Umuwi ako sa condo unit ko upang kumuha ng ibang gamit. Bihira lamang akong nauwi rito pero sigurado akong ini-lock ko ang pinto.
Imposibleng magawi rito si Alex upang pumasok dahil hindi naman ugali niyon ang pumasok ng walang pasabi sa’kin.
Pinihit ko ang seradura ng pinto saka pinindot ang switch ng ilaw pagpasok ko.
Kasabay nang pagbaha ng liwanag sa paligid ay ang pagkakita ko sa bulto ni Erick.
“Pa’no kang nakapasok dito?” galit kong tanong sa lalaki.
“Calm down, Angela!” nakangisi niyang tugon.
Matagal nang nanliligaw sa’kin si Erick, ngunit hindi ko iyon binibigyan pansin. Bukod sa pangit ang kaniyang ugali ay hindi ko rin makapa sa puso ko ang spark na katulad ng nararamdaman ko para kay Sandro.
Si Erick ang dahilan kung pa'no ko nalaman ang lahat ng dahilan nang pagkamatay ni Angeline. Binigyan niya ako ng patunay na mag-uugnay kina Sandro at Angeline pati na mga larawang nagpapakita nang pagpasok ng dalawa sa loob ng hotel.
“Nandito lang naman ako upang ipaalala sa’yo ang kasalukuyan mong sitwasyon. Mukhang nakalimutan mo na yata ang totoong dahilan kung ba’t ka kasama ngayon ni Sandro Dela Cruz.”
Tumayo siya mula sa pagkakaupo sa sofang nakalagak sa gitnang bahagi ng condo unit saka dahan-dahang naglakad palapit sa’kin.
“Ano’ng ibig mong sabihin?” asik ko sa kaniya.
“Ikaw ang huling taong kinausap ng kapatid mo tungkol sa kaniyang kasintahan dahil alam niyang pakikinggan mo siya.” Umangat ang kamay niya sa’king pisngi at masuyong humaplos doon.
Natigilan ako kasabay ng dahan-dahang pagbagsak ng mga luha mula sa’king mga mata. Hindi ko napigilan muling maalala ang huling sandalling nakausap ko si Angeline.
“Namatay si Angeline na puno ng hinanakit at hinagpis ng dahil sa kagagawan ni Sandro.” Humakbang si Erick dahilan para mas mapalapit siya sa’kin ng husto. “Nangako ka sa harapan ng puntod ng kapatid mo na maghihiganti sa lalaking iyon upang muling ibalik ang sakit na naranasan niya, ngunit anong nangyayari sa’yo at tila wala ka na yatang plano pang isakatuparan iyon.”
“Anong karapatan mong sabihin sa’kin iyan gayong wala ka namang alam sa mga nangyayari?” asik ko sa kaniya sabay tabig ng kamay niyang nakasapo sa’king pisngi.
“Marami akong alam sa namamagitan sa inyong dalawa ni Sandro, gaya na lang ng kung paano mo isinuko sa kaniya ang iyong sarili.” Tumaas ang isang sulok ng kaniyang labi at puno ng pagnanasang tumitig siya sa’kin.
“B*stos!” Lumagapak ang palad ko sa pisngi niya kaya tumabingi ang kaniyang ulo.
Nanlilisik ang mga matang ibinaling niya sa’kin ang kaniyang tingin at saka mariing hinaklit ang braso ko sabay siil ng halik sa aking labi.
Nandidiri ang pakiramdam ko nang malasahan ang kaniyang laway kaya mariin ko siyang kinagat sa ibabang bahagi ng kaniyang labi. Buong pwersa ko siyang tinuhod sa kaniyang harapan saka mabilis kong dinampot ang slingbag at tumakbo palabas ng condo unit.
Pagdating ko sa may parking lot kung saan nakaparada ang aking sasakyan ay nanginginig ang mga kamay kong binuksan ang pintuan ng sasakyan at agad kong binuhay ang makina niyon upang paharurutin paalis sa lugar na iyon.
Hindi ako dumiretso sa dati naming bahay kung saan madalas pumunta si Sandro dahil alam kong susundan lamang ako roon ni Erick.
Halos alam lahat ni Erick ang tungkol sa buhay ko dahil bukod sa obsessed siya sa’kin ay kasama rin namin siyang tumanda mula pagkabata.
Mabuting tao si Erick noon, ngunit nagbago ang lahat nang magsimula siyang pumasok sa mundo ng ipinagbabawal na gamot.
Nagtungo ako sa LiquidDoze Bar upang doon magpalipas ng oras. Sunod-sunod na shot ng mamahaling alak ang aking ininom at ‘di ko man lang iyon madama sa’king katawan. Ni hindi man lang ako nakaramdam nang pagkahilo o kalasingan sa ginawa kong pag-inom.
Dinukot ko ang wallet sa loob ng slingbag at mula roon ay nalaglag ang maliit na larawan naming magkakapatid na nakaipit.
Ito ang huling larawan namin bilang isang pamilya. Puno ng kainosentehan at walang anumang problemang inaalala kundi tanging pagkain lamang na maaari naming makain sa araw-araw.
Muli kong narinig sa loob ng aking tainga ang pagmamakaawa ni Angeline na ipaghiganti siya mula sa taong nanakit sa kaniya.
Paghihiganting hindi ko maisakatuparan sapagkat may damdaming namumuo sa kaibuturan ng aking puso. Damdaming alam kong talo na agad ako dahil mahal ko na si Sandro.
“Why are you crying?” Dahan-dahang umangat ang tingin ko sa lalaking laman ng aking isipan.
Mula sa tahimik kong pag-iyak tuluyan na akong humagulgol nang makita ang lalaking kumumpleto sandali sa’king buhay.
Nawala ang mga kapatid ko ngunit pinunan ni Sandro at ng pamilya niya ang pagkawala ng mga ‘to.
“Hey!” Kinabig niya ako upang yakapin.
Yakap na punong-puno ng katiwasayan at kapayapaan sa buo kong puso.
“Let’s get out of here,” aya sa’kin ni Sandro.
“A-ayokong u-umuwi!” sisinok-sinok kong sabi habang patuloy lamang sa paghikbi.
“Okay. I’ll bring you wherever you want.”
Inalalayan niya akong maglakad hanggang sa parking lot kung saan naroon ang kaniyang sasakyan. Narinig ko pa ang pagbuga niya ng mahinang buntonghininga bago tuluyang isinuot sa’kin ang seatbelt.
Tahimik kaming nagbiyahe at walang imikan o anumang katanungan sa kung ano ang nangyari.
Isinandal ko ang ulo sa upuan at dulot ng sobrang kapaguran sa’king mga iniisip, ‘di ko na namalayan pang nakatulog na pala ako.
Nagising na lamang ang diwa ko sa masuyong paghaplos sa’king pisngi kaya pilit kong inalala sa isipan kung ano ang nangyari.
Marahas kong iminulat ang mga mata ko nang mapagtanto ang mga nangyari sa’kin.
Mukha ni Sandro ang nasilayan kong taimtim na nakatitig sa’kin habang blanko ang ekspresyon ng kaniyang mukha.
Hindi ko mabasa ang tumatakbo sa kaniyang isipan dahil iba ang paraan nang pagtinging iginagawad niya sa’kin.
“Nasaan tayo?” tanong ko upang basagin ang katahimikang bumabalot sa pagitan naming dalawa.
Naninibago ako sa pagiging tahimik niya, ngunit wala naman akong lakas ng loob na tanungin siya ng iba pang katanungan.
Imbes na sumagot, inalalayan niya akong tumayo mula sa pagkakahiga saka marahang hinila papalabas ng silid.
“Surprise!!!”
Malalakas na hiyaw ng mga taong nalabasan namin sa sala ang bumungad sa aming dalawa.
Sunod-sunod ang pagpatak ng luha mula sa’king mga mata nang mabasa ang nakasulat sa hawak nilang tarpaulin.
‘Will you marry me, Hon?’
Nilingon ko ang nananahimik na si Sandro na ngayo’y malawak nang nakangiti habang hawak sa kaniyang kamay ang isang kulay pulang kahon na may lamang kumikinang na singsing.
“Sabi ko naman sa’yo, ‘di ako marunong manligaw kaya pinasunod ko na lang sila rito para siguradong hindi ka tatanggi, Hon.”
Muli akong tumingin sa mga taong naroon at nakita ko ang mga magulang niyang masayang nakatingin sa aming dalawa. Pati ang kaniyang mga kapatid ay naroon din at pawang mga nakangiti rin.
Naroon din ang hipag niyang si Nena pati na ang kaniyang mga pamangkin na pawang mga nakangiti na tila nasasabik na sa susunod na mangyayari.
‘Di ko mapigilang humagulgol ng iyak nang kuhanin ni Sandro ang kaliwang kamay ko at saka isuot sa palasingsingang daliri ko ang kumikinang na singsing.
“Ang pangit mo mag-propose kuya, umiiyak si Ate Angela!” hiyaw ni Cristel.
“Cristel!” saway naman ni Sandra.
“Bilisan mo nang mag-propose Sandro at baka magbago pa isipan niyan ni Angela,” ani naman ni Seb.
Humugot pa muna ng hangin sa baga si Sandro saka marahas iyong ibinuga sa hangin.
“Hon, alam kong kagwapuhan lang ang maiaambag ko sa lahi natin, pero sana’y pumayag kang magpakasal sa’kin.”
Naramdaman ko ang panlalamig ng mga kamay niya nang mahigpit siyang humawak sa mga kamay ko.
Muli akong napahikbi dahil tuluyan nang naguluhan ang aking puso’t isipan. Tuliro at nalilito akong tumingin sa mga taong naroon kasabay nang pag-iling ng ilang beses ng ulo ko.
Buong tapang kong hinarap si Sandro saka sinalubong ang puno ng pagmamahal niyang mga tingin na kailanma’y ‘di ko na masisilayang muli.
“I’m sorry, Sandro...”
Hinubad ko ang sinuot niyang singsing sa’king daliri saka ibinalik ko iyon sa kaniyang kamay.
Malakas na pagsinghap ng mga taong naroon ang siyang aking narinig at walang sinuman sa kanila ang kumibo dahil sa matinding tensyon.
“What’s this?” puno nang pagkalitong tanong sa’kin ni Sandro. “I-I don’t understand, Hon.”
Inipon ko lahat ng lakas ng loob sa’king dibdib bago nagsalita. “Isa lamang palabas ang lahat ng ito, Sandro. Hindi kita mahal at kailanman ay hindi kita maaaring mahalin.”
Gusto kong palakpakan ang sarili sa pagiging matatag habang sinasabi ang mga salitang pilit yumuyurak sa’king puso.
“It’s not true!” Kinabig niya ako upang yakapin dahilan para muling umagos ang mga luha sa’king pisngi. “Hindi ako naniniwalang hindi mo ako mahal dahil sa’kin mo unang inalay ang lahat sa iyong sarili.”
Ramdam ko ang kaniyang pighati at gusto ko sana iyong pawiin. Ngunit hindi ko na maaari pang bawiin ang aking sinabi dahil tuluyan na akong nilamon ng pride.
Ipinikit ko ang mga mata ko at inipon ang lahat ng pwersa sa’king kamay upang malakas siyang maitulak.
“I'm sorry, Sandro!”
Mabilis akong tumakbo palabas ng pintuan at walang lingon likod kong tinahak ang daan papalabas ng gate.
“Angela!” malakas na tawag sa’kin ni Sandro na ‘di ko na pinagkaabalahan pang lingunin.
Sumakay ako ng taxi na saktong dumaan sa aking harapan. Nagpahatid ako sa address kung saan tumutuloy si Alex at doon muna ako mananatili hanggang sa makapag-isip.
“Naiganti na kita, Angeline. Sana’y masaya ka na…” piping bulong ko sa hangin kasabay ng tahimik kong pagluha.