Kamuntik pa akong maligaw papunta sa address na binigay sa akin ni Ate Rose. Nakalagay naman na ang buong address pero malay ko ba kung paano makarating dito.
Napatingin ako sa mataas na gusali sa aking harapan. Ang taas. Ilang palapag kaya ito? Dito nakatira si Ate Rose at ang asawa niya.
Nagtanong-tanong ako sa mga guwardya at pati na din ang mga janitor na nadaanan ko, pagpasok na pagpasok ko ng gate.
Pagdating ko sa entrance nang tinuro nilang gusali sa akin, nagtanong ulit ako sa guwardya.
"Ito po ba ang A... Am..."
Paano ba 'to basahin?
"Opo, Amethyst tower po," sagot naman nito. Napansin siguro na hirap akong bigkasin ng pangalan ng gusaling ito. Hindi na ako pinahirapan pa.
Tumango ako. "Opo, Ma'am. Ano po ang sadya nila? For staycation po?" Staycation? Ano ba iyon?
"Ah..." Nilabas ko iyong binigay sa akin ni Ate na papel.
"Ah..." Mukhang kilala naman niya si Ate Rose. Sabagay, mayaman iyon. Mayaman ang napangasawa niya.
Hinatid niya ako sa babae na nasa mesa. Pinasulat naman sa akin ng babae ang aking pangalan, number at pinapirma pa ako.
Hiningan niya ako ng ID.
Nagmamadali ko namang nilabas ang aking wallet mula sa aking bag. Napatanga siya nang makita niya ang binigay kong ID.
Hindi ko ba kamukha? Mas maganda na kasi ako ngayon, kaysa nang grade three pa lang ako. Sabi nga nila nakakaganda ang tubig sa Maynila.
"Wala ka pong ibang ID, ma'am?" Huh? Aanhin ba niya ang ID ko?
"Ako po iyan..." Ba't ba ayaw niyang maniwala na ako iyon?
Ginaya ko iyong ngiti ko sa ID ko para patunayan sa kanya na ako iyon.
Iyong isa ay pansin ko na nagpipigil ng tawa. Nagkamot naman ng ulo iyong isa.
Napatingin iyong isa sa papel na binigay ko kanina.
"Tawagan mo na lang si Ma'am Rose," sabi niya sa kasama niya.
Habang tinatawagan niya si Ate Rose, napalinga-linga naman ako sa paligid. Sa mga tao na dumadaan.
"Ma'am, are you expecting Miss Annit Malbog po?" tanong nito habang nakakunot ang noo na binabasa iyong pangalan na sinulat ko sa papel kanina.
"Okay po, Ma'am,"
Binaba na niya ang telepono.
"Okay na po, Ma'am."
Tumango naman ako.
"Saan po iyon?"
Inabot niya sa akin iyong papel na galing kay Ate Rose.
"Penthouse po, Ma'am," sabi niya sa akin. Tinuro niya sa akin iyong dulong bahagi.
Penthouse... Penthouse. Sinundan ko ang mga tao na kapapasok lang. Nagpunta sila sa dulo. Baka sa penthouse din sila pupunta.
Bakit ang daming pintuan? Anim na pintuan ang narito.
Saan kaya ang papunta sa penthouse sa mga ito?
Bahala na nga. Ayaw ko namang isipin nila na tanga ako, kaya hindi na lang ako nagtanong pa. Pumasok ako sa isang pintuan na kaunti lang ang tao.
Alam ko 'to, e. Pero hindi ko alam kung ano ang tawag dito.
Nang magsara ang pintuan at gumalaw, napakapit ako sa dingding. Medyo nahilo pa ako, parang babaliktad ang aking sikmura.
Nakahinga ako nang maluwag nang huminto ito. Lumabas ang tatlong babae. Nataranta pa ako dahil akala ko mag-isa na lang ako, pero may naiwan pa palang isa.
Lalake. Busy ito sa kaniyang celphone. Nagsara ang pintuan at nagsimula na namang umandar. Kahit mahilo-hilo, nilapitan ko ang pindutan upang hanapin ang penthouse.
Basta ang alam ko kailangan mo itong pindutin para iakyat ka niya sa palapag na pupuntahan mo.
Ang hirap namang maging tanga. At mahirap ang walang pinag-aralan. Hindi ako nakapagtapos ng pag-aaral at hindi din ako katalinuhan. Sabi nga nila puro ganda lang ako, pero papayag ba naman ako na puro ganda lang ako? Kaya sinamahan ko na lang ng sipag para balang araw umayos din ang buhay namin. Kailan kaya iyon?
"Penthouse..."
"Penthouse..."
Malapit na akong mabaliw.
"Saan ba ang penthouse dito?" mahinang anas ko habang iniisa-isa ang madaming pindutan.
"Ano ba ang pipindutin kung penthouse ang pupuntahan?" tanong ko. Sinadya ko talagang iparinig sa lalakeng nasa likod ko baka sakaling tulungan niya ako.
"P."
Natigilan ako. Ano daw?
"P. Penthouse," sabi niya. Ah.
Okay.
Hinanap ko ang P.
P.
P.
UG.
LG.
Bakit walang P?
Tumunog ang pintuan. Huminto at nagbukas. Lalabas na ata ang lalake. Teka, maiiwan na akong mag-isa dito. Saan ba ang penthouse?
Tatawa-tawa ang lalake na humakbang.
"Teka, mister!" Nataranta na ako.
Bago tuluyang lumabas, pinindot niya ang 54. Dinig ko pa ang tawa niya. Hindi na siya lumingon pa kahit nang magsara ang pintuan.
Nang huminto ulit ang elevator lumabas na ako. Sana lang ay nasa penthouse na ako.
Sakto namang may nakita akong isang babae na may hawak na map.
"Ate, penthouse po ba 'to?"
"Opo." Ngumiti ito at tumango. "Kay Ma'am Rose po ba?"
"Opo." Tinuro niya sa akin iyong pintuan sa kaliwang bahagi.
Nakahinga ako nang maluwag. Salamat naman at nakarating din ako. Nagmadali na akong naglakad.