siyang nakakita ng dyosa. Dagdag pa sa inis ko ang mga ngiti ni Edissa. Hanggang sa biglang bumilis ang t***k ng aking puso habang napagmamasdan ko ang wangis ng lalaki.
Kayumanggi ang kaniyang mga mata. Makapal ang kilay. Matangos ang ilong. Makinis ang kaniyang mabalahibo ng mukha. At ang kaniyang mga labi ay tila ba kay sarap na kagatin.
“Miss, okay ka lang?” Katanungan ng lalaki at hindi ko namamalayan na lumalapit ang mga labi ko sa kaniya. “Maling room ang nasabi mo sa akin.”
Tumaas ang mga kilay ko at nanlisik ang mga mata ko. Iginalaw ko ang kamay ko upang ako ay kaniyang mabitawan. Sumagi sa isipan ko ang pasyente kong nag-cardiac arrest.
“Pwede bang mamaya na? Kailangan muna namin na puntahan ang toxic namin na patient.” Paliwanag ko at kaagad na akong tumakbo sa Room 203.
Nang makarating ako sa room ay nadatnan kong naikabit na ang pulse oximeter, nasa braso na ng babaeng patient ang sphygmomanometer. Fifty na lamang ang oxygen saturation ng patient at hindi na marinig ang kaniyang blood pressure. Wala na rin siyang pulso. Ikinabit ko na ang ambubag sa oxygen tank at kaagad kong inalagay sa mukha ng patient. Nailagay na rin sa likod ng patient ang cardiac board. Habang hawak ko ang ambubag ay nagsimula nang mag-resuscitate ang kasama kong monitoring. Makalipas ang ilang sandali ay ibinigay na ni Edissa ang first dose ng Epinephrine. Wala pang doctor kaya kailangan naming magtiwala sa aming nursing interventions.
Kanina pa nag-iiyakan ang mga watcher. Gawin daw naming ang lahat ng aming makakaya.
“Continue CPR.” Sabi ko hanggang sa bumukas ang pinto ng kwarto.
Inaasahan namin na isang doctor ang darating ngunit nagkamali ako. Muling bumilis ang t***k ng aking puso nang masilayan ko ang isang lalaki. Dahan-dahan siyang naglalakad. Siya ay luhaan at kaagad na niyakap ang pasyente. Hinayaan namin siya.
Nagkatinginan kami ni Edissa. Dahil ang lalaking dumating ay ang siyang nagtanong kanina. Natatakot akong baka magkaroon ako ng incident report nang dahil sa pangyayari.
“Ma’am Annalou Alarcon, continue performing CPR!” Utos ng doctor na sa wakas ay dumating na.
Ang buong pangalan ko nga ay Annalou Mondalo Alarcon. Isa akong registered nurse. Walang kasintahan. Malapit na ang aking birthday. Ngunit sa ngayon ay kailangan ko munang ibigay ang satisfaction ng aming clients, kahit ang totoo ay wala na talaga ang kanilang patient.
Patay na si Patient Martinez.