Kabanata 4
Lalaki
Puno pa rin ng kaba ang dibdib ko sa mga oras na ito. Malalim ang bawat paghinga ko habang nakatukod ang mag kabilang braso ko sa aking tuhod at nakaupo sa isang silya sa labas ng isang maliit na ospital dito sa lugar namin.
Naguguluhan ako sa mga tanong na naglalaro ngayon sa isipan ko.
Bakit may lalaking nakahandusay sa dalampasigan at duguan? Paano siya napunta roon? May nanakit kaya sa kaniya o tumilapon siya sa isang barko kaya siya napadpad rito sa Isla Lefevre?
Naaalala ko pa ang itsura ng lalaking iyon kahit na madungis ang mukha niya.. Hindi siya pamilyar sa 'kin. Mukha siyang dayuhan. Maayos ang pananamit niya at..
Ipinasok ko ang kamay ko sa bulsa ng suot kong jacket at mula roon ay nakapa ko ang pulang kahon. Balak ko na sanang ilabas 'yon nang biglang umupo si Lola Tilda sa tabi ko."Apo.." kalmadong sabi nito.
Nilingon ko siya. May dala siyang dalawang baso ng kape, inabot niya sa 'kin ang isa. Nanghihina ko naman 'yong kinuha. Madaling araw na at nandito pa rin kami sa maliit na ospital dahil sa lalaking nakita ko kanina. Kanina pa ako hindi mapakali dahil doon.
"K-kamusta kaya 'yung lalaki, Lola? Nag-aalala ako kaniya. Umaagos kasi ang dugo mula sa ulo niya nang matagpuan ko siya sa dalampsigan..." napahigpit ang hawak ko sa papel na baso ng mainit na kape bago napatingin sa laylayan ng suot kong damit. May kaunting bahid doon ng dugo.
Lumapit si Lola sa 'kin at hinaplos ang likod ko. "Magiging maayos rin ang binatang iyon, Apo. Hindi mo ba narinig iyong sinabi ng Doktor kanina? Nagpapasalamat siya sa 'yo dahil nadala kaagad 'yung lalaki rito sa ospital.." hinawakan ni Lola ang buhok ko. "H'wag ka nang mag-alala."
"Ano'ng mangyayari sa kan'ya pagkalabas niya ng ospital, Lola?" nag-aalalang tanong ko.
Napabuntong hininga naman ito. "Mukha siyang isang dayuhan. Siguro naman ay may tinutuluyan siyang bahay rito sa lugar natin. Hayaan nalang natin siya sa gusto niyang gawin kapag nagising na siya. H'wag na nating panghimasukan ang desisyon iyon, sapat na 'yong nailigtas mo siya, Apo."
Suminghot ako at napatango-tango na lamang sa sinabi ni Lola. Ipinilig ko ang ulo ko sa balikat ni Lola at unti-unti na akong kumalma.
Sabagay tama si Lola. Bakit nga ba masyado akong nag-aalala? Hindi ko naman kilala ang lalaking 'yon. Siguro'y masyado lamang akong nadala ng emosyon ko dahil ako ang nag-iisang nakakita sa kaniya sa dalampasigan kaya pakiramdam ko 'y responsibilidad ko s'ya.
"Umuwi na tayo, Lola. Baka pagod na kayo." bumuntong hininga ako bago sumimsim ng kape."Sigurado ka ba, Apo? Hindi mo na hihintaying magising 'yung lalaki?" nagtatanong ang mata ni Lola.
Marahan naman akong tumango. "Opo, hindi na ako papalaot mamaya sa dagat. Sasamahan ko nalang kayo sa pagtitinda."
Tumango si Lola at ngumiti. Inubos muna namin ang kape bago kami nagpas'yang umalis roon ngunit bago kami makalabas ay tinawag kami ng Doktor.
"Kayo po ba ang guardian ng pasiyente?" tanong ng Doktor.
Nagkatinginan naman kaming dalawa ni Lola dahil hindi namin alam pareho ang dapat na i-sagot ngunit dahil wala namang ibang tao rito na may concern sa lalaking iyon ay wala akong choice kundi ang tumango.
"A-Ako ho. Guardian niya ako, Doc. Kamusta po ba ang lagay niya?" napalunok ako dahil sa kaba. Naramdaman ko naman ang kamay ni Lola sa likod ko.
"Hmm, nobya ka siguro niya." tumango ito. Gusto ko sanang umapila ngunti muli itong nagsalita. "Maayos naman naming nai-sagawa ang operasyon ngunit dahil sa matinding pinsala na natamo ng ulo niya.. Baka ilang araw pa siya bago magising. May posibilidad rin na magkaroon siya ng pansamantalang pagkalimot. Siguro naman, handa kayo sa ganitong sitwasyon.."
Nanlaki ang mga mata ko dahil sa gulat, maging si Lola. "A-ano po?"
"Temporary Amnesia.. Iyon ang pwedeng matamo niya."
Umalis kami sa ospital nang malaman namin iyon ni Lola. Iniligtas ko ang lalaking iyon at dinala sa ospital. Kahit na nalaman ko ang kondisyon nito ay pinili kong h'wag nalang umapila roon. Hindi naman namin kaano-ano ni Lola iyon. Siguradong malalaman rin ng kamag-anak niya ang kalagayan niya kaya wala na akong dapat na ipag-alala.
"Lola, kumpleto na ba itong paninda niyo? Linggo po ngayon 'di ba? Siguradong maraming tao mamaya sa palengke." sambit ko habang inihahanda ang mga panindang dadalhin namin sa palengke.
Alas s'yete na ng umaga at nandito pa rin kami sa bahay. Tinanghali kasi kami ng gising ni Lola dahil nangyaring aberya kagabi. Limang oras lamang naging tulog namin dahil sa pananatili sa ospital kagabi.
Speaking of hospital.. Kamusta na kaya ang lalaking iyon? Wala akong oras na dumalaw doon dahil hindi ko naman iyon responsibilidad. Pero sana'y maayos na ang lagay niya.
"Oh, Lola Tilda, Era.. Tinanghali ata kayo?"
Napalingon ako kay Aling Betty, s'ya ang may ari nitong buong palengke. Mukha na naman itong mayor doma dahil ginagawa niyang pag-iikot sa buong palengke. Kada linggo ay ginagawa niya 'yan.
Tipid akong ngumiti. "Ah, opo Aling Betty. May aberya lamang po na nangyari kagabi.."
"Kagabi?" tumaas ang isang kilay nito. "Pero sandali, alam niyo ba 'yong balita ngayong umaga lang?"
Napailing naman ako at napakunot noo.
"Ano namang balita iyan, Betty?" si Lola.
Humalukipkip si Aling Betty at mas lumapit pa sa 'min upang bumulong. "May barko raw na lumubog kagabi malapit dito sa Isla natin. Marami ang namatay doon tapos--"
"Aling Betty dumating na po 'yung mga produkto!" sigaw ng isang kargador nitong palengke na tauhan ni Aling Betty.
"Oo na, Lando! Sandali." binalingan kami ni Aling Betty. "Una na 'ko, Era, Lola Tilda.."Nagkatinginan kaming dalawa ni Lola pagkaalis ni Aling Betty. Nasisiguro ko na isang bagay lang iniisip naming dalawa ni Lola.
Hinayaan nalang namin ang isiping iyon at inayos nalang namin ni Lola ang mga panindan namin. Habang lumilipas ang oras ay parami ng parami ang tao rito sa palengke kaya naman naging sobrang abala kami ni Lola sa pangse-sales talk sa mga customer. Pawisan na ako at medyo nakakaramdam na ng gutom. Nang medyo umunti ang mga tao ay nagpasiya kami ni Lola na kainin na ang dinala naming binalot. Pati ang mga karatig naming tindera ay nagsikainan na rin.
Sinulyapan ko ang paninda namin ni Lola, kakaunti na lang ang mga iyon. Sana ay may dumating na customer at pakyawin ang mga paninda namin para makauwi na kami.
Natawa ako. Imposible namang mangari iyon. Puro matamis na pagkain ang tinda namin. May pamaypay at sumbrero rin na magagamit ngayong summer ngunit hindi pa rin iyon sapat para pagkayawin ng isang customer ang mga paninda namin.
Since nagtanggap na naman ako sa Hotel na iyon at iilang araw nalang ang itatagal ni Lola rito, ano kaya kung mag-isip naman kami ng ibang paninda?
"Hello po,"
Muntik na akong mahulog sa kinauupuan nang isang magarang lalaki ang lumapit sa tindahan namin ni Lola. Nakangiti habang pinapasadahan ng tingin ang lahat ng tinda namin. At dahil sa pagngiti niyang iyon, nalaman ko tuloy na may dalawa siyang dimple.
Medyo mamula-mula ang makinis nitong balat. Nakasuot ito ng collar shirt na may mga disenyong dahon, sa gitna ng damit niya nakasabit doon ang isang shades. May suot rin siyang sumbrero na gawa sa kayakas, kagaya ng paninda namin. Dumako naman ang mga mata ko sa mukha niya. Hindi ko maiwasang hindi hangaan kung gaano siya kwagapo na maski ang ibang tao rito sa palengke ay napapalingon sa lalaking ito.
"Era, tanungin mo kung ano'ng gusto niya. Ililigpit ko lang itong pinagkainan natin." sabi sa 'kin ni Lola.
Napatango-tango naman ako bago binalingan 'yong lalaki sa harapan namin na ngayon ay nakatingin na pala sa 'kin.
"A-ano.. Bibili ka ba?" nauutal kong sambit. Hindi ko alam kung bakit kailangan ko pang mautal sa harap niya!
Tumawa ito bago itinuro ang paninda namin. "Ano ba'ng tawag dito, Miss?"
"S-sapin-sapin," mabilis kong sagot.
Itinuro naman niya 'yung isa. "Ito?"
"Sinokmani,"
"Hmm. E, ito?" tumaas ang isang kilay niya.
"Palitaw 'yan."
"E, itong--"
"Ito suman, itong isa'y turon na malagkit, ito naman kutsinta, tapos ito nilupak naman." pinagkrus ko ang braso ko. "Ano, bibili ka ba o hindi?" tinaasan ko siya ng kilay.
Humalakhak naman ito bago muling nagsalita. "Sorry, ngayon lang kasi ako nakakita ng mga ganitong pagkain. Anyway, masarap ba ang mga 'yan?"
Napairap naman ako. "Try niyo, Sir. Wala itong lason. Hindi nakakamatay." mapanuya kong sabi.Tumawa ulit ito bago nagsalita. "You're cute. Sigurado ka bang masarap 'to?"
Tipid akong ngumiti at tumango. Bakit ba ang dami niyang tanong? Kung wala siyang tiwala sa mga pagkaing binebenta namin ni Lola, e 'di h'wag nalang siyang bumili. Tsk, gwapo nga siya pero ang kulit naman niya.
"I'll buy everything. Including those things."
Nalaglag ang panga ko at napakurap-kurap pa ako sa sinabi niya na naging dahilan ng pagtawa niya.
Kumunot ang noo ko at hindi makapaniwala siyang tinitigan. "T-talaga? Bakit?"
Tinaasan naman niya ako ng kilay. "Ayaw mo ba? Kapag binili ko ito lahat pwede na kayong makauwi ng Lola mo, Miss."
Nakakunot pa rin ang noo ko habang inilalagay sa isang malaking kahon ang lahat ng paninda namin ni Lola na binili ng lalaking nasa harapan ko ngayon at nakalukipkip na nakatingin sa 'kin. Hindi pa rin kasi talaga ako makapaniwala na bibilhin niya lahat ito. Ang sabi niya kanina 'y ngayon lang siya nakakita ng mga ganitong pagkain kaya bakit naman niya bibilhin lahat 'di ba?
Mukha pang mayaman ang lalaking ito. Lilibuhing pera ang ibinayad niya sa 'kin kanina at nagkataong wala akong panukli kaya kinailangan ko pang magpapalit. Ang sabi ng lalaking ito 'keep the changes' nalang daw ngunit hindi ako pumayag. Bibilhin na nga niya lahat ng paninda tapos hindi ko pa siya susuklian?
Kahit ang mga karatig kong tindahan ay hindi makapaniwala sa ginawa ng lalaking ito. Napapailing nalang sila. Wari ko'y ipinagdarasal din nila na sana ay may pumakyaw rin ng mga paninda nila.
"Ito na lahat." sambit ko.
Ipinatong ko ang dalawang kahon sa lamesa. Dalawang kahon dahil pagkain at gamit ang binili niya. Mabuti nalang at nagkasya lahat iyon sa mga kahon na 'to.
"S-salamat pala.." naiilang kong sambit.
Ngumiti naman ito. "No problem. May pupuntahan kasi akong ampunan kaya naisipan kong bumili ng pagkain at pasalubong dito sa palengke. Uhm, madalas ka ba rito kasama ang Lola mo?"
Kumunot naman ang noo ko. Hindi ko alam kung bakit ang friendly ng lalaking ito. Pero dahil binili niya ang lahat ng paninda ko kailangang maging mabait ako sa kaniya. "Ah, Opo."
"Drop the 'po', please? Mukha namang maedad lang ako sa 'yo ng kaunti. Ano nga palang pangalan mo, Miss?"
"Bakit mo--"
"Apo, pasensiya ka na at ngayon lang ako nakabalik. Nakipag-kwentuhan pa kasi ako-- Nasaan ang mga panindan natin?" naguguluhang tanong ni Lola. Naggala ang mata nito sa sa 'kin, sa mga kahon at sa lalaking nasa harap ng tindahan namin.
"Binili niya lahat, Lola." sagot ko.
Nanlaki naman ang mga ni Lola. Nilapitan niya kami at pinasalamatan ang lalaki. "Naku, maraming salamat, hijo. Dahil sa 'yo makakauwi kami ng maaga ng Apo ko." tuwang-tuwang sambit ni Lola.
"Wala po iyon." ngumiti ito kay Lola bago bumaling sa 'kin. "Ano po palang pangalan niyo at nitong Apo niyo? Bago lang po kasi ako rito, wala pa po akong kakilala."
Aapila na sana ako ngunit nagsalita na si Lola.
"Tawagin mo nalang akong Lola Tilda, hijo. Ito namang Apo ko ay si Era.." hinigit ako ni Lola palapit sa kanila.
"Era.." banggit nitong sa pangalan ko. "Ako po pala si Zach. Natutuwa po akong makilala kayo." kinamayan niya kaming dalawa ni Lola.
Pagkarating naman sa bahay galing palengke. Kunot noo akong nameywang sa harap ni Lola. Tinaasan naman ako nito ng kilay.
"Ano 'yon, Apo?"
"Lola, bakit niyo sinabi ang pangalan natin sa lalaking iyon? Akala ko po ba hindi maganda na basta-basta magtiwala?"naningkit ang mga mata ko.
Nagulat naman ako nang isang tawa ang pinakawalan ni Lola. Nilapitan ako nito at pinitik ang noo ko kaya naman napahawak ako roon.
"Dahil yata sa nakaraang ikinwento ko sa 'yo ay naging gan'yan na ang pananaw mo." tinawanan ako ni Lola at pumunta ito sa kusina upang iligpit ang mga bilao.
Sinundan ko naman siya roon. "Ang gulo-gulo niyo, Lola. Halata namang taga Maynila ang lalaking iyon--"
"Kalimutan mo na 'yong sinabi ko sa 'yo, Apo."
Mas lalong namang napakunot ang noo ko. Manghihingi pa sana ako ng explanation kay Lola ngunit nagulat ako nang makarinig kaming dalawa ni Lola ng sunod-sunod na katok.
"Ako na po," sambit ko at tinungo ang sala upang alamin kung sino iyon.
Nagulat naman ako nang makita iyong Doktor na nakausap namin sa bayan. 'Yung Doktor na nag-asikaso sa lalaking nakita ko sa dalampasigan. Ano naman kayang ginagawa niya rito?
"Magandang gabi, hija." ngumiti ito.
Tipid akong ngumiti. "Magandang gabi rin po, Doc. Ano hong ginagawa niyo rito?" kunot noong tanong ko.
"Kasama ko ang nobyo mo."
Nalaglag ang panga ko nang makita ang lalaking iniligtas ko sa dalampasigan. Magulo ang buhok nito at may benda pa ang parteng ulo niya. Disenteng damit na rin ang suot niya ngayon.
Sumilay ang isang maliit na ngiti sa labi nito bago binalingan iyong Doktor. "S-siya ho ba 'yung sinasabi niya?"
Tumango naman ang Doktor. "Oo, hijo. Siya na nga 'yon. Natatandaan mo ba siya? Siya ang nobya mo. Siya rin ang nagdala sa 'yo sa ospital.."
"I-I don't remember her.."
___________