Months later...
"Bumangon ka na diyan at simulan mo ng maglakad-lakad!"
Ang sigaw ni nanay ang nakapagpagising sa akin. Alas-sais pa lang ng umaga pero heto at ang taas na ng energy kung makasigaw.
Kaya bago pa madagdagan ang mga sasabihin niya ay dali-dali na akong bumangon.
Pinusod ko ang buhok ko at dali-dali ng lumabas upang simulan ang paglalakad.
Kalahating kilometro ang lalakarin ko ngayon, papunta at pabalik.
Maaga pa at mahamog, pero heto at kailangan ko ng maglakad. Gising na din naman ang ibang mga tao para sa kanya-kanya nilang gawain sa bukid.
Ang iba nga ay nasa labas na ng kanilang bahay, nagkakape at pinagtitinginan ako na may halong panghuhusga.
Ilang buwan na din na ganito sila sa akin, kaya nasanay na ako.
Naging ugali na din yata nila ang ganito, na kahit kamag-anak . . . kung may nagawang mali, sila pa talaga ang mag-uunahan na huhusga sayo, o magtsismis sayo sa ibang mga tao.
Diretso lang ang tingin ko sa daan na tinatahak ko. Hindi ko puwedeng bilisan dahil mabilis akong hingalin.
Medyo basa din ang lupa, kailangan kong maging maingat sa paghakbang, baka madulas ako.
Isang buwan na din akong araw-araw na naglalakad tuwing umaga. Sabi nila, mainam daw para sa buntis na malapit ng manganak na maglakad-lakad.
Kabuwanan ko na kaya kailangan kong magtagtag.
Pabalik na ako nang matanaw ko sa unahan ang tiyuhin ni nanay. Dahil may hamog pa sa paligid, hindi niya ako agad nakilala.
Ilang buwan ng hindi maayos ang sinasabi niya sa akin, kaya hindi ko alam kung paano siya pakikitunguhan. . . Hindi ko alam kung babatiin ko ba siya o dededmahin na lang.
Nang magkasalubong na kami ay tumigil siya sa paglalakad, kaya tumigil din muna ako upang ngitian siya.
Hindi ko alam kung paanong bati ang igagawad ko, dahil sa totoo lang masakit ang mga salita na sinabi niya sa akin nitong nakaraan. Dinadayo pa niya si Nanay sa bahay upang kutyain ako dahil sa sitwasyon ko. Kaya naman nadagdagan pa ang inis sa akin ni nanay.
"Ikaw pala yan, Abigail," bati niya habang tinitignan ang tiyan ko.
"Opo, Lo," sagot ko at tipid na nginitian siya.
"Tsk, sinayang mo lang ang ganda at talino mo." Pumalatak siya.
Heto na naman siya. Pumikit ako sandali, dahil pakiramdam ko mapipigtas na talaga ang pagtitimpi ko sa matandang 'to. Baka makalimutan ko na kamag-anak ko siya.
"Saan po ang punta niyo, Lo?" pag-iiba ko ng usapan.
Ayaw kong sumama ang loob ko. Baka mapaanak ako ng wala sa oras, dahil sa inis.
"Diyan lang sa may tindahan bibili ng kape," sagot niya. Tumango lang ako. Nagpaalam at sinimulan nang maglakad pabalik ng bahay.
May isang kilometro pa ang layo ng nag-iisang tindahan dito sa purok namin. Ang susunod na tindahan ay sa highway na, may dalawang kilometro ang layo.
Hindi naman masasabi na mahirap ang buhay ng mga tao dito, dahil nakakakain naman ng tatlong beses sa isang araw.
Pero kung ang pagbabasehan ay ang mga tiyahin at tiyuhin ko na may malalawak na palayan, masasabi kong isa na kami sa pinakamahirap dito sa amin.
Kulang one fourth hectare na lang ngayon ang sinasaka ni tatay, dahil ang iba naming sakahan ay naibenta na.
Pinunasan ko ang pawis na tumutulo sa aking mukha. Umupo ako sa duyan dito sa labas ng bahay.
Hinaplos ko ang bilugan kong tiyan, dahil nararamdaman ko na naman ang paglilikot ng aking baby. Napangiti ako.
Malapit ka ng lumabas baby ko, isip-isip ko.
"Talagang tuwang-tuwa ka pa sa sinapit mo, ha!" sigaw ni Nanay na nakatunghay sa akin sa may hamba ng pintuan ng kusina.
Nakaismid na naman siya. Araw-araw na lang na ganito siya sa akin.
Tinikom ko ang bibig ko. Ilang buwan ng ganito ang pinagsasabi niya sa akin. May mas malala pa nga minsan.
"Napakalandi mo talaga! Iyan ang idinayo mo sa baguio? Mag-aaral tapos uuwing buntis at walang mapakilalang ama?!"
Hayan na naman siya. Siguro magiging linya na niya ito hanggang sa pagtanda ko.
Sa labis na kabiguan na binigay ko kanila, kulang na lang ipagtabuyan o kaya patayin nila ako.
"Hay naku, Abi! Sunog ka sa kaluluwa ko!" nayayamot niyang sabi saka siya pumasok sa loob ng bahay.
Napabuntong hininga na lang ako.
Pinigilan ko na tumulo ang mga nangingilid kong luha.
"Anak, paglaki mo, maging mabuti ka sanang bata. Huwag mo akong bibiguin gaya ng ginawa ko sa mga magulang ko," bulong ko habang hinihimas aking tiyan.
NAGULAT na lang ako nang ihagis sa akin ni nanay ang mga labahan.
"Oh, labhan mo ang mga pambukid ng tatay mo para magkasilbi ka!" Mangiyak-ngiyak kong dinampot ang mga maruming damit ni Tatay upang labhan sa may ilog. May ilang metro ang layo nito mula dito sa bahay.
Wala kaming poso kaya doon kami naglalaba. Ang inuming tubig naman ay nakikiigib lang kami sa bahay ng aking tiyahin na may sampung metro din ang layo mula sa amin.
Pinilit kong ngumiti sa kabila ng kirot na naramdaman ko sa aking dibdib.
Magiging okay din ang lahat. Kaya mo iyan, Vashti, pagpapalakas ko ng aking loob.
Kasalukuyan kong inaayos ang mga baru-baruan ng baby na nahiram ko sa pinsan ko.
Malaki na kasi ang anak niya, kaya pinahiram niya sa akin ang mga naitabi niyang mga baru-baruan at lampin, para hindi na bumili pa sina tatay.
Mabuti at may nahiram ako, dahil kung hindi makakatikim na naman ako ng mahabang sermon mula kay nanay, bago siya magbitaw ng pera na pambili ng gamit ni baby. Nahihiya na din talaga ako sa kanila. Kung may magagawa lang sana ako. Kung may puwede lang akong pasukan na trabaho.
Naawa na lang din sa akin ang isang pinsan ko, dahil binigyan niya ako ng pera. Binili ko ito ng bulak, alcohol at iba pang kailangan ni baby.
Nagpapasalamat ako dahil kahit paano, may ilan pa din sa kamag-anak ko na may malasakit sa akin.
"Aray," daing ko nang biglang sumakit ang tiyan ko. Napasobra yata ako ng kain ng hinog na papaya kanina.
Tinigil ko muna ang aking ginagawa ko upang makapagbanyo. Pero hindi naman ako nadudumi.
Bumalik ako sa aking ginagawa. Pagkatapos ng isang oras, habang nag-sisiga ako ng mga winalis kong tuyong dahon, bigla na namang sumakit ang tiyan ko.
Dumiretso na naman ako ng banyo. Pero wala talaga.
Nakita ko si nanay na nakatanaw sa akin mula sa may duyan.
"Bakit? Sumasakit na?" tanong niya.
Umiling ako bilang sagot.
NAGLAKAD-LAKAD ako dito sa likod ng bahay, upang maibsan ang sakit na nararamdaman ko.
Nagiging madalas na ang pagsakit, pero agad din namang nawawala. Hinimas ko ang tiyan ko, nabasa ko kasi sa libro na nakakapag-cause daw ng contraction, ang paghimas sa tiyan.
"Baby huwag mong pahirapan si mama, ha," bulong ko.
Nagdesisyon ako na dito na lang sa bahay manganak. Hindi na sa ospital upang hindi na gumastos sina Nanay.
Nasa dalawang oras na yata ako dito sa likod ng bahay. Kahit malamig ang ihip ng hangin na dala ng hanging amihan, pinagpapawisan pa din ako.
Panay-panay din ang pagpunta ko sa cr para umihi. Nang every five minutes na ang paghilab ng tiyan ko, pumasok na ako sa loob ng bahay.
Binitbit ko ang arenola dahil maya't-maya akong naiihi.
Humiga ako dahil hindi ko na maintindihan ang sakit, sinisikap kong hindi maglikha ng ingay. Nilabanan ko ang sakit at pinilit na huwag maiyak, dahil tiyak na hindi iyon makatutulong sa sitwasyon ko.
NAGISING ako dahil sa matinding kirot at paninigas ng aking tiyan. Sobrang sakit na talaga!
Panay ang dasal ko sa Diyos, upang humingi ng tulong.
Halos hindi na ako makabangon, para umihi sa arenola sa may paanan ng papag.
Sobrang kirot!
Hanggang sa biglang nagdilim ang paningin ko. Akala ko katapusan ko na, pero salamat sa Diyos at hindi ako nawalan ng malay.
Ngunit napansin ko na parang hindi na matapos-tapos ang ihi ko.
Naku, pumutok na ang panubigan ko! Agad na akong tumayo, upang mahiga ulit sa papag, baka mahulog ang baby ko sa sahig.
Nakita kong sumilip sa akin si nanay at linapitan ang arenola.
"Naku, manganganak ka na!" tarantang sabi niya.
Nang maramdaman ko na kailangan ko ng umire. Umire na ako nang umire.
Nagmamadali namang lumapit sa akin si Nanay, hawak ang kumot. Nilagay niya ito sa aking paanan.
Sumisigaw na din siya. Tinatawag si Tatay at Tita ko na nasa katabing bahay.
Napaiyak ako nang marinig ko ang iyak ng aking anak.
"Salamat po, Diyos ko!"
Nilapag ni Tita ang baby sa aking tabi.
Napakaguwapo niya. Ang tangos ng kaniyang ilong. Napakaputi din niya.
"Baby boy. Napakaguwapo," sabi ni tita. Hindi ako nakapagpa-ultrasound noon, kaya hindi namin alam ang gender ng baby ko.
Kaya laking pasalamat ko na malusog at normal ang aking baby.