CHAPTER 3- UNANG PAGKIKITA

1355 Words
YOHANN         Pagkatapos akong pakawalan ng mga tanod at humingi ng despensa ni Manong Antonio dahil sa ginawa ko raw na pagnanakaw ng mga dala-dalahan ng ale ay isinama niya ako sa maliit na turo-turo stand niya.         "Maupo ka muna dyan, at ipaghahain kita ng mainit na sabaw at kanin." Bilin nito sa akin at muling isinuot ang apron na hinubad nito kanina ng makipag-usap ito sa mga tanod.         Simple lang ang tindahan niya at tipikal itong stand na makikita sa kahabaan ng Divisoria. Pamaya-maya ay bumalik ito na may dalang isang mangkok na umuusok ang laman nitong sabaw. Pagkapos nitong ilapag ang mangkok sa mesa ay sunod naman nitong binalikan ang kanin at pitsel ng tubig.         "Oh heto, kumain ka na muna bago ka umuwi sa inyo."         Sinulyapan ko ang kanin na dala niya, sunod ay tiningnan ko ang reaksyon ng mukha nito. Nakangiti ito na parang wala akong ginawang anumang bagay na masama kanina.         "Salamat na lang po pero uuwi na lang po siguro ako at masyado nang nakakahiya sa inyo."         "Sus, ang batang ito oo... Huwag ka ng mahiya at kumain ka na muna. At isa pa, kakilala ko si Andres na tiyuhin mo." Nagulat ako ng sabihin niya ang pangalan ni Tiyo Andres.         "Paano nyo po nakilala ang tiyuhin ko?" kahit na nahihiya ako ay nakuha ko pa ring siyang tanungin.         "Matagal na siyang nagpapabalik-balik dito sa Divisoria at matagal na rin kaming magkakilala. Nasaan na nga pala siya at bakit hindi mo kasama?" Muli nitong hinubad ang apron na suot at ipinatong sa likod ng upuan na kinauupuan nito.         "May sakit po siya ngayon kaya hindi ko siya nakasama sa pagtratrabaho."         "Ganun ba, sabi ko kasi sa kanya ay sasamahan ko siyang ipatingin ang bukol niya sa leeg kaso puro tanggi ang alam na gawin.Wala daw siyang pera, sayang daw ang araw na puwede pa siyang maghanap buhay kasya magpagamot." Napapailing nitong kuwento sa akin.         Matigas din kasi ang ulo ni Tiyo Andres kaya hindi ko rin masisisi si Mang Antonio kung bakit nito nasabi ang ganoong bagay dito.         "Pasensiya na po kayo kay tiyo, ganoon lang po talaga minsan iyon."         "Sus, okay lang iyon at matagal ko nang kilala ang tiyuhin mo kaya kabisado ko na rin ang ugali niya. Teka at ipagsusupot ko siya ng lugaw para maiuwi mo sa kanya at makain niya." Muling tumayo si Mang Antonio upang kumuha ng sinabi nitong lugaw. Ako naman ay kahit na nahihiya ay sinimulan ko na ring kainin ang nilagang baboy na ulam na inihain niya para sa akin at mainit na kanin. Wala akong nakuhang pagpag kaya tiyak na magugutom ako kung hindi ko kakainin ang mga ibigay niya sa akin.         Habang kumakain ako ay may isang dalaga na babae ang biglang sumulpot sa tindahan ni Manong Antonio. Isinara muna nito ang payong na gamit galing sa init at saka nito ipinatong sa ibabaw ng isang mesa.         "Tatay!" hiyaw nito na ikinagulat ko. Tatay?  Anak ba siya ni Manong Antonio?          "Oh anak, nandyan ka na pala…bakit maaga ka atang umuwi?" Salubong nito sa kadarating lang na dalaga. Nagmano pa ito kay Manong Antonio pagkatapos nitong ilapag naman sa upuan ang mga dala nitong gamit at bag.         "Halfday lang po kami Tay' at may meeting daw po ang mga teachers namin." sagot nito kay Mang Antonio.         Naka uniporme ito kaya malamang ay galing ito sa ekswelahan. Mas bata itong tingnan kaysa sa akin. Mayroon itong mahabang buhok na kulay itim, maputi ang balat nito sa karaniwang mga babae na nakikita ko sa lugar, maganda ang mukha nitong parang isang anghel lalo na kapag ngumingiti ito habang kausap ang ama nito.         "Siya nga pala, Martina ito si Yohann pamangkin ni Andres." Binaling nito ang tingin sa akin at saglit na huminto ang pagtibok ng puso ko. Ngayon ko lang naramdaman ang ganitong kaba, kaba na parang hindi ko mapigilan sa bilis ang takbo ng puso ko. Hindi ako makatingin ng diretso sa kanyang mga mata dala siguro ng kabang nararamdaman ko.         "Hi," ito ang unang bumati sa akin. Alanganin ko siyang nginitian din at binati.         "H-hello..."         "Saluhan mo na kaya siyang kumain Tin, saglit at ikukuha kita ng pagkain."         "Busog pa po ako Tay', nagmiryenda po kasi kami nila Jessie kanina bago umuwi.Tutulungan ko na lang po kayong mag-urong, marami na po bang urungin?" Sinundan nito ang ama sa kusina habang nagsasalita at naiwan akong nakatulala sa kawalan.             Bago ako pinaalis ni Manong Antonio ay ibinilin niya sa akin na pakainin ko ng mabuti si Tiyo Andres, maging ang pambili ng gamot sa lagnat nito ay binigyan din niya ako para maibili ko raw ng iinuming gamot si tiyo.         "Salamat po Mang Antonio."         "Walang anuman yun, kapag may kailangan pa kayong mag tito ay magsabi lang kayong dalawa at huwag kayong mahihiya."         Gusto ko siyang yakapin para maiparamdam ko sa kanya ang pasasalamat ko dahil naging isang anghel siya na tumulong sa aming ni Tiyo Andres.         Ang buong akala ko kanina at tuluyan na akong makukulong buti at tinulungan niya ako at pinakain pa. Sana balang araw ay matumbasan ko ang kabutihang ginawa niya para sa aming dalawa na mag tiyo.         Nagpaalam na ako ng tuluyan sa kanya upang mapakain at mapainom ko ng gamot si Tiyo pag-uwi ko ng bahay. Saglit ko munang sinulyapan si Martina na nakatalikod habang may nakasuot na earphone sa mga tainga nito at nag-uurong ng mga plato. Hindi niya ako napansin na umalis.          Pagdating ko ng bahay ni tiyo ay agad ko siyang tiningnan. Nahiga pa rin siya sa papag na pinag-iwanan ko sa kanya.         Naisipan kong magparikit muna ng apoy para maiinit ang lugaw na uwi ko galing kay Mang Antonio at baka pagkatapos kong iinit ito ay magising na siya. Nailagay ko na sa isang mangkok ang lugaw na mainit, kumuha ako ng isang basong tubig para makainom na rin ng gamot si tiyo pagkatapos nitong kumain.         Sinilip ko uli siya at mahimbing pa rin siyang natutulog. Kung hahayaan ko siyang matulog ay lalamig naman ang lugaw kaya minabuti ko siyang lapitan at gisingin.         Inayos ko ang kumot na nakabalot sa kanyang katawan at sinalat ko ang kanyang noo. Hindi na ito gaanong mainit hindi katulad kanina.         "Tiyo...tiyo, gising na po kayo at may uwi po akong lugaw galing kay Mang Antonio." Hinimas ko ang kanyang isang braso, hindi pa rin siya sumagot. Kinabahan ako bigla…         "Tiyo..." Niyugyug ko ang kanyang mga balikat para subukang gisingi pero hindi siya sumagot. Ilang beses kong ginawa ang pagyugyug sa kanya pero hindi na siya kumilos.         Muling nagbalik ang sakit na pinagdaanan ko mula sa pagkawala ng aking mga magulang. Sakit na walang katumbas, na ang puso ko ay halos gustong tumigil na sa paghinga dahil sa pighati na nararanasan ko.         Bakit kailangang paulit-ulit akong makaramdam ng ganitong sakit? Hindi pa ba sapat ang mga magulang ko at pati ang Tiyo Andres ko ay kailangan ding mawala sa buhay ko? Hagulgol na walang tigil ang ginawa ko. Para na akong manhid sa lahat ng sakit at ang tanging gusto ko na lang mangyari ng mga oras na iyon ay maglaho na mundong ginagalawan ko ngayon, kung saan...wala ng lungkot, pait at sakit.         Katulad ng nangyari sa akin ng mamatay si Nanay ng nakaraang buwan ay tinulungan din ako ng kapitan at mga konsehal ng lugar kung saan kami nakatira ni Tiyo para magkaroon siya ng disenteng burol. May mga sinasabi ang ibang tao sa akin pero hindi ko maunawaan ang mga iyon, sarado ang isip at puso ko sa mga sinasabi nila. At wala akong nararamdaman ng mga sandaling iyon kung hindi kapighatian.         Nang mailibing si Tiyo Andres ay muli akong tinanong ng isang tauhan ng DSWD.         "Ano na ang balak mo ngayon Yohann? Sa pagkakaalam namin ay wala ka ng mga magulang at ang taninging kamag-anak mo na lang ay si Mang Andres pero nawala na rin siya."         Hindi ako agad nakasagot sa tanong niya. Ano na nga ba ang mangyayari sa akin? Saan na ako pupunta ngayon na wala na ang kaisa-isang taong kamag-anak ko? Napayuko ako at muli ay isang masaganang mga luha muli ang bumuhos sa aking mga mata.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD