Alas-tres ng madaling araw, nang magising ako dahil sa iyak ni baby.
Binuhat ko siya para mapadede, pero agad akong natigilan nang maramdaman ko ang mainit niyang temperatura.
Naku! May lagnat siya!
"N-Nay," tawag ko kay Nanay. "May lagnat po si Jaxon!"
Agad naman kaming pinuntahan ni Nanay.
May dala-dala siyang basang bimpo. Agad niyang pinunasan sa katawan ni baby, bago niya nilagay ang basang bimpo sa noo nito. Mapulang-mapula ang labi ng aking anak dahil sa taas ng kaniyang lagnat.
Hindi ako nakatulog sa magdamag. Karga ko ang may lagnat kong anak hanggang mag-umaga.
Bumababa ang temperatura niya, pero hindi nawawala ang kaniyang lagnat.
Dahil wala kaming pera, hindi namin siya mabilhan kahit paracetamol man lang.
Naiiyak ako sa sitwasyon ko. At ang nanay ay nagsimula na namang sermonan ako.
"Sana pinili mo man lang ang lalakeng pinagpabuntisan mo! Iyong lalakeng kaya kang panindigan! Hindi iyong nagluwal ka ng bata sa mundo at magiging kaawa-awa lang!"
Tama naman si Nanay. Pero sana huwag na lang niya itong sabihin sa akin ngayon dahil nanghihina na ako dahil sa labis na pag-aalala sa aking anak.
Maghapon niya akong sinermonan. Pinagkibit balikat ko na lang ang mga sinasabi niya, dahil mas nag-aalala ako sa kalagayan ni baby.
"Ate, may paracetamol ka ba dyan para sa baby?" tanong ko sa pinsan ko na mayroong three months old na anak.
"Oo, meron." Inabot niya sa akin ang gamot. "Palitan mo na lang," sabi niya.
PAGSAPIT ng hapon, bumuti na ang pakiramdam ng aking anak. Marahil sa gamot na nainom ay naging maayos na siya.
"Bakit ngayon mo lang sinabi sa akin? Dapat nag-text ka para napadalhan kita ng pera pampa-check-up kay baby," sabi ni Ellie mula sa kabilang linya.
"Sinabi ko lang naman sa'yo, kasi alam mo naman na ikaw lang ang nakikinig sa akin. Gusto ko lang ng mapagsabihan kasi nahihirapan na ako," naiiyak kong sagot sa kaniya.
Pakiramdam ko napaka-walang kwenta kong ina, dahil hindi ko man lang mabilhan ng gamot ang aking anak.
"Padadalhan kita ng pera bukas. May ID ka ba? O kay tito ko na lang ipadala?"
"Huwag na, Ellie, maayos naman na si baby," tutol ko. Sapat na sa akin na may nakikinig sa mga hinaing ko lalo na at wala naman akong kakampi dito sa amin.
"Kailangang may pera kang nakatabi in case of emergency. Alam mo naman na malaki ang utang na loob ko sa'yo. Utang ko sa'yo ang pangalawang buhay ko."
Umiling ako. Kahit sino naman ganoon ang gagawin kapag may makitang tao na nangangailangan ng tulong.
"Kusa kong ginawa iyon, Ellie. Hindi ako naniningil ng kabayaran."
Eksaherada siyang bumuntong hininga.
"Hindi para sa'yo ang pera. Para sa inaanak ko kaya tanggapin mo, okay? Bumili ka ng mga kailangan niya. Bumili ka din ng panty mo, baka maluwag na garter niyan." Tumawa siya.
"Huwag ka ng kumontra, love you. Bye."
Pinutol na niya agad ang tawag, dahil alam na alam niya na tututol ako.
Nagpadala nga si Ellie ng pera kinaumgahan. Malaki ang pinadala niya.
Laking pasalamat ko, dahil nakatagpo ako ng kaibigan na kagaya ni Ellie.
ILANG araw na akong kumukuha ng tamang tiyempo para magpa-alam sa aking mga magulang.
"N-Nay. . ."
Bukas ay darating si Ellie dito sa amin. Magbabakasyon siya ng ilang araw. Plano ko sanang sumama sa kaniya sa Manila upang magtrabaho.
"Bakit?" mataray na sagot ni nanay. Parang umurong tuloy ang dila ko. Wala pa nga pero nakaangil na siya agad.
"M-Magpapa-alam po sana ako. . . Plano ko pong lumuwas. . . Maghahanap po ako ng trabaho sa Manila. Iiwan ko sana si Jaxon. . . sa inyo," kabado kong pakiusap.
Tinitigan niya ako ng seryoso. Pigil hininga ko namang hinintay ang isasagot niya.
"Ano'ng alam mo sa paghahanap buhay? Dumito ka na lang at mag-alaga sa anak mo. Iyan ang pinili mong buhay!" Diin na diin ang pagkabigkas niya ng mga salita.
"Sige na, 'Nay. Payagan niyo na po ako. May apartment si Ellie sa Manila, e. Sabi niya doon daw ako tumira para hindi na ako mangupa-"
"Aba! At naplano mo na talaga, eh, no! Eh, kung 'yang pagbubuntis mo ng maaga ang plinano mo sana ng maayos! E di, sana hindi ganito ang kalagayan mo ngayon!"
Bagsak ang balikat ko sa mga sinabi ni Nanay. Mabubulok na yata talaga ako sa lugar na ito.
"Bakit ano 'yan?" tanong ni Tatay. Kararating lang niya galing sa bukid.
"Wala, pinagsasabihan ko lang 'tong malanding babae na ito. Magpapabuntis lang naman pala! E di sana, hindi na lang nag-aral."
Masamang tumingin sa akin si Tatay.
Naiyak ako sa sama ng loob.
Agad akong nagtipa ng mensahe para kay Ellie.
"Hindi ako pinayagan ni Nanay."
Agad namang nag-reply ang kaibigan ko.
"Bakit? Para naman sa anak mo iyon ah. Para din makatulong ka sa kanila."
Umiiyak akong nagtipa.
"Ano daw ang alam ko sa paghahanap buhay. Gustong-gusto ko talagang magtrabaho, para naman hindi maging kawawa ang anak ko."
Dumating si Ellie. Kaya pansamantala kong nakalimutan ang pasan kong hirap.
"Ang dami mo namang dala, baka naubos na ang pera mo," sabi ko habang tinitignan ang mga pasalubong niya para sa amin.
"Kaunti nga lang ito, e. Dinamihan ko na ang gatas at diaper." Makahulugan niya akong tinignan.
Napalinga-linga naman ako sa paligid baka marinig ni Nanay ang pinag-uusapan namin. Ang lakas pa man din ng pakiramdam niya.
"Pogi." Pinanggigilan niya ang pisngi ni Jaxon.
"Kamukha mo. Pero ang ilong at bibig. . . Hindi sayo nakuha."
Tinaasan niya ako ng kilay.
"Sino ang daddy mo?"
Tinampal ko ang braso ni Ellie. "Marinig ka ni Nanay!" Mahinang saway ko sa kaniya.
Sumimangot naman siya.
"Hindi mo ba talaga maalala ang mukha ng lalake?"
"Sssh!" saway ko. Sinabi ko naman na sa kaniya na hindi ko talaga maalala. Basta nagising na lang ako noon kinaumagahan, nasa isang hotel room ako. Mag-isa.
Nakangiti kong pinagmasdan ang anak kong naglalaro.
Masayang-masaya siya dahil sa mga pasalubong na laruan at damit ni Ellie.
"Kapag nag-work si Mommy mo, mas madami pang laruan ang bibilhin niya para sa'yo," bulong ni Ellie sa aking anak.
PINAGMAMASDAN ko ang tulog kong anak. Hindi ako nakatulog sa magdamag, dahil sa mga bagay-bagay na bumabagabag sa akin. Masinsinan kaming nag-usap ni Ellie kahapon. Nakapagplano na din kaming dalawa.
"I love you, anak," bulong ko sa tenga ng natutulog kong anak bago ako bumangon at lumabas ng bahay.
Alas-singko na ng umaga at nagsisimula nang lumiwanag. Tulog pa sina Nanay at Tatay.
Napili namin ni Ellie na umalis ng ganitong oras, dahil mas mahirap tumakas kapag tinaon namin na hapon o kaya gabi. Wala ka kasing gaanong sasakyan kapag ganoong oras.
Wala akong dalang damit. Ang mga ilang mahalagang papeles lang na gagamitin ko sa pag-apply ng trabaho. Bibigyan na lang daw ako ni Ellie ng mga damit niya na hindi na niya
nasusuot.
Tipid akong nginitian ni Ellie na naghihintay sa akin sa labas ng bahay.
Tumango siya bago kami nagsimulang maglakad. Binilisan namin ang paglalakad. Habang palayo ako nang palayo, ramdam ko ang pamimigat at paninikip ng aking dibdib.
Patawarin niyo ako, Nay, Tay, Jaxon. Nagsimulang pumatak ang mga luha mula sa aking mga mata.
Nang makarating kami sa highway, inakbayan ako ni Ellie.
"Kaya mo 'yan, patatagin mo lang ang loob mo. Hindi ako magandang impluwensyang kaibigan, pero itong gagawin natin ay para naman sa inyong mag-ina."
Tumango-tango ako. "Tara na. Baka may makakita pa sa atin."
Pumara kami ng tricycle na maghahatid sa amin sa karatig bayan. Doon kami sasakay ng bus papuntang Manila.
Sorry, Anak. Para sa'yo itong gagawin ko.
Sobrang bigat ng aking dibdib ngunit kailangan kong umalis. Walang mangyayari sa buhay namin ng aking anak kung mananatili ako doon. Bukod sa wala akong trabaho, nitong nagdaang mga araw mula nang magbuntis ako, pakiramdaman ko durog na durog na ang buo kong pagkatao dahil sa sari-saring stress. Kung wala ang anak ko baka nabaliw na ako.
Gising ako sa buong byahe. Kapag ganiyan na tutulo na ang aking luha, pilit kong chini-cheer ang aking sarili. Kailangan kong magpakatatag. Bukas na bukas din, pagdating ko ng Maynila, maghahanap ako agad ng trabaho para makapagpadala ako, para kahit paano hindi na ako sumbatan ng aking mga magulang dahil sa aking nagawang panibagong kasalanan sa kanila.