Naiisip ko pa rin ang puting sobre na siyang hindi ko pa binubuksan.
Mula iyon sa tatlong lalaki na inaakala kong pwede kong maging kasintahan. Hindi sila pumasa sa akin kaya baka sayang lamang ang kanilang naging effort. Isa pa ay baka may makilala silang babae na maireto sa kaibigan nila. Sa kabila nang pagiging dismayado ko ay na-appreciate ko ang pagiging mabuti nilang mga kaibigan.
Halata naman na single ako, dahil sa naniwala ako sa study first, busy sa work at madali na ma-turn off. Hindi ko na kailangang ipaliwanag pa ang totoong dahilan na ako ay tatandang dalaga. Alam na rin ninyo na gusto ko sa mga may abs.
“Kumusta ang bakasyon mo, anak?” Nakangiti na katanungan ng aking ama.
“Ayos naman po pero parang napasobra ang leave request ko.”
“Huwag mong isipin iyon.” Humakbang na ako sa hagdan upang pumasok sa kwarto nang siya ay lumapit sa akin. “Kung hindi mo pa kayang ipakilala ang boyfriend mo, may ipapakilala ako sa’yo.”
Hindi ko na lang pinansin ang aking ama. Hindi ko pa nakilala ang magiging boyfriend ko. Kung mayroon man talaga ay aasawahin ko na kaagad.
Nakangiti naman ang aking kapatid na naglalagay ng kolerete. Nadatnan ko siyang nakabihis. Mukhang may date na naman siya. Kapag umiyak pa siyang muli ay sasaksakin ko na. Malandi kasi talaga siya, hindi nagmana sa akin na maganda lang.
“Ate, sumama ka sa akin ngayong gabi.”
“Tanie, pagod ako.”
“Hindi kita pipilitin pero sisingilin kita ng pasalubong,” sabi niya at kaagad kong nilapitan. Inilabas ko na lang ang isang damit mula sa resort. Hindi ko nagustuhan ang kaniyang mga ngiti. “Nanggaling ka sa resort na maraming abs. Hindi mo naman ako isinama.”
“Tanie!!!”
“May nahanap ka ba roon? O sasabihin ko na kila tatay na single ka pa rin?”
Kasalanan naman talaga ng magulang ko na mag-isa pa rin ako. Dapat lang sa kanila na wala pa rin silang apo. Naging strikto sila sa akin. Ngayon ay nakikita ko naman na bumabawi sila sa kapatid kong si Tanie.
“Ganito na lang, Ate. Yayain ko ang teacher namin na bumisita bukas. Naghahanap rin iyon ng kasintahan, s***h magiging bride.”
“At gusto mong matanda ang maging first boyfriend ko?”
“Ate Annalou, bago lang nag-trenta ang gwapo kong propesor.”
Matapos siyang mag-lipstick ay kaagad nang umalis.
Nang lumabas ako sa kwarto ay kaagad akong bumaba sa hagdan. Nakasalubong ko ang aking ina na may hawak na kaledaryo. Nakatirik ang kaniyang mga kilay.
Nakakatakot!
“Anong plano mo sa buhay, Annalou? Malapit ka nang maging trenta. Wala ka ring balak na mag-abroad.”
“Nanay, hintayin na lang natin ang birthday ko.”
“Hindi. Huwag mo akong i-surprise. Nag-usap na kami ng Ninong Tino mo. Yung kapitbahay natin sa ikatlong bahay. Uuwi ang anak niya galling Saudi Arabia, naghahanap iyon nang magiging asawa. Wala ka pang ipinakilala sa amin ng ama mo kaya nabanggit kita.”
“Nanay, kung apo lang ang gusto mo ay bibigyan kita. Baka magselos ka kung puro manugang mo lang ang bibigyan ko ng oras.”
“Sinasabi mo bang magpapabuntis ka?”
“Nay!!!”
Hindi ko na natiis ang aking ina. Iniwan ko siya. Lumabas ako ng bahay upang magmuni-muni. Ganito ba talaga kapag lalagpas ka na sa kalendaryo? Kailangan mo nang maghanap ng makakasama sa buhay kahit hindi ka naman talaga handa?
Nabanggit ko lang na pwede akong magbigay ng apo kahit wala akong lalaki. Maraming sanggol ang iniiwan lamang sa hospital at siyang dinadala sa bahay-ampunan. Marami din kaming pasyenteng buntis na nagpapa-counseling dahil sa abortion ideation nila. Madali lang magbigay ng apo.
Hindi naman talaga sila handang magkaroon ako ng asawa. Alam kong alam nilang single talaga ako. Anak nila ako, kilala nila ako at alam nila ang dahilan.
Nagsimula kasi silang maging ganiyan nang ikasal ang unang lalaki na minahal ko. Hindi naman as in minahal, puppy love or childhood crush siguro. Hindi naging kami pero naging special kami sa isa’t isa. Nag-confess siya sa akin, wala naman akong ibang gusto. Ipinalam niya sa aking mga magulang noong patapos na kami ng high school, na gusto niya akong maging girlfriend. Siya ay umuwi na luhaan. Hindi ko na rin siya pinansin pa noong tumungtong kami sa kolehiyo. Marami akong narinig na marami siyang pinaiyak na babae. Hindi siya naging seryoso ngunit ang alam ko ay pinakasalan pa rin niya iyong unang naging girlfriend niya.
Nagulat na lang ako nang magbigay siya ng invitation card sa buong pamilya namin. Dumalo naman ako. Kilala ako ng buong pamilya nila. Sabi raw ng nanay niya ay tama ang naging desisyon ko. Hindi ako nasaktan ng kanilang anak. Habang hinihintay niya ang bride na naglalakad sa kaniya ay nakaramdam ako ng kirot. Pinagmamasdan pala ako ng aking dalawang magulang. Tumulo ang mga luha ko dahil masaya ako. Ngunit napaisip akong matanda na ako. Nang sabihin ng padre na pwede nang i-kiss ng groom ang kaniyang magandang asawa ay nag-walk out ako. Hindi naman ako pinansin ng mga tao. Sino ba naman ako?
“Anak, pasensya na.” Sabi ng aking ina na siyang umupo sa aking tabi. Naamoy ko ang masarap na kape, magaling siyang matimpla. “Nagsisi akong naging strikto kami sa iyo.”
“Tama lamang po ang naging desisyon ninyo. Hindi ako magiging registered nurse kung naging pabaya kayo.”
“Salamat sa pag-intindi anak.” At iniabot niya sa aking ang kape. “Ngunit hayaan mo ang sarili mong kilalanin ang anak ni Tino.”
“Wala pa naman kayong naging desisyon sa akin na naging mali. Baka siya talaga ang para sa akin.”
Niyakap ako ng aking ina hanggang sa pumasok na kami sa loob ng bahay. Nakita namin ang aking ama. Niyakap niya rin kaming dalawa. Natigil ang aming moment nang ipaalala ng tatay ang lalaking ipapakilala niya sa akin.
Tatlong lalaki nga ang muli kong makilala sa susunod na mga Kabantata bago ang aking nalalapit ng kaarawan.
Isang lalaki na siyang dating nambu-bully sa akin noong elementary. Ngayon ay mayroon ng sariling bahay matapos na mag-abroad sa Saudi Arabia. Siya ay ang anak ni Ninong Tino na si Edgar. Ang nais naman na ipakilala sa akin ng aking ama ay isang tambay ngunit tiyak kong may abs. Si Limuel na matagal nang nanliligaw sa akin ngunit hindi ko talaga gusto. Hindi alam ng aking magulang na kasalanan ko na siya ay naging pariwara. Ngunit kung siya ang para sa akin ay susubukan kong tulugan siyang ituwid ang kaniyang maling desisyon sa buhay. Ikatlo naman ay ang propesor ni Tanie na halos kasing-edad ko.
“Maari ko bang malaman ang pangalan ng iyong propesor?” Text message ko sa aking kapatid.
“Excited naman nito!”
“Sasaibihin mo o isusumbong kita?”
Bago pa mag-reply ang aking kapatid ay naalala ko ang puting sobre. Nagmadali akong tumakbo sa hagdan. Hinanap ko ang papel nang makabalik ako sa aking kwarto. Nang mahawakan ko ay dumating ang reply ng aking kapatid.
“Malik.”