PAGKATAPOS ng pag-uusap na iyon ni Azi ay medyo gumaan ang pakiramdam niya. Kahit sinabi nito sa kaniya na gusto nitong ayusin ang relasyon nila ay hindi pa rin siya masyadong aasa na magiging maganda ang kalalabasan ni'yon. Naging tapat naman siya kay Azi nang sabihin niyang hindi niya maipapangako na magiging maganda ang kalalabasan ng gusto nitong gawin. Nakatayo siya sa may dalampasigan habang tinatanaw ang bawat pag-alon ng dagat. Hinahayaan niya ang tubig na umanod sa mga paa niya. Hindi rin masakit sa balat ang araw dahil hapon na tin naman na. Napayakap siya sa sarili nang umihip ang may kalamigan na hangin. Napatingin siya sa kaniyang likuran nang may naglagay ng nakapal na jacket sa balikat niya. It's Azi. Tumabi ito sa kaniya. "Malamig na rito tapos gan'yan pa ang suot mo."

