Hindi ako mapakali. Paulit-ulit sa utak ko ang mga putok. Ang sigawan sa labas. At ang mukha ni Markus kanina na seryoso, alerto, parang ibang tao.
Sabi niya huwag akong lalabas. Pero paano ka hindi lalabas kapag pakiramdam mo may mangyayari? Nu’ng nasa tindahan pa lang ako pakiramdam ko eh mamamatay na ako. Nasa loob lang ako ng kwarto, nakaupo sa sahig, yakap ang tuhod ko.
Naririnig ko ang yabag ng mga paa sa labas. May mga sumisigaw. May mga nag-uutos. Pero may mga tunog din na hindi pang-pulis. Hindi ko maipaliwanag, pero alam kong may mali.
“Markus…” pabulong kong sambit.
Hindi ko alam kung nasaan siya. At mas kinabahan ako dahil doon. Tumayo ako saka lumapit sa bintana. Sumilip ako sa maliit na siwang ng kurtina.
At doon ko nakita, may dalawang lalaking nagtatakbuhan sa eskinita.
May hinahabol at ang humahabol ay si Markus. Pero hindi ang Markus na kilala ko. Hindi tahimik. Hindi mabagal kundi Mabilis, masyadong mabilis.
Parang sanay. Parang hindi ito ang unang beses niyang humabol ng tao sa dilim. Nanlamig ang buong katawan ko.
“Ano ang ginagawa mo…” pabulong kong sabi.
Biglang isang lalaki ang napadapa at bumagsak sa lupa. At bago pa man siya makabangon ay naroon na si Markus. Hinawakan niya ang kuwelyo ng lalaki at binangga sa pader.
Narinig ko ang malakas na tunog ng impact. Napahawak ako sa bibig ko sa gulat. Hindi ako natulog. Hindi dahil sa gulo sa labas.
Hindi dahil sa takot. Kundi dahil sa kanya.
Sa mga salitang narinig ko. Shipment. Sunugin. Digmaan. Hindi ‘yon salita ng mekaniko. Hindi ‘yon salita ng normal na taong umuupa lang sa bahay namin.
Pagmulat ko kinabukasan, masakit ang ulo ko. Pero mas masakit ang dibdib ko. Bumangon ako at lumabas ng kwarto.
Tahimik ang bahay dahil wala si nanay.
May iniwan lang siyang note sa mesa.
May meeting kaming mga BHW. Uuwi ako mamaya. Kumain ka.
Hindi ako kumain. Lumabas ako sa likod.
At doon ko siya nakita.
Naka-white shirt. May hawak na wrench.
Parang walang nangyari kagabi.
Parang normal lang lahat.
Pero ako ay hindi na normal.
“Markus.”
Huminto ang kamay niya.
Pero hindi siya agad lumingon.
“Lara, if you’re here to—”
“Anong pangalan mo?”
Namayani ang katahimikan sa aming dalawa. Ramdam ko ang biglang pagbigat ng hangin. Lumingon siya sa akin. Matalim ang tingin. Pero kalmado ang mukha.
“Markus.”
Umiling ako.
“Hindi. Hindi ‘yan ang pangalan mo.”
Lumapit ako ng isang hakbang.
“Ano ang pangalan mo talaga?”
Tumahimik siya ng ilang segundo.
Parang may pinaglalaban sa loob niya.
Tapos dahan-dahan niyang ibinaba ang hawak niyang gamit.
At doon ko unang nakita ang lungkot sa mata niya.
“Psalm.”
Parang may kumalabog sa dibdib ko.
“Psalm… ano?”
“Rasgild.”
Napatigil ako sa paghinga.
“Psalm… Rasgild?” pabulong kong inulit.
Hindi ko alam kung bakit pero parang may malamig na kamay na humawak sa batok ko.
“Anong… anong ibig sabihin n’yan?” tanong ko. “Bakit parang… parang hindi lang basta pangalan?”
Tahimik siya. Tapos tumingin siya sa gilid.
Parang ayaw na ayaw niyang sabihin ang susunod.
“Dahil hindi lang ‘yan pangalan,” mahina niyang sagot.
“E ano ka?” halos pasigaw kong tanong. “Ano ka ba talaga, Markus—Psalm—kung sino ka man? Kalahi mo ba si Edgar Cullen?” singhal ko.
Kumunot naman ang kaniyang noo. Gaga! Edward Cullen pala ‘yon.
Lumapit siya sa akin.
Isang hakbang. Dalawa.
“Lara, please—”
“Hindi,” naiiyak na sagot ko. “Huwag mo akong pakiusapan. Sagutin mo ako!”
Huminga siya nang malalim.
Parang naghahanda sa suntok.
“Oo,” sabi niya. “Hindi ako mekaniko lang. Hindi ako ordinaryong tao. At hindi dapat ako nandito.”
“E nasaan ka dapat?” sigaw ko. “Sa kulungan? Sa kung saan man galing ‘yang mga baril at dugo mo?”
Bigla siyang napahawak sa braso ko.
Mahigpit pero hindi masakit.
“Hindi ka kasama sa mundong ‘yon.”
“Anong mundo?” nanginginig kong tanong. Bampira ba talaga siya?
Sa boses na malamig Pero puno ng pagod.
“Sa mundong pinapatakbo ng dugo, utos, at bangkay.”
Nanlaki ang mata ko.
“Psalm…”
“Head ako ng Rasgild.”
Hindi ko naintindihan.
Pero alam kong masama. Tama nga siguro ako.
“B-Bampira ka?” mahinang sambit ko. Hindi ko na alam kung paano ‘to tatanggapin. May jowa ba akong hindi tao? Pero bakit kumakain siya ng bawang?
Tinitigan naman niya ako at pinitikan ang noo. Ang sakit nu’n.
“Silly! Isa kaming pamilya na hindi napupunta sa balita,” aniya. “At may mga kalaban kaming hindi marunong umatras.”
Parang nawalan ako ng lakas. Napaupo ako sa silya. Salamat naman at hindi pala siya bampira pero hindi ko pa rin siya maintindihan.
“Ano ang ibig mong sabihin?” pabulong kong sabi.
Lumuhod siya sa harap ko. Hinawakan ang mga kamay ko.
“Lara, ang totoo lang ang gusto kong malaman mo—”
“Bakit ako?” umiiyak kong tanong. “Bakit ako napasok sa buhay mo?”
Napapikit siya.
“Hindi kita dapat dinamay.”
“Pero nadamay na ako!” sigaw ko. “Psalm, halikan mo ako, sabihin mong magpakasal tayo, sabihan mo akong layuan si Adam—tapos sasabihin mo hindi mo ako dinamay?”
Biglang kumislap ang mata niya.
“Because I wanted you,” bigla niyang sabi.
Diretso.
Walang paligoy-ligoy.
“I wanted you even when I shouldn’t.”
Nanahimik ako. Dahil sa paraan ng pagkakasabi niya ay hindi iyon biro. Hindi rin simpleng pagnanasa.
“Pero gusto ko rin na ligtas ka,” dagdag niya. “Kaya dapat lalayo na ako.”
Napatawa ako kahit umiiyak.
“Ngayon mo lang naisip ‘yan?”
Tahimik siya.
At sa katahimikang ‘yon alam kong hindi niya alam ang sagot. Tumayo ako at lumayo sa kanya.
“Alam mo kung ano ang pinakamasakit?” mahinang sabi ko. “Hindi ‘yung kung sino ka talaga.”
Huminga ako nang malalim.
“Kundi ‘yung hindi ko alam kung alin sa’yo ang totoo.”
Lumingon siya sa akin. Masakit ang tingin.
“Lahat ng oras na kasama kita—totoo ‘yon.”
“Pati ‘yung mga halik?”
Lumapit siya bigla. Hinawakan ang mukha ko.
“Lalo na ‘yon.”
Napasinghap ako. Dahil sa init ng kamay niya. Sa titig niya. Sa boses niyang parang pilit pinipigil ang sarili.
“Then why does it feel like I’m just someone you’ll leave behind?” umiiyak kong tanong. English pa ‘yon.
Saglit siyang natahimik. Tapos marahan niyang idinikit ang noo niya sa noo ko.
“Because that’s exactly what I’m afraid of doing.”
Bigla niyang hinalikan ang noo ko.
Tapos ang pisngi. Tapos ang labi, maikli lang. Pero puno ng panginginig.
“Lara,” bulong niya. “If I stay… you’ll get hurt.”
Pero kahit sinabi niya ‘yon hindi niya ako binitawan. At kahit galit ako hindi ko rin siya tinulak. Dahil sa kabila ng lahat mahal ko na yata ang lalaking ‘to.
At mas kinakatakot ko iyon kaysa sa mundo niyang puno ng baril.
Akala ko tapos na. Akala ko sapat na ang nalaman ko. Akala ko kaya ko na ang bigat ng katotohanan.
Nagkamali ako. May kumatok sa gate.
Hindi malakas. Pero sapat para magpatigil ng t***k ng puso ko. Paglingon ko sa labas ay may lalaking nakatayo. At sa isang iglap parang tumigil ang mundo. Pareho sila ng mukha ni Psalm.
Pareho ang tangkad.
Pareho ang porma ng mata.
Pareho ang linya ng panga.
Pero magkaiba ang aura.
Kung si Psalm ay malamig ito naman ay nakangiti. Ngiting hindi nakakaaliw. Ngiting… nakakapanindig-balahibo.
“Yo, brother,” masayang bati niya. “Matagal-tagal ka ring nagtago.”
Nanlaki ang mata ko.
“Brother?” pabulong kong sabi.
Narinig niya. Ngumiti pa lalo.
“Yes, sweetheart. Dalawa kami.”
Parang may malamig na kutsilyong gumapang sa likod ko.
“Percival,” mahina pero mariing sabi ni Psalm.
Tumigil ang ngiti ng lalaki sandali.
Tapos ngumiti ulit. Ito naman ay mas malamig.
“Relax. I just came to fetch you. May gulo sa north. Dad wants you back.”
Nanginginig na ang mga kamay ko.
Hindi ako makapagsalita. Hindi ako makagalaw. Parang naubos lahat ng salita sa katawan ko.
Dumating si nanay galing sa labas.
Bitbit ang supot ng tinapay.
“Lara, andito na ‘ko—”
Natigil siya nang makita ang dalawa.
Napahawak siya sa dibdib niya.
“Anong… anong nangyayari rito?”
Walang sumagot agad.
Hanggang si Bruno ang unang nagsalita.
“Tita… mahaba-habang kwento po ‘to—”
“Hindi ko kailangan ng paliwanag,” bigla kong sabi.
Tahimik lahat. Lumingon sila sa akin.
“Wala akong gana makinig ngayon,” dugtong ko. “Wala akong lakas. At wala akong pakialam kung ano man ‘yang pamilya niyo, gulo niyo, o digmaan niyo.”
Tumingin ako kay Psalm.
Diretso.
Walang luha. Pero wasak na wasak sa loob.
“Kung aalis ka, umalis ka na.”
Nanlaki ang mata niya.
“Lara—”
“Huwag mo na akong kausapin,” malamig kong sabi. “Sapat na ang nalaman ko. Sapat na ang nasaktan ako.”
Humigpit ang panga niya.
Parang may gustong sabihin.
Parang may gustong pigilan.
Pero hindi ko na siya hinayaang magsalita.
Tumalikod ako at pumasok sa kwarto ko.
Isinara ko rin ang pinto. Hindi ko na alam kung ano ang mas masakit—ang lalaking minahal ko, o ang katotohanang hindi ko talaga siya kailanman nakilala.
Pagkasara ko ng pinto ay doon na bumigay ang tuhod ko. Napaupo ako sa sahig, nakasandal sa kama, yakap ang sarili ko na parang may makakapitan.
Pero wala.
Wala na ‘yung Markus na tahimik lang sa sala. Wala na ‘yung lalaking nag-aayos ng kama ko na parang normal lang ang mundo.
Ang natira ay isang Psalm Rasgild na may kambal, may digmaan, at may mundong hindi ako kasali. Huminga ako nang malalim.
Isa.
Dalawa.
Pero parang may bato sa dibdib ko.
Hindi ako makaiyak agad. Parang sobrang bigat na wala nang lumalabas. Kung aalis ka, umalis ka na. Paulit-ulit sa utak ko ang sinabi ko sa kanya.
Matapang pakinggan. Pero ang totoo?
Gusto kong bumalik siya sa pinto ko.
Gusto kong kumatok siya.
Gusto kong sabihing hindi niya ako kayang iwan. Pero mas natatakot ako sa posibilidad na kaya niya.
Bigla kong naalala ang ngiti ng kambal niya.
Hindi ‘yung mabait na ngiti.
‘Yung klase ng ngiting parang sanay sa bangkay. Napahawak ako sa bibig ko.
“Anong klaseng buhay ‘yon…” pabulong kong sabi.
Pumasok sa isip ko ang mga putok ng baril.
Ang dugo sa damit niya.
Ang mga salitang narinig ko kay Bruno.
Shipment. Sunugin. Digmaan.
At biglang sumiksik sa dibdib ko ang isang tanong na mas masakit pa sa lahat. Ilang beses na siyang muntik mamatay nang hindi ko alam?
Biglang may kumatok sa pinto kaya napapitlag ako.
“Lara,” boses ni nanay. “Anak… pwede ba tayong mag-usap?”
Hindi ako sumagot.
Hindi dahil galit ako sa kanya.
Kundi dahil kapag nagsalita ako, iiyak ako.
At ayokong makita niya akong ganto.
“Anak… hindi ko naiintindihan ang nangyayari, pero alam kong nasasaktan ka,” malambot niyang sabi sa likod ng pinto. “Kung ano man ‘yan… hindi mo kailangang pagdaanan mag-isa.”
Napapikit ako.
Gusto kong lumabas.
Gusto kong yakapin siya.
Pero sa labas din ng pinto na ‘yon ay nandoon si Psalm. At hindi ko pa kayang makita siya. Hindi sa ngayon.
“Ma… pagod lang ako,” pilit kong sabi. “Gusto ko munang mapag-isa.”
Tahimik saglit.
“Okay,” mahina niyang sagot. “Nandito lang ako.”
Narinig ko ang mga hakbang niya palayo.
At doon saka lang tuluyang bumigay ang luha ko. Tahimik lang. Walang hikbi. Pero tuloy-tuloy.
Parang ulan na walang balak tumigil.
Bumangon ako at humiga sa kama.
Hawak ang unan.
Amoy pa rin ang pabango ni Psalm. Amoy ng sabon niya. Ng lalaking akala ko simpleng mekaniko lang.
“Ang daya mo…” pabulong kong sabi sa kawalan. “Ang daya mo sa akin…”
Bigla kong naalala ang halik niya.
Ang mga titig niya. Ang mga salitang sinabi niyang akin lang ako. At mas lalo akong nasaktan. Dahil ngayon hindi ko na alam kung alin sa mga ‘yon ang totoo, at alin ang bahagi lang ng buhay na itinago niya sa akin.
Biglang may narinig akong mahinang sigawan sa labas. Hindi malinaw. Pero narinig ko ang boses ni Percival.
Masaya. Parang wala lang.
“You can’t stay here, Psalm. You’re dragging civilians into this.”
Sumagot si Psalm. Mababa ang boses pero galit.
“I won’t leave like this.”
“Like what? In love?” may halakhak sa boses ng kambal. “That’s cute. Also stupid.”
Napaupo ako sa kama. In love.
Sinabi niya ‘yon na parang kasalanan.
Parang kahinaan. Biglang parang may mainit na galit na umakyat sa dibdib ko.
So ano ako? Isang kahinaan?
Isang abala sa giyera nila?
Bigla kong napagtanto na hindi lang pala ako nasaktan. Parang… nawala rin ang dignidad ko.
Dahil minahal ko ang taong hindi dapat mahalin. At mas masakit dahil minahal ko siya nang hindi alam kung sino talaga siya.
Pinahid ko ang luha ko. Huminga nang malalim. Hindi ako pwedeng lumabas ngayon. Hindi ko pa kaya. Pero isang bagay ang malinaw sa akin. Hindi ko hahayaang maging dahilan ako ng digmaan nila.
At hindi rin ako magiging babaeng iiwan na lang sa tabi habang nagpapatayan sila sa labas.
Kung aalis siya—aalis siya.
Pero hindi dahil itinaboy ko siya.
Kundi dahil iyon ang mundo niya.
At ako hindi ako kasali roon.