Chapter 7
Daisy
Natulala ako sa milyong-milyong mga balahibong sumabog sa buong waiting area. Nakadikit sa mga pader, sa kisame at sa sahig. Ang sumabog na mga balahibo na kung hindi nakalapag sa sahig ay bumababa pa lang sa ere. Kumikislap ang puting mga balahibong sumasayaw sa hangin.
Wala na ang binata, naglaho sa pagsabog ng malalambot na mga balahibo.
Kahit ang reception desk kung saan madalas tulugan ni Miss Chona, ang receptionist, ay hindi pinalagpas ng mga puting balahibo. Parang mga palamuting nakakalat sa buong palapag ng lobby. Sa mga bench, sa stretchers sa tabi at sa mga hagdan. Kahit ang ibabaw ng sapad na kulay itim na sombrero ng sekyung si Kuya Joey ay mayroon din.
Aakalain kong may Christmas Party dahil ang hitik na hitik na mga obra ay kumikintab, malambot at malamig sa balat. Parang snow!
“Oo na! Pupunta na! Bakit lagi ako ang kailangang maghatid ng mga mensahe niyo? Wala ba kayong mga pakpak?!” Ang gigil na boses ay nangibabaw sa itaas.
Nag-echo ito sa buong waiting area, dumadaloy at pabanda-banda sa mga pasilyo ng ospital na walang pakialam sa nagsabog na mga balahibo.
“Ikaw! Andiyan ka lang pala!” Tinuro ko ang binatang pababa sa hagdan.
Bakas pa rin ang inis sa mukha nito habang hawak ang telepono. Wala sa isip siyang nag-angat ng tingin sa akin. Naglaho bigla ang kaniyang pagka-aburido nang magtama ang aming tingin. Napangiwi ito.
Kumaway ako at ngumisi mula rito sa baba.
Napasimangot ito lalo.
Nagpatuloy sa pagbaba ang binata, hawak pa rin ang telepono sa tainga. Mas lalong nabahiran ng inis ang mukha niya habang kinakausap ang sino at kamakailang binabalik ang tingin sa akin. Tuwing magtatama ang aming tingin ay dumodoble ang kaniyang sama ng loob.
Kumaway pa ako lalo.
“Bye na nga sabi! May ginagawa pa ako---” Umasim ang mukha ng binata. “Ano? Ano na namang bibilhin ko? Fresh milk?! Sino na naman bang magluluto?! Sige! Bye!” Bubulong-bulong ang binata, nagdadabog sa bawat lakad. “Pabili ng pabili! Ako na nga ang laging inuutusan, ako pa maggo-grocery. Kala mo naman masarap magluto…”
“Sinong kausap mo?” tanong ko nang makababa na ito.
Tiningnan lang ako ng binata at sinimangutan. Ngumiti ako.
Tumayo ito nang maayos, inuunat ang likod at ginagalaw nang maigi ang mga balikat. Manghang-mangha akong nanonood. Inabante niya ang isang paa at kabila ay nag-iipon ng pwersa mula sa likuran. Sinarado nito ang mga kamao at inuunat na gulugod.
“Wait! Saan ka pupunta? Babalik ka pa ba?” mabilis kong agap.
Hindi ko alam kung para saan ang pag-aalala pero ang ideyang mag-isa na naman ako ay naggagawa ng malalim na hukay sa aking tiyan.
“Malamang! Magwi-withdraw lang ako. Naubos na ang g-cash ko.”
“Sandali lang! Kailan ka babalik? Bukas?” habol ko.
Nagkibit-balikat ang lalaki.
“Tao ka ba?” naguguluhan kong tanong.
“Ikaw? Tao ka ba?” sarkastiko nitong balik. "Nakakalalaki ka na ah!"
Nagmamadali akong tumango. Tao ako! Alam ko namang tao ako kaya nga lang ay naiwan ako sa katawan kong natutulog sa second floor! Sa Room 205!
“Hindi ka tao…”’ dahan-dahan kong deklara.
Tumaas ang kilay ng lalaki, unti-unting gumuguhit ang pilyong ngisi.
Hindi ko alam kung anong klase siyang nilalang pero hindi siya pang-karaniwan. Kung titingnan sa umpisa ay parang isang binatang nagta-tantrums lang. Papatak sa dise-otso hanggang bente anyos ang kaniyang edad na hindi nalalayo sa akin. Pero ang lalaking ito, ang nilalang na ito sa harapan ko ay may taglay na bilis at sa sobrang bilis niyang ito ay bumabagal ang oras.
“Ikaw ‘yung nasa fields… ikaw ‘yung nagpatalo kina Lucas!” gulat kong sabi.
Ang ngisi nito ay unti-unting naging inis.
“Bakit mo pinatalo sila Lucas? Alam mo bang matagal siyang nag-ensayo para lang manalo sa Intrams?” Nanlalaki ang mga mata ko.
“Excuse me! Kasalanan ko ba kung duduling-duling ‘yung crush mo? Mas pogi pa nga ako e!” irap nito at tinuro ang sariling mukha. “Flex ko lang ito. Ayos ba?”
Sumingkit ang mga mata ko rito.
“Ikaw rin ‘yung tumatawang angel sa TV, ano? Ikaw ‘yung sunod nang sunod sa akin! Tinatawanan mo pa nga ako!”
“Ako? Stalker? Asa ka pa! Feeler!”
“Hindi ka tao! Ano ka ba talaga?”
Una ay ang pagkamatay ko na hindi naman ako mawala-wala. Pangalawa ay ang mga taong hindi makita ang kalahati ng existence ko. At kung hindi pa ba sapat ang kababalaghang nangyayaring ito ay may lalaking hindi ko alam kung tao ba o hayop o alien.
“Isa lang ang masasabi ko sa’yo bago ako umalis…” mahina niyang bulong, ang isang kilay ay tumataas.
Pinanuod ko ang kaniyang pag-ayos ng tayo, naghahanda para sa paparating ng kung anong hindi maipaliwanag ng siyensiya.
“Ano?” tanong ko.
“Rest in peace,” ngisi niya sabay peace sign.
Bumagal ang oras. Pumatak ang gabutil na segundo. Pumikit ako at naramdaman ang sumalubong na hangin. Nang muli kong ibukas ang mga mata ay tuluyan nang nawala ang estranghero.
Naiwan akong mag-isa sa waiting area.
Kinabukasan ay parehong routine lang ang ginawa ko. Gumigising ako sa bukang-liwayway para abutan ang pag-sikat ng araw, kinakain ang ice cream mula sa malaking ref ni Aling Marie sa cafeteria. Pagkatapos ay itatapon ang balat sa basurahan ni Mang Romeo at mag-iikot na sa mga pasilyo ng ospital. Daig ko pa ang mga doctor at nurse na gumagawa ng kanilang rounds pagsapit ng itinakdang oras pero sa halip na paggaling ng bawat pasyente ang inuusisa ko ay ang kwento ng kanilang mga buhay.
“Pa, ano na ang balita sa sinasanla mong TV? Pumayag ba sa anim na libo?”
Napahinto ako sa paglalakad. Binaba ko ang hawak na pulang sticky note.
Nag-uusap ang isang mag-asawa sa likod ng nakasaradong pinto. Napabuntong-hininga ang mister, kitang-kita ang lalim ng mga matang pagod na sa lahat ng aspeto.
“Ayaw talaga, Ma. Sinanla ko na lang ng apat na libo. Pinakuha ko na rin ‘yung rice cooker natin para umabot sa walong libo. Pang-dagdag sa gastusin natin,” malungkot nitong sabi sabay ngiti.
Napasandal ako sa malamig na pader ng ospital.
“Bukas na ang operasyon ng anak mo. Kulang na kulang pa ang naipon natin. Padagdag nang padagdag ang mga bayaran dito sa ospital. Paano natin mailalabas si Monty, Pa?”
“Iniisip kong i-prenda na lang ang jeep. Lalapit ako mamaya kay congressman.”
Hindi na napigilan ng nanay ni Monty, ang batang pasyente sa likod ng saradong pintuan, ang mapapikit. Mabilis siyang inakap ng mister at hinalikan sa noo. Kahit nakatayo ako mula sa malayo ay kitang-kita ko ang pagod sa kanilang mga balikat. Napatingin na lang ako sa sahig.
“Kakayanin natin ito, Ma. Para kay Monty,” bulong ng mister.
Humiwalay ang misis at tumango, pinunasan ang tumakas na mga luha at naghanda ng ngiti bago buksan ang pinto kung nasaan ang naka-confine na anak.
“Monty, anak, may cake na binili si Papa. Para bumilis ang paggaling mo…”
Nakatayo ako sa tabi, pinakikinggan ang papahinang boses ng kaniyang Mama at Papa sa loob ng kwarto. Narinig ko ang masayang pagtatanong ng bata. Walang bahid ng lungkot at pagod na sumagot ang kaniyang mga magulang. Tuluyan nang nawala ang mga boses nang isarado ang pinto.
Nagpatuloy na lang ako sa paglalakad.
Malakas ang huni ng mga ibon nang pasadahan ko ng tingin ang garden. Malinis ang nakalatag na Bermuda mula sa nalaglag na mga dahon ng puno ng Aratiles at Kamatsile. Dinig na dinig ang paggulong ng mga stretcher na kabi-kabila ang labas-masok sa mga kwarto.
Sinipat kong muli ang hawak na pulang sticky note.
Kagaya ng inaasahan, nakita ko kaagad si Aling Marie na abala sa cafeteria. Tanghaling tapat ay kumakain ang mga walang choice na tiga-bantay ng mga pasyente sa ospital marahil wala ng oras maghanda ng panghalian kaya titiisin na lang ang lamig at kamahalan ng mga lutong-ulam. Sa hindi kalayuan, nagmo-mop naman si Manong Romeo. Nakasalpak na naman ang earphones nito sa tainga.
Napakislot ang ilong ko sa amoy ng iodoform.
Kahit hindi nila ako nakikita ay dahan-dahan akong naglakad papuntang cafeteria. Abala pa rin si Aling Marie. Dinikit ko ang pulang sticky note sa salaming pintuan. Nang masagawa ang plano ay naupo ako sa damuhan ng garden, pinanonood ang mga goldfish sa maliit na man-made pond.
Ilang minuto lang ay naririnig ko na ang humahagibis na takong ni Aling Marie, nag-e-echo sa buong pasilyo at sumesentro sa inosenteng naglilinis na si Manong Romeo.
“Nagnakaw ka na naman ng ice cream sa ref ko? Magnanakaw ka talaga!”
At nang hindi marinig ni Mang Romeo ay binunot ng ginang ang earphones. Nagulat ang matandang biyudo. Napangisi ako.
“Oh! Si Marie pala ito! Ano? Kinuha ko na naman ba ang ice cream? O baka isang basong shake naman ngayon?” Natatawa si Mang Romeo.
“Konting-konti na lang, Romeo! Konting-konti na lang!”
“Konti na lang baka ma-inlab ka na sa akin, Marie. Araw-araw mo yata akong pinagbibintangan. Sabihin mo kasi kung gusto mong bigyan kita ng pansin.”
Napahalakhak ako. Ibang banat naman ngayon kaysa noong isang araw.
Walang nagawa si Aling Marie kung hindi ang padabog na bumalik sa cafeteria pero bago hilahin ang pinto ay napatigil sa pulang sticky note. Mas lalong napuno ng inis ang kaniyang mukha ngunit suminghal na lang. Kinuha niya ang sticky note at nilagay sa drawer kasama ng ilan pang mga isinulat ko.
Kung hindi ako nagkakamali ay mas uminit sa cafeteria dahil sa sigla ni Aling Marie. At ang naglilinis namang si Mang Romeo ay mas mabilis na nakatapos.
Isang biyudo. Isang matandang dalaga. At isang kaluluwang nakikita ang kanilang kakaibang ngiti sa isa’t isa sa tuwing nag-aasaran. Minsan sa madalang na pagkakataon, iyon ang formula ng pagmamahal.
Dahan-dahan akong humiga sa damuhan. Buong tapang kong hinarap ang langit, ang araw. Pinatong ko ang isang puting bulaklak ng Daisy sa aking noo at bumuntong hininga. Habang nakahilata sa damuhan ay pinalilibutan ako ng mga pader na ilang palapag ang tayog. Sumisilip ang araw sa mga ulap. Nagtatago sa aking mga mata.
“Kailan ba ako pupunta diyan?” tanong ko rito.
Muli akong napabuntong-hininga.
“Kailan mo ba ako kukunin? Gusto ko na kasing makasama sila Mama.” Sinilip ko ang haring araw.
Miss na miss ko na sila Adam at Abby. Miss ko na ang luto ni Papa. Hindi sapat ang araw-araw na ice cream para maalala ang huling handang meryenda ni Mama. Hindi rin uubra ang breakfast ko sa cafeteria para maramdaman ang resto namin. Ilan lang naman iyon sa mga bagay na inuulit ko araw-araw para ipaalala ang kinagisnang buhay dati.
“Miss na miss ko na kayong lahat…” bulong ko sa langit.
Pumikit ako at dinama ang hangin. Nawala ang hangin. At bumalik muli.
Kaagad akong napabangon at hindi nagkamali nang makita ang pamilyar na lalaki. Nakaluhod ang isang tuhod nito sa damuhan at ang isang kamao ay nakatungko para sa balanse.
Nag-angat siya ng tingin sa akin at ngumisi.