Chapter 4
Ospital
Maliwanag.
Puting-puti at pinong-pinong liwanag.
Parang langit.
Mula sa walang hanggang kadiliman ay ibinato ako sa isang mundong puno ng liwanag. Hindi na ako nilalamig at hindi na rin ako nanginginig. May kapayapaang nananalaytay sa dugo ko, tumatagos hanggang sa laman at buto na kinaya kong tingnang mabuti ang puting-puting liwanag. Sobrang linaw. Sobrang gaan.
Huminga akong malalim, nararamdaman ang paglumanay ng mga ugat at sa maikling panahon ay nalaman ko kung ano ba talaga ang ibig sabihin ng salitang malaya.
Pumikit akong mariin. Dilim. Binukas ko ang mga mata. Liwanag.
“Ang ganda mo talaga, Miss Resurreccion. Para ka lang manyikang natutulog, oh…”
Nilingon ko ang nagsalita. Isang babaeng naka-unipormeng puti, may hawak na notebook at sinusuri akong maigi. Sa kamay kong naka-swero, sa tubong nakakabit sa aking bibig, sa ulong may puting benda. Ang liwanag ay unti-unting naglaho na sinabayan din ng pag-alis ng kapayapaan.
Malumanay ang ngiti ng batang nurse. Bilog na bilog ang mga mata. Bagay na bagay sa mukhang maamo. Pagkatapos magsulat sa papel ay binunot niya ang hiringgilya sa isang tray. Itinaas ito ng nurse at pinitik ang dulo bago tuluyang sinaksak sa tubo papunta sa aking katawan. Sa katawan kong nakaratay sa isang puting kama, puno at saksak ng kung anu-anong makinarya.
“Ayan. Bukas ulit ha, Miss Resurreccion. Good night!” Ngumiti ang nurse bago kinuha ang mga aparato at umalis.
Naiwan akong mag-isa.
Puting-puti ang ilaw ng kwarto. Dikit-dikit ang mga parisukat na ilaw. Puti ang mga pader. Pati ang tiles ay puti. Hindi ko alam kung bakit ang nagdisenyo ng kwartong ito ay mahilig sa mga puting kulay pero gusto kong sabihin sa kaniyang hindi lahat ng oras ay tahimik at payapa ang ibig-sabihin ng puti.
Minsan, masakit sa mata. Magulo sa isip.
Nasaan sina Mama at Papa? Sina Adam at Abby?
Anong nangyari sa resto namin?
Nagtagumpay ba si Papa laban sa mga masasamang loob? Nakuha ko ba ang pera?
Sumakit ang ulo ko sa mga naiisip. Habang tinitingnan ang kwartong tiyak na pang-ospital ay hindi rin nakakatulong. Naisip ko ang nurse na inaayusan ako kanina. Parang kaswal na kaswal na niyang kausapin ako. Hindi ko naman siya kilala.
Hindi ko kailangan ng salamin para makita ang sarili dahil ang munting tunog pa lang ng mga makinaryang nakakabit sa katawan ko ay nakakabahala na. Mayroon sa ilong at sa bibig, sa magkabilang kamay. At kahit sa ulong nakabenda ay may nakadikit din.
Anong nangyari?
Anong ginagawa ko sa ospital na ito? Bakit ako may mga ganito?
Nasaan sina Mama at Papa?
Bago pa man atakihin ng panibagong mga tanong ay muling bumukas ang pinto. Isang nurse na naman ang pumasok ngunit hindi ang dalaga kanina. Lalaki ang pumasok, nakaputi rin at may hawak na notebook. Kagaya ng nauna, inusisa niya ang mga nakakabit sa katawan ko sabay baling sa mga makina. May kung ano siyang pinipindot doon.
“Ang tagal ng recovery mo, Miss Resurreccion. Kaunting pahinga pa siguro…” bulong nito.
Kumunot ang noo ko.
“Nasaan ho ang pamilya ko? Bakit ako nandito?” tanong ko sa isang garalgal na boses.
Parang walang narinig ang lalaking nurse na busy pa rin sa mga makina. Baka siguro mas malakas pa ang huni ng aircon kaysa sa mga bulong ko kaya inulit kong muli ang mga tanong.
“Nurse? Anong nangyari sa akin?” tanong ko nang mas malakas.
Wala rin lang itong narinig. Diretso pa rin ang kaniyang malapad na likod, nakaupo at nakaharap sa mga malalaking aparato. May kung anong pinindot ito na gumawa ng malakas na ingay. Narinig ko ang mga t***k ng sarili puso bago ulit nawala. Tumango-tango ang nurse at muling nagsulat.
Napabuntong hininga ako. Mukhang hindi niya ako naririnig. Lalakasan ko pa sana ang boses pero hinarap na ako ng lalaking nurse.
“Gising na, Miss Resurreccion. Ang haba na ng tulog mo, e.” Umiling ito habang may kung anong ginagalaw sa aking swero.
“Gising na po ako…” naguguluhan kong sabi.
Bukas ang mga mata ko, malinaw na malinaw na nakikita ang mga puting ilaw at bagay sa kwartong ito. Hindi ko alam kung bakit ang dalawang nurse na inasikaso ako ay hindi iyon makita. Kumunot ang noo ko nang muling umiling ang lalaki sabay tayo.
“Good night, Miss Resurreccion! Sana ay 'good morning' na bukas!” paalam niya sabay dahan-dahang sinarado ang pinto.
Maiiwan na sana ulit akong mag-isa pero gusto kong marinig na nila ako. Gusto kong makita nilang gising na ako at hindi ko lang naririnig ang mga sinasabi nila pero pati na rin ang nakikita kung paano nila ako alagaan.
Gamit ang buong lakas, bumangon ako mula sa kama pero sa isang iglap lang ay napatigil din. Binalot ako ng sobrang lamig na nagpanginig hanggang dulo ng aking tiyan. Nangatal ang aking mga labi. Sobrang lamig na tumaas ang aking mga balahibo.
Nang unti-unting huminahon ang ginaw ay nagpakawala ako ng malalim na hininga.
“Nurse! Wait lang!” habol ko sa sumaradong pinto.
Huli na ang lahat dahil naiwan ulit akong mag-isa. Mas lalong kumunot ang noo ko. Sigurado akong maririnig ako hanggang sa labas dahil sa tawag ko at nakaupo naman na akong mag-isa sa kama. Imbis na manatiling nakaupo ay tinanggal ko na lang ang mga nakakabit sa katawan at bumaba. Ang puting tiles, kagaya ng inaasahan ko, ay sobrang lamig sa talampakan.
Malakas ang buga ng aircon sa kabilang gilid. Binabalot ako ng lamig.
Nagtungo ako roon para hinaan. Pagkatapos kong manduhin ang aircon ay tinalikuran ko na ito.
Ang hindi ko inaasahan ay ang balutin pa ng lamig at panginginig nang makita ang kama sa gitna ng kwarto. Natulala ako roon.
Sa gitna ng kwarto, sa kama, naroon pa rin ako at nakahiga. Himbing na himbing ang tulog. Magkasabay ang tunog ng makina sa banayad na mga t***k ng aking puso. Ang mga tinanggal na benda at swero kanina ay nakakabit pa rin sa katawang hindi gumagalaw, nakapikit at tulog na tulog.
Hindi ako pwedeng magkamali. Dahil nang lapitan ko ang kama ay ininspekto ko kaagad ang patient wrist brand.
Resurreccion, Anastasia P.
Rumorolyo ang lamig sa aking likuran. Sa halip na sa name plate ko lang dapat nakasulat iyon ay naroon na rin. Para akong nasa loob ng isang masamang panaginip.
Naglakad ako paikot sa kama, masuring tinitingnan ang katawan kong himbing na himbing ang tulog. Hindi ako naririnig ng mga nurse kanina. Kahit anong bulong at sigaw ko ay hindi nila marinig. Kahit pa noong bumangon na ako mula sa pagkakahiga ay hindi nila makita. Nanlamig ang buo kong katawan.
Kumaripas ako kaagad ng takbo palabas, hindi na alintana ang lamig ng sahig sa talampakan. Binuksan ko ang pinto at kinalimutan nang isara. Tinakbo ko ang mga pasilyo ng ospital, naghahanap ng sagot sa mga bakit at paano ngunit kahit ilang kilometro na ang naikot ko ay wala akong nakuha.
Napahinto ako sa gitna ng waiting area. Maraming tao. Halu-halo ang mga nurse at doctor na nagkakape habang masarap ang kwentuhan, ang mga kapamilyang nagbabantay sa mga pasyente at kahit na ang janitor na nagpapahinga rin para sa graveyard shift.
“Nurse! Alam niyo po ba kung nasaan ang Mama at Papa ko?” hingal na hingal kong tanong sa pamilyar na pigura. Siya ang babaeng nurse na naunang tumingin sa akin kanina.
Imbis na pansinin ako ay patuloy pa rin ang pakikipagkwentuhan niya sa isang katrabaho. Nakangiti at parang walang naririnig. Nilingon ko ang katrabaho niya na tinanong rin ngunit kahit anong klaseng sagot ay wala akong nakuha.
“Kuya! Kuya, anong nangyari? Bakit ako nandito?” naiiyak kong tanong sa janitor.
Kahit mag-isa itong kumakain ng burger sa isang table ay hindi niya rin ako pinapansin.
Hindi ko na alam ang gagawin ko. Hindi ako marinig ng mga tao. Ayaw nila akong pakinggan at ayaw rin nila akong makita. Bakit ba hindi nila ako kayang makita?
Naiiyak na ako sa katatanong sa bawat taong naroon sa waiting area. Halos tinanong ko na ang lahat ngunit bumalik lang ulit ako sa pwesto ko sa gitna. Sa gitna nilang lahat, pabalik sa umpisa, sa gitna ng mga taong hindi ako marinig, sa isang ospital na hindi ko alam kung bakit isang araw ay nagising na lang ako na hindi alam ang huling nangyari.
Gusto kong sumigaw sa takot at pangamba. Gusto kong buong lakas na gamitin boses at hindi na alintana pa kung may mag-iisip man sa aking nasisiraan na ako ng bait upang marinig lang nila. Upang makita at mapansin. Hindi ko alam kung bakit parang nasa isang panagip ako ngayon, walang makausap at walang mahingan ng tulong.
Ngunit kahit siguro hindi na nila ako kausapin basta pa ay makita at marinig. Iyon lang ang tangi kong hinihiling. Ang may maramdaman sa akin kahit ang aking simpleng paghaplos lang. Sa dami ng mga taong naghihintay at nagtatrabaho rito ay walang nagbigay sa akin kahit isa. Walang nakakita at nakarinig, nananatiling bingi at bulag sa aking presensya.
Hindi ko na namalayan ang panginginig at pagtulo ng mga luha. Naramdaman ko na lamang ito nang dalawin ng lamig, ang lamig na nagtutuyo sa mga bagong labas na likido mula sa aking mga mata. Gulat na gulat ako sa mundong sa kauna-unahang pagkatataon ay kinalimutan na yata ako. Ang unang beses na para bang naging isang bagay ako at hindi isang tao. Dahil may mas malaking bagay pa akong hindi matanggap bukod sa walang nakakakita o nakakarinig sa akin.
At iyon ang nakakapagpaatras sa akin, ang aking kinatatakutan sa lahat, ang pagiging mag-isa.
Ngayon ko lang naramdaman na sa dinami-rami ng taong nakapaligid sa akin ay mag-isa na lang pala akong naglalakad sa sariling mundo. Walang karamay, walang malapitan. Walang nakakakita at walang nakakarinig. Tanging ako lang ang haharap mag-isa at sasalubungin ang kung ano mang problema. Ako lang at ang aking mundo.
“Uy! Ikaw pala ‘yan! Anong ginawa mo rito?” Napatingin sa banda ko ang isang hindi kilalang dalaga.
Napatigil ako sa paghikbi nang sa wakas ay may kauna-unahang taong pumansin sa akin. Inayos ko ang hospital gown sabay nilingon sa dalaga. Hindi ko siya kilala pero ayos lang dahil nakikita niya ako!
“S-Sino ka? Anong pangalan mo?” Umayos ako ng tayo.
Napailing ang dalaga sabay lakad papunta sa akin. Kumaway ito.
Nanatili lamang akong nakatayo, hindi alam ang gagawin.
“Nilagnat kasi sa Junjun. Naku, napakasakiting bata! Alam mo na! Nagpaulan ba naman kahapon? Inapoy tuloy ng lagnat,” sagot noong tao sa likuran ko.
Huli na nang mapagtanto kong hindi pala ako ang kinakausap. Tuloy-tuloy pa rin ang lakad ng babae.
Mas lalo akong nanlamig nang tumagos ang dalaga sa aking katawan na para bang ligaw na hangin lang ako sa ere. Napahawak ako kaagad sa dibdib na binabalutan ng yelo.
May dalawang nurse na naglalakad papunta sa akin. Napapikit ako ngunit kagaya ng dalaga ay tumagos lamang sila habang nagkukwentuhan. Sa likod ko ay may dumaan ulit na staff, sa aking gilid ay ang janitor. Ang mga pasyente at doktor. Ang mga papunta at paalis. Silang lahat na hindi ako makita.
Tuluyan na akong napaluhod sa sahig dahil sa panlalamig.