Chapter 3
Anghel
“Walang sisigaw kung ayaw niyong may mangyaring masama! Taas ang kamay!”
Kahit plakado ang mga paa sa sahig at halos hindi na pumintig ang puso sa takot, sa gilid ng mga mata ko ay alam kong binalot din ng pangamba si Mama. Wala pa sa tamang edad si Adam at Abby para maintindihan ang nangyayari pero matigas nilang mga likuran dahil sa nakatutok na patalim at b***l ay sapat na para gisingin ang naglalaro nilang diwa.
Nanginginig, tinaas ko ang dalawang kamay. Ganoon din ang ginawa ni Mama at ng dalawa ko pang kapatid. Sobrang tahimik ng resto na para bang ni minsan ay walang nagbalak kumain. Sa lahat ng naranasan kong katahimikan ngayong araw, ito na pinakamalakas.
“M-Mama?” mangiyak-ngiyak na tanong ni Abby.
“Sabi nang huwag maingay! Tumahimik ka!” Tinutok ng isang manloloob ang b***l sa pinakabata kong kapatid.
Tumaas ang mga balahibo ko.
“Shhh, Abby. Kinig ka kay Mama. Magpakabait ka muna...” Kahit anong pakumbaba ng boses ni Mama ay hindi nakatakas sa akin ang panginginig nito.
Mas lalong umiyak si Abby. Pilit pinatatahan ni Adam at ni Mama habang tinututukan ng b***l. Sumisigaw na ang may hawak nito.
Daig ko pa ang nasa yelo. Naninigas, nanlalamig. Parang may mga tanikala sa sahig na nakakapit sa mga paa ko. At ang tanikalang ito ay umaabot hanggang sa aking lalamunan para hindi ako makagawa ng kahit anong ingay.
“Abby, tahan na! Abby!” Umiiyak na rin si Adam.
Habang sumisigaw ang isang magnanakaw, ang grupo ay maingat na isinasarado ang buong resto mula sa kahit anong pares ng mga matang posibleng makakita. Ang kandadong hawak ko kanina ay nailagay na sa pwesto pero ito ang unang pagkakataon na sa pagsara ng pinto ay naririto pa kaming lahat sa loob.
Para akong nakaupo sa isang sine, walang magawa kung hindi ang pigilan ang paghinga nang humakbang papalapit ang armadong lalaki. Mas lumakas ang mga bulahaw ni Abby. Halos hindi na ako humihinga habang nakikita sa sariling mga mata kung paanong bumwelta ang lalaki bago buong pwersang hinampas ang dulo ng b***l sa pisngi ni Abby.
Ilang segundong katahimikan ang nanaig.
Namatay ang mga ingay ni Abby, walang nagmamakaawang si Mama, si Adam. Kahit ang bilang ng mga t***k ng puso kong hinugot pa sa tadyang ang lalim.
“Anak ko! Ang anak ko! Anong ginawa mo sa anak ko? Mga walang hiya kayo! Gumising ka, Abby!” Pinatay ng nakakamatay na iyak ni Mama ang nagharing katahimikan.
Laglag ang aking panga, kapos na kapos ang paghinga at hindi na namalayan ang pagtulo ng mga luha.
Sa sahig ay parang mahimbing na natutulog lang si Abby. Sinampal sa kaniya ang metal na armas dahilan kung bakit ang porselanang balat sa pisngi ay nagsisimula nang magmarka ng pula. Sa tanan ng aking buhay, ngayon lang ako binalot ng matinding takot na pakiramdam ko ay kakapusin na ako sa hininga.
“Abby! Gumising ka, Abby!” iyak ni Adam.
Ngunit hindi pa tapos ang magnanakaw. Tinutok ulit ang b***l ngunit sa nakababata kong kapatid na lalaki naman. Umaangil ito sa tuwing hihikbi ang bata.
“Kapag hindi ka tumigil kakaiyak, ikaw naman ang susunod! Sinabi nang ayaw ko ng maingay! Tatahimik ka o babarilin ko 'yang bunganga mo?!”
Bolta-boltaheng kuryente ang dumaloy sa katawan ko. Mas lalo akong pinagtaasan ng mga balahibo. Pakiramdam ko ay iiwan na ako ng sariling kaluluwa. Tumahimik si Adam, pahikbi-hikbi. At sobrang hirap pakinggan ng lahat ng iyon dahil alam kong pigil na pigil siya sa takot.
Sa kabila ng ilang pangyayari, pumwesto ang dalawang bandido sa saradong pintuan. Magka-krus ang mga kamay na parehong may hawak na b***l. Ang dalawang natira ay nasa isang gilid na may kung anong pinag-uusapan. Sa takot ko ay hindi ko na halos marinig.
“Putangina mo! Para sa'yo rin 'to!” malakas na sigaw ng isa.
Sasagot na sana ang kausap ngunit nakatikim na ito ng isang sapak sa ulo.
“Kayong dalawa, hindi ba kayo titigil? Patahimikin mo 'yan, Daniel, kung ayaw mong ako ang umaksyon. Kuhanin niyo na ang pera! Bilisan niyo!”
“Oo na! Oo na! Tara!”
Alisto ang mga mata ko sa bawat kilos ng mga lalaki. Nakataas pa rin ang aking mga kamay sa ere ngunit hindi ko maramdaman ang pangangalay. Mabilis na dinampot ng isang lalaki si Mama na nanginginig pa rin. Kinaladkad niya ito hanggang mapunta sa isang gilid kung saan palagi siyang nakapwesto bilang kahera.
Sa normal na pagkakataon, naroon si Mama at tumatanggap ng mga order. Ilang libong beses na tumatanggap at nag-aabot ng perang binayad at sinukli. Nakangiti sabay sasabihing, “salamat sa pagbisita. Balik kayo!” sa mga mahal na suki. Pero sa paglalim ng gabi, walang bahid ng ngiti ang kaniyang mga labi dahil ang purong takot lang ang naroon.
“Buksan mo! Ilabas mo ang pera!” anang bandido sabay tulak ng b***l sa kahang pinaglalagyan ng salapi.
Walang nagawa si Mama kung hindi ang sumunod. Kahit pa nanginginig ang mga kamay. Kahit pa tumutulo ang pawis at luha. Sama-sama na lahat. Nang maisilid ni Mama ang lahat ng perang kinita at pinagpaguran namin ngayong araw sa bag na hawak ng lalaki ay nanginginig pa rin ito. Nakatutok pa rin ang b***l sa kaniyang noo.
Sa sobrang lakas ng mga kalabog ng aking dibdib ay muntik ko nang makaligtaan si Papa na hindi pa rin lumalabas mula sa kusina. Umakyat ang guhit sa aking likuran nang makarinig ng kaunting kaluskos mula roon. Dahan-dahan, nilingon ko ang bandang kusina.
Para akong binigyan ng pag-asa nang makita itong pinagkakasya ang katawan sa maliit na hambalang ng pinto para hindi makita ng mga magnanakaw. Suot pa rin ang kaniyang apron ngunit imbes na sandok o kutsara ang hawak ay isang maliit na b***l na ngayon ko lang nakita. Napasinghap ako nang magtama ang mga mata namin.
Walang tunog ang aksyon ni Papa, nilalagay ang hintuturo sa bibig para sabihing huwag akong mag-ingay. Nangingilid ang luha sa mga mata ay tumango akong dahan-dahan. Binaling ko ulit ang tingin sa harapan. Napabuntong-hininga ako nang makitang naalimpungatan na si Abby.
Kinaladkad ulit ng dalawang bandido si Mama pabalik sa kaniyang pwesto. Sa halip na itaas ang mga kamay ay dinaluhan kaagad si Abby na pupungas-pungas sa sahig.
“Umalis na kayo! Parang-awa niyo na! Hindi kami magsusumbong sa pulis! Umalis na kayo!” ang kaniyang huling pagmamakaawa.
Gusto kong isigaw na huwag siyang matakot. Hindi na niya kailangang matakot dahil naririto na si Papa! Isasalba niya tayong lahat! Tayo nila Abby at Adam katulad ng palagi niyang ginagawa! Pero kahit anong ingay ay hindi ko ginawa, hinihintay si Papa na lumabas mula sa kusina.
“Ayos na 'to! Tara na, pre!” tawag noong may hawak ng bag. Kahit balot ng itim na tela ang mukha ay kitang-kita pa rin ang pagkalusaw ng mga mata dahil sa maliit na halaga.
"May pera pa ata sa bahay nila! Mga alahas!"
Ang imaheng pumasok sa isip ko ay hindi kaaya-aya. Pati bahay namin ay gusto nilang pasukin.
“Tara na! Tara! Buksan niyo na 'yan!”
"Hindi! May pera pa ang mga 'yan sa loob ng bahay! Nakita ko!"
Nakaharap ang tatlo sa pinto, samantalang dalawa ang nagbabantay sa amin. Nanlalamig ang buo kong katawan, iniisip kung kakayanin ba ni Papa ang dalawang ito sa ilang segundo bago ang tatlo.
Mabilis ang kilos ng mga bandido para makaalis. Bago makalag ang mga kadena, isang putok ng b***l ang tumagos sa aking pandinig. Napaluhod kaagad ang isang bandidong nagbabantay sa amin. Lumabas si Papa habang sinusubukang paputukan ang apat. Mabilis na tumayo si Mama, karga si Abby, at hila si Adam.
Ang bag na naglalaman ng pera ay nakalimutan ng napaluhod na bandido. Parang sumentro ang tingin ko roon pagkatapos ng ilang minutong paninigas.
“Putangina! May b***l! Putukan niyo!”
Walang pasubali kong tinalon ang bag para wala silang makuha sa amin. Hindi ko alam kung kanino o sinong nagpapaputok ngunit ang mukha ng aking pamilyang balot sa takot ang huli kong nakita bago ang dilim.
Sa isang segundo ay nawala ang lahat. Tanging dilim lang ang nanaig.
Walang hanggan, buhay na buhay, at nangangaing dilim.
Sa muling kong paggising ay kadiliman pa rin ang naroon. Nag-iisa ako sa dilim at tanging ang nag-iisang liwanag lang na sumusunod sa aking bawat yapak ang kasama ko. Dahil sa liwanag ay nalaman kong kinakain na akong buo ng dilim sa paligid.
“Mama? Papa?” tawag ko.
Nagpatuloy ako sa paglalakad. Napatingin ako sa sahig. Kahit ito ay dilim.
Nasaan ang mga bandido? Ang pera?
Anong nangyari sa resto?
“Adam? Abby?” patuloy kong tawag.
Binabalutan ako ng lamig pero hindi katulad kanina na punong-puno ng takot. Ang lamig na pumapasok sa sistema ko ngayon ay dahil lang sa lamig na kaakibat ng dilim at wala nang iba pa. Malamig. Madilim. Mag-isa.
Patuloy ako sa paglalakad pero kahit ilang kilometro pa ang narating ng mga paa ko ay parang walang hanggan pa rin ang kadiliman. Hindi maabot, walang katapusan. Napupuno ako ng pagtatanong. Gusto ko pang tulungan sila Papa. Baka kung ano na'ng nangyari sa kanila.
Ano ba ang lugar na ito, at paano makakaalis dito?
“Pa? Ma?” muli kong tawag.
Kahit hangin ay hindi nakapasok sa isang mundo ng kadiliman kung nasaan ako. Parang isang masamang panaginip lang ang lahat. At kung nananaginip nga ba ako ay gusto ko nang magising.
Pagkaraan ng ilang minutong paglalakad ay parang bumagal ang lahat. May pagbabago sa paligid. Bumabagal na naman. Kaparehong pagbagal kaninang umaga sa school. Alam ko dahil sumasabay ang t***k ng puso ko sa paglapat ng aking mga pilik-mata sa pisngi.
Nang bumalik sa dati ang oras ay may tumamang malakas na hangin sa aking pisngi. Sumunod ang buhok ko sa ritmiko. Sa sobrang bilis at lamig ay hindi na natural ang hangin. Ibang-iba sa balat.
Naulit ang malakas na hangin. Bumaling naman ako sa kabilang gawi para sundan ang pinagmulan. Segundo lang ang kinailangan para magawa ulit ang buong lakas na pagdaan ng hangin.
“Sino ka?” tanong ko sa dilim.
Inikot ko ang buong katawan para hanapin ang sanhi. Kung bagay o tao. O siguro, nananaginip na nga talaga ako dahil walang may kakayahang dumaan ng ganoon kabilis. Hindi ko na rin alam kung bakit kinakausap ko pa ang dilim hanggang ngayon.
Tumaas ang mga balahibo ko nang muling maramdaman ang paparating na hangin. Naghahanda na ang mga paa ko kung sakaling mas malakas ngayon. Pinako ko ang binti sa sahig at kinuyom ang mga kamao sa paghihintay.
Walang dumating na hangin pero sa halip ay ang malumanay na tunog ng mga pagaspas.
Pagaspas?
“Sino ka? Magpakita ka...” tawag ko.
Tuloy pa rin ang mabagal na pagaspas. Malalim ang tunog, nagsisimula ng hindi maipaliwanag na klase ng lamig at kalinawan sa paligid, dinadala ang pagod kong utak patungo sa kaluwalhatian.
Nakaramdam ako ng matinding antok dahil sa mga pagaspas. Unti-unti, bumaba ang talukap ng aking mga mata at naramdaman ang paglutang. Bago tuluyang magpakain sa antok ay isang malabong imahe ng puting-puting pakpak ang nakita ko. Malaking-malaki. Parang anghel.