ENTRY #1: Nilalang sa Dilim
NILALANG SA DILIM
Madilim na pasilyo ang siyang tanging bumungad, sa paghampas ng kung anong bagay ang labis kong ikinagulat. Wala na iyon kanina ngunit tila yata't ako'y pinaglalaruan. Labis-labis ang kabang naramdaman. Pero heto ako ngayon, muling tinatahak ang madilim na daan at walang kasiguraduhan. Nang marating ang kalagitnaan ay unti-unting nangamoy ang tila mga nauupos na kandila.
Tanging pananayo ng mga balahibo ang karamay at kaagapay sa madilim na pasilyo na tila walang hangganan. Yakap ang sarili, pilit inaaninag ang nilalakaran. Dagling huminto, sa malamig na hangin na humampas sa aking kanang pisngi. May pagtataka akong lumingon sa kung saan. Walang kahit anong siwang ang siyang puwedeng pasukan ng hangin. Dahil sa naiisip ay mabilis akong napatakbo. Madilim man ay akin nang winaglit sa isipan.
Tama na!
Ayoko nang isipan pa!
Ang mahalaga ay makalayo ako rito.
Padarag akong napahinto ng muling maramdaman ang walang kasing lamig na hanging nakapaghahatid nang kilabot sa aking mga kalamnan. Kasabay niyon ang pagsulpot ng nilalang na may nangingislap na mga mata at may mga nakausling pangil.
Unti-unti akong napaatras, siya naman ay mabibigat ang mga paang umaabante palapit sa akin. Sa huling pag atras, hindi ko inasahan na mapapatid ako sa sariling kagagawan. Sapo ang pang upong nasaktan... nanatili ako sa gano'ng posisyon at muling umatras. Nang siya'y ngumisi ay para bang gusto ko nang panawan ng ulirat. Sa isang iglap lang ay nakaluhod na siya sa aking harapan. Nakataas ang kamay na may nanghahabang mga kuko. Marahas na hinawakan ang aking baba. Kalaunan, marahang hinaplos ang aking pisngi.
“Akala mo ba makakatakas ka? Tapos na akong makipaglaro. Iuuwi na kita kung saan ka nararapat.”