CHAPTER 2- PAGKRUS NG LANDAS

1263 Words
YOHANN         Maaga kaming gumising muli ni Tiyo Andres upang makakakuha ng pagkain namin sa maghapon. Tinuruan din niya ako ng ibang sideline na ginagawa niya para kumita ng pera. Mula sa mga namimili sa Divisoria ay maghahanap ako ng mga mamamili na gustong magpabuhat ng mga pinamili at katumbas nun ay bibigyan nila ako ng pera na bayad.         Dahil doon ay makakaipon ako ng pera para sa pag-aaral ko. Dalawang taon na lang ay makakatapos na ako ng junior high school kaya kailangan kong sipagan. Pangarap kong makatapos ng pag-aaral dahil iyon na lang ang natitira kong paraan para makaalis sa buhay na mayroon ako ngayon. Mahirap man pero walang mas mahirap pa sa pinagdadaanan ko ngayon kaya handa akong sumugal.         "Yohann..." Napatingin ako kay Tiyo Andres ng bigla itong umubo ng sunod-sunod.         "Tiyo." Nilapitan ko siya para tingnan. Nakahiga ito sa isang lumang papag at nakabalot ng manipis na kumot.         "Pasensiya ka na Yohann, mukhang hindi ako makakasama sayo sa pamamagpag ngayon araw...masama kasi ang pakiramdam ko."         Umupo ako sa tabi niya at sinalat ang kanyang noo. "Mataas ang lagnat mo Tiyo Andres," nag-aalala kong sabi sa kanya.         "Oo nga eh...dumadalas na ang pagkakasakit ko dahil siguro dito sa bukol ko sa lalamunan." Saka nito sinalat ang lalamunan na nakaulbok dahil sa bukol. Bigla namang dumagsa ang takot sa dibdib ko dahil ilang beses ko nang naramdaman ang ganong takot ng magkasakit ang mga magulang ko. Pakiramdam na walang pag-asa at tanging ang mga luha lamang sa mga mata ko ang nakakakita ng lahat ng pinagdadaanan namin.         "Huwag po kayong mag-alala Tiyo, ako na lang po ang kukuha ng pagkain natin. Bago ako umuwi ay hahanap ako ng nangangailangan ng serbisyo para maibili kita ng gamut," Pangako ko sa kanya. Naibayad kasi namin sa inuupahan naming kuwarto ang naipon kong pera sa pagbubuhat kaya wala pa akong maibibili ng gamot niya.         "Salamat Yohann, pati ikaw ay nag-aalala sa sitwasyon ko."         "Ayos lang po Tiyo, iiwan ko muna kayo dito. Hintayin nyo ako at ipag-uuwi ko kayo ng pagkain at gamot." Nakita kong tumango si Tiyo at bahagyang nangilid ang mga luha sa mga mata niya. Luha na nagsisilbing pahiwatig na may iniinda itong sakit na dapat naming agapan bago pa mahuli ang lahat.         Pagdating ko sa lugar kung saan kumukuha ng pagpag ang mga katulad kong nakatira sa squater area ay nakita ko ang mga bagong mukha ng mga kabataan na nakabantay na doon.         "Oh sino naman ang isa na yan." Turo sa akin ng isang bruskong lalake na may hikaw pa ang gilid ng mga mata nito.         "Ah yan ba, pamankin yan ni Andres…yun matandang namamagpag dito." Sagot ng isa pang lalake na katabi nito. Sa kabuuan ay lima silang mga lalake na masama ang tingin sa akin lahat.         "Oh yun pa lang tiyuhin niya ang namamagpag dito bakit siya ang nandito?" Reklamo nito muli.         "Ewan ko ba dyan, gusto mo paalisin natin?" suhestiyon ng isa.         "Sige, magkakaroon pa tayo ng kaagaw sa pagpag eh." At nakita ko ngang lumapit ang apat na kasamahan nito palapit sa akin.         "Hoy ikaw!" Duro sa akin ng isa. "Umalis ka na dito sabi ni Bugoy bago ka pa namin saktan, naiintindihan mo?" Hinawi nito ang aking balikat dahilan kung bakit bahagya akong napasandal sa kinakalawang na wire na nakapalibot at nagsisilbing bakod ng lugar.         "Hindi nyo naman pagmamay-ari ang lugar na ito hindi ba? Bakit kailangan ninyong magpaalis ng tao rito?"         "Aba, Bugoy! Sumasagot pa, ano bang mainam na gawin dito?" hiyaw ng lalakeng nasa harapan ko ngayon.         "Bigyan nyo ng leksyon!" balik na sigaw ng tinatawag nilang Bugoy.         At akma akong susuntukin nito ng biglang may bumusinang truck sa labas ng lugar kung saan nagbababa ng mga basura.         "Nandito na ang truck, mamaya nyo na harapin ang kutong lupa na yan!" sigaw muli ni Bugoy, muli akong tiningnan ng masama ng mga lalakeng kasama nito.         "Pasalamat ka dumating na ang truck ng basura kung hindi basag yang mukha mo sa amin." Ismid nito sa akin. At tinalikuran na nila ako para puntahan si Bugoy at mga nag-akyatan na sa truck ang mga ito.         Minabuti ko na lang na hindi na tumuloy sa pangunguha ng pagpag at baka muli akong pag-initan ng mga grupo ni Bugoy. Dumeretso na lang ako sa pamilihan ng Divosoria kung saan kami naghahanap ni Tiyo ng magpapabuhat ng mga bagahe o paninda ng mga namimili.         Inabot ako ng ilang oras bago ako makahanap ng isang babaeng nasa kuwarenta ang edad. Pinabuhat niya sa akin ang mga supot ng gulay at prutas na pinamili nito. Bahaya akong nagbabagal sa paglalakad habang bitbit ko ang mga supot na dala ko. May kabigatan din iyon at habang naglalakad kami ay manaka-naka na humihinto pa ang babaeng nagmamay-ari ng mga dala-dalahan na bitbit ko dahil nagtatanong pa ito ng ibang bagay na tinda sa daan. Hindi ko namalayan na hindi ko na pala siya kasunod dahil nagtuloy-tuloy ako sa paglalakad at nagulat na lang ako ng may sumigaw sa aking likuran.         "Magnanakaw! Magnanakaw, hulihin ninyo ang magnanakaw na'yun!" Nagulat ako sa sinabi ng ale na nagpabuhat sa akin ng mga dala-dalahan niya.Ako ba ang pinagbibintangan niyang magnanakaw?         Huminto ako sa paglalakad at hinintay kong makalapit sa akin ang ilang tanod na nakabantay sa lugar na iyon.         "Hinto!" sigaw ng isang tanod sa akin.         "Napakawalanghiya mong bata ka! Sabi mo ay tutulungan mo akong magbuhat ng mga pinamili ko tapos ay nalingat lang ako ay tinakbo muna ang mga pinamili ko!" bintang ng ale sa akin.         "H-hindi po...nagkakamali po kayo. Akala ko po kasi ay nasa likod ko kaya habang naglalakad----" hindi ko na naipagpatuloy ang sasabihin ko ng muli siyang sumigaw.         "Naku...Naku! Luma na ang istilo nyo na yan, mga magnanakaw kayo!" muling bintang sa akin ng ale na galit na galit.         "Ikaw,sumama ka sa amin sa barangay hall doon ka magpaliwanag." biglang singit ng isang tanod.         "Sandali lang po, wala po talaga akong ginagawang masama." Halos naiiyak ko nang paliwanag sa kanila. Ang ale na nagbibintang sa akin ay nakaismid lang at hindi naniniwala sa sinasabi ko.         "Hulihin ninyo na ang lalakeng iyan. At baka marami pang mabiktima ang isa na yan." utos ng ale sa mga tanod. Naalarma ako at naibagsak ko ang mga plastik bag na bitbit ko ng simulan akong hawakan sa braso ng mga tanod.         "Maawa po kayo, wala po akong ginagawang masama. Nagtratrabaho lang po ako..."         Akma na nila akong kakaladkarin ng biglang may dumating na isang lalake. Naka apron pa ito, halatang taga luto ito base sa itsura nito.         "Sandali." awat nito sa mga tanod.         "Bakit Mang Antonio?" tanong agad ng isang tanod nakahawak sa braso ko.         "Baka naman puwede na nating pag-usapan ang problema dito at huwag nang makarating sa barangay hall tutal ay wala namang nabawas o nawala sa mga pinamili ng ale. Kilala ko ang batang iyan, mabait siya at mapagkakatiwalaan baka hindi lang nagkaintindihan ang ale na ito at ang batang iyan ng bitbitan niya ang mga pinabubuhat ng ale na yan."         Nagulat ako sa sinabi niya at tinitigan ko ang kanyang mukha. Pare siyang isang ama sa aking harapan na handang ipagtanggol ang kanyang anak. Gustong bumuhos ng luha sa mga mata ko pero ang galit na kinikimkim ko sa dibdib ko ang pumipigil para ito ay tuluyang bumuhos sa aking mga mata.         Bakit ba napakahirap mabuhay sa mundong ang tangin ng lahat sayo ay walang karapatang maging parte ng lipunan? Na lahat ng mayroon sila ay nararapat lamang sa kanila at hindi ka kaylanman magkakaroon nito? Bakit sobrang hirap ng sitwasyon ng isang kagaya niya, ang hirap-hirap…  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD