CHAPTER 1- PIGHATI

1204 Words
        Ang bawat patak ng luha mula sa mga mata ni Yohann ang nagsilbing palatandaan ng lungkot na lumulukob sa kanyang puso ng mga oras na iyon. Siya lamang at ang kanyang Tiyo Andres ang tanging nasa harapan ng puntod ng kanyang ina.         Namatay ito dahil sa sakit sa baga, katulad ng sa kanyang ama ay hindi ito naagapan. Isang taon pa lang ang nakakalipas ng mawala ang kanyang ama dahil din sa isang sakit.         Itinaas niya ang kanyang ulo mula sa langit habang walang humpay pa rin ang pagpatak ng luha mula sa kanyang mga mata.         Bakit napakalupit ng tadhana sa kanya? Kasalanan ba ang humiling ng isang kumpleto at masayang pamilya? Buong buhay niya, wala siyang nakita at narinig kung hindi ang hirap ng buhay pero tiniis nila ang lahat ng iyon. Pero ngayon...paano niya haharapin ang hirap ng buhay kung mag-isa na lang siya?         Para saan pa ang pagsusumikap niya para mag-aral at mabuhay kung ang mga taong mahal niya ay wala na sa mundo?         Napaluhod si Yohann mula sa lupa at ni isang salita ay wala itong narinig mula sa kanyang tiyuhin kung hindi ang paghagod ng magaspang at marumi nitong kamay sa kanyang likod.         Ang buhay ay masyadong malupit para sa mga taong mahihirap at walang kakayahang mabuhay ng marangal. Kahit ipilit na itanggi ay kusang hahalik ang mga labi ng mga taong mahihirap sa lupa upang ito ay amuyin at ipaalala kung anong klase ng mundo ang kanilang ginagalawan.         "Yohann, dapat na tayong umalis, ang ulan ay nagbabadya na." Narinig niyang sabi ng kanyang tiyuhin habang nakamasid ito sa kanya. Muli ay nilingon niya ang puntod ng kanyang mga magulang na magkatabi.         Gusto niyang humiyaw, magmura upang ilabas ang sakit na kinikimkim niya sa mundo. Walang isang salita ang makakapag paliwanag ng sitwasyon niya ngayon. Isang talunan at walang patutunguhan ang buhay na hinaharap niya. Iyon ang nasa kanyang isipan.         Hinila siya mula sa braso ng kanyang Tiyo Andres ay napilitan siyang tumayo mula sa putikan at kalugmukan na kanyang pinagdaraanan.         "Makakaya mong harapin ang bukas,Yohann. Nandito lang ako para samahan at tulungan ka," kahit hirap sa pagsasalita ang kanyang tiyuhin dahil may bukol ito sa lalamunan ay pilit niyang inintindi ang sinabi nito. Pilit niyang isiniksik sa kanyang isipan  ang mga sinabi nito upang kahit sa mga salitang iyon ay magkaroon siya ng lakas upang maglakad papalayo sa lugar na iyon na  naging isang lugar ng kasawian para sa kanya.         Pagdating nila ng bahay ay pinagmasdan muli ni Yohann ang paligid. Isang kapirasong kuwarto na halos tirhan na ng iba't ibang klaseng ipis at daga dahil sa hitsura nito.Iyon na ang magiging tahanan niya simula ngayon.         "Pasensya ka na sa bahay ko Yohann ha, maliit ito at masikip pero ang prinsipyo ko...kahit na sa isang kasing laki lang ng kahon ako nakatira ay mas okay na kaysa ang magpakalat-kalat ako sa daan at sa huli ay aalipustahin  lang ako ng mga matang nakatingin sa akin."         Bigla siyang napatingin sa kanyang Tiyo Andres… Inunawa ni Yohann ang sinabi nito at alam nitong hindi magiging madali ang pagdadaanan nito habang nasa puder siya ng kanyang Tiyuhin pero handa siyang gawin ang lahat para manatili siyang buhay sa kasalukuyang mundo kung saan ang lahat ay malupit at mapanghusga.         "Ayos lang po ako Tiyo. Kaya ko pong magtsaga."         "Talaga? Abay mabuti yan, huwag kang mawalan ng pag-asa. Ang buhay natin ay may simula at wakas, kaya habang tayo ay nasa gitna pa ng paglalakbay ay gawin mo na ang lahat ng makakaya mo para maiba ang landas na tinatahak mo. Kung ang mundo mismo ang nagdadala sayo sa sitwasyong hindi mo nakikita ang magagadang nangyayari, ikaw na ang gumawa ng paraan para tuluyang makaalis sa sitwasyong iyon bago ka pa tuluyang malugmog."         Alam ni Yohann na sa edad ng kanyang Tiyo Andres ay marami na itong karanasan sa buhay. Mga karanasan na lalong nagpahirap sa sitwasyon nito at hindi nito nakayang lagpasan at iwasan kaya nanatili itong nakatali sa kahirapan at lungkot ng buhay.         "Magsisikap po ako Tiyo Andres,pagkatapos ay magtatagumpay at aalis tayo sa lugar na ito." Pangako niya sa sarili, iyon ang pangakong gaano man kahirap ay susuungin niya para lamang magkatotoo.         "Oh siya, iayos muna ang mga gamit mo para tayo ay makakain na at makapagpahinga. Sabi nga nila, bagong araw...bagong pag-asa." Nakita ni Yohann kung paano ang mga linya sa noo ng kanyang Tiyuhin ay lumubog mula sa pagkakangiti nito sa harap niya. Nagsilbi iyong pag-asa na ang buhay ay hindi nararapat na bigyang ng tuldok dahil lang sa kapighatian kung hindi ito ay nararapat ding harapin dahil sa bagong pag-asa na dala ng bagong umaga.         Kinabukasan ay isinama siya ng kanyang tiyuhin upang maghanap ng pagpag sa kahabaan ng ka Maynilaan. Ito raw ang magiging pagkain nila para sa tanghalian.         Hindi niya inakala na sa paraang iyon ay lalong mamumulat ang mga mata niya sa katotohanan kung gaano kahirap ang buhay.         Mula sa truck na dumating na kumukulekta ng mga tirang pagkain sa mga restaurant ay inutusan siyang umakyat ng kanyang Tiyo Andres sa taas ng nito.         "Kailangan mong makipag-unahan sa kanila Yohann kung hindi ay wala tayong kakainin sa tanghalian." Turo ni Tito Andres sa mga batang marurungis na bigla na lang nag sidatingan ng makita ng mga ito ang parating ang truck ng basura.         Tumango siya at kumilos para gawin ang pinag-uutos ng kanyang tiyuhin. Umakyat siya sa mismong dumpbox ng truck at kumuha ng isang black bag ng basura. Iniabot niya iyon sa kanyang Tiyo Andres. Pagkabukas ng supot ay agad na bumungad sa kanyang ilong ang amoy ng pinagsama-samang pagkain sa iisang supot. May tira-tirang karne at isda, mayroong din ilang butil ng mga gulay.         "Kunin mo ang mga piraso ng karne na yan Yohann, puwede pa nating hugasan at iprito yan." Napatingin siya sa mga halo-halong tirang pagkain na parang isang bagay na paulit-ulit na magpapaalala sa kanya kung ano ang sitwasyong kinasasadlakan niya ngayon.         Muli ay sinunod niya ang kanyang Tiyo at isa- isa niyang kinuha mula sa plastic bag ang mga tirang karne. Halos mahalukay na nila ang buong laman ng plastic bag na iyon para makahanap ng tirang karne na puwede nilang iuwi at kainin.         Pagdating nila sa bahay ay agad siyang inutusan ng kanyang Tiyo Andres na maligo habang piniprito nito ang mga karne na nakuha nila sa pamamagpag.         Pagkapaligo niya ay niyaya na siyang maupo nito sa kulay itim na lamesa nito na sa katagalan ay umuuga na ang ilang paa at pati ang kahoy na upuan na ginagamit nila ay lumalangitngit na rin kapag sinubukan mong maupo.         "Sanayin muna ang sarili mo sa ganitong buhay Yohann.Kung matututunan mong tanggapin agad ang buhay na mayroon tayo ngayon baka mas madali kang makakagawa ng paraan para makaahon ka sa kahirapang tinatamasa natin ngayon," saglit siyang napahinto ng marinig niya ang sinabing iyong ng kanyang Tiyo Andres.          Paano mo nga ba sasanayin ang sarili mo sa isang sitwasyon na kahit minsan ay hindi mo pinangarap? Oh maging ninais na mangyari sayo buong buhay mo?         Sinumpa niyang hindi ang kahirapan ang magpapatapos ng buhay niya. Gagawin niya ang lahat para makaalis sa buhay na kinagisnan niya at pilit na nagpapaalala sa kanya kung bakit namatay ang kanyang mga magulang.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD