Punong-puno ang Hall of Justice ng San Sebastian. Halos wala nang maupuan sa loob dahil sa dami ng taong gustong makibalita. Ang mga reporter naman ay siksikan at kanya-kanyang pwesto para makuha ang pinakamagandang anggulo ng video. Ramdam na ramdam ang kaba at tensyon sa buong paligid dahil alam ng lahat na hindi ordinaryong kaso ito. Ngayong araw ang unang pagdinig para sa mga kasong tangkang pagsunog at pananakot na isinampa laban kay Paula Albarando. Pumasok si Roxie sa loob ng korte kasama ang kanyang pinsan na si Marcelito. Kasama rin nila ang kanyang batikang abogado mula sa New York na si Atty. Pierce. Napakalinis tignan ni Roxie sa kanyang suot na puting suit. Seryoso ang kanyang mukha at bakas ang pagiging matatag. Naupo siya sa panig ng nagrereklamo at pilit na hindi tinitign

