Chapter 8

1713 Words
Chapter 8  Gabriel   “Sabi ko na nga babalik ka, e!” Umayos ako ng upo, ang bulaklak sa noo ay kinalimutan na. Nang umalis kahapon ang binata ay napanghinaan ako kaagad ng loob. Ang buong akala ko ay nananaginip lang ako o sa mas masamang pangitain ay nababaliw na ngang tunay. Pero habang inuunahang gumising ang araw kanina ay malakas ang kutob kong babalik ang estranghero. Hindi ko alam kung kailan o saan pero malakas ang paninindigan kong babalik siya. Laking gulat ko lang nang makita ito ngayon sa harapan ko! Ngumisi ang lalaki sabay ayos ng tayo. Pinagpag niya ang tuhod at kamao na kinapitan ng mga ligaw na d**o. “Ang tawag doon ay superhero landing,” ngisi niya sa akin. Tumagilid ang ulo ko. “Miss mo ‘ko, ano? Miss mo ‘tong mukhang ‘to?” Nilukot ko ang mukha. Hindi lang pala arogante ang estranghero pero mayabang rin at mahilig magbuhat ng sariling bangko. Bago pa man ako makasagot ay inayos niyang muli ang tayo, naghahanda na naman ang mga paa. Alisto akong napatayo at hindi na pinapag pa ang mga damong kumapit sa hospital gown. Mukhang aalis na naman ang lalaki. Mababaliw na naman ako sa paghihintay kung kailan siya babalik pero kahit gaano katagal ay titiisin ko dahil siya lang ang katangi-tanging nakakakita at nakakarinig sa akin. “Ready ka na?” bigla niyang tanong. Lumipad lahat ng iniisip ko. Kumunot ang noo ko sa binata na nakangisi. “Ready saan?” tanong ko. “Lilipad tayong dalawa. Isasama kita.” Tumango-tango ito. “Lilipad? Paano?” Wala itong sinagot sa akin. Sa halip ay bumunot ng hininga at marahang pinakawalan. Nagtatakbo ang lalaki nang kay bilis at kay liksi. Naiwan ako sa pwestong tulala. Hindi na ako nag-isip pa. Sinundan ko ng takbo ang nagmamadaling lalaki na ang iniiwang marka ay ang iilang nalalaglag na puting balahibo. Kumaripas na rin ako ng takbo kahit na nadudulas sa bagong mop na sahig. Lumalapag ang aking dalawang talampakan sa mga pasilyo ng ospital, ang sampal na tunog ay pabanda-banda sa mga pader. Dire-diretso ang aking takbo, pilit na sinusundan ang mabilis na hanging iniiwan ng tumatakbong lalaki. Habang kinakaladkad ang sarili paikot sa buong ospital ay naririnig ko ang kaniyang mga halakhak. Lagpas sa mga kwarto-kwartong magkakadikit. Lagpas sa mga station ng nurse at iba’t ibang wards. Liko sa kanan. Akyat sa hagdanan. Likod sa kaliwa. Lagpas sa malalaking mga aparato at iba’t ibang departamento. Halu-halo ang tunog ng mga umiiyak na bata, mga yapak ng doctor at nurse, at ang gumugulong na mga stretcher. Walang kapaguran kong inikot ang bawat palapag ng buong Santiago General Hospital. Paakyat, paliko at paakyat muli. Biglang bumukas ang dalawang pintuan. Kumalat ang nakakabulag na puting liwanag. Sumabog ang aking buhok sa lakas ng hampas ng hangin. Bumagal ako sa pagtakbo, hindi man lang nakakaramdam ng hingal. Litong-lito kong nilingon ang paligid. “Astig! Ang taas nito! Wooh!” sigaw ng lalaki sa marahas na kanluraning hangin. Ang kaniyang kulot na buhok ay mabangis na nakikipagsayaw sa hangin, pinakikita ang kaniyang batok at noo. Pati ang kaniyang puting t-shirt na hindi yata napalitan simula kahapon ay napupuno ng hangin as loob. Itinaas ng lalaki ang kaniyang dalawang kamay at dinama ang hangin habang malakas na sumisigaw. Napahinto ako sa paglalakad. Tumayo ako sa gitna ng buong palapag ng rooftop, dahan-dahang iniikot ang mga mata sa paligid na napalilibutan ng patong-patong na mga gusali. Nagtataasan at nag-uunahan maabot ang langit. Ang sobrang liwanag at sobrang lakas ng hanging nagmumula pa sa karagatan. Kagaya ng lalaki ay itinaas ko rin ang mga kamay, ang buhok ay sumasabog sa aking likuran. Pakiramdam ko ay naaabot ko na ang langit. Pakiramdam ko ay kay lapit na ng inaasam kong langit.  Ipinikit ko ang mga mata at dinama ang lamig. Ang ginhawa. Ang kapayapaan sa lakas ng liwanag.  Para akong lumilipad. Sobrang laya, sobrang lamig. Ganito ba ang pakiramdam ng paglipad? "Papa! Mama! Malapit na akong pumunta! Hintayin niyo ako!" sigaw ko habang nakataas ang mga kamay. Sa ilang minutong pagtakbo sa rooftop ay pansamantalang nawala ang lungkot at sakit sa aking puso. Iniisip kong naririnig ako nila Mama. At katulad nila at ng lalaki, ang langit din ay pinakikinggan ako sa aking mga dalangin. Hingal na hingal akong tumigil, hindi napansin na matagal na palang tumigil ang kasama.  “Oh, tama na ‘yan! Baka tangayin ka ng hangin at malaglag ka sa baba. Ma-double dead ka pa,” ngisi nito sa akin. Binaba ko ang mga kamay at sinalikop sa isang balikat ang sumabog na buhok. “Salamat. Ang saya! Ulitin natin sa susunod!” Tumalon ako sa ere. Nagkibit-balikat ito sabay bunot ng kung ano sa bulsa ng jeans. Cellphone. May katawagan na naman siya? Nakasunod ang tingin ko rito nang minabuting sumilong sa lilim ng nakatayong pader. Naupo ang lalaki sa semento, hinahangin pa rin ang damit at buhok. Tinagilid niya ang cellphone sabay linga-linga sa paligid. Sumunod ako rito at tinabihan siya. “Anong ginagawa mo?” Dinungaw ko ang screen ng kaniyang cellphone. Hindi ito sumagot. Patuloy ang kaniyang paglinga. Dinirekta niya ang katawan papunta sa direksyon ng isang cell tower sa hindi kalayuan. “Bibili ka ulit ng fresh milk para sa kuya mo?” tanong ko at mas lumapit. Umirap ang lalaki. “Hindi ah! Nakabili na ako kanina!” Napatingin ako sa cellphone niyang nagdidilim. Maya-maya lang ay nabuhay na ito. “Wala kang ganito? Sayang naman. Bubuhatin pa sana kita.” Ngumisi ang lalaki sabay pakita sa akin ng screen. “Kapag ginulo mo ako habang naglalaro ako, ilalaglag kita sa ibaba. Huwag kang magulo ha?” Tumango ako agad. Sa isang lilim sa gilid ng rooftop ng ospital ay magkatabi kaming dalawa. Naglalaro siya, abala ang mga kamay. Ako naman ay pinagmamasdan ang mga gusali sa ibaba. Bagama’t mataas ang ospital at maraming mas mababa ay mayroon ding mga gusaling ibig abutin ang kalawakan sa sobrang taas. Humahangin nang malakas at kabi-kabila ang mga gusali. Nasa gitna kaming dalawa laban sa lahat. “Awit sa’yo, lodicakes! Layla pa nga!” Pinaglaruan ko ang buhok. Mas lalo pang lumakas ang hangin. “Hayop ka! Kahit maglaban pa tayong wambiwan! Obob!” "Back, pri! Back, pri!" Sumandal na lang ako sa pader. Madalas ang pagsisigaw ng katabi ko at kung minsan ay hinahampas pa ang cellphone. Dinantay ko na lang ang ulo sa semento, napapahikab dahil sa antok. Hindi ko namalayan ang pagkakaidlip. Nang magmulat ako ng mga mata ay ang nakakasilaw na puting liwanag ang bumungad sa akin. Ilang segundo lang ang itinagal ng liwanag dahil ang mukha kaagad ng binata ang nakita. Mapanuri ang kaniyang tingin, lumalapit ang mukha at bumabagal ang paglagapak ng mga itim na itim na pilik-mata. Unti-unti akong napangiti. Palipat-lipat ang kaniyang mga mata sa akin, naghahanap at nagtatanong. Papalapit nang papalapit. Nawala ang aking mga ngiti dahil kumakabog ang dibdib. Ilang pulgada pa niyang paglapit ay bumaba na ang talukap ng aking mga mata. Bago pa man tuluyang bumagsak ang mukha ng binata sa akin ay napatayo na itong maayos sabay duro sa akin. “Gising ka na?! Hindi ka na naman nagsasalita! Hoy! Hindi ka pa patay!” malakas niyang sigaw. Napanguso ako. Sinubukan kong umayos ng upo. Malakas ang puting ilaw ng ospital. Ang ugong ng aircon ay mahina ngunit ramdam ang lamig. Tanging ang mga makinarya lang sa estante sa gilid ang gumagawa ng ingay bukod sa sariling ugong ng espasyo ng Room 205. “Paano ako napunta rito? Binuhat mo ako?” Lilinga-linga ako sa paligid. Bumalik sa pagkakaupo ang binata. Prente itong sumandal sa upuan at humigop sa tasa. Napatingin ako sa espasyo sa pagitan ng kaniyang nakabukang mga hita na niyayakap ng kaniyang jeans. “Syempre, binuhat kita. Sino pa ba ang ibang pwedeng bumuhat sa’yo kung hindi ako lang? Ako lang naman, hindi ba?” Hindi ito makatingin ng diretso sa akin. Napanguso ako. “Talaga? Binuhat mo ako?” “Oo nga… oo nga… ayaw pang maniwala e!” Mas lalo akong napanguso nang makitang umakyat ang pula sa dulo ng kaniyang dalawang tainga. Inayos ko ang upo pati na rin ang umangat na hospital gown. Nilingon ko ang katabi sa kama, ang himbing na himbing pa rin sa tulog na si Anastasia Resurreccion. “Hindi ka na ba busy? Ano na nga ulit ang pangalan ng kuya mo?” Pinalagitik ko ang mga daliri sa ere. “Si Michael?” “Bakit si Kuya Michael? Anong kailangan mo sa kaniya? Ayaw mo sa akin?” Kumunot ang noo ng binata. Nagkibit-balikat ako. “Wala lang. Baka umalis ka na naman kasi busy ka. Baka marami na namang inuutos sa’yo.” “Ano naman ngayon kung marami? Pinabayaan ba kita? Iniwan ba kita? Hindi ba kita binalikan?"  Sa halip na tingnan ang wall clock sa itaas ay napatingin na lang ako sa binata. Kahit patingin-tingin ito sa akin ay pilit na inaabala ang sarili sa pagtitingin ng mga librong nakapatong sa aking bedside table. Dinadala ni Jade ang mga iyon sa tuwing bibisita at nakakalimutang iuwi. Ayos na rin dahil may iba akong libangan bukod sa maki-tsismis sa buong ospital. “Bakit hanggang ngayon hindi mo pa rin sinasabi ang pangalan mo sa akin?” bigla kong tanong. Napatigil ang binata sa paglilipat ng mga pahina. Nilingon niya ako sa katahimikan ng kwarto at sa mahinang ugong ng aircon. “Anong gagawin mo sa pangalan ko? Flames? Hope? Ayaw ko pa mag-asawa. Hindi pa ako handa. Sorry." "Hindi lang naman asawa ang naroon? May enemy rin?" nagugulahan kong sabi. Bago ito pagsalitain ay itinaas ko ang kaliwang pulsuhan kung saan nakakabit ang aking patient identification band. Binasa ko ang sariling pangalan. Napanguso ang binata at sumandal na lang sa upuan. “Hindi ka tao. Hindi ka rin hayop. Ano ka ba talaga?” “Hindi ko rin alam,” kibit-balikat niya ngunit biglang napaisip. “Minsan, wala akong ginagawa. Pagala-gala lang ako sa kung saan ko gusto. Minsan naman sobrang busy kasi maraming utos sila kuya. Minsan naman ay binabantayan kita at hindi umaalis sa tabi mo.” Dahan-dahan akong tumango. “Bakit mo inilag ang bola sa akin sa fields? Ayaw mong tamaan ako ng bola?” Naisip ko ang unang beses na nakita ko ang kaniyang mga puting balahibo. Pumula na naman ang dulo ng kaniyang mga tainga. Napangiti ako. Hindi ko na ito hinintay na sumagot. Tinuro ko na lang ang kaniyang likod. Pilit niyang sinisilip iyon habang awkward ang pagka-bend ng katawan. Malaki kasi ito at malapad ang dibdib. “Nasaan na ang pakpak mo? Pwede akong patingin?” marahan kong tanong. Kumunot ang kaniyang noo nang salubungin ang aking tingin. Papabagal na naman ang oras. Nagsasalubong ang aming tingin. Mahina ang aking mga paghinga. Mata sa mata ay nag-usap kaming dalawa at alam kong hindi siya ang nagpapabagal ng oras. Biglang bumukas ang pintuan ng kwarto. Nakita ko kaagad ang classmate na si Lucas na may dalang mga bulaklak, lobo at cake. Napalingon din doon ang binata. Sa isang kurap lang ay bigla itong naglaho. Sinapo ko ang isang kulay pulang sticky note na marahang bumababa sa ere at unti-unting napangiti sa nakasulat. Gabriel.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD