Chapter 6
Yakap
Nanlalaki ang mga mata ko habang laglag ang pangang tiningnan ang pumapalakpak na binata.
Sa halos tatlong buwan kong pamamalagi sa ospital na ito ay wala pang nakakita o nakarinig sa akin. Kahit anong sigaw ko, kahit anong kalabit ko. Sa tuwing sinusubukang kumausap ng kahit na sino ay namamaos na ako kakasigaw. Ilang kilometro na yata ang nalakad ko sa mga pasilyo ng ospital habang sinusundan ang mga tao para lang makita nila ako.
Hindi ko alam kung hanggang kailan ako magtitiis na mabuhay mag-isa – mag-isang lalabanan ang lungkot dahil wala na sina Mama, Papa at ang mga kapatid ko, mag-isang magbabantay at papanoorin ang sariling nahihirapang huminga sa kabila ng mga nakakabit na makinarya. At mismong ang pag-iisa dahil walang may gustong maging isang nag-iisa. At sa katanungang nabubuhay pa ba talaga ako o ito na ba ang kamatayan na sinasabi nila.
Sa araw na ito, nagbago ang lahat dahil sa unang pagkakataon ay naramdaman kong tao ulit ako na may buhay at pwede pang ituloy ang buhay.
“Congrats! Ninong ako, pre! Galante ako magbigay!” Nakikisigaw pa rin ang binatang kumausap sa akin.
Mula sa pagkakagulat ay huminahon ang mga mata ko, tinitingnan ang katabi.
Lumalampas sa noo ang kulot at itim na itim na buhok nito. Makakapal ang mga kilay, matangos ang ilong. Medyo singkit ang mga mata, bagay na bagay habang nakangiti ngayon kay Cyrus. Pula ang pilyong mga labi. Nakaputing t-shirt na may nakasulat na ‘kill them with kindness’, jeans at sneakers. Boyish na boyish tingnan.
Kahit ano pang itsura niya ay tatanggapin ko. Kahit may tatlong kamay o apat na paa. Kahit ano pa ang kaharap ko ay tatanggapin ko dahil sa kaniyang pagkakarinig at pagkakakita sa akin.
“Nakikita mo ako…” bulong ko sa kaniyang masayang pangangantyaw kay Cyrus.
Ilang beses akong kumurap. Palipat-lipat ang tingin ko sa kaniya at sa mataong lugar dito sa waiting area.
“Nakikita mo ako,” mas malakas kong saad.
Sa kabila ng palakpakan ay nilingon akong muli ng binata. Kumikislap pa ang mga mata nito dahil hindi pa nakakabawi pero unti-unting nawala at lumaki ang mga mata nang harapin ako. Nanlaki ang mga mata niya, halatang-halata ang gulat.
“Naririnig mo ako,” ngiting-ngiti kong sabi.
Hindi pa rin ako makapaniwala! Akala ko ay habang-buhay ko ng kakausapin ang mga staff dito!
“Hindi, ah! Wala kaya akong naririnig!” dipensa ng binata sabay talikod sa akin.
Kahit nangingilid ang mga luha ay humalakhak ako. Nababaliw na nga yata talaga ako pero sobrang saya ko ngayong araw!
“Talaga? Sinagot mo nga ako, e,” laban ko.
Dahan-dahan akong sinilip ng binata. Nang magtama ang mga mata namin ay para bang bumagal ang oras. Bumaba at lumalim ang mga tunog, rinig na rinig ang maliit na kamay ng orasan sa bawat patak ng segundong lumilipas. Ang abalang waiting area ay namahinga sa paghinga ng oras. Nagpakawala ako ng hininga. Bawat lagapak ng mahahabang pilik-mata ng binatang kaharap ay aking kitang-kita. Marahan ang pagbulong ng paligid, dinadala ang malamig na hangin sa aking balat at pang-amoy.
Amoy tubig na malinis. Nakakaantok. Purong-purong tubig na nagkokonekta sa ating lahat. Amoy ng himpapawid.
Muling bumilis ang oras. Tinuloy ko ang pinakawalang hininga at napasinghap. Muling umingay ang waiting area, muling naglakad ang mga doctor at nurse.
Sinilip ako ng binata at muling tinalikuran. Humalukipkip ito.
“Hindi kita sinagot kasi hindi ka naman nagtatanong. Pwede ba ‘yun? Weird!”
Kahit ang diretsong likod nito lang ang nakikita ko ay parang nakikita ko na rin ang tumataas niyang kilay. Sumandal ako sa puting bench.
“Paanong weird?” mangha kong tanong.
“Ha?”
“Sabi ko, paanong wei---”
“Hatdog!” mabilis niyang putol.
Napakamot ako sa ulo.
Nakatalikod pa rin ang binata kahit sinasagot ako. Mas lalong lumapad ang likod nito dahil sa puting t-shirt na mukhang stretchable. Sa halip na magmukha siyang maamo dahil sa puti ay mas lalo lang naging pilyo. Tumagilid ang tingin ko sa kaniyang batok.
“Ako si Anastasia pero pwede mo akong tawaging ‘Ana’,” pakilala ko.
Naghintay ako ng sasabihin ng lalaki pero nanahimik lang ito. Napanguso ako.
“Anong pangalan mo?” tanong ko ulit.
Walang sagot. Nag-echo ang mga boses sa pasilyo ng ospital.
“Alam mo, kung ayaw mo akong kausapin ay okay lang. Narinig mo naman ako. Friends tayo?” subok ulit.
Tantya kong hindi naglalayo ang edad naming dalawa. Naisip ko tuloy kung isa rin ba siya sa mga na-trap na kaluluwa sa mundo o kung kaluluwa ba talaga ang tawag sa amin. O baka naman tao lang siya na may third-eye? Kung kaluluwa nga ba talaga ako?
“Ayoko ng friends,” sagot niya.
Parang nabuhayan ako.
“E, anong gusto mo? More than friends?”
“Kapal mo naman! Virgin pa ako! Mahiya ka naman!”
“Anong ginagawa mo rito sa ospital? Pwede bang malaman kung bakit ikaw pa lang ang nakakakita sa akin? Ganoon din ba ang mga tao sa’yo?” tanong ko.
Baka mas matagal na siya sa akin dito. Baka galing pa sa ibang lugar. Sana naman ay hindi malayo para kahit papaano ay pwede kong kausapin o dalawin dahil malapit na akong mabaliw rito. Ayoko rin namang iwan ang katawan kong parang petchay na nalanta sa Room 205.
"Hello! Naririnig mo naman ako, 'di ba? Bakit ayaw mo akong sagutin?" tanong ko.
"Tao ka ba? Kaluluwa ba tayong dalawa?" dagdag ko. "Ano ba tayo?"
"Hello?"
Naghintay ako sa sagot ng binata pero walang nakuha. Ilang segundo makalipas ay magsasalita na sana ako ngunit tumagilid ang ulo nang makitang tinataas nito ang dalawang kamay sa ere.
“Anong ginagawa---”
Hindi ko na natuloy dahil tinakpan na niya ang dalawang tainga.
Napanguso ako. Tinaas ko na lang ang dalawang paa sa bench, ang tuhod ay umaabot sa dibdib. Tiningnan ko na lang ang mga staff ng ospital na palakad-lakad dito sa waiting area. Sa ER ay may isinugod na batang putok ang ulo dahil nalaglag daw sa swing kung tama ang dinig ko sa nanay na maingay.
Sinilip ko ulit ang binatang nakatakip pa rin ang mga kamay sa tainga. Napangisi ako nang may maisip.
Nakikita niya ako at naririnig. Naaamoy ko rin. Ayaw ko naman siyang dilaan para masabi kong nalalasahan ko nga pero gusto kong tingnan kung mahahawakan ko ba siya o tatagos lang ang kamay ko sa balat niya kagaya ng palaging nangyayari.
Dahan-dahan kong inangat ang kamay sa ere papunta sa kaniyang balikat. Dumampi ang dulo ng aking mga daliri sa kaniyang puting t-shirt.
“Holishet!” Bigla itong napatayo sa gulat. “Ay, sorry po! Sorry po! Hindi ko sinasadya!” Tumingin siya sa itaas habang nakadaop ang mga palad.
Napangiti ako. Tama nga ang hinala ko! Nahahawakan ko rin siya!
Saglit na saglit lang pero naroon ang init ng kaniyang balat na tinutulak ng aking mga daliri. Bawat paggalaw ng mga ugat sa kaniyang balikat ay naging konektado sa aking mga kuko. Sobrang sarap. Sobrang ginhawa sa pakiramdam.
Hinarap ako ng binata at kinunot ang noo, mas kumakapal ang mga kilay dahil sa inis.
“Bakit mo ako hinawakan? Ha? Alam mo bang allergic ako sa mga pangit?!”
Ang kaniyang kunot-noo ay sinalubong ko ng matamis na ngiti. "Ako? Pangit?"
“Ewan ko! Hindi ka magso-sorry man lang? Pwede kitang kasuhan sa ginawa mo!”
Sa hindi malamang kadahilanan, tumayo ako sa kaniyang harapan at bigla siyang niyakap.
Umikot ang dalawa kong kamay sa kaniyang bewang. Mahigpit na mahigpit. Malambot sa pisngi ang tela ng kaniyang t-shirt kahit na matigas ang dibdib. Tumatama ang mga balat niya sa akin sa paraang mas lalo ko pang gustong higpitan ang yakap at huwag nang bumitaw.
Pumikit ako sa ginhawang nararamdaman.
“Eeeeew! Guard! Guard! Eeeeew!” Nagtitili ito habang niyayakap ko.
Nang mabitawan ko siya ay pumula ang aking mga pisngi ngunit napangisi. Gusto ko lang naman makaramdam ulit ng yakap. Ng hawak balat sa balat. Ng init. Ang tagal na bago ako nakaranas ng ganoon at ng iba pang mga bagay na nagpapaalala sa aking tao ako.
Naalala ko noon, sabi noong teacher namin sa Psychology ay nakakatulong ang hugs para gumaan ang pakiramdam. Masasabi kong totoo nga.
“S-Sorry! Na-excite lang ako.” Napanguso ako.
Hindi ko alam kung saan niya kinuha ang isang bote ng alcohol na ini-spray sa buong katawan. Pati sa bibig ay pinusitsitan niya.
“Hindi mo ba alam ang salitang ‘personal space’, miss? Ngayon ka lang ba nakakita ng tao?!” gulat na gulat niyang sabi.
Dumudugo ang mga mata ko sa tuwa habang tinitingnan itong magalit. Kahit sigawan pa ako nito ay ayos lang dahil masarap sa pakiramdam na hindi na ulit ako nag-iisa.
"Tao ka?" tanong ko.
Sumingkit ang mga mata nito sa pag-iisip at biglang lumaki ang mga mata sa gulat.
“Lagi akong nakakakita ng tao sa ospital. Ang problema ko nga lang, hindi nila ako nakikita,” paliwanag ko.
Sa ganoon paraan, nalaman ko hindi pala sapat na tanging ikaw ang magbibigay nang magbibigay nang magbibigay at magbibigay pa. Kailangan mo ring tumanggap. Sa kahit na anong aspeto.
“Ikaw? Nakikita ka ba nila?” naguguluhan kong tanong.
“Syempre! Pogi kaya ako! ‘Di ba, Nurse Monica?” Ngumisi ito sabay saludo sa isang dumaang nurse na hindi naman siya pinansin.
Sumimangot ang binata.
Pinigilan ko ang tawa. “Hindi ka rin pala nila nakikita! Ang yabang mo pa kanina!”
“Kung ako mayabang, ikaw manyak!” Dinuro niya ako.
Napanguso ako. “Anong ginagawa mo rito sa ospital? Bakit ngayon lang kita nakita rito?”
“Bakit ba ang dami mong tanong? Daig mo pa ang exam ah! Nag-drop na nga ako sa school, e.”
“Saan ka nag-aaral? Dito rin sa Santiago?”
Baka schoolmate kami at hindi ko lang napapansin pero habang tinitingnan ko ang tangkad at tindig niya ay hindi pwedeng hindi siya makilala ng buong university. Matangkad, malaki ang katawan at mahahaba ang mga biyas. May itsura ang binata kahit pabalang sumagot at arogante.
Sa halip na sagutin niya ako ay napatigil siya at napaisip. Nangiwi ang binata dahil mukhang may pilit inaalala.
“Nakalimutan ko na! Basta!"
Tumango ako ngunit hindi pa pala ito tapos magsalita.
"Ang dami ko kasing ginawa kahapon. Naglaba pa nga ako ng pakpak ko tapos sakto namang umulan. Parang car wash lang? Buti nga si Kuya Michael---”
Lumaki ang mga mata nito. Parang nabigla rin siya sa nasabi niya.
Nagkatinginan kaming dalawa.
“Anong pangalan mo?” nagtataka kong tanong.
Gulat na gulat na ito. Unti-unting umusbong ang kaniyang nababahalang ngisi sabay hakbang paatras. Bawat kabig niya ay inaabantehan ko. Aatras siya. Aabante ako. Tumagilid ang ulo sa kaniya na mukhang hindi na alam ang gagawin.
“Tao ka ba?” tanong ko.
Napasandal siya sa pader dahil sa pag-atras. Kumunot ang noo ko.
Naramdaman ko ulit ang pagbagal ng oras. Pumatak ang bawat segundo ng orasan. Huminto ang daloy ng trapiko sa labas. Namutawi lang ang mabigat na hangin at ang mga mata kong hindi humihiwalay sa kaniya.
Nang bumilis ang lahat ay humahangin nang kay lakas. Napapikit ako.
Ibinukas ko ang mga mata sa nawawalang binata, ang pagsabog ng ilang daan kung hindi ilang milyong puting-puting mga balahibo.