Chapter 9

1736 Words
Chapter 9 Meow “Binilhan kita nitong sunflower at chocolates. Mahal pero ayos lang.” Kinuha ni Lucas ang bulaklak mula sa estante, marahang sinasalat ang mga dilaw na talulot. Nilapag nito ang bulaklak sa tabi ng natutulog na si Ana. “Ayaw mo raw ng rosas sabi ni Flor. Hindi ko alam kung anong pipiliin ko kanina sa flower shop pero naisip kaagad kita nang makita ko itong sunflower. Lagi kasi kitang nakikitang nakatanaw sa araw tuwing recess at vacant,” kwento niya. Nakatayo ako sa gitna ng kwarto, tinitingnan lang si Lucas. Preskong-presko si Lucas sa white na polo at navy blue pants. Sa kaniyang kaliwang dibdib ay ang seal ng aming unibersidad at sa kanan naman ay ang nakasabit na papel na nagsasabing ‘Visitor’s Pass’. Nakataas ang buhok nito dahil hindi na tagaktak ang pawis, ang morenong balat ay bagay na bagay sa mga matang bilugan. Habang tinitingnan ko ito ay wala na ang nakahandang ngiti para sa akin sa tuwing babati. “Miss na miss ka na ng kaibigan mong si Flor. Wala na raw siyang kasamang pumila sa Shawarma at wala na ring kasabay umuwi sa hapon. Alam mo ba, isang linggo yatang namumugto ang mga mata niya nang malamang critical ang lagay mo…” Napayuko si Lucas. Napangiti ako ngunit pababa naman ang arko ng mga labi. Nakikita ko sa utak si Flor na parang nawawalang bata sa cafeteria dahil mag-isa. Hindi naman iyon hahanap ng ibang kasama dahil kahit siya ang extrovert sa amin ay alam kong mas pipiliin niyang magmukmok. Wala na siyang kasamang bibili ng paboritong Lemon Juice at wala na ring kasama sa mga projects sa school. Wala ng kasamang uuwi. Wala ng best friend.  Ang aking ngiti ay tuluyang naging malungkot. “Gusto nga niyang sumama kanina pero bukas na lang siya sabi ko. Exams natin kanina. Ang hirap! Pero kinaya naman. Hayaan mo dahil kapag gumising ka na ay ako ang magre-review sa’yo. Tutulungan kita, Ana, pangako.” Pinakita pa ni Lucas ang maliit na scratch na pinaglalagyan ng kung anu-anong formula. Bahagya akong natawa.  Maraming baong kwento si Lucas katulad ng lagi niyang ginagawa sa isang beses sa isa o dalawang linggo. Salit-salit sila ni Flor na puros dada at reklamo naman dahil ako raw ang dahilan kung bakit wala na siyang kasama. Nakatayo lang ako at nakikinig sa kaniyang bawat salita, para na ring nararamdaman ang buong school dahil sa maliliit niyang kwento. Parang niloloko ako ng tadhana. Masaya ako habang nakikinig sa kanilang mga kwento dahil hinihintay pa rin nila ako kahit walang kasiguraduhan. Pero nasasaktan din ako dahil alam kong balang araw ay tuluyan ko silang bibiguin at iiwan.  Sumandal si Lucas sa upuan, mariing tinitingnan ang himbing na himbing sa tulog na si Ana. Walang malay, nakabenda ang ulo at nakasaksak ang kung anu-anong tubo sa katawan. “Dinaan ko rin pala ang donation ng school. Binigay ng mga classmate natin. Inaayos na rin ang resto niyo dahil dumating na ang Tito Craig mo.” Kumislap ang mga mata ko nang marinig ang huli niyang sinabi. Parang gusto ko ulit lumipad katulad ng ginawa namin ni Gabriel kanina habang iniisip na ginagawa na ang resto. Malayong kamag-anak si Tito Craig pero naaalala ko pa ang kaniyang hugis triyanggulong mukha. “Siguro naman ay may dahilan ka na para gumising. Ginagawa na ang resto niyo. May pagkakaabalahan ka na ulit at may rason na para bumangon. Baka kasi ayaw mong gumising dahil alam mong wala ka nang babalikan pa.” Nanatili ang mga mata ko kay Lucas na kumukunot ang noo. “Huwag mo sanang iisiping mawala, Ana. Nasa likod mo kaming lahat habang nagpapagaling ka. Marami kang iniwan kaya marami ka ring babalikan. Kailangan mong magising para may kasama na si Flor. Para may babatiin na ulit ako sa umaga. Para sa resto niyo. Sana maging sapat ang lahat ng ‘yon para malaman mong kailangan mo ulit mabuhay.” Hindi ko alam kung gaano katagal at kalawak ang taimtaim na katahimikang dumipa sa buong kwarto. Tanging ang mahinang ugong lang ng aircon ang naririnig at ang papintig-pintig na ilaw. Tumayo na rin si Lucas, inayos ang bag sa balikat bago nagbigay ng huling ngiti. “Naghihintay kaming lahat sa’yo, Ana,” aniya bago tumalikod at marahang sinarado ang pinto. Naiwan akong mag-isa. Kung ganoon ang iniisip ni Lucas ay hindi ko siya masisisi. Hindi ko pwedeng sabihin na hindi ko naisip ang lahat ng iyon habang naririto ako sa ospital at pagala-gala araw-araw. Alam na alam ko sa loob kong hindi ko pa rin matanggap hanggang ngayon na sa pagkamatay ng buong pamilya ko ay bakit ako lang ang nabuhay.  Sobrang hirap tanggapin. Hindi ko alam kung sino ang kakampi ko sa mundo. O kung may saysay pa ba ako sa mundo. Iyon ang naiisip kong dahilan kung bakit siguro hindi ako magising-gising dahil nakahiwalay man sa sariling katawang tatlong buwan nang natutulog ay alam kong araw-araw rin itong nagdadalamhati at nalulunod sa kalungkutan katulad ko. Kung tutuusin ay mas maswerte ang natutulog na Ana ngayon kaysa sa Ana na nakakulong sa loob ng ospital na minu-minutong inaantay sa araw-araw kung kailan ba siya tuluyang kukuhanin ng liwanag. Bukod sa wala itong malay ay hindi ito naghihintay. Nakakabaliw maghintay sa isang bagay na hindi ka sigurado kung kailan darating. Kung darating nga ba talaga. Hindi ko matanggap ang pagkamatay nina Mama at Papa, nina Adam at Abby pero ang mas masakit pa roon ay hindi ko matanggap na ako lang ang nabuhay. Nagising na lang akong mag-isa at hindi alam ang dahilan kung bakit. Tinalikuran ng mundo at walang kakampi.  Sa mga sinabi ni Lucas ay nabuhayan ako kahit papaano. Inaayos na ang resto at naghihintay si Flor. Gusto kong kumbinsihin ang sarili ko na dapat ay sapat na iyon. Na mayroong kahulugan ang lahat ng buhay. Kailangan kong malaman kung ano ang kahulugan ng buhay para gustuhin ulit mabuhay. Sa sitwasyon ko ngayon ay hindi ko alam kung kakayanin ko ba. Ang tunog ng iilang mga kaluskos ang pumutol sa lahat ng mga iniisip ko. Tumatamang mga bakal at mga kinakapos na hininga. Mas lalo akong naalarma nang marinig ang isang matinis na ingay ngunit hindi sapat para makarating sa loob. Lumabas ako kaagad ng kwarto, sinusundan ang tinis at napaharap sa pinto ng susunod na silid. Walang atubili kong binuksan ang pinto, ang lamig ng seradura ay kumakalat sa kabuuan ng aking pulso. Isang matandang naghihingalo at inaatake ng kombulsyon ang katawan ang naroon sa gitna ng kwarto. Sa bawat taas-baba ng kaniyang namamayat na katawan ay sumasabay rin ang kaniyang mga swero. Nakilala ko kaagad ang pasyente bilang si Lola Aida na ilang araw na ring naka-admit sa dito sa SGH. Mahigit ng sitenta anyos, suki naming supplier ng mga karne noon at isang cancer patient ngayon. Lung cancer. “Lola Aida! Lola Aida!” malakas kong tawag na para bang naririnig ako ng matanda. Lumapit ako kaagad sa kaniyang kama kung saan siya nanginginig at tumitirik ang mga mata. Kahit anong yakap ko sa katawan niya para sana patigilin ang kombulsyon ay hindi ko magawa dahil tumatagos na parang abo ang aking mga kamay. Naiiyak na ako at hindi alam ang gagawin. Kahit anong pindot ko sa pulang button na mag-aalarma sa nurse station ay ayaw gumana. “Gabriel! Tulong! Gabriel!” Kahit na hindi ko alam kung maririnig niya ako ay sumigaw ako. Hilam na hilam ang aking mukha sa luha habang walang magawang pinanonood ang matanda. Pumikit akong mariin at bumulong sa ere. Nang buksan ang mga mata ay buong lakas na pinindot ang button. Napaawang ang aking bibig nang tuluyan na itong umilaw. Wala pang ilang segundo ay tatlong nurse na ang tumatakbo sa mahabang pasilyo papunta sa Room 207. Bawat isa ay may hawak na kung anu-anong aparato. Mabibilis ang kanilang mga galaw sa pagpatak ng segundo. Unti-unting napalitan ang aking takot ng mangha, pinapanood ang mga nurse na tinatagilid si Lola Aida na kalmado na ngayon. “Patient is stable,” deklara ng nurse at napabuntong-hininga nang kay lalim. Isang maginhawang ngiti ang pinakawalan ko pagkatapos pakawalan din ang isang malalim hininga. Pinunasan ko ang mga luhang tumakas at tiningnan na lang ang maliit na katawan ni Lola Aida, payapa na ngayon ang paghinga. Sa hindi malamang dahilan ay manghang-mangha ako sa pagkasalba ang kaniyang buhay marahil ilang minuto lang ay ako ang nag-iisip kung gaano hindi na mahalaga ang akin. Tumataas ang mga balahibo ko habang tinitira ng realisasyong malayo man ay unti-unti kong nakikita. “E ‘di nakita mo kung ano talaga ang halaga ng buhay,” saad ng isang boses sa gilid. Nakita ko si Gabriel na nakasandal sa hambalang ng pinto. Nakahalukipkip ito, nakangisi ng pilyo. Napalunok ako. Umunat ito ng tayo at tumabi sa akin sa harapan ng natutulog na si Lola Aida. Tumagilid ang ulo niya sa matanda. “Kanina ka pa rito? Narinig mo akong tumatawag sa’yo?” “Kanina pa. Hindi ko naman hahayaang mamatay si Lola Aida dahil hindi pa niya oras. Mawawala ang pakpak kong lagi kong nilalabhan. Sayang naman!” Tinuro niya ang likod na wala namang pakpak. Napabuntong hininga ako, binabalik ulit ang tingin sa matanda. “Oh, bakit ka nakasimangot? Dapat nga nakangiti ka kasi may sinalba kang buhay. May bibisitahin pa ang mga apo ni Lola Aida bukas. May oras pa para magpaalam.” Napayuko ako, naaalala na naman ang iniisip kanina. Gustong-gusto ko ng mamatay pero heto naman ako at nagsasalba ng buhay. “Alam mo, Ana, minsan hindi talaga natin naiintindihan ang buhay. Magulo talaga at mahirap. Minsan ay iniisip ko na lang na swertihan ang lahat. Ang tagal ko na ngang naglilibot dito pero hindi ko pa rin gets minsan. Pero may isang bagay akong napapansin sa inyong mga tao.” Napakurap ako kay Gabriel na kumukunot ang noo sa pag-iisip. “Marunong kayong magmahal,” ngisi niya. “Minsan, iyon na lang ang dahilan kung bakit may isang taong pinipilit pang mabuhay. Pag-ibig ang unang regalo sa inyong mga tao kaya siguro iyon din ang nag-iisang bagay na hawak niyo laban sa kamatayan.” Napakurap ako ng isang beses bago nilingon ulit si Lola Aida. Naririnig ko na ang kaniyang bantay na tumatakbo sa pasilyo. Pilit kong hinahanap sa kaniya ang sagot na alam kong ako lang ang makakaalam. “Alas-syete na pala! Showing na ng inaantay ko! Gusto mong sumama?” tanong ni Gabriel habang tinitingnan ang isang itim na relo na biglang yumakap sa kaniyang pulsuhan. Wala na ang pagkaseryoso nito dahil ang ngiting pilyo ay naka-display nanaman. Sa huli, unti-unti akong ngumiti at tumango. Nag-thumbs up si Gabriel sa akin bago umatras at inunat ang likod. Buong akala ko ay lilipad na naman siya sa bilis ng isang lawin ngunit laking gulat ko nang biglang lumiit ang kaniyang mga buto at laman. Tumubo ang mga orange na balahibo sa kaniyang mukha, ang pangil at mga kuko ay humahaba. “Meow!” huni ng isang pusa. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD